Alysha’s POV
Nilibot ko ang aking paningin, naghahanap ng matatambayan. Ayoko ng makisama sa mga kamag-anak namin dahil kung ano-ano na namang tinatanong nila tungkol sa buhay ko tapos ikakalat nila? ‘Wag na kung gano’n, hindi ko sila kailangan. Alam ko kung gaano kapurol ang pag-iisip nila, pakiramdam ko ay nasusuka na lang ako sa tuwing pinag-uusapan na nila kami ng kapatid ko.
Una sa lahat, ayoko ng kinukumpara ako sa iba lalo na sa kapatid ko kaya ginagawa ko ang lahat para makita nila ang kahalagahan ko kahit na nadudurog na ‘ko.
Pilit akong ngumi-ngiti sa mga ka-pamilyang nakakasalubong ko. Kailangan maingat ako lalo na’t pormal ang family gathering namin, a kind of reunion for us. Masyado lang bongga ngayon dahil retired na si Papa sa trabaho niya bilang doktor. Nagsasaya siya ngayon dahil tapos na ang paghihirap niya.
Madami talagang dumalo sa hotel, malaki rin ang nagastos. Hindi na ako magtataka kung pag-uwi namin sa bahay ay puro na kami utang lalo na’t hindi naman ganoon kalaki ang kinikita ni Mama sa bagong small business niya. Ewan ko na lang kung may naipon pa sila, ang mahal pa naman ng pinapasukan naming school.
After ng bakasyon na ‘to, grade 12 na ako sa pasukan. Hindi ko alam kung lilipat pa ba ako o mananatili sa high-class na paaralan na ‘yon.
“Alysha, anak! Halika rito at ipapakilala kita sa kumare ko,” napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses ni Mama. Hindi ko alam kung bakit nandito na ang mga kaibigan niya. Maybe, she’s bragging again.
Huminga muna ako nang malalim bago lumapit sa kanila. “Ito ang panganay ko, napaka-talino ng anak kong ‘yan! Siya ang papalit kay Samuel,” ani Mama pagtukoy kay Papa.
Ako talaga ang papalit, gusto nilang maging doktor ako dahil palaging sinasabi sa akin ni Papa na mapapadali ang buhay ko kapag sumunod ako sa yapak niya dahil ipapasok niya na agad ako sa ospital, mayroon kaagad akong advantage kapag nakatapos na ako. I guess that’s how life works for us, everything is revolving through influence.
“Hello po,” sambit ko.
Pinilit ko pa ring ngumiti kahit na minamata niya ako mula ulo hanggang paa na parang hinuhusgahan na ang buong pagkatao ko. Nang ibaling niya na ang paningin sa iba ay naglaho rin ang ngiti sa labi ko.
“Ah, siya pala! Akala ko ‘yong isa kasi mukhang mas matanda, mare!” patawa-tawang sabi ng babae.
Kung nababasa ko lang isipan niya, paniguradong ang gusto niyang sabihin ay mas maganda ang kapatid ko kaysa sa ‘kin. Mas panganay tignan ang kapatid ko, mas magaling siya, at mas kapansin-pansin kumpara sa akin na utak lang ang puhunan.
Bahagya akong napasulyap sa kabila ni mama kung saan katabi niya na ang kapatid ko.
“Bunso ‘yan, si Sammie,” pakilala ni Mama na parang nawalan siya ng gana.
“Good evening po,” bati niya habang nakangiti rin.
Bago pa man makapagsalita ulit ang kaibigan ni Mama ay nagpaalam na ako sa kanila. Ayoko na rito, gusto ko nang magpahangin sa labas.
Ganito ang pamilya namin, hindi perfect. Mukha lang dahil ang galing namin magpanggap.
Kumaway naman ako sa mga batang pinsan ko na nagsisi-takbuhan, mukhang mga naglalaro. Ang isa ay nagawa pang yakapin ang binti ko dahil muntik nang madapa, mabuti na lang naalalayan ko siya.
“Thank you, Ate!”
“You’re welcome! Mag-ingat kayo, ah,” paalala ko sa kanila.
Paglabas ko sa dining hall ay nagtungo naman ako sa veranda upang doon magpahangin. Walang katao-tao sa paligid kaya makakahinga ako nang maluwag. Habang nakatingala sa langit ay napabuntong-hininga na lang ako. Nakaka-drain ang araw na ‘to, gusto ko ng umuwi at matulog.
“Alysha!”
Napalingon naman ako sa pinanggalingan ng boses na iyon, si Kia. Isa sa mga ka-close kong pinsan.
“Sabi ko na nga ba nandito ka lang, eh!” at bahagya niya akong inakbayan.
Napangiwi na lang ako nang maamoy ang alak sa sistema niya. “Lumayo ka nga sa akin! Uminom ka na naman, Kia!” pagrereklamo ko dahil ayoko talaga ng amoy ng alak.
Hindi ako p’wede sa bar o night clubs kung saan palagi nila akong niyayaya, e hindi pa naman ako 18. Pero nakakapasok agad sila dahil may mga fake id naman at mukha na silang matanda. Ako lang ‘tong mukha pa ring bata at parang nahuhuli na sa kanila dahil napakasaya ng buhay nila.
