LAURA CRIZELDA SERRANO o mas kilala bilang Laura Serran sa broadcasting industry. Isa siyang Mass Communication graduate sa Augustine University at pinili niyang tahakin ang field reporting. Naulila siya sa edad na bente y tres.
Nasawi ang kanyang mga magulang sa isang car accident noong papauwi ang mga ito galing sa Baguio para um-attend ng conference meeting para sa promotion ng kanyang ama sa isang malaking kompanya na pinagtatrabahuhan nito. Ngunit sa kasamaang palad, nawalan ng kontol ang kotseng sinasakyan ng kanyang ama at ina na naging sanhi ng pagkahulog ng mga ito sa bangin.
Kasalukuyan siyang tine-training sa field reporting noon at mismong iyon ang unang sabak niya sa pagbabalita. Ang pagka-aksidente ng kanyang mga magulang ang una niyang assignment.
Pinadala siya sa Baguio noon para kunan ng coverage ang nangyaring aksidente na lingid sa kanya ay ang kanyang mga magulang.
Hindi man naging maganda ang unang pagsasama nila ni Saimon pero roon nagsimula ang partnership nila, ang kanyang cameraman.
Halos panawan ng ulirat noon si Laura nang nakita niya ang mga bangkay, ngunit hindi siya nagpahalata sa mga nakapaligid sa kanya at nanonood sa kanyang pagbabalita. Hindi na kasi makilala sa mukha ang dalawang naaksidente dahil nadaganan ang kotse nila ng isang malaking bato.
“Live po tayo ngayon sa Baguio City.” Dinig ni Laura mula sa suot niyang earpiece. Nagmula ang boses na iyon sa studio. “Ano na ang ganap diyan, Laura Serran?”
Nang marinig niya ang pangalan mula sa newscaster na nasa studio, noon siya nagsimulang magsalita. “Magandang hapon, Erwin. Isang nakakalunos na insidente rito sa mainroad ng Baguio City na kung saan ay nahulog ang isang kotse sa malalim na bangin. Sabi nang mga kasunod na sasakyan, napansin nilang nagpagewang-gewang ang kotse hanggang sa dumiretso na ito sa bangin,” kinakabahang pagbabalita ng dalaga.
“Mga kababayan, kasalukuyang inaalis na ng mga rescuers ang batong nakadagan sa kotse. Sa dami po nang mga taong tumutulong naialsa na nila ang malaking bato. At kasalukuyan g nilalagyan na nila ng brace o tanikala ang kotse para maiangat na nila ito.”
Habang hinihila pataas ang kotse, lalo nang kinabahan ang dalaga.
“Okay ka lang, Miss?” tanong ng kasama niyang camera man. “Mukhang takot na takot ka, ah? Masanay ka na sa mga ganyang balita dahil tiyak na mas marami at higit pa ang karumaldumal na mangyayari ang ibabalita mo.”
Matamang nakinig lang ang dalaga sa sinabi ng kasama niya.
“Halika na,” ani Saimon. “Work, work, work. Nahango na ang kotse.”
Lumapit sila sa kotseng nakalatag na sa daan. “At ayan na nga po, mga kababayan. Binubuksan na po ang pinto ng kotse gamit ang mga bakal na pantuklab sa pinto.” Saglit na natigilan si Laura at napatitig sa pintong binubuksan ng mga rescuers.
“Tuloy! Ano ba?!” singhal sa kanya ng kasama.
Para siyang nahismasmasan dahil doon kaya humarap muli siya sa camera at nagpatuloy. “Gaya nga po nang nasabi ko kanina lang, binubuksan na ang pintuan ng kotse para makuha ang mga sakay nito.” Nilapitan niya ang isang rescuers para tanungin ito. “Kuya, ilan po ang sakay sa loob ng kotse?”
“Dalawa po. Isang babae at lalaki. Mag-asawa siguro. Mabuti na lang at hindi sumabog ang kotse, walang tagas ng gasolina,” sagot ng lalaking pinagtanungan niya.
“Maraming salamat po, Kuya,” aniya. Humarap muli sa camera si Laura.
Ibinababa na ng mga rescuers ang dalawang katawan na sakay ng kotse. Hindi siya nakagalaw.
“Ano ba? Lapit na at nang makunan mo ng coverage! Bilis na at naka-live tayo!” sigaw na naman ng cameraman sa kanya.
Napalunok si Laura bago lumapit. Parang may nakabara sa lalamunan niya na naging dahilan ng hirap niya sa paglunok habang nakatitig sa dalawang bangkay. Bumaba ang mga mata niya sa kamay ng dalawang bangkay at noon niya nakita ang singsing na suot ng mga ito.
Hindi siya nag-atubiling siyasatin ang dalawang bangkay para makasiguradong mali ang kanyang hinala. Sige lang ang kuha ng video ang kanyang kasama.
Hanggang sa napako ang tingin ng babae sa kwintas na suot ng dalawang bangkay. Tila nanlaki ang kanyang ulo sa tamang hinala. Mga magulang niya ang naaksidente! Biglang nag-init ang kanyang pakiramdam at para bang hihimatayin siya.
“Laura! Ano ba?!” singhal na naman sa kanya ng kasama.
Noon niya naalala na nagbabalita pala siya. “H-Hindi na po makilala ang mga bangkay dahil durog na durog ang kanilang mga mukha.” Titig na titig siya sa camera at humigpit ang hawak niya sa mikropono. Pigil na pigil ang sarili niyang bumigay.
“Miss, pwede po bang manawagan sa kaanak ng mga nasawi? May mga I.D na mapagkakilanlan,” ani ng isang pulis na lumapit sa kanya. Inabot ng pulis ang mga I.D na nakuha sa loob ng kotse.
Nagtaka naman ang kasama niyang cameraman kung bakit hindi siya sumagot sa nakikiusap na pulis. “Laura! Ayan ka na naman! Tutulog-tulog!” pagalit na sabi nito. “Dalian mo! Manawagan ka na! Diyos ko! Anong klaseng reporter ka?! Hindi ka makikilala sa kaduwagan mo!”
Nanlisik ang mga mata ni Laura sa tinuran nito at kinuha ang mga I.D na inaabot sa kanya ng pulis. Hinarap niya ang cameraman na. “Go! Kuhanan mo na ako para sa ikatatagumpay ng career mo. Hambog!” sumbat niya.
Nagulat man ang lalaki sa inasal niya. “Duwag na reporter!” balik naman nito sa kanya pero inirapan na lang niya ito at hindi na binigyang pansin.
“Mga kababayan, napanood po natin kanina kung paanong iangat ang kotse at ilabas ang dalawang katawan at nakita po natin ang kalunos-lunos na sinapit nila. Paano na po ang mga pamilyang naiwan ng mag-asawa? Paano nila matatanggap ng anak nila ang ganitong sitwasyon?” Hindi na alam ni Laura kung ano na ang mga salitang lumalabas sa bibig niya.
Nagulat din si Saimon sa kanyang mga sinasabi.
“Ang anak nila na ilang hakbang na lang ay mapagtatagumpayan na niya ang pangarap nila para sa kanya. Ang anak nila na laging pinapayuhan na maging matatag, matapang sa kabila ng lahat. Hindi na makikita ng mga ito kung paano siya makikilala ng buong bansa. Bakit ko po nasabi ang lahat ng ito? Dahil ako po ang kaisa-isang anak ng mag-asawang nasawi ngayon sa Baguio City. Ako po si Laura Serran, nagbabalita.”
Bigla na lang siyang bumagsak, dala nang hindi na nakayanan ang lahat ng pagpipigil na umiyak at sumigaw kanina.
NAPASINGHAP si Laura na naging dahilan ng paggising niya nang maramdaman niya ang mahinang pagyugyog ni Saimon sa balikat niya. Umayos siya ng upo saka kinusot ang mga mata. Hindi niya napansin na nakaidlip pala siya habang nasa byahe.
“Nasa studio na tayo, Laura. Halika na,” ani Saimon. Hawak-hawak nito ang nakabukas na pinto ng passenger seat at hinihintay na siyang bumaba.
Hindi na nag-atubili pa si Laura, bumaba na siya ng sasakyan. Kahit na malalim pa ang gabi at madilim pa ang langit, tila buhay na buhay ang mataas na building ng CZN Network dahil sa liwanag na nagmumula sa mga ilaw.
Tumingala si Laura at nakita niya sa himpapawid ang isang helicopter. Walang duda na iyon ang sasakyan nila papunta sa Kidapawan.
“Tara na, Laura.” Si Saimon na rin mismo ang nagsara ng pinto ng passenger’s seat at sabay silang naglakad papasok ng studio.