Maaga kaming nagising ni Sammie dahil na rin sa tunog ng alarm ko mula sa cellphone. Seven o’clock pa lang ay bumangon na kami sa kama. Check out time namin 10 a.m. kaya pinauna ko na siyang maligo dahil ang bagal niya pa namang kumilos.
Pagkatapos niya ay ako naman ang naligo. Makalipas ang ilang oras ay lumabas na ako sa banyo matapos kong magbihis. Siya ay nag-aayos na ng buhok, tinatalian niya ‘to sa harap ng vanity mirror. She was wearing a white simple dress. Mas lalo siyang pumuti sa suot niya. Napatingin na lamang ako sa ‘king suot, naka-dress din naman ako pero hindi ako tulad niya. Morena ako, nagmana ako sa kulay ni Papa habang si Sammie ay nagmana naman kay Mama. Dahil sa pula kong dress, mas umitim pa yata ako.
Napailing na lang siya nang mapansin niyang nakatitig ako sa kanya. Hindi na lang ako umimik, inayusan ko na lang din ang sarili ko.
“Tapos na ba kayo, Alysha, Sammie?” boses ni Mama.
“Malapit na po!” sagot ko dahil naglalagay pa ako ng lip tint sa labi ko. Masyadong maputla ang itsura ko kaya kailangan ko gumamit.
“Labas na ako,” narinig ko namang sabi niya. Isinukbit niya na ang bag niya, handa nang lumabas.
“Malapit na ako, sabay na tayong lumabas.”
“Okay.”
Malapit na akong matapos e, alangan naman paunahin ko pa siya. Sabay rin naman kaming aalis.
Pagkatapos ko ay kinuha ko na ang handbag na naglalaman ng damit namin. Sabay na kaming lumabas at naghihintay na sila Mama. Habang naglalakad na sa hallway patungong elevator ay nakasabay na rin namin ang pamilya ni Kia, nasa iisang floor lang kasi kami.
“Hi,” mahinang sabi niya at napahawak sa braso ko. She’s clingy, hindi na ako magtataka kung bakit ang dami niyang kaibigan.
Bahagya ko naman siyang siniko dahilan para mapalayo siya ng kaunti sa akin. Natawa na lang siya dahil sa ginawa ko habang ako ay napairap na lang dahil nang-aasar na naman siya. Mas matangkad siya sa ‘kin kaya nanliliit talaga ako kay Kia kapag magkadikit kami.
“Bago umuwi ay kumain muna tayo sa labas, Anne,” narinig ko namang sabi ni Tita. She’s referring to my Mother.
“Oo, masyado pang maaga para umuwi,” tugon ni Mama.
Kusa namang hinanap ng mga mata ko si Sammie, nang maramdaman ko siya sa likuran namin ay hindi na ako nag-abalang lingunin siya dahil mukhang kausap niya na si Kuya habang si Papa naman ay nauna na sa amin. Ang bilis niyang maglakad kasama si Tito.
Pagsakay namin sa elevator ay tuloy pa rin ang kwentuhan nila Mama habang kaming mga anak ay tahimik lang. Pagbaba sa lobby ay nagpaiwan na sila Mama para sa pag-check out, ilan sa pamilya namin ay nauna nang umuwi. Ang iba naman ay makakasama pa naming kumain.
“Sa parking na natin hintayin sila Mama at Tita,” saad ni Kuya na kaagad naming sinunod.
Tinulungan niya na rin ako sa dala ko kahit hindi naman ganoon kabigat, sadyang gentleman lang talaga si Kuya. Swerte ng magiging girlfriend niya. Habang naglalakad na kami tungo sa parking lot ay tumabi na si Kia sa kapatid niya, lumipat dahil hindi ko pinapansin ang bawat hirit niya. Nagsawa na sa ‘kin kaya ginugulo niya na ang kuya niya. Ang daldal talaga ni Kia, napabuntong-hininga na lang ako. Sana gano’n din ako pero ang hirap.
Kami naman ni Sammie ang nagkasabay. Abala na siya sa cellphone niya, napasilip ako ro’n at nakita kong nagbabasa siya ng Manga.
“Mamaya na ‘yan, gusto mo bang madapa?”
Natigilan naman siya upang tignan ako. “Pake mo?” iritado niyang sabi.
“E ‘di ‘wag,” sabi ko na lang. Ako na nga ‘tong mabait.
Mayamaya pa ay naaninag na namin sila Papa, naghihintay sa amin. Binalik na ni Kuya ang bag sa ‘kin, nagpasalamat naman ako pagkatapos ay nagtungo na siya sa kanilang sasakyan.
“See you later!” ani Kia bago pumasok sa loob ng van.
Kumaway na lang ako sa kanya at pumasok na rin ako sa loob ng kotse namin, si Sammie katabi ko dahil si Mama at Papa sa harap, obviously.
“Malapit ka ng mag-college, Alysha,” sa seryosong tono ng boses ni Papa ay napaayos agad ako ng upo.
“Yes, Dad.”