“Arte naman, sis!” at ibinaba niya na ang kamay niyang nakaakbay sa mga balikat ko.
Tinawanan ko na lamang siya. Maya’t maya ay natahimik siya at pinagmasdan na lang din ang kalangitan tulad ko.
“Kumusta, Alysha? Tagal nating hindi nagkita, wala pa ring pagbabago sa buhay mo. Kailan ka ba magkakajowa, ha?”
“Ang dami mo namang sinabi,” at muling natawa.
Natawa na rin siya at marahan akong hinampas sa braso. “I’m serious!”
“Aral muna,” tipid kong sagot.
Kahit na ka-close ko si Kia hindi ko magawang sabihin sa kanya ‘yong totoo kong nararamdaman. Mananatili lamang ‘yon sa isipan ko, sa ‘king sarili. At saka, kung sabihin ko man, may makikinig ba? Baka gamitin lang nila ‘yong kahinaan ko.
“Hay nako! Kaya ang boring ng buhay mo, Aly. Why don’t you loosen up a bit? Sumama ka sa amin, malay mo makita mo na ang future prince charming mo!”
Kapag lasing talaga, ang ingay, noh?
“Ewan ko sa’yo, binubugaw mo naman ako.”
Napahalakhak na lamang siya hanggang sa dumating na si Kuya Kio, ang kapatid ni Kia upang patulugin na sa room dahil lasing na talaga ang babaitang ‘to.
“Pasensya ka na, Alysha. Dalhin ko lang ‘to sa kwarto,” aniya at tumango na lamang ako.
Nag-inarte pa si Kia pero sumunod din naman siya sa kuya niya. Makalipas ang ilang oras ay nararamdaman ko na ang lamig mula sa simoy ng hangin sa balat ko. Napayakap na lamang ako sa ‘king sarili. Mas gugustuhin ko pang manatili rito kaysa pumasok sa loob at makisama sa mga walang hiya kong pamilya.
Gusto ko ng mag-cellphone pero hindi ko hawak dahil na kay Mama. Kinukuha niya talaga ang cellphone namin kapag may pinupuntahan para daw hindi kami palaging nakatutok sa gadgets. Dapat kasama ko rin si Sammie pero mas pipiliin ko ring lumayo sa kanya dahil mag-aaway lang kami. P’wede naman kaming magpanggap, but the energy is too much, I prefer to be alone.
Minsan napapaisip ako sa iba na gustong magkaroon ng kapatid. Hindi ba nila naisip na ang hirap? Mas gugustuhin ko pa ngang mag-isa na lang pero baka ako lang ganito. Baka sa ibang pamilya, maayos naman. Baka…ako lang talaga ‘yong may problema.
“Ate Aly.”
Her voice, that’s Sammie. Malumanay, boses pa lang masasabi mo ng maganda. Eh, ako? Hindi ko alam. Siguro, boses pang-digmaan.
“Bakit?” nanatili akong nakatalikod sa kanya.
“Magpi-picture, you’re needed inside.”
Wala akong nagawa kundi ang lumingon na sa kanya at nilampasan siya. Ako na ang nauna. Kahit na palagi siyang napapansin, ako pa rin dapat ang palaging mauuna sa amin.
No’ng mga bata kami ay madalas na kaming mag-away sa mga bagay-bagay. Kahit na maliit na bagay lang, pinapalaki namin ‘yong gulo. Kapag may binigay si Mama o Papa na laruan at wala ‘yong isa, nag-aaway kami. Ayaw naming may nakakalamang kaya kapag may ibibigay sa amin ay kailangan parehas mayroon. Pero, mas nakakainis ‘yon. Mayro’n nga kami ni Sammie pero ang masakit, mas maganda nakukuha niya kaysa sa akin.
Ang unfair, ‘di ba?
Simula no’ng mamulat ako sa mundong ginagalawan ko, lumalim din ang pagka-inggit ko sa kapatid ko. Napapaisip nga ako minsan, ampon ba ako? Pero, alam ko na mas mahal na ako ngayon nila Mama at Papa. Dahil mas matalino naman ako, iyon ang gusto nila kaya ginagalingan ko sa paaralan.
At saka, hindi na kami katulad ng dati ni Sammie na sobra kung mag-away. Minsan na lang kami mag-usap lalo na kapag kailangan dahil lumalaki na kami at may kanya-kanya na kaming pinagkakaabalahan.
Pagpasok namin sa loob ay nakita ko kaagad si Mama, lumapit na kaming dalawa sa kanya. Nakahanda na rin ang camera na magpi-picture sa amin. Naka-pwesto na rin ang lahat sa gitna. Sobrang dami namin, nandito lahat sa Mother and Father side. Sobrang gulo pero makikita mong masaya naman dahil lahat ay nakangiti.
Nakakapanlinlang talaga ang pag-ngiti.
“In one…two…three!” sambit ng Tito kong photographer habang hawak-hawak ang DSLR niya. “Smile!”
