Dumaan lang ang mga araw na tulala si Scylla. Hindi na niya maalala kung paano siya nadala sa ospital nang gabing pumasok ang anghel sa penthouse. Nagising siya sa female ward at nag-iisa. Una niyang hinanap si Ezrah pero siya lang diumano ang isinugod sa ospital. Nagmakaawa siyang puntahan ang penthouse dahil naroroon si Ezrah pero walang nakita ang mga ito.
Ilang araw pa bago may dumalaw sa kanya sa ospital—sina Emong, Neneng, at Biboy.
“Nabalitaan namin ang nangyari. Pinasok daw kayo ng masasamang loob,” ani Neneng.
Mapait ang ngiting gumuhit sa labi niya. Pinasok sila ng masasamang loob? Iyon ba ang lumabas sa imbestigasyon? Sana nga iyon na lang ang nangyari dahil baka nagawa pang makapanlaban ni Ezrah.
Napakasakit sa dibdib. Wala silang kalaban-laban. Sinusubukang magpakatao ni Ezrah at mamuhay nang normal sa piling niya.
Tinalikuran nito ang pagiging diablo para lang ibigin siya.
Napahagulhol siya. Ang sakit sa dibdib niya ay tila punyal na paulit-ulit na bumabaon. Miss na miss na niya si Ezrah.
“Gusto ko nang lumabas dito. Ayoko na rito. Mababaliw ako,” iyak niya.
Tumango si Emong. Inayos nito ang bill at mga kakailanganin para ma-discharge na siya. Pagkalabas niya ng ospital ay dumerecho siya sa penthouse. Wala roon si Ezrah at wala siyang makitang palatandaan na buhay pa ito.
Hindi naman ito tao kaya baka naging abo na lang ang katawan nito. Gulung-gulo siya at may isang bahagi ng puso niya ang nagsasabing buhay pa ito kahit na nakita mismo ng mga mata niya kung paanong bumaon sa dibdib nito ang espada ng anghel.
Bumalik siya sa grupo nina Emong dahil hindi niya kakayaning manatili pa sa penthouse. May mga araw pa ring nakatitig lang siya sa kawalan at kinakausap ang hangin, nagbabakasakaling makarating kay Ezrah ang pagtatangis niya. Kung minsan ay natatagpuan niya ang sariling naglalakad kahit wala siyang tiyak na patutunguhan. Umaasa siyang dadalhin siya ng mga paa sa lugar kung saan naroroon ang mahal niya. Hinahanap niya pa rin ito kahit saan. Kahit tila wala nang pag-asa.
Nababaliw na siya kakaisip kay Ezrah.
Nang araw na iyon ay plano na naman niyang maglakad sa abot ng makakaya niya pero pinigilan siya ni Neneng.
“Saan ka na naman pupunta, Scylla? Hinahanap mo na naman siya?”
“Oo. Alam ko, magkikita ulit kami,” basag ang boses niyang sabi.
“Hindi na siya babalik, Scylla. Ikaw na rin ang nagsabi na nakita nang dalawa mong mga mata ang pagkamatay niya. Sana magising ka na.”
“Magising saan? Sa bangungot na ito? Sana nga! Sana nga magising na ako at sa paggising ko ay nasa piling ko na ulit si Ezrah!”
Niyugyog siya sa magkabilang balikat ni Neneng. “Tanggapin mo nang wala na si Ezrah! Dahil kung buhay pa siya ay matagal ka na niyang pinuntahan dito!”
Marahas siyang umiling. “Baka hindi niya ako mahanap, baka kailangan kong bumalik sa penthouse baka—”
Malakas na sampal ang dumapo sa kanang pisngi niya. Nanlalaki ang mga matang napatitig siya kay Neneng.
“Patay na si Ezrah!” Pagkasabi niyon ay iniwan na siya nito.
Pasalampak siyang bumagsak sa sahig, humahagulhol. Parang tuksong nagbalik sa isipan niya ang lahat ng mga alaala nila ni Ezrah at napakasakit niyon. Mas mamarapatin pa niyang mapunit na lang ang kanyang dibdib kaysa walang ampat sa pag-agos ang mga imahe ng kanilang pinagsamahan.
KALAHATING TAON din ang lumipas bago niya nagawang aminin sa sariling hinding-hindi na niya makikita pa si Ezrah. Binalikan niya ang mga lugar na madalas nilang puntahan noon at nag-iiwan siya ng mga puting talulot ng rosas.
Nagsisikip pa rin ang dibdib niya. Alam niyang wala na siyang pag-aalayan ng puso niya. Baka hindi na niya magawang umibig pang muli sa buhay niyang ito. Kung mamamatay siya at muling mabubuhay, hiling niya’y pagtagpuin sanang muli ang mga landas nila ni Ezrah.
Oo at hindi ito tao pero wagas at dalisay ang pag-ibig na ipinadama nito sa kanya.
Kung hindi ito pumanaw, siguro ay masaya pa rin sila ngayon. Tiyak na nagseselos pa rin ito sa mga taong napapalapit sa kanya.
She smiled bitterly. Huli niyang binisita ang penthouse. Kung paano niya iyon iniwan ay ganoon pa rin iyon ngayon. She cried silently inside their bedroom and placed a stem of white rose on the bed. “Mahal na mahal pa rin kita, Ezrah…” Natutop niya ang dibdib dahil kumikirot iyon. Mabilis na siyang lumabas at nagpasyang umuwi na.
Habang naglalakad ay samut saring bagay ang naiisip niya. Katulad nang kung ano na kaya ang nangyari sa mga anghel. Kung kailan kaya muling aatake ang mga demonyo. Pero hindi na siya natatakot. Ano pa ba ang mawawala sa kanya?
Pagdating niya ng bahay ay nagkulong kaagad siya sa loob ng kuwarto. Hindi pa rin siya palakibo. Nagsasalita lang siya kapag kinakausap siya. Nahiga siya sa kama. Pero biglang bumilis ang pagtibok ng puso niya. Pakiramdam din niya ay may mga matang nakatitig sa kanya.
Bumalikwas siya ng bangon at lumingap sa paligid. Wala namang tao. Kinabahan siya. Muli siyang nahiga at ipinikit ang mga mata pero tila may aninong dumaan sa paanan ng kama kaya muli siyang napaupo. Bumangon siya at lumapit sa pintuan, sumilip sa labas. Wala namang tao.
Lumingon siya sa kama para lang mapasinghap.
Ang mga iniwan niyang talulot ng rosas. Nasa kama na niya ang mga iyon kasama na pati ang isang tangkay ng rosas. Pero ang higit na ikinagulat niya ay ang kulay niyon. Hindi na puti ang rosas. Ang kulay niyon ngayon ay…
Itim.