Hindi ko na namalayan pa kung anong oras na ako nakatulog. Ngunit sigurado akong umaga na 'yon dahil natatandaan kong nanghahapdi na ang aking mga mata. Kahit anong isip ang aking gawin ay walang kasagutang makuha.
Bigla kong naisip si Dave subalit imposibleng gagawa siya ng panibagong account upang makausap lang ako. Hindi ko nagawang magreply sa kanya. Lalo pang gumulo ang magulo ng diwa.
Mabilis akong napabalikwas ng bangon nang marinig ang malakas na pagkatok sa dahon ng aking pintuan.
"Sino 'yan?" tanong ko sa bahaw na tinig.
"Ang Ate."
Agad akong bumalik sa pagkakahiga nang mapagsino ito. Bumaling ako sa kabilang dereksyon ng aking kama at muling ibinalot ang katawan sa kumot.
"Gising na," tawag muli nito sa akin. "Aba hija kanina ka pa hinihintay ng mga kaibigan mo, anong oras na Samantha?"
Agad kong idilat ang aking mga mata at mabilis na kumurap-kurap. Tama! May friendship party kami ngayon ni Clare at Ruth.
"Sige po Ate, sandali lang po." tugon kong mabilis na tumayo sa kama.
Agad hinagilap ng aking paningin ang orasan na nasa dingding ng aking kwarto at ganun nalang ang panlalaki ng mga mata ko.
Alas diyes na!
Hindi kaya nagsisinungaling lang ang relo?
Mabilis kong kinuha ang cellphone sa ilalim ng unan at sinipat ang oras dito. Nagpalipat-lipat ang mga mata ko sa wall clock at hawak na cellphone, pareho ang oras na sinasabi nilang dalawa.
"Jusmiyo!" wala sa sariling bulalas ko, "Alas diyes na at ang usapan namin ay alas otso. Panigurado akong umuusok na ang mga mata ng dalawang 'yon kakahintay sa akin ng dalawang oras."
Mabilis pa hangin ang ginawa kong pagpapalit ng swimsuit na agad ko ring hinubad dahil bukod sa baligtad na ay magkaiba pa sila ng kulay. Hindi ko na pinag-aksayahan pa ng oras magsuklay ng buhok, mababasa rin naman ito kaya wala rin siyang silbi.
Habang naglalakad patungo sa kwarto nila Mommy and Daddy ay mabilis kong inalala ang dahilan ng aking pagkapuyat.
Si Anonymous!
"Dad?" agad kong tawag sa kanya pagkatulak ko ng pintuan. "Gising na po, swimming tayo."
Umungol lang ito. Wala na si Mommy sa tabi niya, typical na umaga kada weekend tuwing papasukin ko ang kwarto nilang dalawa.
"Daddy?" yugyog ko sa kanya.
Sisinghap-singhap siyang dumilat at tumingin sa akin. At muling pumikit.
"Bangon na po."
"M-Mauna ka na Sammy, susunod ako." yakap nito sa isang unan.
"Pero Dad--" bago ko pa masabi ang buong protesta ay narinig ko na muli ang kanyang malakas na paghilik.
Malalim akong napabuntong-hininga sabay tingin sa kanya. Siguro ay pagod siya ng buong weekdays sa trabaho kaya ngayon ay bumabawi ng kulang na tulog.
Matulin akong lumabas ng kanilang kwarto at mabilis na dumungaw sa gilid na bintana. Natagpuan ng aking mga mata sa may gilid ng pool sina Ruth at Clare na pareho nang nakasuot ng panlangoy. Nandoon rin si Mommy at Ate na magka-tulong sa paghahanda ng mga pagkain.
Malawak akong napangiti at mabilis na tumalikod. Patingkayad akong tumakbo patungo sa labas ng aming bahay.
"Magandang umaga mahal naming prinsesa." bati sa akin ng dalawa na halatang nang-aasar sa pamamagitan nang pagyukod nila.