Ngumiti naman kami nang sabihin niya ‘yon. Pinapagitnaan ako ni Mama at Sammie habang si Papa ay nasa gilid ni Sammie. Sobrang saya namin kung titignan sa picture, ngunit alam ko na isa sa amin ay may tinatago.
Hatinggabi na no’ng maisipan namin na matulog na sa kanya-kanya naming kwarto sa hotel. Kasama ko sa isang kwarto si Sammie, dalawang kama ang nasa loob. Siya muna ang pinauna kong mag-half bath habang ako ay nilibot ang kabuoan ng kwarto. Napakunot na lang ang noo ko nang mapansin ng mga mata ko ang kumikinang na isang bagay sa ilalim ng panyo niya na nasa kama. Na-curious ako kaya nagawa kong kunin ito. Pagkuha ko ng panyo ay tumambad ang necklace sa harap ko.
“Ano ‘to? Tinatago mo sa ‘kin?” sabi ko nang marinig ko ang pagbukas ng pinto mula sa banyo habang nakatingin pa rin sa hawak kong necklace. Paniguradong binigay sa kanya ‘to dahil ngayon ko lang nakita ang heart gold niyang necklace.
“Seriously? Pag-aawayan ba natin ‘yan?” hindi makapaniwalang sabi ni Sammie. Kinuha niya ang necklace sa kamay ko nang makalapit na siya sa ‘kin. “Binigay sa akin ‘yan ng kaibigan ni Mama dahil wala ka. Kung saan-saan ka kasi nagpu-punta.”
“Never mind,” nasabi ko na lang dahil expected ko na.
Basta kaibigan ni Mama, favorite agad nila ang kapatid ko. Para akong bula sa paningin nila, mabilis mawala. Mas nakikita nila ang kapatid ko.
“Yeah, don’t mind this,” at bahagya niyang tinaas ang necklace na hawak niya. “Mas masaya ka dapat dahil bukambibig ka ni Papa kanina.”
Napairap na lamang ako sa sinabi niya.
As if gusto ko ‘yong ginagawa nila. They’re just bragging how good I am when in fact I’m not happy about it. Kung pariwara akong anak, gagawin kaya nila ‘yon? Alam kong hindi dahil mas pipiliin na nila ang kapatid ko. Kaya lang naman ako pinagmamalaki ng magulang ko dahil matalino akong anak.
Pagkatapos kong mag-half bath at magbihis ay lumabas na ako sa banyo. Nakita ko namang natutulog na si Sammie at naibaling ko na lamang ang paningin ko sa balcony, papunta na sana ako ro’n nang may kumatok naman sa pinto.
“Anak?” si Mama.
Pagbukas ko ng pinto ay ngumiti ako agad. “Bakit, Ma?”
“Ito na ang cellphone n’yo ni Sammie,” at binigay niya na sa ‘kin. “Bukas na ‘yan gamitin, magpahinga na kayo dahil sa umaga ay mag-check out na tayo.”
“Okay, Ma. Goodnight sa inyo ni Papa.”
Imbis na umalis na siya sa harapan ko ay kinausap niya pa ako. “Nag-enjoy ka ba, Alysha? Hindi kita gaano maasikaso kanina dahil madaming dumalo,” aniya at hinawakan ang isa kong kamay.
“Okay lang ako, Ma. Besides, sobrang saya ni Papa,” nakangiti pa ring sabi ko.
“Thank you, Anak. Hindi mo talaga ako pinapahirapan.”
“You don’t have to worry,” tugon ko.
“Kung gan’yan lang din ang isa mong kapatid, ay nako! Mas lalo akong matutuwa. Kaya ikaw, galingan mo pa. Nabalitaan ko pa naman kanina na si Lea, ‘yong pinsan mo nag-drop out sa school. Problemado tuloy ang Tita mo,” kitang-kita sa mga mata niya kung gaano siya ka-disappointed.
This is what I hate about my family. Walang katapusang panghuhusga.
“I can handle myself, Mom. Kailan ko ba kayo binigo?”
“Kaya nga, Anak. I’m so proud of you! H’wag ka talagang gagaya sa mga pinsan mo.”
Napahikab na ako, nagkunwaring inaantok dahil ayoko ng marinig ang sasabihin pa ni Mama. It’s too much, hindi ko man lang magawang ipagtanggol ang mga pinsan ko. It sucks to be like this.
“Sige na. Goodnight,” tumango na lang ako sa sinabi niya at dahan-dahan nang sinara ang pinto.
Nilapag ko na lang ang cellphone ni Sammie sa side table ng kama niya. Sandali ko siyang pinagmasdan, she’s sleeping peacefully. Parang wala siyang problema, siguro masaya ang buhay niya lalo na sa school. Palagi siyang center of attraction, maganda, nilalapitan agad, hindi niya na kailangan magpakahirap para mapansin. Mukha pang mas panganay kaysa sa akin. Lahat-lahat ang dali para sa kanya. Pero, ako? Kailangan ko pang paghirapan lahat.
Minsan sumasagi na lang sa isipan ko na sana…sana ako na lang siya.