Chapter 1
INIS NA winagwag ko ang kumot at halos baliktarin ko na pati ang mga unan sa kama. Midterm examination na namin ngayon, tapos ngayon pa talaga ako male-late! Naku naman! Kanina ko pa hinahanap 'yung foot sock ko! hindi ko na naman makita. “'La! Nakita nyo ba yung foot sock ko?!” Naiinis na ko dahil pinagpapawisan na ko kakahalungkat pati sa drawer ko. B'wisit! Kapag 'di kailangan nakakalat, pagkailangan hindi mahagilap! B'wisit talaga o!
Maya-maya pa'y sumilip sa pinto si Lola, “Aaliyah, katutupi ko lang n'ung medyas mo kagabi at naitabi ko na rin.” Sabi ni Lola Mercy ko na may hawak pang sandok.
I rolled my eyes. “Kasi Lola kanina pa ko nagkakalkal dito hindi ko pa rin makita. Malelate na po ko sa exam ko e!” Unti-unti na kong nabuburyong. Bumuntong hininga ako para man lang mabawasan ang pagkainis ko. Hahanapin ko pa ba o aalis na ko?
Then Lola walked a few strides to my cabinet, sinubukan niya ring hanapin ang foot socks ko. “Kasi naman sabi ko sa'yo, tiklupin mo nang maayos ang mga damit mo. Para madaling hanapin ang mga kagamitan mo. Ang kalat-kalat nitong kwarto, itong damitan mo ang gulo gulo, parang binagyo. Kadalaga mong tao Pero pangmacho ang ayos ng kwarto mo. Noong panahon namin, pinaparusahan kami ng Nanay kapag magulo ang kwarto. Paluluhurin pa kami sa munggo kapag hindi kami sumunod..” Tuloy-tuloy na sabi ni Lola.
I heaved out a sigh. Nagsimula na naman si lola mangaral, At 'pag nasimulan na, tiyak hanggang mamaya pa iyan matatapos.
I roamed my eyes at my room. Yes, it was a bit messy. Just...a little bit. Masisi ba niya ko kung busy ako sa pag-aaral kaysa ang humawak ng walis? Third year college na ko, isang taon na lang at gagraduate na ko. Maghahanap ako ng magandang trabaho sa Makati, tapos kukuha ako ng condo at may manliligaw sa'king mayaman. Tapos magpapakasal kami at titira sa America. That's the life I've been dreaming of. A fairytale story at sinisiguro kong makakaahon kami sa hirap! Napangisi ako nang mahagilap ko na ang hinahanap, “'La, nakita ko na!” Agad ko itong sinuot, sa pagmamadali ko pa ay halos hindi ko maisuksok sa paa ko nang maayos. Humarap sa'kin si Lola at pinameywangan. Paniguradong uulanin ako ng sermon ni lola..
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko e, siguro hinagis-hagis mo lang 'yan n'ung inabot ko sayo 'no? Itong batang na ito talaga ang hirap pagsabihan. Itatabi mo na lang 'yan sa aparador mo hindi mo pa magawa ng maayos. Kita mo na, nasa ilalim lang pala ng kama mo nakita.” Ramdam ko ang inis sa kanyang boses pero naroon pa rin ang kanyang pagmamalasakit.
Pagkasuot ko at agad kong kinuha ang bag ko at hinalikan si Lola sa kanyang pisngi. “Pasok na po ako, 'la. love you!” At dali dali na kong lumabas ng kwarto.
“Hindi ka ba kakain muna?” Pahabol na sabi ni Lola. If I know, nalusaw ko na ang panenermon niya. She loves me.
“Hindi na po 'la, baka ma-late pa po ako. Alis na po ako!” I waved my hand at her. At saka nagmamadaling lumabas ng bahay. I'm just so thankful I have my Lola in my life. Alam kong super haba na ng pasensya nya sa'kin. Pero pangako ko sa sarili ko makakabawi rin ako sa lahat ng hirap sa'kin ni Lola.
Naglalakad na ko sa kanto namin ng makita ako ng isa sa mga construction worker na madalas kong makita, may tinatayo kasing building doon. Balak 'ata gawing condominium. Nang makita nya ko ay agad siyang ngumiti at tumingin sa taas ng building. Napaismid ako. Alam ko na gagawin nito e, halos araw-araw naman.