“Good, simulan mo na ang pag-aral para sa entrance exam dahil sa college of medicine kita papaaralin. Dapat ngayon pa lang naghahanda ka na,” paalala niya na matagal ko nang pinaghahandaan.
“What about you, Sam?” nang maibaling niya ang atensyon niya sa kapatid ko ay para akong hinugutan ng tinik.
Nakakakaba talaga kapag si Papa na ang nagsalita.
“I just finished my exam last month. Next week ko malalaman ‘yong resulta, if I’m qualified to be a student in Stem strand.”
Isang taon lang ang gap namin ni Sammie kaya Grade 11 na siya this year habang ako ay Grade 12 mula rin sa Stem strand. Magdo-doktor kami parehas dahil ‘yon ang gusto ni Mama lalo na si Papa.
“Oh, I didn’t know that,” tila nahiyang sabi ni Papa.
Ngayon lang talaga nalaman ni Papa dahil ngayon lang din siya nagkaoras sa amin. Saksi ako ro’n. At saka, minsan lang siya kung magkaroon ng pake sa kapatid ko dahil mas pinagtutuunan nila ako ng pansin.
“Its fine,” aniya.
Napasulyap ako sa kanya, ang mga mata niya ay nakatuon sa screen ng cellphone. Wala talaga siyang pake.
Pagpasok ni Mama sa kotse ay minaniobra na ni Papa ang sasakyan. Wala man lang nagsalita sa kanilang dalawa. Natahimik kami, tanging music na lang sa sasakyan ang naririnig namin. Ni-minsan ay hindi ko nakita o naramdaman ang pagmamahalan ni Mama at Papa. Sa nakikita ko para silang hindi mag-asawa, masyado silang propesyonal sa isa’t isa. Hindi ko masabi na mahal nila ang isa’t isa.
Nakakatakot pumasok sa isang relasyon na ganito…
Dahil traffic at hindi ko alam kung saan kami kakain ay tuluyan ko nang kinabit ang earphones ko dahil may gusto akong music na pakinggan at saka ipinikit ko na ang aking mga mata para matulog muna.
Makalipas ang ilang oras ay naalimpungatan na lang ako dahil sa sinag ng araw na pumapasok mula sa binta ng kotse, sakto naman dahil nakarating na kami sa isang restaurant. Bumaba na kami at sila Kia pati na rin si Lea at ang pamilya nila ay nandoon na. Kami na lang ang hinihintay. Nag-shortcut siguro kaya mas nauna sila.
At dahil mamahaling restaurant ang pinuntahan namin ay nasa mahabang table kami. Nagkasya ang 11 persons. Ngumiti at tumango na lang ako nang kumaway si Kia sa amin ni Sammie.
“Nag-order na kami. Sagot ko na, Ate,” sabi naman ni Tita Lori, Mother of Kia and Kio.
“Ah, salamat. Mabuti na lang, ang laki pa naman ng ginastos sa hotel,” tugon ni Mama pagkaupo namin sa bakanteng upuan. Katapat namin sila.
“Wala ‘yon, para na rin sa mga bata,” nakangiting sabi ni Tita at bahagyang napatingin sa amin.
Si Tita Rizza naman, kapatid ni Papa ay tahimik lang. Anak niya si Lea ‘yong kinuwento sa akin kagabi ni Mama. Hindi ko siya masyadong close pero naaawa ako sa kanya dahil alam ko ‘yong kalagayan niya. Para tuloy silang out of place, dalawa lang sila. Single mother kasi si Tita. Hindi ko naman maiwasang mapatingin kay Lea, ngumiti ako nang magtama ang mga mata namin lalo na’t ngumiti rin siya. We’re good. Nakakagaan sa loob ang ngiti niya at ramdam kong hindi plastik ‘yon.
I don’t know. Maybe, someday we can relate to each other.
Nang dumating ang pagkain ay nagdasal muna kami. Pinag-lead ako ng prayer, pagkatapos no’n ay nagsimula na kaming kumain. Mayamaya pa habang kumakain ng matiwasay ay dumaldal si Mama na sinundan naman ni Tita Lori, tahimik lang naman na nakain si Papa at paminsan-minsan ay nagsasalita si Tito John. Tungkol lang sa business ang pinag-uusapan nila hanggang sa napunta ang usapan kay Lea.
Dahil doon napahinto ako sa pag-kain, nagsisimula na naman si Mama. Sa totoo lang, nakakahiya at napaka-sensitive ng topic para kay Lea.
“Nga pala! Babalik ka pa ba sa pag-aaral, Lea?” nangungunang sabi ni Mama.
“Oo nga, sayang naman kasi,” dagdag ni Tita Lori.
“H-hindi ko pa alam, Tita…” mautal-utal na sabi ni Lea.
“Pagbalik sa Imus ay ipapa-checkup ko si Lea,” pagsingit ni Tita Rizza. “Manghihingi sana ako ng kaunting pera—” natigilan na lang si Tita nang pigilan siya ni Lea dahil sa mahinang boses nito na nakarating naman sa tainga ko. Ayaw ni Lea na maka-perwisyo.
