THE LADY MAFIA BOSS
By: JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 3
“Anong nangyari sa’yo?”
Hindi sumagot ang Nanay niya.
“Anak mo ba ‘to?”
Tumango si Tally. Hindi niya alam kung paano sila lalayong mag-ina roon. Nahihiya siya. Hindi ito ang gusto niyang makita ni Jake na Tally.
“Mauna na kami. Salamat na lang ha?” Kinuha ni Tally ang kamay ni Mia. Hindi na niya matagalan pang manatili silang mag-ina roon. Para siyang sorbetes na natutunaw sa gitna ng matinding sikat ng araw.
“Tally, please. Sandali lang.” hinawakan ni Jake ang kamay ni Tally.
Huminto si Tally. Bigla na lang siyang naluha. Kung may galit sa kanilang dalawa, si Jake dapat iyon at hindi siya. Karapatan pa rin ni Jake na malaman ang totoong nangyari pagkatapos ng sampung taon na basta na lang hindi sila nagkita.
“Baka naman kahit sandali lang, makapag-usap tayo?”
“Bakit pa? Di ba dapat galit ka sa akin ngayon?”
“Please, Tally. Sabihin mo sa akin kung anong nangyari?”
“Napakatagal na no’n, Jake. Dapat kinakalimutan na natin ang nakaraan.”
“Gusto ko pero paano kung hindi ko alam kung anong nangyari. Wala man lang tayong closure. Sagutin mo lang ang tanong ko, Tally. Anong nangyari?”
Bumuntong-hininga si Tally. Tinignan niya ang anak niyang nakatingin pa rin sa hawak ni Jake. Alam niyang gutum na gutom na ang anak niya at matagal ng gusto ng anak niyang makakain ng ganoon. Tuwing hapon, hinihiling ng bata n asana makakain sila doon. Na sana maibili siya kahit minsan. Isa pa, tama yung sinabi ni Jake sa kanya. Kailangan nilang magkaroon ng closure.
“Okey, sige mag-usap tayo.”
“Tara, doon na lang tayo sa loob ng school nina Liam. May park na maliit doon habang kinakain ng mga bata ang binili ko.”
“Sige,” sagot ni Tally na siyang ikinatuwa ni Mia.
“Liam anak. Samahan mo si Mia ha? Kainin na muna ninyo ito doon. May pag-uusapan lang kami ng Nanay niya.”
“Magkakilala kayo Dad?”
“Oo anak. Kaklase ko siya dati.” Totoo naman iyon. Magkaklase rin naman sila dati.
“Sige, Dad. Halika Mia, doon na lang tayo kakain.”
Nang nakalayo ang mga bata sa kanila ay umupo si Tally. Hindi niya alam kung paano niya simulang ipaliliwanag ang lahat.
“Anong nangyari? Basta na lang bigla kang nawala.” Pamamasag ni Jake sa katahimikan.
“Hindi ako ang nawala Jake. Iniwan mo ako. Nang nag-aral ka sa Baguio, hindi ka na nagparamdaman pa. Nakalimutan mong may girlfriend kang iniwan dito.”
“Paanong hindi ako nagparamdam sa’yo? Nagpapadala ako lagi ng sulat. Ikaw ang hindi sumasagot.”
“Wala akong natatanggap na sulat mula sa’yo.”
“Wala? Paanong wala. Halos weekly kung magpadala ako sa post office.”
“Bakit ko naman itatanggi kung meron talaga?”
“Ibig sabihin hindi ibinigay nina Mama sa’yo ang mga liham ko sa’yo noon?”
Umiling lang si Tally. “Huwag na lang natin balikan iyon. Nangyari na. May sari-sarili na rin naman tayong pamilya. Wala nang mababago pa.”
“Tama nga naman. Wala na tayong magagawa. Wala na tayong mababago pa. Pero gusto ko lang ng katahimikan. Yung wala nang mga tanong pa sa isip ko.” Huminga ito ng malalim. “Tally, paano kayo nagkakilala ng asawa mo?”
