“PAMBIHIRA NAMAN dito sa kusina. Ang daming puweding maubos bakit mantika pa?" inis na sabi ni Shea.
Magluluto sana siya ng corned beef para sa hapunan niya pero wala naman siyang makitang stock ng mantika sa kusina. Naubos na.
"Hay. Sa kabilang kanto pa ako makakabili." Doon kasi ang pinakamalapit na tindahan sa bahay nila.
Mag-aala-syete na ng gabi. Tinapos pa kasi niya ang assignment kaya ngayon lang niya naasikaso ang kanyang hapunan.
Pumunta siya sa kanyang silid para kumuha ng pera na pambili ng mantika. Pagkuwa'y mabilis na rin siyang lumabas ng bahay. Medyo may kalayuan din ang tindahan sa bahay nila. Kahit puro bahay sa lugar nila naroon pa rin 'yung pangamba niya dahil baka bigla na lang may mang higit sa kanya.
"Lord, gabayan niyo po ako hanggang sa makauwi ako sa bahay," taimtim pa niyang dalangin.
Binilisan na lang niya ang paglalakad.
"Gabi na pero naglalakwatsa ka pa rin."
That voice na nagpatayo sa balahibo niya. Parang pamilyar ang boses nito. Huminto siya sa paglalakad tapos slow motion na lumingon.
Nakahinga siya ng maluwag kapag kuwan. Kaya pala pamilyar ang naturang boses dahil si Eldridge ang nagsalita. Umismid siya ng makabawi.
"FYI, hindi ako naglalakwatsa. Papunta ako sa tindahan dahil may bibilhin ako."
Muli siyang lumingon sa likuran niya para tingnan si Eldridge. Naka- walking short ito na kulay black at t-shirt na kulay black din. Dahilan para lalo itong pumuti at maging SDG sa paningin niya. Naipilig niya ang ulo.
"Ng wala kang kasama?" nagsalubong tuloy ang kilay nito.
Concerned ba siya? Asa naman!
Nagsimula na uli siyang maglakad. "Bakit ikaw, saan ka pupunta at nasa labas ka pa rin?"
"May pinuntahan ako. Pauwi na nga ako sa amin," sumipol-sipol pa ito habang naglalakad.
Sa taas niyang 5'7 ay nagmukha pa rin siyang little sister nito dahil six footer ito. Ganoon ito katangkad.
"Talaga lang, ha? Pauwi ka na ng lagay na 'yan sa bahay ninyo? Sa pagkakaalam ko kasi hindi ito ang daan papunta sa bahay niyo," pambabara niya rito habang pasulyap-sulyap dito.
"So?" gaya nito sa sinabi niya kanina. "Ano nga pala ang bibilhin mo at ginabi ka na sa pagbili? Hindi ka ba aware sa mga nababalita na nari-r**e at pinapatay? Naglipana pa naman ngayon ang mga d**g addict dito sa Pilipinas."
Pinagsalikop niya ang kanyang palad bago ito sinagot. "Aware na aware sobra. Eh, ano'ng magagawa ko wala ng mantika sa bahay. Paano ako kakain kung walang lutong ulam?" Bago pa ito makapagsalita ay muli niyang inunahan. "Teka nga, kung pauwi kana sa inyo bakit hindi ka pa umuwi?"
"Sasamahan kita sa tindahan na pupuntahan mo," kaswal nitong sabi.
Sandali siyang natigilan sa sinabi nito. "B-Bakit? Bibili ka rin ba ng langis?"
"Joke ba 'yon?" Napangiti pa ito.
"Malamang," mataray niyang tugon. "Bakit mo naman ako sasamahan?" pangungulit pa niya. "Must explain."
"Wala akong dapat na ipaliwanag, Miss Shea Megara. Just be thankful dahil may kagaya ko pa na nagmamagandang loob sa iyo."
Sa sulok ng kanyang labi ay hindi niya napigilan ang pagsilay ng munting ngiti."Eh, 'di salamat," aniya. Nang may maalala ay tumigil siya sa paglalakad at nakahalukipkip pa ng tingnan si Eldridge. "Nakalimutan kong itanong. Bakit alam mo 'yung pangalan ko? Umamin ka nga stalker ba kita?" Ang kapal naman ng mukha ko para itanong yon, natawa siya sa naisip "Joke lang." bawi rin niya. Wala naman sa hilatsa ng guwapong mukha nito na mang-stalk ito sa isang babae, lalo na sa isang katulad niya.
"Naririnig ko lang," sagot pa rin nito.
