Pagka-open ko ng aking laptop ay binuksan ko na muli ang aking dummy account. Naka-pwesto ako ngayon sa ‘king study table. Kunwari nag-aadvance reading na pero ang gagawin ko lang talaga ngayong gabi ay makipag-usap sa mga kaibigan ko. Ang daily routine ko tuwing nasa virtual world ay una ko munang tinitignan ang notifications ko. Sunod ang messages ko. Pagkatapos ay nagre-reply na ako sa kanila.
Alize: Hey, guys!
Bungad ko sa kanila. Sa group chat muna ako nag-chat, mamaya ko na aatupagin ang mga nag-private message sa akin. Nag-post na naman ako sa my day ng messenger ko kanina kaya dinagsa na naman ng heart, wow, and replies ang my day ko.
Gerald: Yow, Alize!
Bella: Hello, girl!
Kylie: Hi, Alize! *blushing emoji*
Sunod-sunod ang pag-reply nila.
Harry: Uy, Alize.
Penelope: Hi, Alize! Kumusta?
Napangiti naman ako nang batiin nila ako agad. Napahinto pa talaga sila sa kanilang topic na pinag-uusapan kanina para lang replayan ako. Isang chat ko lang, nakuha ko na agad ang atensyon nila.
Huli namang nag-chat si Ryujin na kaka-seen lang sa group chat.
Ryujin: What’s up, Alize?
Nikolai: Bakit ngayon ka lang, Alize? Busy na naman sa outside world, noh? *laughing emoji*
Bella: Tignan n’yo naman day ni Alize sa messenger. Ang cool ng dating, it looks aesthetic!
Penelope: Agree. She can be a model!
How I wish…
Thanks to Thelia, my best friend who always makes me attractive in pictures. Siya ang kumuha ng litrato ko. Nakatalikod ako at ang mga kamay ko ay nasa likuran ko. Hindi ko napansin na pini-picturan niya na pala ako. Naglalakad lang ako no’n at nang ipakita niya sa akin ay edited na. Nagmukha talagang aesthetic at dahil na rin siguro sa outfit ko. I was wearing a green puff sleeve top and skirt at that time then my short hair was also good in the picture. Too girly for me, but I did look like a model. Nagmukha nga akong maganda dahil nakatalikod ako.
Gabriel: Likod pa lang, maganda na! Paano pa kaya kapag nakaharap na?
Sana nga, Gabriel.
Nagtitipa na ako ng isasagot sa kanila nang may kumatok na lang bigla sa pinto. Kaagad kong na-close ang tabs na may kinalaman sa dummy account ko. Iniwan ko lang na nakabukas ang google ko na kunwari’y nagre-research. Pagkatapos ay kinuha ko na ang libro ko na nasa gilid lang para mabilis maabot at nagsimula nang magbasa bago makapasok si mama.
“Alysha, nak…” pagtawag niya kaya napatingin na ako sa kanya. May dala-dala siyang tray na naglalaman ng milk and cookies.
“Thanks, Mom,” tugon ko nang mailapag niya na ang pagkain sa table ko kung saan may espasyo pa.
“Kumain ka muna para hindi ka mahirapan habang nag-aaral ka. Huwag magpapalipas ng gutom. Kanina ka pa nag-aaral, hindi ba?” sabi pa niya. Wala siyang kaalam-alam na ngayon lang ako nag-aaral.
Napatango na lamang ako at kumuha na ng isang cookie.
“Don’t forget that it’s getting late, Anak. Matulog ka na mamaya, ha? Iwan mo na lang sa baba ng kusina natin ‘yan, after mo mag-toothbrush.”
“Yes, Mom. Goodnight po,” sagot ko.
Pagkalabas niya ay napabuntong-hininga na lang ako. Muntikan na. Buti na lang mabilis na ang mga kamay ko sa mga ganitong pangyayari. Patagal nang patagal gumagaling na ako sa pagsisinungaling at paglilihim sa kanila. Kaysa naman sa kapatid ko na harap-harapan silang binabastos o sinusuway.
As long as it’s not hindering my studies, I’ll stay like this. Besides, wala naman akong ginagawang masama. Hindi ako nakakatapak ng ibang tao. And this is my way to escape from reality. There’s nothing wrong with that when it’s about my happiness or freedom. Am I right?
In this virtual world, I can be who I want to be.
But, now. I’m starting to feel guilty. Muli akong napabuntong-hininga at in-open na muli ang dummy account ko para magpaalam sa kanila. Mag-aaral na talaga ako. Malapit na ang pasukan, bawal na akong mag-chill.
Alize: I’m so sorry, guys. Kailangan ko ng mag-out. Pinapatulog na kasi ako ni Mommy. Goodnight, bawi ako tomorrow!
Iyon na lamang ang sinagot ko sa kanila.