“Dahil hindi ako nakapag-aral. Nangatulong ako. Isinama ako ng amo kong Koreano sa Santa Ana, Cagayan. Doon ko nakilala ang naging asawa ko.” pinaikli niyang kuwento.
“Santa Ana? Hindi bas a Cagayan ‘yon?”
“Oo.”
“Ang layo naman. Kaya pala hindi kita nahanap. Magkasama ba kayo ngayon?”
“Hindi. Hindi pa.”
“Nasaan siya? Nag-abroad? Nagtatrabaho sa malayo?”
“Hindi ko alam.”
“Paanong hindi mo alam? Hiwalay na kayo?”
“Umalis siya para buhayin kami pero tatlong buwan na, wala pa rin akong balita sa kanya. Ikaw, kumusta ka? Ilan na ang anak mo?” Gusto niyang baguhin ang takbo ng kanilang usapan.
“Dalawa. Maayos naman si Misis. May trabaho rin kagaya ko.”
“Masaya akong makita ka na maayos pa rin ang buhay.”
“Nalulungkot ako na ganyan ang nakita kong ayos mo ngayon. Kung may maitutulong ako, magsabi ka lang. Tutulong ako sa abot ng aking makakaya.”
“Okey lang kaming mag-ina. Huwag mo kaming aalahanin.” Nangingilid ang luha ni Tally. Kung masabi lang sana niya ang hirap na pinagdadaanan nilang mag-ina ngayon ay sasabihin niya. Ngunit hindi, pamilyadong tao na ang ex niya. Kung hindi na magpapakita pa ang asawa niyang si Dindo. Ipagpapatuloy niyang igapang ang anak sa kanyang pag-aaral. Hinding-hindi siya hihingi ng tulong sa ex niya. Hangga’t kaya niya, bubuhayin niya ang anak bilang respeto na rin sa kanyang asawa.
“Sa wakas, matatahimik na rin ako. Tama ka, hindi na nga dapat pang pag-usapan ang nakaraan dahil tapos na. May kanya-kanya na tayong pamilya. Hangad ko na sana mabuo rin ang pamilya mo.” Hinawakan ni Jake ang balikat ni Tally. Bigla na lang niyang niyakap ito nang mahigpit. Awang-awa siya sa hitsura ni Tally. Hindi na kasi ito yung dating maganda at seksi na babaeng minahal niya. Tumanda ito ng ilang taon. Bakas sa suot nitong lumang damit at hindi maayos na buhok ang hirap na pinagdadaanan nito. Ayaw niyang isatinig ang awa na nararamdaman niya ngunit sana sapat na ang yakap niya para ipadama na naroon pa rin siya, hindi man bilang isang dating minamahal kundi isang kaibigan na handang dumamay.
***********
Sa mga sandaling iyon. Habang nakayakap si Jake kay Tally ay naroon si Dindo. Nasasaktan sa kanyang nakikita. Alam niya ang tungkol kay Jake. Nakita na niya ito noon sa litratong sinunog ni Tally bago siya nito sagutin. Kung hinayaan na lang niya si Tally kay Jake noon, sana magaan ang buhay ngayon ng kanyang mahal at hindi sana sila nagkaroon ng anak na nadamay sa kanilang paghihirap.
Grade six lang ang natapos niya kaya hirap siyang makahanap ng matinong trabaho. Wala rin siyang maipakitang requirements dahil wala naman siyang perang pangkuha mga clearances na hinihingi sa kanya. Ilang buwan na rin siyang halos walang makain. Natutulog sa mga kalye at minsan pinapalayas pa siya. Binabato. Napagkakamalang baliw. Naging taong grasa siya dahil walang nagtitiwala sa kanya sa mga inaaplayan niyang trabaho. Tinitiis niya ang anak. Madalas niya itong binabantayan, lingid na minamatyagan. Umiiyak siya sa malayo kapag nakikita niya ang anak na tumitingin sa mga kaklase nitong kumakain at ito ay napapalunok lang sa inggit. Hindi man lang niya ito maabutan ng kahit magkano. Nahihiya siya. Hindi niya kayang harapin ang anak at asawa sa ganoong kalagayan niya. Kung malaman ito ng mga kamag-anak ng kanyang asawa, paniguradong sasabihin ng mga ito na tama sila sa kanilang mga sinasabi at ayaw niyang mangyari iyon. Hindi siya papayag na hanggang ganoon na lang siya. Ayaw niyang babalik na talunan.
