"Reyna! Lumabas ka sa lungga mo at harapin mo ako!"
Sigaw na nagpa gulantang sa akin sa seryosong pagsusulat ng isa sa mga pinaka espesyal na love story na sinusulat ko sa kasalukuyan. Isasali ko kasi ito sa isang love story writing contest na pasimuno ng isa sa mga bigatin na tv station sa bansa. Bukod kasi sa malaking premyong matatanggap ay may chance pa na gawing pelikula ang mapipiling kuwento. At siyempre, dahil nga isang sikat na tv station ay malaki rin ang chance na makilala sa buong bansa at maging sa labas ng bansa kung sino man ang writer na magwawagi sa patimpalak.
Imagine, ilalathala sa newspapers at kakalat sa social media ang pangalan ng writer ng nanalo sa contest.
Nakaka excite!
Pakiramdam ko ay naiihi ako sa galak sa tuwing pumapasok sa utak ko na ako ang mananalo.
Kaliwa't-kanan na papuri at pagbati, masigabong palapakpakan habang sinisigaw ang pangalan ko.
Reyna!
Ako nga pala si Reyna. Walang palasyo. Walang korona. Walang hari.
Reyna Dimasalang ang literal na pangalan ko. Edad beinte singko.
Isa akong aspiring online romance writer na nagsusulat sa iba't-ibang platform sa social media. Sa pamamagitan ng pagsusulat ay natutustusan ko naman ang mga pangangailangan ko at maging ng buong pamilya ko. Hindi man masyadong malaki ang kita, ang mahalaga ay may buwan-buwan na sweldo na pambayad sa mga bills.
"Aling Ising, nasaan ang anak mong mahadera? Lumabas siya at patunayan niyang totoo ang mga kinakalat niyang tsismis na buntis ang anak ko!"
Sa narinig ay tamad na tamad akong lumabas ng aking silid para harapin ang sinumang nag-eeskandalo sa labas ng bahay namin.
"Ano ba ang sinasabi mo? Aba! Sonia! Huwag kang magbanggit ng pangalan lalo at wala kang ebidensya sa pambibintang na ang anak ko ang nagkalat na buntis ang anak mo." Pagtatanggol sa akin ng aking Nanay.
Nilihis ko na ang kurtina na tumatabing sa sala kaya mula sa bukas naming pinto ay nakita na ako ng babaeng galit na galit habang hinahanap ako.
Si Aling Sonia, nanay ng dalagang parati kong nakikita na dumadaan dito sa harap bahay namin at laging kasama ang kanyang nobyo. Ngunit napansin kong hindi na masyadong lumalabas nitong mga nakaraang buwan at ng makita ko ay tumaba gayong payat lang ang dalagang 'yun ng huli ko siyang makita.
"Hoy! Reyna! Anong kinakalat mo sa buong barangay na buntis ang anak ko?! Hinahamon kitang patunayan mo ngayon din ang mga sinabi mo!" halos lumuwa na ang mga mata ni Aling Sonia habang galit na galit akong tinanong at dinuro.
"Ano naman ang katunayan niyo na ako ang nagpakalat ng sinasabi niyo? Maglapag kayo ng ebidensya." Kalmado kong hamon kay Aling Sonia na kung nakamamatay lang ang matalas niyang tingin ay kanina pa ako na nag hiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan ko.
Nanlisik lalo ang kanyang mga mata.
"Hindi ko kailangan ng ebidensya para patunayan na ikaw ang nagsabi at nagpakalat na buntis ang anak ko! Sino ba ang madalas mareklamo dahil masyadong pakialamera sa buhay ng may buhay? Hindi ba at ikaw lang naman, Reyna? Reyna na ng mgs tsismosa!" sigaw ni Aling Sonia sa akin.
Umugong ang malakas na bulungan sa paligid. Doon ko lang napansin na maraming tao ang ngayon ay nasa harap ng bahay namin at nakikiusyoso sa kung anong nagaganap.
Mga tsismosa!