"Goodmorning," malawak kong ngiti. "Mom, Ate!" sigaw ko.
"Hindi ka man lang nagsuklay ng buhok Samantha." dismayadong puna sa akin ni Mommy, "Hindi ka na nahiya sa bisita."
"Maliligo naman ako Mom." tugon kong mabilis na humila ng isang upuan.
Pasalampak ako ditong naupo sabay bitaw sa hawak na tuwalya.
"Sabihin mo sa amin bakit late ka nagising?" upo ni Ruth sa armchair ng aking upuan.
"Oo nga ikaw na talaga, ikaw na ang buhay prinsesa." dugtong pa ni Clare.
"Late na rin kasi ako nakatulog."
Kumagat ako sa toasted bread na dinampot sa paglapit ko kay Mommy.
"At bakit?" interesado tanong ni Ruth na hindi ko binigyan ng sagot.
"E anong nangyari sa usapan nating maaga tayong mag be-beauty rest?" singit ni Clare, "At sa usapan nating alas otso ang call time?"
"E kasi nga.." tumingin ako sa kanilang dalawa.
"E kasi ano?" tanong ni Ruth.
"Kasi ganito.." muwestra ko ng kamay sa kanilang harapan, nasa bibig pa rin ang kalahati ng tinapay. "May kaibigan ako tapos 'yong kaibigan kong 'yon ay may nais makipagkaibigan sa kanya." pagkatapos ubusin ang tinapay ay itinaas ko ang aking dalawang binti sa upuan at niyakap ang mga hita.
"Tapos pakiramdam niya ay kilala siya ng taong iyon pero hindi naman ito nagpapakilala. Tinatanong ako ng kaibigan ko kung ano bang dapat niyang gawin. Tingin niyo?"
Nakita ko kung paano manliit ang mga mata nilang dalawa sa akin. Saglit silang nagkatitigan at sabay na humarap sa akin.
"Anong sinabi mo?" sabay nilang tanong.
"Ang sabi ko..teka.." saglit akong natigilan sabay tapon nang matalim na tingin sa kanilang dalawa, "Nag-rehearse ba kayong dalawa? Bakit iisa ang tanong niyo?"
"Ulitin mo Samantha, hindi namin naintindihan." saad ni Ruth.
"Forget it." dismayado kong tugon sabay tayo, "Kain muna tayo." talikod ko sa kanilang dalawa.
"Samantha sorry na." si Clare na nakasunod sa akin.
"Kalimutan niyo na ang sinabi ko." taas ko ng isang kamay habang nakatalikod sa kanila.
"Mga hija kumain lang kayo ha," alok ni Mommy pagkalapit namin sa table, "Huwag kayong mahihiya."
"Salamat po tita." sabay nilang wika.
"Mommy, si Daddy natutulog pa rin," reklamo ko pagkakuha ko ng pancake.
"Huwag mong istorbohin ang Daddy mo, alam mo namang pagod 'yon sa trabaho." tugon nitong abalang hinahalo ang gatas ko sa baso. "O inumin mo muna ito bago ka lumusong sa tubig."
"Thank's Mom." nakangiti kong tanggap dito.
"Sa loob lang kami ng Ate ha? Ikaw na ang bahala sa mga kaibigan mo." paalam nito bago kami talikuran.
"Huwag masyadong maharot Sammy," turo sa akin ni Ate, "Iwasang malagyan ng tubig ang tainga."
"Opo Ate," ngiti ko, "Salamat po sa pagkain."
"Salamat po Ate," pakikisali ng dalawa kong kaibigan.
"Enjoy lang kayo." ngiti nitong tugon sa kanila.
Bago niya kami talikuran ay muli niya akong tiningnan at saka inulit ang bilin niya at ni Mommy kanina. Tumawa ako.
"Oo na po Ate."
"Ang swerte mo sa family mo Samantha," maya-maya ay sambit ni Ruth, "Hindi ka lang spoiled sa kanila, mahal na mahal ka rin nila."
"Talaga?" kunwa'y hindi ko 'yon alam, "Akala ko kapag sinabing pamilya ganito na 'yong kahulugan noon."
"Hindi lahat Samantha," malungkot na singit ni Clare, "Mayroong sirang pamilya, may pamilyang magulo, may pamilyang walang respeto sa kapamilya nila."
Nakita ko ang ginawang pagbaling ng tingin sa kanya ni Ruth suot ang malungkot na mga mata. Nasaksihan ko rin ang malalim niyang pagbuntong-hininga. May mali sa kanya.
"What's wrong Clare?" nag-aalala kong tanong, "May problema ba sa pamilya mo?"
"W-Wala." tugon niyang naging malikot ang paningin, "Kumain na tayo tapos maglangoy na tayo." dagdag niya pang tumalikod sa akin.
"Oo nga Samantha, kumain na tayo tapos maglangoy na." sang-ayon ni Ruth.
Habang kumakain ay pilit kong hinuhuli ang paningin ni Ruth upang magtanong. Subalit naging mailap ito, kagaya ng mga mata ni Clare na nababalot na ng labis na kalungkutan. Alam kong may mali sa kanya ngunit nahihiya akong itanong ng prangka. Ayokong manghimasok sa buhay niya o nilang dalawa hangga't hindi nila ako pinahihintulutang gawin 'yon.
Binalot ng katahimikan ang aming mesa habang kumakain kaming tatlo. Ang maingay nilang tinig kanina ay agad na naglaho.
"Bilisan mo Samantha!" sigaw ni Clare habang nakatalikod na tumatakbo patungong swimming pool.
Malawak siyang nakangiti habang ginagawa 'yon. Ang kalungkutan kanina ay inilipad na ng hangin papalayo. Maaliwalas na ang kanyang mukha at sa makakakita sa kanya ngayon ay hindi maghihinalang naging malungkot siya kanina.
"Sandali!" ganting sigaw ko at inilagay ang kalahati ng nilagang itlog sa bibig.
"Ang bagal!" sigaw ni Ruth na bumagsak na ang katawan sa malalim na tubig.
"Nandiyan na!" sigaw ko habang isinusuot ang googles sa mga mata.
Mabilis akong tumakbo patungong pool habang malawak na nakangiti. Maya-maya pa ay mabilis nang niyakap ng malamig na tubig ang aking buong katawan.
"Ang lamig!" bulalas kong lumitaw sa tubig at hinanap silang dalawa.
"Selfie tayong tatlo!" bulalas ni Clare habang hawak ang cellphone niyang nakalagay sa plastic na waterproof.
"Tara!" hila ni Ruth sa akin palapit sa kanya.
"Magbilang ka Samantha." utos ni Clare sa akin.
"Okay one..two..three!" sigaw ko na tumalon pa.
"Bakit ka tumalon Samantha?" dismayadong tanong ni Ruth sa akin nang makita ang kuha namin.
Bukod sa ako lang ang may malinaw ang mukha dito ay pareho pa silang nakangiwing dalawa, nang dahil sa tubig na tumapon pagtalon ko.
"Isa pa, isa pa." apela ni Clare.
"Sige." ngisi ko.
"Huwag kang tatalon Samantha." paunang saad ni Ruth.
"Okay, walang jumpshot." halakhak ko nang nakakaloko.
"Samantha." sabay na wika nilang dalawa.
"Oo na." tugon kong napahalakhak na.
"Say party!" wika ni Clare na siya nang nagbilang.
"Party!" sigaw naming tatlo.
Marami pa kaming naging kuhang tatlo, mapa camera ko o camera nilang dalawa. May solo, may partner o di kaya naman ay habang naglalangoy kami. May nasa ilalim ng tubig, may nagfloa-floating at higit sa lahat may tumatalon kaming tatlo na kuha ni Ate noong dinalhan kami nito ng juice.