Kaninang halos mabangga si Mia, hindi niya alam kung paano niya ito maililigtas. Mabuti at may batang sumagip sa buhay ni Mia. Hindi niya sana mapapatawad ang sarili kung sakaling may nangyaring masama dito. HUminga siya ng malalim. Pinunasan niya ang kanyang mga luha. Tama na ang lahat ng pagtitiis. Hindi na niya kayang tanawin ang kanyang mag-ina sa malayuan. Gusto na niya silang makasama. Gusto na niyang makapiling.
Hindi naman niya talaga masisisi ang mga pinag-applayan niya kung di siya tinatanggap. Sa ayos niya ngayon, malabong may tatanggap at magtitiwala pa sa kanya maliban sa isa na matagal na siyang nilalapitan. Siya ang kinakausap ilang buwan na ang nakakaraan. Alam niyang mali iyon. Hindi Hindi ligtas ngunit ngayon na kumakalam ang kanyang sikmura at nakikita niya ang mag-ina niya sa ganoong kahirapan, parang kaya na niyang ibenta ang kanyang kaluluwa, mabigyan lang niya ang asawa ng maayos at magaan na buhay. Iyon lang naman ang hinihingi ng kanyang asawa. Iyon ang dahilan kug bakit sila lumuwas at iniwan ang mas maayos at tahimik na buhay nila sa Palaui. Bago tumalikod si Dindo ay nakapagpasya na siya. Hindi na niya hihintaying pamilya niya ang mawala sa kanya.
“Gusto ba ninyong ihatid na lang namin kayo?” tanong ni Jake nang nakatayo na silang pareho.
“Huwag na, baka naghihintay na ang misis mo.”
“Sige. Salamat sa pagkakataong ibinigay mo para malinawan yung dating sa atin.”
“Salamat din sa pagpapatawad. Salamat sa pagkain ni Mia”
“Wala ‘yon. Paano? Tuloy na kami.”
Tumango si Tally.
“Liam, anak! Tara na. Magpaalam ka na kay Mia.”
“Nandiyan na po, Dad.”
Lumapit na rin si Mia kay Tally. Pinunasan ni Tally ang bibig ng anak na puno pa ng sauce ng spaghetti. Kumaway ang mag-ina sa mag-ama na noon ay nakasakay na sa magara nilang sasakyan.
“Nabusog ka ba anak?”
“Opo. Sobrang sarap talaga ng chicken joy at saka spaghetti Nay.”
“Masarap talaga. Kaya ikaw, mag-aral kang mabuti para lahat ng ‘yan ay mabibili mo. Nandito lang si Nanay para suportahan ka. Makakaahon din tayo sa hirap, anak.”
Niyakap niya ang anak. Nagsisisi siya kug bakit pa sila lumuwas ng Angeles. Sana nakuntento na lang siya noon sa probinsiya. Sana masaya at tahimik pa rin ang buhay nila sa Palaui. Mahirap ang buhay doon ngunit kumakain sila ng sapat. Nakakaipon kahit konti dahil wala naman silang pinagkakagastusan masyado. Hindi kagaya rito na kahit pagkain nila ay hirap pa nilang kitain, idagdag pa ang tuluyang paglayo ng asawa niya. “Nasaan na kaya si Dindo ngayon?” iyon ang paulit-ulit niyang tanong sa kanyang sarili.
Habang naglalakad sila, gusto sanang ikuwento ni Mia ang tungkol ang pagkakita niya sa Tatay niya ngunit naisip niyang baka lalo lang mag-isip at mamoroblema ang Nanay niya. Hindi rin naman siya sigurado kung iyon talaga ang tatay niya. Sana nga nagkamali siya. Nagdadasal siyang hindi naging taong grasa ang pinakamamahal niyang tatay.
********
“Wala ka talagang silbing bata ka! Paghuhugas na nga lang ng plato hindi mo pa magawa ng maayos!” singhal ng tita ni Mia sa kanya. Pinagsasabunutan niya ito saka siya sinampal-sampal. Kahit nakataas ana ng kamay niya ay hindi pa rin siya tinantanang saktan. Hanggang sa napaupo na lang siya at napaluhod sa paghingi ng tawad. Sinipa siya ng Tita niya sa sikmura. Doon na siya napasigaw sa sakit.
Lumapit ang Tito niya at sinampal din niya si Mia nang nilakasan nito ang kanyang iyak na para bang humingi ng tulong sa Nanay niyang naglalaba sa likod bahay.
“Umagang-umaga umaatungal ka e, ikaw itong nakabasag ng pinggan gaga! Ang OA mo! Natutulog pa ang tao! Istorbo talaga kayo sa buhay mga pabigat kayo!”
Narinig ni Tally ang sigaw ng kanyang anak. Mabilis siyang pumasok sa kusina para saklolohan. Naabutan niyang sinasabunutan pa rin ng asawa ng kapatid niya ang kanyang anak. Bilang ina, masakit sa kanyang makita na pinagtutulungang saktan ang kanyang anak. Kinuha niya ang kutsilyo. Hinila niya ang anak at itinago niya ito sa kanyang likod. Hinarap niya ang kanyang hipag. Itinutok niya ang hawak niyang kutsilyo sa kanila.
“Sige, subukan mo pang saktan ang anak ko! Itatarak ko ang kutsilyong ito sa dibdib mo!” banta ni Tally. Sa galit niya ay alam niyang magagawa niya iyon huwag lang niyang makita na sinasaktan ang anak niyang matagal na nilang inaalipin.
“Lumayas kayo rito ngayon din! Hala! Layas!” sigaw ng Kuya ni Tally sa kanya. “Mga walang silbi! Pabigat lang kayo sa akin.”
“Oo Kuya! Aalis kami. Kapatid kitang naturingan pero katulong ang tingin mo sa akin. Alipin ang turing ninyo sa aming mag-ina. Kadugo ninyo kami! Hindi ibang tao kuya. Pamangkin mo rin naman si Mia. Kahit konting awa lang naman sa bata.”
Ibinaba ng Nanay niya ang kutsilyo.
“Andami mong sinasabi! Sige na, umalis na kayo!” ubod lakas na sinipa ng Tito ni Mia ang Nanay niya. Parang isang basahan lang ang Nanay niyang dumausdos sa gilid.
“Lumayas kayo! Layassss!”
Biglang may pumasok. “Huwag kang mag-alala bayaw. Kukunin ko na ang mag-ina ko. Hindi na sila muling maging pabigat pa sa inyo. Hindi na ninyo sila maaring saktan pa!”
“Tay! Tatay ko!” sigaw ng humahagulgol na si Mia. Mabilis siyang tumakbo at niyakap ang ama. Malayong-malayo ang hitsura sa taong grasa na nakita niya noong isang araw. Bago ang lahat ng kasuotan. May bitbit itong mga pagkain. Alam ni Mia, na iyon na ang simula ng maginhawa nilang buhay sa Angeles.
Si Tally man rin ay nagulat. Hindi niya lubos maisip kung paanong biglang parang mayaman na ang bihis ng kanyang asawa.
Masaya si Dindo, alam niyang maibibigay na niya ang luho ng kanyang pamilya ngunit alam niyang may malaking balik ang lahat ng ito. Ngunit iyon lang ang tanging paraan para mabuhay niya ang kanyang pamilya kahit pa buhay niya ang maaring kapalit ng karangyaang iyon.