"Aling Sonia, kahit makarating tayo sa kataas-taasang hukaman at wala kayong maipakita na ebidensya ay siguradong talo kayo. Kaya nasaan ang ebidensya na kanina ko pa hinihingi?" mataray kong sambit at saka buong tapang na namaywang sa babaeng enkandalosa.
"Pwede ba, Reyna! Huwag ka ng masyadong maraming sinasabi. Alam ng lahat ng mga tagarito kung gaano kahaba at katabil ang dila mo! Kaya hindi ko na kailangan ng sinasabi mong ebidensya para patunayan ang lahat ng mga sinasabi ko!"
Napipikon na ako dahil lalong dumarami ang mga tao sa paligid. May bata, matanda, lalaki at babae.
"Wala ka naman pa lang ebidensya pero ang tapang mong sumugod dito sa bahay namin. Ipabarangay kaya kita dahil tresspassing ka na ay mapanirang puri ka pa!" pagbabanta ko kay Aling Sonia na lumalabas na ang litid sa leeg sa galit.
"At ang kapal talaga ng mukha mo! Ikaw pa ang may lakas ng loob na magreklamo sa barangay gayong ikaw itong madalas tawagin ni kapitan dahil sa ka-tsismosahan mong babae ka!"
"Umuwi ka na, Sonia at masyado ka ng nakakaistorbo. Nagtratrabaho ang anak ko kaya huwag mo siyang istorbohin!" galit na pagtaboy ni Nanay kay Aling Sonia na wala atang balak tumigil.
"At ano naman ang trabaho niyang si Reyna? Ang magsulat ng kuwento? Anong klase ng mga kuwento ang sinusulat niya? Kuwento na walang mapupulot na aral kung hindi pano manira ng buhay ng may buhay? Baka puro tsismis lang rin ang laman ng mga kuwento niyang anak mo, Aling Ising! Tsismis na siya lang ang may gawa dala ng malawak niyang imahinasyon na sa sobrang lawak ay naging gawain niya ng tumahi ng mga mapanirang salita laban sa mga taong nasa paligid niya!"
"Pwede ba, Aling Sonya! Umalis ka na dahil masyado kang eskandalosa!" hindi ko na mapigil ang inis ko.
Laitin ba naman niya ang mga kuwento na gawa ko na para namang nakabasa na siya kahit isang pahina sa mga iyon?
"Hindi ako mag eeskandalo kung wala kang ginawang mali! Anak ko ang siniraan mo kaya hindi ako tatahimik sa isang tabi dahil lang sa sinasabi mong dapat ay may ebidensya akong dala! Wala kang alam sa kung ano ang tunay na kwento ng anak ko. Hindi porke tumaba siya ay buntis na siya gaya ng pinagkalat mo sa ibang tao!" sigaw ulit ni Aling Sonia.
Gusto ko ng pumasok sa loob at iwan na itong mahaderang eskandalosa.
"Aling Sonia, kahit sino naman ang tanungin mo ay magtataka sa biglang paglaki ng katawan ng anak mo. Nagmanas na nga sa sobrang taba." Komento ko.
"May sakit ang anak ko! Hindi na gumagana ang isa sa mga bato niya dahilan kung bakit nagmanas ang buo niyang katawan!"
Umugong na naman ang malakas na bulungan sa naging hayag ni Aling Sonia. Maging ako ay hindi makapaniwala sa narinig na balita.
"Alam mo bang dahil sa ginawan mo siya ng mapanirang kuwento ay lalo siyang nanghina? Lalo siyang nalugmok dahil pakiramdam niya ay pinag-uusapan siya ng lahat ng mga taong nakakakilala sa kanya?!" sambit ni Aling Sonia habang hindi na napigil ang mapaluha.
Hindi na ako kumibo. Anong laban ko gayong totoo naman na sa akin nanggaling ang kuwento na baka buntis ang dalaga niyang anak.
"Sana lang hindi dumating ang araw na maramdaman mo ang nararamdaman ngayon ng anak ko. Alam mo kung bakit? Dahil kapag ang karma bumalik, mas doble ang sakit." Mga iniwang salita ni Aling Sonia bago mabilis na lumisan sa harapan ng bahay namin.