“Ay, check—” hindi rin naituloy ni Mama ang sasabihin niya dahil kay Papa.
“Kung nakinig ka lang sa akin noon hindi ka mahihirapan ngayon. Saan ang magaling mong asawa, ha? Iniwan ka, tignan mo ngayon nangyayari sa inyo ng anak mo.”
Napatungo ako, ayoko ng ganito…parang ako ‘yong sumasalo sa lahat ng mga sinabi ni Papa.
“Kuya, hindi ko naman alam…” saad ni Tita na tila nasasaktan sa pagpapahiya sa kanya ni Papa.
As far as I know, hindi inaasahang mabubuntis noon si Tita. Ilang taon na rin ang nakakalipas pero hanggang ngayon may galit pa rin si Papa sa kanyang kapatid, ngunit alam ko rin na sobrang nag-alala siya dahil kapatid niya ‘yon, eh. Besides, nandito na at tapos na kailangan na lang tanggapin kaya sana magkaayos na sila.
Gusto kong sabihin ‘yon pero hindi ko magawa.
“Dapat nakinig ka nga!” bahagyang tumaas ang tono ng boses ni Papa.
“Nasa labas tayo, Samuel,” paalala naman ni Mama sa kanya.
“Ako ng bahala,” nagsalita na rin si Tito John.
“Oo nga, Rizza. Tutulungan namin kayo,” dagdag ni Tita Lori.
Mapapabuntong-hininga na sana ako nang marinig ko na lang si Sammie. Nagpakawala siya nang mabigat na hininga. I know she also doesn’t want this.
“Thank you…”
Sandali silang natahimik at dahil sa tensyon na halos lahat ay ramdam, nagmadali na kaming kumain para lang makauwi na.
Bago bumalik sa sasakyan ay niyakap ko muna ang mga pinsan ko, gano’n din ang ginawa ni Sammie. Huli kong niyakap si Lea na bahagya pa siyang nagulat sa paglapit ko. “Take care, Lea. If you need anything don’t hesitate to message me.”
“S-salamat, Ate,” aniya. Mas matanda kasi ako kaya siguro magaan ang loob ko sa kanya dahil bata pa siya.
Pagkalas ko sa yakap niya ay nagtungo na ako sa kotse namin. Nagsimula nang magmaneho si Papa nang makapasok na ako sa loob.
“Dahan-dahan lang, Samuel,” si Mama na parang hindi mapakali. “Baka gusto mong masagasaan tayo?” dagdag niya nang hindi sumagot si Papa.
Parang may hinahabol si Papa dahil sa bilis nang pagpapatakbo niya. Muli na namang dinaga ang puso ko dahil sa kaba.
“Kahit kailan talaga ‘yang bibig mo ay hindi mapirmi.”
“Gusto ko lang naman malaman kung ano nang plano ng kapatid mo sa buhay ng anak niya. Malay ko ba na magagalit ka? Maayos naman ang pagtatanong ko sa bata,” aniya na parang nagtitimpi na at malapit ng sumabog.
Nakikinig ako sa kanila, mukha lang hindi dahil naka-earphones ako pero ang totoo ay wala akong pinapakinggan na music kundi sila. Si Sammie naman ay tulog, naka-earphones din siya.
“Dapat hindi na lang ako tumigil sa pagta-trabaho kung gan’yan ka pa rin. Mas naririndi ako sa’yo kaysa sa mga pasyenteng humihingi ng tulong sa akin.”
“Dapat nga hindi na lang! Dapat nagtrabaho ka na lang habangbuhay sa ospital!”
Napapikit na lang ako nang mapasigaw na si Mama.
Should I stop them? Pero, gusto ko pa rin silang marinig. Gusto kong matunghayan ang ganitong klase ng away nila. Gusto ko masilayan kung gaano kaganda ang pamilya ko. I look pathetic now if they can just see me right now. They’ll know through my eyes how disappointed I am to be in this family.
“Wala ka ng trabaho, sa tingin mo ba makakayanan kong buhayin ang dalawa? Hindi magtatagal lahat ng naipon mo!” pagsigaw muli ni Mama.
“P’wede ba? Tumahimik ka na!” at bigla na lang huminto ang sasakyan.
Napahinto sa gilid ng kalye ang sasakyan. Magsasalita na sana ako nang sumulyap bigla si Mama sa ‘kin. Tinanggal ko naman ang earphones ko dahil alam kong may sasabihin na naman siya sa ‘kin.
“Kaya ikaw Alysha, ‘wag kang gagaya sa pamilya ng Daddy mo dahil walang mangyayari sa buhay mo kung magiging katulad ka ni Rizza. Naiintindihan mo ba?”
Bago pa ako makapagsalita ay nagsalita rin si Papa. “H’wag ka ring gagaya sa mama mo, Anak,” walang halong biro na sabi niya na ikinagalit naman ni Mama.
Hindi na ako nag-abalang sumagot. I just watched them as they quarrel.
This…this is my family.