"Wow, huh. Such a compliment sa isang katulad ko para matandaan mo. Alam mo na, ako lang ito at ikaw 'yan, ang HNC ng SAA." Nagpatuloy siyang muli sa paglalakad.
Hindi sumagot si Eldridge kaya mahabang katahimikan ang sumunod.
"Wala ka bang kasama sa bahay ninyo para bumili ng mantika? Or maid?" mayamaya ay muling tanong ni Eldridge.
Ano kami mayaman para magkaroon ng katulong? Loko ito, ah.
"Alam mo, Mr. Eldridge Hedalgo, hindi kami mayaman para magkaroon ng katulong. Hindi katulad mo na maraming maid sa bahay."
"Sorry," anito na nakangiti.
Nang makarating sila sa tindahan ay bumili kaagad siya ng isang bote ng mantika. Kasama pa rin niya si Eldridge hanggang sa pag-uwi niya.
"Hay, naku. Magkakaroon pa ako ng utang na loob sa iyo."
"Malait na bagay. Nagmagandang loob lang naman ako na samahan ka para hindi ka mapaano sa daan. Mahirap na dahil gabi."
Sinamahan siya nito dahil ayaw siya nitong mapahamak, iyon ang pilit niyang isiniksik sa isip niya at hindi kung ano pa mang dahilan. Tiningala niya ito. "Salamat," aniya kapag kuwan. "Ilang taon ka na nga pala?"
"Eighteen. Ikaw?"
So, two years pala ang age gap namin. "Sixteen."
Nagpatuloy sila sa tahimik na paglalakad. Dahil hindi nakatiis na tahimik lang kaya nagsalita uli siya.
"Close ba tayo at nakikipag-usap ka sa akin? "
Nagkibit balikat ito. "Malay ko sa iyo."
Feeling tuloy niya ay may iba pang meaning ang sinabi nito. Napangiti tuloy siya. Ngayon lang siya may nakakuwentuhang lalaki na hindi naman niya matatawag na kaibigan.
"Dito na ang sa amin. Salamat sa pagsama. Siguro ipinadala ka ni Lord para i-guide ako papuntang tindahan hanggang sa makabalik dito sa bahay. Thank you."
"You're welcome. Next time don't go alone."
Pumasok na siya sa gate ng bahay nila. "Okay. Ingat ka na lang sa pag-uwi mo sa inyo. Salamat uli sa pagsama sa kanto. Bye!"
He just smile. "Pumasok ka na sa bahay niyo." Tinanaw pa nito ang bahay nila. "May kasama ka ba sa loob?"
Umiling siya. "Wala nga, eh. Umalis kasi si Mama, pumuntang Cebu."
"Ganoon ba? Kung wala ka palang kasama sa loob i-lock mo muna itong gate bago ka pumasok."
Napangiti siya bago ginawa ang sinabi nito. Nang mag-angat uli siya ng mukha para tingnan si Eldridge na nakapamulsa habang nakatayo sa harap ng gate nila ay muling nagtama ang mga mata nila.
Katulad kanina sa classroom nila bigla na namang kumabog ang kanyang dibdib.
"Ah, s-sige, Eldridge, pasok na ako sa loob. Bye," paalam niya bago nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay.
Agad niyang ini-lock ang pinto ng makapasok. Pagkuwa'y napasandal sa pintuan. Kumakabog pa rin ang dibdib niya.
Anyare?
NAIILING na nangigiti na umalis sa harap ng bahay nina Shea si Eldridge nang masigurong nakapasok na ang dalaga sa loob ng bahay ng mga ito.
Bumalik na siya sa kanyang kotse na nakaparada sa hindi kalayuan.
Palampas na sana siya sa street na iyon kanina ng makita naman niya si Shea na lumabas ng gate at solo lang na naglalakad sa kalye.
Parang may nag-udyok sa kanya na sundan ito. Kaya naman mabilis siyang bumaba kanina ng kotse at sinundan ito. Bibili lang pala ito ng mantika.
On the other side kasi nag-aalala rin siya para sa kapakanan nito. Uso pa naman ngayon ang mga r****t at sa tipo ni Shea maraming manyak na hindi ito palalampasin.
Napangiti uli siya. After a few seconds ay pinaandar na rin niya ang kotse pauwi sa bahay nila.
Nang makarating naman sa kanilang bahay ay sinalubong agad siya ng kawaksi.
"Señorito Eldridge, handa na po ang dinner at kayo na lang po ang hinihintay sa komedor."
"Okay. Susunod na ho ako."
