MALAPIT na si Ace sa kanyang kotse niya nang mapansin ang pamilyar na bulto ng tatlong tao na parang siya talaga ang inaabangan. Naglapitan ang mga ito nang makita siya. Natakot man si Ace, hindi siya nagpahalata sa mga ito. Ni hindi siya umatras sa paglapit ng mga ito. Hindi siya dapat magpasindak. Pinaligiran siya ng mga ito.
“Long time no see Madam Mastermind. Kumusta na?” nakakaloko ang ibinigay na ngiti na iyon ng leader na inupahan niya noong kidnapin si Alex.
“Kung wala kayong magawa, pwede ba lumayas kayo sa daraanan ko?” Nagpasalamat siya sa Diyos at matapang na boses ang lumabas sa kanya at hindi ang tunay niya na nararamdaman na nangangatog na ang mga tuhod.
“Pasensiya ka na, Madam. Maniningil lang naman kami sa iyo eh.”
“Wala akong utang sa inyo kaya wala akong dapat bayaran.”
“Alam mo Miss, madali naman kaming kausap, eh. Gusto mo ba tumawag na lang tayo ng pulis para matapos na ang usapan natin.” Ngingisi-ngisi lang ang mga kasamahan ng lider na ito. “Sabihin na lang natin ang tangka mong pagkidnap kay Alex Martinez. Ikaw ang mastermind, tapos, dahil kami ang nagsuplong sa iyo, baka mapawalang sala pa kami. Hindi rin malayo na bigyan kami ng pabuya ng lolo niyang mayaman.”
“At sa tingin ninyo, paniniwalaan kayo ng mga pulis?” Hindi pa rin siya nagpatalo kahit kulang na lang manginig sa takot ang buong katawan niya. Anong gagawin niya kapag nakulong siya? She’ll be forever in jail habang pinagtatawanan siya ng mga tao sa paligid niya.
“Bakit hindi natin subukan?” Nakangiti pa rin ito habang tinatakot siya. “May malapit na pulis na nagpapatrol dito.”
Hindi siya kumibo. Baka kapag pulis na ang nakaharap niya wala na siyang masabi. At kapag nalaman ang kaguluhang ito ng lolo niya at ni Alex, hindi na niya alam kung ano ang mangyayari sa buhay niya. Bakit naman kasi walang tao sa parteng iyon ng parking lot? Wala na yatang makakatulong sa kanya.
“Pwede pa rin naman nating padaliin ang lahat. Basta bigyan mo lang kami ng limadaang libong piso.”
“Five hundred thousand?! Hindi pa ako nasisiraan ano?” Five hundred thousand is too much! Para sa konting oras na naistorbo niya ang mga ito, five hundred thousand kaagad? Sa tingin kaya ng mga ito, ginto ang mga pawis nila? Mas mahal pa sa talent fee ng ibang artista ang hinihingi nila, eh pinaarte lang naman niya ang mga ito.
“Kapalit naman iyon ng kalayaan mo, hindi ba? May discount pa nga kaming ibinigay sa iyo.” Nagtawanan ang mga kasamahan nito.
Naasar siya sa mga ito. Bahala na kung anong mangyayari. Siguro, okay lang na patayin na siya ng mga ito. She will be dead of heartache anyway. Mas madaling harapin ang physical pain kaysa emotional pain. “Wala akong balak na bayaran kayo. Hindi ba sinabi ko na? Hindi ko nagustuhan ang performance ninyo. Kaya, pwede ba, lumayas na kayo sa harapan ko.”
Sa isang iglap ay nagbago ang itsura ng lider na siyang kausap niya. Nagdilim ang mukha nito at hinawakan siya ng madiin sa braso. Pinilit niyang makawala pero lalo lang dumiin ang hawak nito at wala na siyang nagawa kundi ang mapapikit sa sakit.
“May problema ba dito?” Isang unipormadong pulis ang nakalapit sa kanila. Masama ang tingin nito sa tatlong nanghaharass sa kanya ngunit siya ang pinagpawisan ng malapot. Katapusan na kaya niya?
“Sir Policeman, buti at nandito kayo.” Umepal sa tingin niya ang lider ng palpak niyang mga artista. Hindi nito binitawan ang hawak sa kanya bagamat medyo maluwag na ito ngayon. “Happy trip ha?” bulong pa nito sa kanya.
Hindi pinansin ng pulis ang pagbati ng goon at itinuon nito ang tingin sa kanya. “Ginugulo ka ba nila, Ma’am?”
Sa unang pagkakataon, hindi siya nakapagsalita. Parang naputulan na siya ng dila at hindi siya makapag-isip sa tindi ng kaba. Anumang oras ay didiretso na siya sa kulungan. Hindi niya maisip na ang kaunting drama niya ay magtatapos sa bilangguan.
“Ano ka ba naman, General?” singit ulit ni lider. “Dapat nga magpasalamat ka pa sa amin dahil mga bayani kami.”
Sa pangalawang pagkakataon ay hindi ito pinansin ng pulis. Pinalis nito ang kamay ng lider na nakahawak sa kanya at itinabi siya sa kanya. Inakbayan din siya nito para maalalayan siya. Nanlalambot na kasi siya. “Ayos lang po ba kayo, Ma’am?”
Nabadtrip na yata ‘yung lider kaya naman hindi na nakapagtiis. “Ang bobo mo namang pulis ka.” Galit na sabi nito. “Hindi mo ba alam na mastermind iyang babae na iyan sa k********g? Kaya dapat, hulihin mo na iyan.”
“Ma’am, okay lang po ba kayo?” isang humahangos na guard ang nakita niya. Isa ito sa guard sa restaurant na pinanggalingan niya. “Kanina pa po namin kayong pinapanood doon. Nang makita po naming na hinablot ang kamay niyo ng mga ito, kumilos na po kami. Tinatawag na po ni Marlon ang boyfriend ninyo.”
Hindi agad nagrehistro sa utak niya ang mga sinabi nito. Basta sa may likuran nito, nakita niyang tumatakbo ang galit na galit na si Miguel. Kasunod nito si Alex na patakbo ring papalapit sa kanila.
Nakilala naman ng lider ang mga dumarating. “Ayan, sir. Mga testigo namin ang mga iyan.”
Drat! I’m doomed.