PANLILIGAW

1703 Words
THE LADY MAFIA BOSS  By: JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA) CHAPTER 5   “Ahm, Mia. Flowers pala tsaka chocolates.” Nahihiya niyang iniabot ang kanyang dala. “Seryoso? Manliligaw ka talaga?” kinikilig na tanong ni Mia. “Uyy ano yan ha? Bakit may pabulaklak at pa-tsokolate tayo, bata?” bungad ni Dindo, ang tatay ni Mia na noon pababa sa hagdanan. Malapit kasi ang hagdanan sa mismong pintuan kaya nakita niya sina Mia at Liam na nag-uusap sa pintuan. Namula si Liam. Hindi niya alam kung ano ang kanyang isasagot. Natatakot rin siya na baka hindi magustuhan ng mga magulang ni Mia ang panliligaw niya lalo pa’t alam niyang mga bata pa lang sila. “Liam, nililigawan mo bang anak ko?” biglang tumaas ang boses ng Tatay ni Mia na siyang lalo niyang ikinanginig. “Hindi ho,” namutawi niya dahil sa takot. Nagkamot. Tinignan siya ni Mia. Halatang nagulat at dismayado siya sa sagot. “Ay, oho nga po pala.” “Ano ba talaga? Nanliligaw o hindi nanliligaw?” “Nanliligaw ho.” Nanginginig ang boses niyang sagot sa tanong ng Tatay ni Mia lalo pa’t nakatingin na sa kanya si Mia. Bahala na mapagsabihan basta maipadama niya kay Mia na kaya na niya itong panindigan. Dapar alam ni Mia na kaya niyang harapin ang kahit anong takot basta para kay Mia. “Eh, di pumasok ka rito sa loob at dito kayo mag-usap.” Kumindat ang tatay ni Mia sa kanya at iyon ang tuluyang nagpagaan sa nararamdaman niyang takot. Tinanggap na rin ng natatawang si Mia ang 3 white roses at chocolates na kanina pa niya ibinibigay. “Liam, gabi na ah? Ano pang ginagawa mo rito?” tanong ni Tally na noon ay nag-aayos na ng kanilang hapagp-kainan. “Manliligaw daw siya sa anak mo,” sagot nang nakangiting si Dindo sa asawa. “Manliligaw? Ambabata pa ninyo. Anong alam ninyo sa mga bagay na’yan” “High school na ang mga ‘yan.” “Iyon na nga eh. High school pa lang sila.” “Hayaan mo na. Ito naman parang hindi mo naman pinagdaanan ‘yan” “Hayaan mo na? Naku naman Dindo, Grade 7 lang ang mga ‘yan.” “Nay ano ba? Manliligaw pa naman siya. Bakit? Sasagutin ko na ba?” “Ay Mia tigilan mo ako. Mga ganyang sinasabi mo, hindi malayong hindi mo agad sasagutin yang si Liam. Kita sa mata mo oh, kinikilig?” Natawa si Mia. “Hala siya. Lalo pang kinilig oh.” “Nay, ano ba? Ikaw yata ang kinikilig eh. Huwag mong pansinin si Nanay. Umupo ka.” “Anong huwag pansinin? Kakain na. Ikaw Liam umupo ka rito.” “Ho?” “Ang sabi ko umupo ka rito. Saluhan mo kami.” “Pero Tita, hinihintay ako sa bahay e. Monthsary daw nina Mommy at Daddy ngayon. Gusto nila sabay rin kaming kakain.” “Uupo ka at kakain dito o hindi ko paliligawan si Mia sa’yo.” Mabilis na umupo si Liam. Naglagay agad ng kanin sa pinggan niya.  “Paabot po ng tinola, Tita. Kakain na lang ako sa bahay uli mamaya. Mukhang masarap kasi magluto tita eh” “Naku bobolahin mo pa akong bat aka!” Natawa ang tatlo ng nakatingin sa inasta ng kanilang bisita. “Ako’y payag na ligawan mo si Mia, Liam pero sana alam ninyo ang limitasyon ninyo ha?” Bilin ni Tally na naglagay ng ulam sa pinggan ng anak na si Mia. “Talaga ho?” hindi makapaniwalang sagot ni Liam habang ngumunguya siya. “Oo. Kung iba lang siguro ang liligaw sa kanya, paniguradong hindi ako papayag.” “Kilala ka na kasi namin na mabait na bata. Saka alam ng Tita mo na mayaman kayo kaya ‘yan payag na agad.” “Tay! Ano ba?” “Bawal bang mag-joke sa bahay na ‘to?” tumatawa si Dindo bago humigop ng sabaw. “Ayusin mo kasi ang mga joke mo. Seryoso ang usapan e saka seryoso pa pagkasabi mo? Baka isipin ng bata mukha tayong pera. Liam, magkano na pala sinusweldo ng Daddy mo? Magkano laman ng ATM ng Mommy mo?” “Nay! Ano ba? Nakakahiya kayo!” “Bakit? Ang tatay mo lang ba ang marunong at may karapatang magbiro? Kumain ka lang diyan. Kami ang nag-uusap oh?” “Ewan ko sa inyo. Huwag mo silang pansinin ha? Kumain ka lang, Yam” “Okey lang ho.” Nakangiti niyang sagot sa mga magulang ni Mia. “Okey lang ano ka ba? Natatawa lang ako.” “Walang nagpapatawa sa’yo. Seryoso kami pagdating sa pera saka huwag kang tumawa. Kumain ka.” Humagalpak si Dindo. Natawa na rin silang lahat. Nang matapos na silang kumain ay binigyan nina Dindo at Tally ang anak nila at bisita nito na makapag-usap. Sa labas pinili ng dalawa mag-usap. Doon sa maliit na garden ng plantita na Nanay ni Mia. “Pasensiya ka na kina Tatay at Nanay ha? Nagbibiro lang talaga sila.” Pamamasag ni Mia sa katahimikang bumabalot sa pagitan nila. Naramdaman kasi niyang kinakabahan si Liam. May pagka-torpe pala ito? “Alam ko naman ‘yon. Sanay na ako kay Tita at kay Tito. Pero anlaki ng ipinagbago ni Tita ano?” “Oo, mula nang naging maayos ang buhay namin, naging masayahin na rin siya. GUmanda na. Umayos ang pangangatawan at nakukuha na niyang magbiro. Sila ba ang pag-uusapan natin?” “Hindi naman. Napansin ko lang.” “So, anong pag-uusapan natin?” “Grabe ‘no? Anlaki ng buwan? Saka may mga bituin oh?” “Liam ano ba? Seryoso ako.” “Seryoso rin naman ako sa’yo. Alam mo bang hindi madali para sa akin ‘to?” “Alam ko. Kinakabahan ka?” “Oo.” “Ako rin. Mahirap rin pala kapag ikaw yung sinasabihan na gusto ka?” “Gusto ka diyan? Mahal nga kita?” Tumawa si Mia. Nanibaguhan sa naririnig niya kay Liam. “May nakakatawa?” “Hindi ko lang kasi ma-imagine na kaya mong sabihin ‘yan ng harapan at nanginginig ang boses mo. Yam ako lang ‘to oh?” “Iyon na nga eh. Ikaw ‘yan. Ikaw yung gusto ko, yung mahal ko.” “Alam ko pero hindi muna pwedeng maging tayo.” “Bakit?” “Basta. Mga bata pa tayo. Magkaibigan naman tayo eh, hindi ba? Okey na muna ‘yon. Yung dating. Exclusive dating nga lang, kasi ayaw kong manligaw ka pa sa iba.” “Ibig sabihin ba no’n para na rin tayo na hindi tayo, tama?” “Parang gano’n. Basta. Mag-aral na muna tayo at dating gawi. Ang importante, alam kong gusto mo ako at gusto rin kita pero huwag munang relasyon. Alam ko na pumayag sina Nanay at Tatay na manligaw ka pero may tiwala sila sa akin na hindi muna kita sasagutin. Hindi muna tayo pwede.” “Okey na ako ro’n. Basta huwag ka na lang papaligaw sa iba.” “At huwag ka na rin pang manligaw pa sa iba.” “Deal.” “Okey, deal.”                   