THE LADY MAFIA BOSS
By: JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 2
Mas naging masalimuot at mahirap ang buhay nilang mag-ina nang nawala na ang Tatay niya sa piling nila. Tuluyan na silang ginawang alipin ng mga kamag-anak ng Nanay niya. Ngunit kahit anong hirap at pagod ay pilit pa rin siyang hinahatid ng Nanay niya sa paaralan at sinusundo pagkatapos ng kanyang klase. Pinipilit niyang gawin ang responsibilidad ng Nanay niya sa kanya.
Sa paaralan lang siya nakararanas ng katahimikan. Doon, hindi siya binubulyawan. Hindi siya inuutusan o kinukutusan ng kanyang mga pinsan. Hindi siya nasasabunutan ng kanyang tiyahin o kaya ay nasisipa ng kanyang tiyo. Naawa na siya sa kanyang sarili at sa Nanay niya. Mas mahal pa ng kanyang mga kamag-anak ang alaga nilang aso kaysa sa kanya. Mas masarap pa ang kinakain ng aso kaysa sa kanya. Lahat iyon ay tinanggap niya. Lahat ng hirap ay pinagtitiisan nilang mag-ina.
Walong taong gulang lang siya noon ngunit tinutulungan na niya ang Nanay niyang tapusin sa gabi ang mga tanggap nitong labada para para may makain silang mag-ina at may mabaon siya sa pagpasok sa school. Ang lalong ikinapapagod ng nanay niya ay ang isinasama pa ng buong kamag-anak nila ang mga damit nila sa paglalaba ng Nanay niya. Nakita niya na kahit sugat-sugat na ang kamay ng nanay niya at umiiyak sa sakit ay pilit pa rin niya itong tinatapos. Awang-awa man siya sa Nanay niya ngunit wala siyang magawa.
Sa silong ng mesang kainan na lang sila natutulog ng Nanay niya dahil ginawang kuwartong tambakan ang dati ay ibinigay na kuwarto nila noon. Minsan, tutong lang ang pinapakain sa kanila na nilagyan ng mainit na tubig, konting pampalasa at asin. Umiiyak ang Nanay niya habang nagsasalo sila. Alam niyang hirap na hirap na ang Nanay niya ngunit kailangan nilang tiisin ang hirap. Hindi na makatao ang turing sa kanila ngunit kailangan nilang magtiis. Naghihintay na sana dumating na ang Tatay niya para sunduin sila’t makaalis na rin sila sa mala-impyernong bahay na iyon.
Hapon noon palabas siya sa kanilang paaralan nang napansin niya ang isang taong grasa na nakatingin sa kanya. Punit-punit ang damit nito, mahaba ang buhok, mahaba ang balbas at bigote, impis ang mukha at halatang hindi ito naliligo ng ilang araw na. Noong una, akala niya, isa lang ito sa mga taong grasa na nakikita niya malapit sa kanilang school na nagkakalkal ng basura ngunit nang titigan niya ng husto ay namumukhaan niya ito. Parang kamukha ito ng Tatay niya. Mabilis siyang naglakad palabas ng kanilang school. Tama! Ang tatay nga niya iyon. Ngunit nang mapansin ng taong grasa na palapit siya sa kanya ay bigla itong tumawid sa daan. Kailangan niyang habulin ang Tatay niya. Hindi na siya makapapayag pang makalayo ang Tatay niya sa kanya. Isusumbong niya sa Tatay niya ang pang-aalipin nila sa kanila ng Nanay niya. Sasama na sila kahit pa sa lansangan sila matutulog basta tao lang ang turing sa kanila ng iba.
Pagtawid niya ay biglang may humahagibis na sasakyan. Nakapalakas ng busina nito. Mababangga na siya. Nagsisigawan na ang mga tao sa paligid niya. Napatda siya. Hindi na siya makakilos. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Biglang may humila sa kanya sa gilid ng daan. Natumba sila ng batang mabilis na humila sa kanya sa gilid ng daan.