Sa loob ng mga sumunod na oras ay hindi sumagi sa aking isipan si Anonymous. Naging okupado ang aking isipan nang kasiyahang ibinibigay sa akin ng dalawa kong kaibigan. Wala akong ibang inisip kundi ang makipagharutan sa kanilang dalawa, makipagkwentuhan ng ilang bahagi ng aking kabataan.
"Noong elementary ako mahilig akong umakyat sa puno ng bayabas sa likod ng aming bahay sa probinsya." kwento ko habang nakahiga kaming tatlo sa malaking salbabida.
Ang makulimlim na kalangitan ay nakatulong sa amin upang hindi masyadong masunog ang balat. Banayad ang simoy ng hangin na humahalik sa aming giniginaw na katawan.
"Noong elementary ako lagi akong tumatambay mag-isa sa aming terasa." wika ni Clare, "Pinapanood ko ang mga batang naglalaro noon sa labas, iniisip ko noon na ano kaya ang pakiramdam ng may kalaro ka at mga kaibigan."
Sabay nabaling ang paningin naming dalawa ni Ruth sa kanya. Bakas sa dalawang pares ng kanyang mga mata na nakatingin sa langit ang kalungkutang sinasabi niya.
"Noong elementary ako mag-isa rin ako palagi," sambit ni Ruth na ikinabalik ng tingin ko sa langit, "Subalit noong dumating sa buhay ko si Clare, hindi ko na naramdaman pa ang mag-isa."
"Huwag mo nga akong binobola Ruth." protesta ni Clare.
"Totoo 'yon ah." tugon nitong natatawa.
May inggit akong ngumiti, sana ay kagaya rin nila ang kabataan ko. May kaibigan mula noong bata palang, o sana ay nakilala ko na sila noon pa. Kaya naman ngayon ay nagpasya akong mag-ipon ng mga kaibigan hanggang sa aking pagtanda.
Masaya akong bumaling ng tingin sa kanilang dalawa. Nagpalipat-lipat ang aking mga mata sa mukha nila, sabay usal ng isang hiling na sana ang pagkakaibigan naming tatlo ay umabot hanggang sa huli naming hininga.
Nang magsawang maglangoy ay kumain kami, muling kumuha ng litrato at muling bumalik sa tubig. Hapon na nang magkaayaan kaming tatlo na umahon na. Bukod sa lumalamig na ang ihip ng hangin ay nagbabadya rin ang pagbagsak ng isang malakas na ulan.
"Umaambon na!" usal ni Ruth habang nakatingin sa pool.
Nasa hallway na kami sa likod-bahay na papasok sa aming kusina.
"Mabuti nalang nakaahon na tayo." pag sang-ayon ni Clare.
"Uuwi na ba kayo?" medyo malungkot kong tanong sa kanila.
"Oo," tango ni Ruth, "Uuwi na kami ni Clare."
"Umaambon pa."
Iisa lang ang ibig kong sabihin doon, hindi pa sila makakaalis na dalawa.
"Tumambay muna kayo sa room ko." offer ko sa kanilang dalawa.
"Pwede ba Samantha?" may takot na tanong ni Clare, "Baka magalit si Tita."
"Oo naman," nakangisi kong saad, "Bakit naman magagalit?" balik-tanong ko.
"Hindi sila magagalit?" may pag-aalala rin sa tinig ni Ruth.
"Hindi." iling ko, "Bakit naman sila magagalit?" balik-tanong ko ulit.
"Just asking Samantha." kibit-balikat nito.
"Hindi nga," tawa ko. "Ang gusto nga nila makipagkaibigan ako sa lahat sa bago kong school eh. At saka may mga damit akong hindi na sinusuot baka gusto niyong isukat. Kapag kasya, sa inyo na."
"Samantha baka isipin ng parents mo tini-take ka namin for granted." nguso ni Clare.
"Uy hindi ganyan si Mommy at Daddy." depensa ko, "At isa pa ay hindi naman kayo ganun." irap ko sa kanilang dalawa, "And sharing is not bad lalo na kung sobra ang blessing na iyong natatanggap."
"Oo na, ikaw na talaga." singhal nilang dalawa sa akin.
"Ulirang anak, mabuting kaibigan." wika ni Clare.
"Maganda, may mabuting kalooban." dagdag ni Ruth.
"Total package na ba?" pagbibiro ko na ikinatawa naming tatlo.
"Wow!" bulalas ni Ruth pagkapasok namin sa aking silid. "Room mo na 'to Samantha? Ang lawak, mas malaki ito sa room ko."
"Oo nga ang laki ng room mo Samantha." sang-ayon ni Clare, "Ano pa bang aasahan natin Ruth, unica hija lang siya."
"Pasensiya na, medyo makalat." pulot ko sa kumot na nasa sahig, "Ilan ba kayong magkakapatid?" tanong ko habang inaayos sa rock ang towel na ginamit ko.
"Kami tatlo lahat babae." tugon ni Ruth.
"Kayo Clare?" baling ko dito na abalang sinisiyasat ang apat na shelf ko ng mga libro.
"Six kami Samantha, tig-tatlo." tugon nito na hindi ako tinitingnan, "Ako ang bunso."
"Nakakainggit naman, dati pinangarap ko rin kaya ang magkaroon ng mga kapatid." nguso ko sabay upo sa aking kama, "Iyong pakiramdam na may kausap ka, may kasalo ka sa lahat ng gamit. Malungkot ang solong anak."
"Ampunin mo ako Samantha!" sabay nilang saad at salampak ng upo sa aking kama.
"Willing akong magpatawag ng ate sa'yo." bungisngis ni Ruth.
"Ako rin Samantha, handa akong tawagin kang sis." apela ni Clare.
"Tigilan niyo nga ako!" halakhak ko. "Syempre para sa akin ay kapatid ko na talaga kayong dalawa."
"Talaga ba?" duet na naman nilang tanong.
Tumango ako.
"Legal?" apela pa ni Clare.
"Literal sa aking puso't isipan."
"Ay akala ko pa naman aampunin niya na talaga tayo Clare." sulsol ni Ruth.
"Kaya nga," dismayadong tugon nito sa kaibigan sabay tayo at lapit sa shelf ng aking mga libro.
"Mahilig akong magbasa ng mga books," pagbibigay ko ng impormasyon sa kanya, "Pocketbook, short stories, w*****d books, international books, english man o tagalog. May mga thriller at mystery rin diyan saka horror."
"Ako rin mahilig ako sa mga books." lingon niya sa akin, "Nabasa mo na ba iyong story na My Fake Husband?"
"Oo naman, gigil ako ni Julian." tango kong natatawa.
"Sana magkaroon na rin ng printed book noon, bibili talaga ako." wika pa nitong halatang determinadong bumili.
"Hala, OMG! Ruth halika dito."
"Bakit?" tanong nitong mabilis na lumapit. "Tingnan mo!" turo niya sa isang libro.
"Hala, naisalibro na pala itong My Little Wife." laglag pangang tingin ni Ruth sa akin, "Samantha sagutin mo ako saan mo nabili itong libro?"
"Online, kamakailan lang nagpa pre-order iyong author at publishing niyan." tugon kong lumapit na sa kanila, "May dedication at pirma pa 'yan ng writer, tingnan niyo." buklat ko sa ikalawang pahina ng libro.
"Hala oo nga!" talon ni Clare, "Gusto ko rin nito."
"Ilalabas ba 'yan sa mga bookstore?" interesadong tanong ni Ruth.
"Ewan? Siguro." kibit-balikat ko. "Friend ko nga sa f*******: iyong sumulat niyan eh." pagbibida ko pa sa kanila.
"Hala hindi nga?" halata ang bahid ng pagdududang tanong nila.
"Oo nga." natatawa kong tugon.