Naging masaya lalo ang samahan nilang dalawa. Wala na noon mahihiling pa si Mia. Okey ang grades nila ni Liam. Umiiwas si Liam sa mga mga babaeng malalandi na gusto siya at ganoon din siya sa mga lalaking gusto siyang pormahan. Masaya na siya. wala sa hinagap niyang maging ganito ang buhay niya. Ang akala niyang wala nang katapusang hirap ng buhay nilang pamilya ay maayos na. Mahal siya ng lalaking mahal niya. Hindi man sila ni Liam ngunit parang gano’n na rin dahil naipaparamdam nila sa isa’t isa sa mga simpleng paraan ang pagmamahalan nila.                 Akala ni Mia, wala nang katapusan ang tinatamasa nilang gaan ng buhay. Akala niya lang pala iyon. Isang araw, paglabas nila ni Liam sa kanilang campus ay nagpaalam sandali ang binatilyo para bumili ng French fries at burger na pagsasaluhan nila sa maliit na park malapit sa kanilang paaralan. Habang naghihintay si Mia sa labas ay nakita ni Mia ang mga mangangalakal. Marurungis na parang mga namamalimos. Nagtataka siya na bigla na lang silang dumadami ngayon. Naalala niya ang Tatay niya. Iyon ang unang trabaho ng tatay niya, ang pagiging mangangalakal.                 Hanggang sa nakita niya ang naka-motor na nilalapitan ang mga mukhang taong grasa na mga mangangalakal ay may iniaabot sa kanila. Kilala niya ang motor na ‘yon at ang jacket ng lalaking naka-helmet. Hindi siya maaring magkamali. Ang tatay nga niya iyon. Sinilip na muna niya si Liam sa loob. Nakapila pa ito. Dali-dali siyang naglakad palapit sa kinaroroonan ng Tatay niya niya nang biglang nagkagulo na dahil sa pagdating ng mobile car ng mga pulis.              May narinig siyang palitan ng putok. Kinabahan siya ng makita niyang ang tatay niya ang puntirya nila. Nakikipagbarilan ang tatay niya sa mga pulis. Hindi niya alam na may baril ang Tatay niya. Kahit ang mga kanina ay mukhag grasa ay mga armado rin pala. Hanggang sa nakita niya ang Tito Jake niya, ang Daddy ni Liam na lumabas sa private car nito. Siguro susunduin niya ang anak ngunit naabutan niyang may barilan sa pagitan ng mga kabaro nito at grupo ng tatay niya. Anong trabaho ng tatay niya? Bakit sila binabaril at tinutugis ng mga pulis? Bakit sila nakikipaglaban? Habang abala ang Tatay niya na makipagbarilan sa mga nakasakay sa mobile car ay kitang-kita niya ang pagbunot ng Daddy ni Liam sa baril nito. Naisip niyang baka tutulungan ng Tito Jake niya ang Ttatay niya dahil okey naman sila. Baka kakausapin niya ito. Pasusukuin. Pero nanginig siya nang itinutok na ng Daddy ni Liam ang baril nito sa tatay niya. Papatayin ng Tito Jake niya ang tatay niya na noon ay nakasakay na sa motor nito at patakas na sa lugar na may barilan.                 “Titoooo huwaggggg! Si Tatay ‘yan! Ang tatay ko ho ‘yannnn!” sigaw niya ngunit sunud-sunod na ang pag-alingawngaw ng tunog ng baril. Kitang-kita niya ang pagbagsak ng tatay niya mula sa dapat ay palayo nang motor nito. Pakiramdam niya tumigil ang pag-inog ng mundo niya sa kanyang nasaksihan. Hindi pwedeng mamatay ang Tatay niya. Hindi pwedeng maghirap muli silang mag-ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD