NGITING-NGITI pa si Shea habang papasok ng St. Alexandria Academy. Lalo pang lumawak ang pagkakangiti niya ng makita si Marc Robin. Makakasalubong pa niya ito.
Mabilis na kinuha niya sa bulsa ng palda ang maliit niyang salamin. Palagi iyong nasa bulsa niya in case of emergency. Napangiti siyang lalo ng makita ang maaliwalas na mukha. Ibinalik din agad niya iyon sa bulsa niya bago ubod tamis na nginitian si Marc Robin na malapit na sa kanya.
"Hi, Marc Robin. Good morning!" Masigla pa niyang bati rito. Kiber kung hindi siya nito kilala.
Ngumiti rin naman ito. "Hi, good morning din."
Nang makalampas si Marc Robin ay nilingon pa niya ito at impit na napatili. Kinilig siya sa pagbati rin nito sa kanya. "Hay, ang guwapo mo talaga." Dreamy sigh. Napapikit pa siya.
Nasa ganoon siyang sitwasyon ng may pumisil sa ilong niya.
"Gising."
"Ay itlog!" bulalas niya bago mabilis na nagmulat ng mga mata.
Naningkit ang mata niya ng makita si Eldridge. "Bakit ako gigising, eh, hindi naman ako tulog."
"So ano 'yung nakita ko? Nangangarap ka? Nangangarap ka ng gising?"
Napamaang siya. "H-Hindi 'no! Excuse me." Binunggo pa niya sa braso si Eldridge ng lampasan niya ito.
Nakagat niya ang ibabang labi. Nakita kaya nito kung paano siya magpa-cute sa kaibigan nito? Pero base sa naging reaksiyon nito kanina ay malamang sa malamang na oo. Nahawakan niya ang pisngi ng mag init iyon. Nakakahiya.
"Masyado ba talaga akong obvious kanina?" nasabi pa niya habang binabaybay ang papunta sa room nila. Hindi pa rin siya maka-move on sa nangyari kanina. Kung bakit naman kasi kailangan pang umeksena ni Eldridge?
"Wuy, Shea ano 'yan, ha? Bakit may pa-emote-emote ka pa riyan?" ani Shaira habang nakatayo sa tabi ng pintuan ng classroom nila.
"H-ha? Ah, mukha ba akong nag-e-emote?"
"Hmmm. Tingin ko kasi. May pa-imik-imik ka pa kasi habang naglalakad papunta dito sa room."
Tumawa siya. "A-Ah, 'yon ba? W-Wala 'yon nagme-memorize lang ako kasi nga 'di ba may long quiz tayo mamaya sa Science," palusot niya.
Naitakip nito ang isang kamay sa bibig nito. "Hala. Nakalimutan ko kagabing mag-memorize. Pero teka, paano 'yung napag-usapan natin na gimik mamayang gabi, tuloy ba? May tugtog mamaya ang banda nina Kuya Kim Charles," tukoy nito sa kapatid ni Margaux na may banda.
"Oo nga pala 'no?" nakagat niya ang ibabang labi. "Pasensiya kasi hindi ako makakasama sa inyo ni Margaux sa bar nila."
"Bakit? 'Di ba, napag-usapan na natin 'yon last week pa? Saka alam mo naman na aasahan nina Kuya Kim Charles ang tili natin sa banda niya. Solid fans kaya niya tayo."
Kapag pinapayagan siya ng kanyang ina ay nakakasama siya sa gig ng banda nina Kuya Kim Charles. Pero sa ngayon ay hindi na muna puwede.
"Eh, aalis nga si Mama ngayon pupunta sa Cebu. Walang tao sa bahay namin. Saka bawal na raw akong maglagalag 'pag gabi. Mag-aalala kasi si Mama. Alam mo na, marami ng nari-r**e na babae tapos pinapatay. Ayaw ni Mama na dagdagan ko pa sila. Kahit gusto kong sumama sa inyo hindi naman ako puwede. Kaya pasensiya na. Nag-iingat lang din."
Fiftieth years anniversary kasi ng kanyang Lolo at Lola, na siyang mga magulang ng Mama niya na nakabase naman sa Cebu. Nag-iisa siyang anak. Kahit na lumaki siyang walang kinilalang ama dahil anak lang siya sa pagkadalaga ay naitaguyod naman siya ng maayos ng kanyang ina. Teacher ito sa isang public school at ni minsan ay hindi nagkulang sa kanya. Hindi na rin ito nagtangka pang mag-asawa kahit ayos lang sa kanya. Sapat na raw siya sa buhay nito. Well, hindi naman siya tutol kung may mapusuan ang kanyang Mama Isabel.
"Hindi ba puwedeng ikandado na lang 'yung buong bahay ninyo pag-alis natin mamayang gabi?"
Umiling siya ng marahan. "Hindi puwede, eh. Pagagalitan talaga ako ng mahal kong ina. Nakapangako pati ako sa kanya."
"Huwag mo na lang kayang sabihin?" pamimilit pa rin nito.
