THE LADY MAFIA BOSS
By: JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 1
Lumaki si Mia sa isang liblib at mahirap marating na lugar ng Santa Ana Cagayan. Iyon ay kaisa-isang barangay ng isang isla na kung tawagin ay Palaui. Noong musmos siya, hindi pa ito kilala bilang tourist attraction ng Cagayan kaya naman nang bata siya, sobrang hirap ng buhay doon. Umaasa lang kasi ang mga tao sa kanilang mga huling isda. Dahil malayo sa lahat at napapaligiran ng tubig, wala ring kuryente at cell site. Nguniit ang batang si Mia ay may mga masasayang alaala sa lugar na iyon na baon niya hanggang sa lumipat ang pamilya niya sa lugar ng kanyang ina sa Sasmuan, Pampanga.
“Alam mong hindi ako makatatagal sa ganitong lugar, Dindo.”
“Hindi ba pwedeng magtiis na lang muna? Nagta-trabaho naman ako e. Ginagawa ko ang lahat para sa ating pamilya.”
“Kahit pa gawin mo ang lahat, ganito pa rin ang buhay natin. Walang asenso kasi hanggang dito na lang tayo. Tignan mo nga kung may kapitbahay tayo rito na umasenso ang buhay?”
Bumuntong hininga si Dindo. Ilang beses na rin nilang pinagtalunang mag-asawa ang tungkol dito. Napapagod na siyang makipagtalo pa sa asawa niya na mula’t sapol, gusto ang buhay lungsod.
“Lumalaki na si Mia, paano ang pag-aaral ng bata? Lalaki lang ‘yan dito na ignorante at mangmang,” patutsada pa rin ni Tally sa asawa niya.
Batid ni Mia na iyon na naman ang simula ng pag-aaway ng kanyang mga magulang. Napapadalas na ang pag-aaway nilang iyon dahil sa kagustuhan ng Nanay niyang umalis sa lugar ng kanyang Tatay.
“Hindi ito ang buhay na ipingako mo sa akin noon. Anong nangyari?”
Tahimik lang si Dindo. Bumuntong-hininga ito at kinarga ang batang si Mia. Sinuklay-suklay nito ang mahabang buhok ng anak gamit ang daliri nito.
“Kung ayaw mong umalis dito, kami ng anak mo ang aalis bukas.”
“Di lumabas din na ikaw talaga ang may ayaw dito.”
“Dindo, naman. Ke ang anak mo o ako ang may ayaw, nakikita mo naman ang sitwasyon. Ang hirap hirap ng buhay dito kasi malayo sa lahat at walang kuryente. Para akong nasa isla na walang ibang magawa kundi ang maghintay ng himala. Ngayon kung talagang wala kang balak umalis dito, kami na lang ng anak mo.”
“Alam mo naman na nandito ang kabuhayan ko, Tally.”
“Kabuhayan? Anong kabuhayan ang pinagsasabi mo?”
“Eto, yung pangingisda? Hindi ba kabuhayan sa’yo ito?”
“Dindo, lahat ng tao rito mangingisda. Kailangan pang bumiyahe ng ilang oras para lang maibenta ang huli mo sa bayan. Babaratin ka pa. Kulang pa yung pagbebentahan mo ng isda na pambili ng bigas at ilan nating kailangan sa kusina. Iyan ba ang kabuhayan na sinasabi mo at ipinagyayabang mo sa akin? Basta tapos na ang usapang ito. Aalis kami bukas ng anak mo!”
Tumanaw sa malayo si Dindo. Masakit na minamaliit siya ng asawa niya dahil iyon lang ang kaya niyang ibigay sa kanyang pamilya. Pinagmasdan niya ang anak na si Mia na noon ay nakatingin din sa kanya. Hinawakan ng bata ang kanyang kamay. Napaluha si Dindo. Hindi niya alam kung paano niya ipaglaban ang kagustuhan niyang sana doon na lang silang magpapamilya. Mahirap ngunit tahimik. Simple pero hindi sila salat. Kumakain ng talong beses isang araw at nakakaraos basta magsipag.
Kinabukasan, lulan na ng bangkang de motor sina Mia at kanyang ina. Kasama ang kaniyang Tatay na tahimik lang na nakaupo sa tabi niya. Hinawakan ng Tatay niya ang kanyang maliit na mga kamay.
“Kapag lumaki ka na ‘nak at gusto mo ng tahimik na buhay, naghihintay itong isla para sa’yo. Kung lahat magulo na at wala ka nang matatakbuhan pa, narito lang ang lupa mo na siyang tangi kong maipapamana sa’yo.”
“Hindi na tayo dito babalik Tay?” tanong ng musmos pang si Mia.