Kinabukasan, si Sammie lang ang nadatnan ko sa hapag-kainan. Maaga naman akong nagising kaya dapat makakasama pa namin sila Mama at Papa na kumain pero napagtanto ko na wala sila ngayon. Kaming dalawa lang ng kapatid ko.
“Nasaan sila Mama?” tanong ko nang makaupo na. Nagsimula na akong kumuha ng pagkain at inilagay na ‘to sa aking plato.
“May pinuntahan,” tipid niyang sagot.
She’s using her phone while eating. Napairap na lang ako, mas malakas ang loob niya ngayon dahil wala sila Mama at Papa. Magagawa niya lahat ng gusto niya nang hindi pinagsasabihan nila Mama. Hindi ko naman siya masisisi, palagi kasi siyang bantay-sarado kanila Mama kaya siguro ganito siya. Kung ano-ano kasi ang pinaggagagawa. Napapaisip na lang ako minsan kung kanino siya nagmana. Dapat siya na lang ang naging panganay.
“Don’t do that,” pagsaway ko sa kanya habang nakatingin sa cellphone niya.
Napairap siya. “Mind your own business, Ate,” malumanay pa ring sabi niya. Ibang-iba sa ekspresyon niya. “Wala sila Mama kaya p’wede ba? Hindi ko kailangan ng pangalawang Ina.”
Bakit ko ba nasabi ‘yon? Ewan…naiinis kasi ako. Ang dali lang para sa kanya.
Hindi na lang ako sumagot sa sinabi niya. Kumain na lang ako. Hanggang sa matapos ay tahimik kaming dalawa. Ako na ang naghugas ng pinagkainan namin habang siya ay nagtungo na sa sala upang manood ng series. It’s an anime.
“Bakit hindi ka kaya mag-aral?” tanong ko nang matapos ko na ang ginagawa ko kanina. Napaupo na ako sa sofa kung saan katapat ko siya. “Gusto mo bang mapagalitan na naman?” dagdag ko nang hindi niya ako pansinin.
Padabog naman siyang napatayo at pinatay na ang television. Inis niya akong tinignan. “Mapapagalitan lang naman ako kapag isusumbong mo ako. Gano’n ba ang gusto mong mangyari, Ate?” aniya.
“Oo, bakit?” hindi ako nagpatalo sa kanya. Panganay ako kaya dapat lang.
Sarkastiko siyang natawa. “Gan’yan ang gusto mo? Okay, fine!”
“Hoy—” hindi niya ako pinatapos.
“Kung gan’yan lang din naman, Ate. Sasabihin ko na mas inaatupag mo ang pagpipinta mo kaysa ang pag-aaral mo. Patas lang tayo rito!” she snapped.
Napaawang ang labi ko. “What? No, Sammie!” pagtawag ko sa kanya para bawiin ang sinasabi niya, ngunit nakaalis na siya sa harapan ko.
Hahabulin ko pa sana siya nang magsalita ulit siya kung saan pasigaw niya nang sinabi para marinig ko pa rin siya. Nasa taas na siya. “Kapag sinabi mo, sasabihin ko rin. Mark my word, Ate!”
Dahil sa sinabi niya ay kahit papaano nakahinga ako nang maluwag. Wala naman talaga akong balak na sabihin kanila Mama, tinakot ko lang siya ngunit napagtanto ko na lang na mas magaling pa rin siya sa kin. Why? She can easily use my weakness. Kung siya, sanay nang napapagalitan kaya hindi na siya natatakot kanila Mama. Eh, ako? Hindi. Hindi ko makakayanan na makita sa mismong mga mata nila Mama at Papa na dismayado sila sa ‘kin.
Ayoko ring mawala ang passion ko…
Bata pa lang ako gusto ko na talagang mag-paint, drawing, or anything related about arts. Nagkaroon lang ng limitasyon ‘yong ginagawa kong mga art no’ng lumalaki na ako. Lumalala na kasi ang responsibilidad na ibinibigay sa akin pero nagagawa ko pa rin namang mag-paint kapag may oras. Ngayon nga lang, iba na…hindi ko na alam kung paano ko isisingit ‘yon.
Gusto ko talagang maging artist pero doktor ang gusto nila para sa ‘kin. Wala naman akong magagawa sa gusto nila kundi ang sumunod. Sila ang nagpapaaral sa akin, eh. Kung sumuway ako sa kanila baka sa lansangan na ako pulutin.
Pagbalik ko sa kwarto ay nag-paint na lang ako. Kinuha ko na ang art materials ko saka canvas na nakatago sa isa kong cabinet. Landscape painting ang naisipan kong ipinta ngayong araw. Bago ako nagsimula ay nagpatugtog muna ako ng classical music sa Bluetooth speaker ko para mas maging maganda ang mood ko habang nagpipinta.
Dreamlike hazy sunset would be the title of my artwork.