"I suggest friend mo siya sa amin Samantha," yugyog nila sa aking magkabilang braso.
"Oo na mamaya," paikot ko ng mga mata sa ere, "Kaso baka full na friend list niya."
Hindi sila sumagot.
"Walang aagaw sa akin kay Vandrou!" kapagdaka ay bulalas ni Ruth.
"Sige sa'yo na Ruth basta sa akin lang si Julian Velasco." pag sang-ayon ni Clare.
Gusto kong humagalpak ng tawa sa kanilang dalawa. Animo mga bagay lang ang kanilang pinag-uusapan.
"Basta sa akin lang si Cavin, Lacim at Geronimo." ngisi ko pakisasali na.
"Sino--waaah, share tayo kay Lacim Samantha!" irit ni Clare.
"Oo nga Samantha, share rin tayo kay Geronimo." singit na rin ni Ruth.
"Pagdating sa akin bawal ang share." mariin kong wika.
"Akala ko ba---"
"Magsukat na nga kayo ng damit." putol ko sa sasabihin niya.
Ayoko na itong pag-usapan pa dahil nalulungkot lang ako, nalulungkot ako sa matagal na update ng author sa The Last Fang Princess kung saan bida si Cavin. Alam ko namang busy ang author sa kanyang personal na buhay, kaya maghihintay pa rin ako sa update nito.
"Naiyak talaga ako sa kwento ng My Little Wife," narinig kong usal ni Ruth, "Doon sa scene na kailangan nilang maghiwalay na dalawa, grabe sarap upakan ni Van."
"O kalma na Ruth," awat ng isa, "May happy naman ang ending nila kahit mahirap 'yong pinagdaanan nilang dalawa."
Mas lumawak pa ang aking ngiti na lihim na nakamasid sa dalawa kong kaibigan, na abalang nagsusukat ng aking mga pinaglumaang sapatos at damit. Hindi lang sila basta kaibigan, kundi mga kaibigan na marami kaming mapapagkasunduang mga bagay.
Matapos magsukat ng mga damit at makapili ng nais iuwi ay nagpaalam na rin sila sa akin.
"Maraming salamat Samantha!" kaway nilang dalawa.
"Ingat kayo," kaway ko pabalik sa kanila.
"Hanggang sa muli Samantha," sigaw pa ni Clare.
"See you on Monday." ngiti ko.
Nang mawala sila sa aking paningin ay pumihit na ako papasok ng aming bahay. Naging abala ang aking isipan maghapon nang dahil sa pagbisita ng aking mga kaibigan. Agad akong natigilan nang maisip ang problemang aking iniisip nang nagdaang gabi, hindi ko alam kung anong dapat kong i reply sa kanya.
Should I accept him?
Papayag ba akong maging kaibigan ang isang taong hindi ko pa nakita sa personal?
Dala ng isiping 'yon ay hindi ko napansin ang nakausling putol na bakal sa may hagdanan papasok ng aming bahay. At bago ko pa ito makita ay natisod na ako dito at mabilis na natumba. Ito ang naging dahilan upang humampas ang aking noo sa kahoy na upuan sa gilid ng aming hagdan.
"Sammy! Jusmiyong bata ka!" tarantang dalo ni Ate sa akin, "Anong nangyari sa'yo? Ma'am! Sir! Ang anak niyo!" sigaw niya.
"A-Ate ang sakit," daing kong hinawakan ang noong may mainit na likidong umaagos. "D-Dugo.." sambit ko, "A-Ate d-dugo."
"Dugo? Ma'am, Sir! Si Sammy dumudugo ang noo!" sigaw nitong muli.
Bago ko pa makitang lumabas sina Mommy at Daddy ay mabilis na akong nawalan ng ulirat. Hindi dahil sa sakit, hindi dahil sa nakalog ang aking utak kundi dahil sa dugo. Takot ako sa dugo, may phobia ako pagdating sa kulay at itsura ng dugo simula noong bata pa ako.