“Maaring hindi na muna. Nakadepende pa rin ang lahat sa Nanay mo. Pero ikaw anak, makababalik ka kung kailan mo gugustuhin.”
Inilibot ni Mia ang kanyang mga mata sa iiwan nilang isla. Baon ng bubot niyang isip ang kagandahan ng puti at pinong buhangin, ang mga nagtatayugang puno ng niyog, ang presko at malamig na hangin at ang kapayakan ng buhay. Mami-miss niya ang kanyang mga kalarong hubo’t hubad na nagtatampisaw sa dagat. Masasabik siya sa katahimikan ng lugar ngunit sa kabilang banda, excited din naman siya sa ikinukuwento ng kanyang Nanay na lungsod. Yung makapanood na ng TV, may maliwanag na ilaw sa gabi, mga nagtatayugang gusali, mga paroo’t paritong iba’t ibang uri ng sasakyan, ang makakain ng pritong manok at spaghetti.
Tama ang Nanay niya, nakakita nga siya ng magagarang mga bahay sa daan, mga nagkikislapang mga ilaw. Nakakain siya ng itlog pugo sa daan, ng mani at nang may stop over sila ay binilhan siya ng Tatay niya ng pritong manok at spaghetti. Gusto niya yung mga nakikita niya. Masaya siyang sa wakas nararanasan na niya ang dati ay kuwento lang ng Nanay niya.
Nang nasa Sasmuan na sila ay nakitira muna sila sa kapatid ng kanyang Nanay. Noong una, okey naman ang pakikitungo sa kanila dahil may ipon naman ang Tatay at Nanay niya na iniaabot nila pandagdag sa mga gastusin. Pero hindi yata masabing pandagdag iyon dahil nang lumaon ay sila na halos ang gumagastos sa pagkain ng lahat. Naging malambing ang mga Tito at Tita niya sa kanya. Naging mabait ang lahat ng mga pinsan niya dahil madalas ay may mga pagkain siyang inuubos lang ng mga ito. Ngunit nauubos din ang ipon. Hanggang sa ilang Linggo lang, nang said na ang pera nila, doon na nagbago ang pakikitungo sa kanila ng kanilang kamag-anak. Mas nagiging mahirap na lalo ang kanilang buhay doon. Pinag-aral siya kahit kapos sila dahil gusto ng Nanay niya na kahit anong hirap ng buhay ay makatapos siya sa kanyang pag-aaral. Mas nagiging kawawa ang Tatay niya sa mga kamag-anak ng Nanay niya. Dahil walang mahanap na trabaho dahil hindi naman ito nakatapos ng pag-aaral at wala rin naman gaanong oportunidad sa Sasmuan ay pinilit ng Tatay niyang tiisin ang pang-aalipusta at pangmamaliit ng kamag-anak ng Nanay niya. Ilang buwan din na naririnig ni Mia ang mga pambabastos sa tatay niya at nasasaktan siya. Hindi batugan ang tatay niya, hindi ito tamad at walang kwenta katulad ng paulit-ulit nilang sinasabi. Masipag ang tatay niya. Marunong itong magbanat ng buto at may silbi sa kanila ng Nanay niya. Alam niya iyon dahil nakita niya sa Palaui ang madaling araw nitong pagbangon para lang mangisda at kahit pagod ay siya pa rin ang nagluluto para sa kanila ng Nanay niya.
Ang hindi niya maintindihan ay kung paanong nasasabi pa ng mga kamag-anak ng Nanay niya na tamad at walang silbi ang Tatay niya kung siya na nga ang lahat ng kumikilos sa loob ng bahay. Pinagluluto, inuutus-utasan na bumili ng kung anu-ano at pinagtatawanan ng mga Tito niyang nag-iinuman. Pinagti-tsismisan at binubulyawan ng mga tita niyang akala mo kung sinong mayayaman. Hanggang sa pati ang Nanay niya ay binabastos na rin ng mga kapatid nito at pamangkin. Doon na umalma ang Tatay niya.
“Bakit ganyan ninyo kami ituring? Kadugo ninyo ang asawa ko. Hindi siya iba sa inyo pero parang katulong siya kug utusan ninyo at bulyawan.”
“Bakit? May angal ka? Lumayas kayo rito kung ganyan na balat-sibuyas kayo. Dagdag pahirap kayo mga punyeta!” singhal ng Tito niya na kapatid mismo ng Nanay niya.
“Oo nga. Mga palamuni lang naman kayo rito. Ang kapal ng mukha mong sagut-sagutin ang asawa ko e, wala ka namang kwenta!” patutsada rin ng Tiyahin niya.