“Hoy bata! Huwag kang tatanga-tanga!” sigaw ng lalaking may-ari ng pick up saka niya muling pinaharurot ang sasakyan na parang walang nangyari. Tumayo siya. Naisip niyang muli ang Tatay niya. Ngunit sunud-sunod ang pagdaan ng sasakyan. Nakita niya sa kabila ng daan ang Tatay niya. Nakatingin sa kanya at nang masigurado nito na okey na siya ay mabilis itong naglakad palayo. Hindi na siya lumingon pa.
“Tatay! Tatay koooo!” umiiyak niyang sigaw. Baka lang marinig pa siya ng Tatay niya at balikan siya. Ngunit nilamon na ng paroo’t parito na mga tao idagdag pa ang mga sasakyan ang kanyang tatay.
“Okey ka lang ba bata?” tanong sa kanya ng batang humila sa kanya kanina. Hindi pa pala siya nagpapasalamat.
Tumango lang siya habang pinupunasan niya ang luha niya. “Salamat.”
“Muntik ka na ro’n ah. Mabuti nahila kita. Wala bang masakit sa’yo?”
Tinignan niya ang bata. Mukhang mayaman. Naka-uniform kasi ito ng pang-private school. Yung private school na exclusive lang sa mga mayayaman na katabi mismo ng pinapasukan niyang public school.
“Okey lang ako.” sagot niya pero naiyak siya dahil sa unang pagkakataon, may isang taong nagpakita ng pagmamalasakit sa kanya bukod sa Tatay at Nanay niya.
“Liam, anak. Okey ka lang ba? Nakita ko yung ginawa mong pagsagip sa bata, anak.” Isang unipormado ng pampulis ang lumapit sa kanila.
“Okey lang ako, Dad.”
“Mabuti naman. Ikaw neng, okey ka lang ba? Wala bang masakit sa’yo?”
“Wala ho.”
“Sigurado ka? Sabihin mo kung may masakit para mareklamo natin ang gagong muntik nang nakabangga sa’yo.”
“Wala ho.”
“Sige. Gusto mo ihatid ka na lang namin sa bahay ninyo?”
“Huwag na ho. Susunduin ho ako ng Nanay ko rito.”
“Ah sige. Paano anak? Nagpapabili ng chicken joy ang kapatid mo. Tara. Bili na muna tayo?”
Napalunok si Mia nang marinig niya iyon. Sa buong buhay niya, minsan pa lang siya nakatikim no’n. Binilhan siya ng Tatay niya noong kadarating lang nila sa Angeles at may pera palang sila. Naalala niya yung sarap no’n at spaghetti. Tumunog ang kanyang sikmura.
“Gusto mong sumama?” tanong sa kanya ni Liam.
“Ikaw neng, anong gusto mo? Gusto mo bang chicken at spaghetti?”
“Hindi na ho, baka kasi darating na si Nanay.” Pero napalunok siya. Kaninang tanghali pa kasi huli siyang kumain ng tutong na iniwan sa kanya ng kanyang mga pinsan. Nagtabi ang nanay niya ng pagkain niya pero pati iyon ay kinain ng kanyang mga Tito at nagtiyaga lang siya sa tutong, mantikang pinagprituhan ng tuyo at bagoong.
“Dad, dito na lang ho muna ako. Samahan ko na lang ho siya na dumating ang Nanay niya. Take out naman ho ang bibilhin ninyo, di ba?”
“Sige anak. Mabuting bata ka talaga. Tama ang pagpapalaki namin sa’yo. Sige hintayin na lang ninyo ako rito. Doon lang naman ako bibili ng pagkain.”
“Sige Dad.”
Pagkaalis ng pulis na Daddy ni Liam ay tinignan niya ang batang lalaking sumagip sa kanyang buhay. Ngumiti si Liam ngunit mabilis na yumuko si Mia.