"CRUSH mo si Marc Robin?" Hindi makapaniwalang bulalas ni Shaira nang aminin ni Shea rito kung sino ang crush niya sa HNC ng mangulit ito sa kanya.
Papunta silang dalawa sa cafeteria para bumili ng pagkain ng mga oras na iyon.
"'Wag mo namang laksan ang boses mo. Baka may makarinig," saway pa niya rito.
"OMG, Shea. Kapraning ka bakit kay Marc Robin ka pa nagkaroon ng crush? May girlfriend na 'yon, eh."
"What?! May crush ka kay Marc Robin?"
Sabay pa silang napalingon ni Shaira sa likuran nila. Gilalas sila ng makita si Dara, ang bestfriend ni Claudel. Nanigas tuloy ang pakiramdam niya.
Patay!
Napatingin siya kay Shaira na napatakip sa bibig ang kamay. Kagaya niya ay shock din ito na makita si Dara at marinig ang pinag-uusapan nilang dalawa.
"Kaya pala kung makatitig ka kay Marc Robin ibang level. Kasi crush mo siya," ngumisi ito ng nakakaloko. "Makakarating ito kay Claudel." Nagmamadaling bumalik si Dara sa room nila.
Naiwan siyang tulala. Hindi iyon puwedeng malaman ni Claudel dahil tiyak na gera ang mangyayari.
"Sabi ko naman sa iyo, Shaira, na 'wag kang maingay, eh. Ano'ng gagawin ko ngayon?"
"S-Shea, I'm sorry. Hindi ko naman alam na nasa likuran natin si Dara. Pasensiya na talaga. Nagulat lang naman ako sa nalaman ko sa iyo, eh. Ang dami namang iba bakit kasi siya pa?"
Nanlalambot na napatingala siya sa kalangitan. "Hindi naman ako galit sa iyo, Shaira. Ang kaso for sure alam na 'yon ngayon ni Claudel. Ano’ng gagawin ko ngayon? Napaka-war freak pa naman ng babaeng iyon."
"Kung puwede ko lang ibalik ang oras sana bumulong na lang ako. Alam ba ito ni Margaux?"
"Oo," matipid niyang tugon. Kinagat niya ang kanyang ibabang labi. "Nakakainis."
"Sorry. Hindi ko talaga alam."
Ngumiti siya kahit sobrang hindi okay ang pakiramdam niya. "Nakakahiya baka malaman din ni Marc Robin na crush ko siya." Kung siya lang ang masusunod ay ayaw niyang may ibang makakaalam. Mas gusto niya na sinasarili lang niya. Pero ewan ba niya at naging open siya masyado kay Shaira ng mangulit ito tungkol sa kung sino ang type niya sa magkakaibigang Eldridge.
"Para mabawasan 'yang tampo mo sa akin treat kita sa cafeteria. Ako na lang ang magbabayad ng bibilhin mo, promise."
Umiling siya nang balingan ito. That won't help.
"Hindi naman ako nagpapalibre. At sinabi ko rin kanina na hindi ako galit sa iyo. Nangyari na wala na tayong magagawa." Kailangan niyang harapin ang kung ano mang consequence ng nangyari.
"Sure ka, ha. Baka mamaya niyan may lihim ka ng galit sa akin," nananantiya pa nitong sabi.
"Ano ka ba. Hindi ako mahilig magtanim ng sama ng loob. Tara na sa cafeteria. Bahala na si Monkey De Luffy."
Pagpasok pa lang nila sa cafeteria ay agaw pansin na agad ang HNC sa 'di kalayuan. Nagtatawanan ang mga ito.
"Ayie, ayon ang crush mo, oh," kinulbit pa siya ni Shaira sa tagiliran niya.
"Sshhh!" kalma lang niyang sabi pero ang totoo ay parang ayaw na niyang pumasok pa sa loob ng cafeteria.
Habang palapit sila ni Shaira sa unahan ng cafeteria ay napasulyap siya sa grupo ng HNC. Pagkatingin niya kay Marc Robin ay napadako naman ang tingin niya kay Eldridge na kalapit lang nito. Sakto namang napatingin din ito. Ngumiti pa ito sa kanya.
"Okay na ba 'yang nabili mo, Shea?"
Mabilis siyang nagbawi ng tingin at nagbaling kay Shaira. Napalunok pa siya. "Ah. Oo tama na itong sandwich at juice," tukoy niya sa hawak niya.
"Okay, tara na sa room."
Sumulyap uli siya sa table nina Eldridge bago sila tuluyang lumabas ni Shaira sa cafeteria.