I used a 10 x 20 canvas frame, while the colors that I will use are Diarylide Yellow, Orange, Ultramarine Blue, Cobalt Blue, Phthalo Blue, and Titanium White. Hindi na ako gumamit ng Brilliant Blue dahil ngayon ko lang napansin na ubos na pala at iyon ang hindi ko nabili. Nawala sa isip ko. Sa brushes, long flat and thin brush naman ang ginamit ko.
Umupo na ako sa wooden stool kaharap ang canvas. Napapikit muna ako bago ko sinimulan. I pictured the sunset in my imagination with its reflection para maging dreamy ang dating lalo na’t sa kulay na gagamitin ko.
Maya-maya pa ay kinuha ko na ang aking pallet knife at mga kulay na gagamitin. Pinaghalo ko muna sa paint pallet ang yellow, orange, at blue sa Titanium White. Pagkatapos, gamit ang pallet knife isa-isa ko nang nilagay sa canvas ang yellow na pinauna ko sa baba, kasunod nito ang orange at blue. I also ended up combining all the blue to get the shade that I wanted for the sky part. Inuna ko talaga muna ang background.
Abala ako sa aking ginagawa nang bigla na lang bumukas ang pinto. Hindi ko man lang namalayan! Nanlaki na lang ang mga mata ko nang tumambad sa akin si Mama, nakakunot ang noo niya at pinasadahan niya nang tingin ang paligid ko. Napalunok na lang ako nang bumaba ang paningin niya sa mga nakakalat kong gamit. Ang bilis naman nilang umuwi…
“Mom—” hindi pa ako tapos magsalita ay pinutol niya na.
“Oh, ano ‘yan? Ang kalat-kalat na naman ng kwarto mo, Alysha!”
Napatayo na ako. Nanginginig ang kamay ko nang bigla niya na lang hablutin ang kamay ko para kunin ang brush na hawak-hawak ko.
“Jusko, Alysha! You’re painting again?”
Hindi niya man lang ako hinayaang magpaliwanag. Nagpatuloy siya sa pagsasalita habang nililigpit na ang mga art materials ko. Hindi niya man lang ako hinayaang tapusin ang painting ko. Sayang…
“Sinabi ko naman sa’yo na tigilan mo na ‘yan!” mainit ang ulo niya. I can feel it. Parang may nagawa akong kasalanan. Hindi naman siya ganito, eh. Pagsasabihan niya lang dapat ako.
“Hindi ba dapat nag-aaral ka? Malapit na ang pasukan n’yo…grade 12 ka na, Alysha! Siguraduhin mong highest honor ka pa rin.”
“Alam mo namang binibigay ko sa’yo lahat! Ikaw ang panganay ko at nag-iisang anak na inaasahan kong magpapayaman pa sa atin,” pagpapatuloy niya.
I think I know now. Mukhang nag-away sila ni Papa kaya ang galit niya ay binubuntong niya na lang sa akin. Nanatili lang naman akong nakatayo sa isang tabi, hindi na ako nag-abalang sumagot sa kanya dahil baka sirain niya pa ang mga gamit ko.
“Ano bang mapapala mo sa pagpipinta, ha? Nagsasayang ka lang naman ng oras imbis na mag-aral ka na lang! Mas maganda pa iyon, mas makabuluhan pa ang gagawin mo.”
Hindi naman ako sumagot. Madami, Ma. Ang kasiyahan ko…
“Sumagot ka, Alysha!”
Naikuyom ko naman ang aking kamay na nakatago sa ‘king likuran. “W-wala po.” Pagyuko ko.
“Tama ka. Wala nga kundi kalat lang!”
Mali ka…gusto kong sabihin ngunit nanatiling nakatikom ang bibig ko. Para sa kanila, sila lang dapat ang tama. Sila lang ang masusunod dahil magulang sila. Sa totoo lang, gusto ko nang magsalita. Gusto ko nang sabihin ang totoo kong nararamdaman para sa ikakatahimik ng puso ko pero kapag gagawin ko na, natatameme na lang ako. Umuurong na lang ang dila ko. Ayaw nang sumubok. Duwag na duwag sa maaaring mangyari.
“Akala ko sa kapatid mo lang ako magagalit pero sa’yo rin pala, Alysha. Isama mo pa ang tatay mo na dapat nagtrabaho na lang! Nakakapagod kayo!”
Hindi na ako makatingin kay Mama. Nanatili na lang akong nakayuko habang binabalik niya na ang mga gamit ko sa cabinet.
“Sa susunod na mahuli pa kitang nagpipinta, Alysha. Itatapon ko na ‘yang art materials mo.”
Napatango na lang ako at napakagat sa ‘king labi upang pigilan ang nagbabadyang luha sa mga mata ko. Paglabas niya ay napaluhod na lang ako at humugot nang malalim na hininga. Napasandal na lamang ako sa pader at tuluyang ipinikit ang mga mata.
Sa mga oras na ‘to, wala na akong malalapitan kundi ang sarili ko.