Matagal nang napapansin ni Liam si Mia. Naawa siya sa hindi magkapares na tsinelas nito. Ang luma at may butas nitong uniform. Ang buhok nitong parang hindi nasa-shampoo. Ang kutis niyang tuyung-tuyo at hindi nalalagyan ng lotion. Minsan habang hinihintay niya ang Daddy niya sa waiting shed ay siya namang paglabas nila Mia. Madalas nga silang nagkakatinginan ngunit si Mia ang madalas magbaba ng tingin. Siguro nahihiya ito sa kanya. Ngunit siya awang-awa siya rito. Kaya nga kaninang makita niya itong tumawid at parating ang sasakyan ay mabilis siyang tumakbo para lang hilain ito.
“Doon na muna tayo. Di ba doon ka sinusundo ng Nanay mo?”
“Bakit mo alam?”
“Madalas kasi tayong sabay na naghihintay dito. Doon ka nga lang malapit sa gate ninyo at ako dito sa waiting shed naghihintay kay Papa. Ano palang pangalan mo?”
“Mia. Ikaw si Liam hindi ba?”
“Oo, paano mo alam?”
“Narinig kong sinabi ng Papa mo.”
“Oo nga ‘no.”
Natahimik silang dalawa. Biglang nagkahiyaan. Naghintay sila sa pagdating ng Nanay ni Mia.
Hindi alam ni Mia kung anong sasabihin. Alangan na alangan siya sa suot niya. Magara ang suot ni Liam. Nakasapatos ng matingkad na itim. Malinis at kahit hapon na ay mukhang plantsado pa rin at maputi ang uniform nito. Makintab ang pantalon. Lahat ay mukhang mamahalin. May nakasukbit pang earphone sa leeg nito. Naka-relo. May cellphone. Maputi. Gwapo.
Tinignan ni Liam si Mia. Maganda si Mia. Matangkad. Maputi. Halatang mahirap ngunit banaag pa rin ang ganda nito. Sa edad niyang siyam na taong gulang kahit sabihing bata pa lang siya alam niya kung paano tumingin ng maganda at para sa kanya, maganda si Mia.
“Oh anak. Sino ‘yang katabi mong bata?” tanong kaagad ng Nanay ni Mia nang nadatnan nitong nakaupo sina Mia at Liam. Isang tagpong noon lang nito naabutan.
“Si Liam po ‘Nay. Siya po yung ano…” hindi niya alam kung itutuloy niya. Paniguradong pagagalitan siya ng Nanay niya kung malaman nito ang nangyari kanina. Ayaw niyang mapahiya siya sa bago niyang kakilala. Magtatapat siya ngunit hindi ngayon na kaharap pa nila si Liam.
”Ano? Siya yung alin?”
“Yung bago hong kaibigan ni Mia. Kumusta po kayo?” kinuha ni Liam ang kamay ng Nanay ni Mia. Nagmano ang mukhang mayamang bata. Natuwa si Tally. Hindi niya inaasahan na ganoon kabait ang bata.
“Liam, tama?”
“Oho.”
“Paano? Mauna na kami ha? May susundo ba sa’yo?”
“Oo, ako.” sagot ng humahangos na Papa ni Liam. Dala nito ang pinamiling pagkain.
Napatda si Tally. Hindi siya makapagsalita.
“Neng, eto kunin mo ‘to ha? Kainin mo sa bahay ninyo.”
Tatanggapin na dapat ni Mia ang nakaplastic na pagkain mula sa fastfood na kinatatakaman niyang muling matikman sana.
Ngunit inilayo siya ng Nanay niya.
“Huwag na Jake, nakakahiya naman.”
Tinitigan ni Jake ang nagsalitang iyon na Nanay ng batang babae.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya inaasahan na gano’n na kapayat at katandang tignan si Tally. Ang babaeng minahal niya ng husto ngunit iniwan siya nang hindi niya alam kung anong kadahilanan.