“Tally, kunin mo na ang mga damit natin. Aalis na lang tayo rito.” Maalumanay pa rin ang boses ng Tatay niya.
“Pero saan tayo pupunta? Dindo, wala na tayong pera. Saan tayo titira? Anong ipapakain mo sa anak mo? Ayaw kong pakalat-kalat sa lansangan.”
“Dahil wala tayong pera, dahil wala tayong matirhan, okey na lang sa’yo na itrato tayo ng mga kamag-anak mo ng ganyan?”
“Kung hindi ka makatiis, umalis ka! Iwan mo ang kapatid ko at ang pamangkin ko rito. Kaya namin silang buhayin! Hindi ka namin kailangan! Batugan!” singhal ng Tito niya.
“Ano, aalis tayo o magtitiis tayo sa ganitong buhay kasama ng mapagmata mong mga kamag-anak?”
Yumuko ang Nanay niya. Tanda ng hindi niya pagsama sa pag-alis ng Tatay niya.
“Okey. Sige. Kung ‘yan ang gusto mo, pagbibigyan uli kita. Ikaw naman lagi ang dapat masunod, hindi ba?”
“Walang wala na tayo. Paano ang anak mo?”
Hindi na sumagot pa ang Tatay niya. Tahimik na pumasok sa maliit nilang kuwarto na tambakan ng mga lumang gamit. Sumunod ang umiiyak na si Mia sa Tatay niya.
“Tay huwag mo kaming iwan ni Nanay dito.” Atungal ni Mia habang nakahawak siya sa dulo ng lumang damit ng Tatay niyang nagsisilid ng mga damit sa plastic bag. Nang mailagay nito ang mga damit ay yumuko ito. Niyakap siya ng lumuluhang ama. Pinunasan niya muna ang mga luha nito saka siya tumingin sa anak.
“Kung makahanap ako ng trabaho ‘nak babalik ako. Babalikan ko kayo ng Nanay mo. Sa ngayon, kailangan ko munang umalis dito ha?” garalgal ang boses ng Tatay niya. “Ako na lang muna ang aalis para maghanap ng matitirhan natin. Magkakasama-sama rin tayo, anak. Pangako.”
“Huwag ka na lang umalis ‘Tay, dito ka na lang.”
“Hindi nga pwede ‘nak. Habang may paggalang pa ang Tatay mo sa sarili niya, habang naniniwala pa ako na hindi ako inutil katulad ng sinasabi nila. Habang alam ko sa sarili ko na kaya ko pa at di ako pabigat sa ibang tao, aalis muna ako. Hayaan mong makaalis muna si Tatay ha? Pangako, babalik ko para sunduin ko kayo ng Nanay mo.”
“Sasama na lang ho ako sa inyo. Isama na lang ho ninyo ako ‘Tay!”
Sumunod na pumasok ang Nanay niya. Mabilis na niyakap ng Nanay niya ang Tatay niya.
“Patawarin mo ako kung naging ganito ang lahat. Lalo tayong naghirap ng dahil sa akin. Lalo kong pinahirapan ang ating sitwasyon. Sana nakinig na lang ako sa’yo noon. Sana hindi ko na lang ipinilit ang pagbabalik natin dito.”
“Huwag mo nang isipin pa iyon. Nandito na ‘to. Nandito na tayo. Ang tanging magagawa na lang natin ngayon ay ang lumaban sa gitna ng kahirapan. Tama naman e, ako dapat ang naghahanap-buhay para sa atin. Ako dapat ang nagta-trabaho para mapakain ko kayo ni Mia. Hayaan mo muna akong umalis para makapaghanap ng trabaho. Kapag okey na, kapag alam kong kayo ko na kayong buhayin, babalik ako. Babalikan ko kayo ni Mia.”
“Nay sumama na lang kasi tayo kay Tatay. Umalis na lang tayo rito.”
“Anak, hayaan muna natin na ang tatay mo ang unang aalis. Wala tayong matitirhan. Ayaw kong magaya ka sa mga batang pakalat-kalat at natutulog sa lansangan. Namamalimos at walang masilungan. Ayaw kong darating tayo sa puntong gano’n kaya pagbigyan natin ang Tatay mo. May tiwala ako sa kanya. Magagawan niya ito ng paraan. Babalik siya. Babalikan niya tayo rito kung okey na ang lahat.”
“Tama ang Nanay mo anak. Pangako. Babalik ako. Babalikan ko kayo.”
Walang nagawa ang pagtangis ni Mia. Hindi napigilan ng pagmamakaawa niya ang pag-alis ng kanyang Tatay. Hindi nakinig sa kanya ang Nanay niya sa pagsusumamo niyang samahan nila ang Tatay niya sa pag-alis nito.