Umiling pa rin siya. "Hindi talaga puwede. Mawawalan ako ng one month allowance. At ayoko ring magsinungaling."
"Hmp. Ewan ko sa iyo. Kami na lang dalawa ni Margaux."
Tinampal niya ito sa braso. "Pansin ko lang Shaira na mukhang hindi ka aware sa mga nababalita sa TV tungkol sa mga r**e na 'yan tapos pinapatay tapos itatapon sa ilog, palayan o talahiban. Umamin ka nga. Hindi ka nanonood ng balita sa gabi 'no?" akusa niya rito.
Napalabi ito. "Hindi nga. Eh, paano kasi palaging sa sports nakalagay gawa ni Kuya na adik sa sports."
"Asus ang sabihin mo palaging nasa f*******: ang mata mo!"
Tumawa ito. "Hindi ako tatanggi."
"Sinasabi ko na nga ba. Hmm, sabihan mo 'yang kuya mo na manood ng balita at baka mamaya ay ikaw na ang nasa balita hindi pa nila alam."
Mabilis na kinatok ni Shaira ang arm chair nito ng tatlong beses. “Knock knock on the wood,” mabilis na sabi ni Shaira. “You’re so mean, Shea.”
Nag-peace sign siya habang natatawa.
"A WHOLE new world. If I could wish for my life to be. Perfect it would be tempting... But I would have to decline for life would no.... A whole new world. No longer teach me anything. There are two ways of spending. Light to be. The candle or the mirror that receive it...."
Mahinang kanta ni Shea habang nakatingin sa wall sa itaas ng white board.
"Ano ba 'yang kanta mo, Shea, mali ang lyrics," komento pa ni Margaux na nasa kalapit niyang bangko.
"Tama naman, ah?"
"Mali nga, eh. 'Di ba, Shaira, mali 'yung lyrics ni Shea," baling nito kay Shaira na abala sa paglalagay ng nail polish sa kuko nito.
Hinipan ni Shaira ang kuko nito. "Yup."
"Ah, basta tama 'yon," giit niya. Ang tono kasi ng kanta niya ay sa kantang 'A Whole New World'. Pero ang ginamit niya na lyrics ay ang quotation na nasa wall sa itaas ng white board nila.
"Tingnan niyo girls, ang HNC. Oh, my gulay!" impit na wika ni Margaux na biglang nag-alumpihit sa kinauupuan.
Napatingin si Shea sa labas ng classroom. Napalunok siya. "Si Marc Robin," anas niya.
"Ang SDG talaga ni Eldridge!"
SDG means Super Duper Guwapo. Term nila iyong tatlo kapag may nakikitang guwapo. Silang tatlo lang ang nakakaalam ng meaning niyon para hindi obvious sa pinagsasabihan.
"Super! And Chandler too!
"And Janus three!"
"And Marc Robin four," halos anas lang niya.
"Janus ang fuge mo!" palirit ng bakla nilang classmate. "Kakaloka talaga kayo mga papa lecious!"
Napatawa siya. Ganoon talaga ang epekto ng HNC sa lahat ng student ng SAA.
Nabura lang ang ngiti niya sa labi ng makita si Claudel na pakembot-kembot pa ng lumabas ng classroom nila. Syempre pa papunta kina Marc Robin.
"Ang arte talaga ng Claudel na 'yon. Hmp, feeling super ganda por que boyfriend ang isa sa HNC," litanya ni Shaira.
"Correct. Naku tawa ko na lang kapag nag break sila ni Robin," segunda ni Margaux.
"Tawa ko rin," aniya na ibinalik ang tingin sa kinaroroonan nina Marc Robin ng biglang magtama naman ang tingin nila ni Eldridge. Hindi niya alam kung bakit siya biglang kinabahan na naman ng dahil dito. Napayuko tuloy siya. Sabay lunok ng sunod-sunod.
Bakit kailangan kong kabahan ng ganito?
Napatingin siya sa kanyang palad na nanlalamig pa. Bakit ganoon ang pakiramdam niya ng dahil lang nagkatinginan sila ni Eldridge?
Hindi na lang siya tumingin pang muli sa labas. Inabala na lang niya ang sarili sa pagbubuklat ng notes niya. Science na kasi ang susunod nilang subject at may long quiz pa sila roon. Habang sina Shaira at Margoux naman ay nakatingin pa rin sa mga ito.
"Matunaw 'yang mga 'yan," biro niya sa dalawa.
Tumawa lang ang mga ito.
"Ang guwapo talaga ni Eldridge. Alam mo Dara kapag ako ang niligawan niyan, hindi pa man 'yan nagsasalita naku sasagutin ko na agad," nangangarap na sabi ni Harmony kay Dara.
Napairap tuloy si Shea. "Asa." Bigla siyang nainis sa narinig.
"Hoy, Shea Megara, hindi ka ba talaga sasama sa amin ni Shaira mamayang gabi?" tanong ni Margaux sa kanya.
"Uh-huh."
"Kainis ka."
"Oo alam ko. Mag-review na nga kayo para may maisagot kayo sa quiz mamaya."