“Johann! Johann! 'yung bebe labs mo 'andito na!” Sigaw niya.
A familiar voice came out, “Si Aaliyah? Nasa'n?” Lumitaw siya mula sa 2nd floor. Lumabas mula sa terrace ng tinatapos na building. Matangkad siya. Katamtaman ang laki ng katawan. Hindi ko ring maitatangging gwapo si Johann. Baka nga ito ang pinakagwapong construction worker na nakita ko e. Isang buwan ko pa lang siya nakikilala dahil bagong salta lang siya sa barangay namin. Pero mula nang makita niya ko ay halos araw-araw na niya kong kinakausap. Kung minsan lang ay nakakabwisit na nga. Hindi siya ang tipo ko.
Nang makita ko siya, ay agad akong napangiwi. Suot ang puting T-shirt pero puro dumi naman 'yon. Duming galing sa semento, buhangin at halata ang pawis sa mukha niya.
Sa madaling salita, ang dungis niya!
Nang makita niya ko ay agad siyang ngumiti. He showed me his perfect set of teeth. In fairness , mapuputi naman pero hindi ko pa rin siya type. Bakit kaya 'di na lang siya mag-aral at maghanap ng ibang trabaho. Alam ko ay halos magkaedad lang kami.
“Aaliyah! Papasok ka na ba?” Masayang sabi niya. Nagpagpag pa siya ng mga kamay habang nakadungaw sa'kin.
“Obvious ba?” Painis na sagot ko. Minadali ko na lang ang lakad ko. Ayokong makipagplastikan.
He laughed. “Ang aga-aga ang sungit mo. Meron ka ba?”Uminit ang magkabila kong pisngi. Talagang pinagsigawan pa niya 'yon? Puro lalaki pa naman ang mga tao doon.
Nilingon ko siya at binigyan ng matalim na tingin. “May exam ako at nagmamadali dahil male-late na ko. Kung pwede lang 'wag mo kong b'wisitin!” I almost gritted my teeth in anger. Pinipigilan ko rin ang sumigaw. Dahil ayokong ipakita sa kanya na naaapektuhan ako sa banat niya at baka banatan ko rin siya.
He raised his hands like he was surrending. “O, easy, relax, kalma. Joke lang naman 'yon Aaliyah. Alam mo naman ayokong nagagalit ka sa'kin e. Gusto mo ihatid kita?” Mag halong tudyo pa sa kanyang boses.
“H'wag na. Hindi ako lumpo.” Masungit kong sabi at nilakihan pa ang bawat hakbang.
He laughed again, “Sunduin na lang kita?” He shouted.
Ewan ko sa'yo! Hindi na ko sumagot dahil alam kong kahit sabihin kong ayaw ko e makikita ko na naman siya sa campus. At sa loob pa ng campus mismo naghihintay. Magaling siguro mangbola 'to. Babae kasi guard namin paghapon.
He shouted again, “Aaliyah baby loves! Sunduin kita ah! Wait for me!” Halos mapapikit na ako sa niya sa pagsigaw niya. Bahala ka sa buhay mo! At saka ko mas binilisan ang hakbang ko papunta sa sakayan ng jeep.
Matapos ang huling klase, ay agad kong niligpit ang gamit ko. Deretso uwi na ko sa bahay at marami pa kong assignment na gagawin.
I am taking a Bachelor of Science in Business Management. Sa isang private school ako nag-aaral dahil sinagot ng Tita ko ang tuition fee makatapos lang ako. Nakatira na siya sa America kaya medyo nakakaluwag.
“Uy! Aaliyah! Ano, sama ka samin kina Ai nood tayo ng DVD! Tara! Minsanan lang 'to oh! Para makapag-unwind naman tayo pagkatapos ng midterm!” Paanyaya ng kaklase kong si May. Napatingin agad ako sa bagong rebonded n'yang buhok. Kapansin-pansin din ang pamumuti ng mukha niya dahil sa pulbos. Ganito kasi ang routine nila, pagkatapos ng klase retouch na ng makeup. Napapailing na lang ako kung minsan. Sinukbit ko ang bag ko at niyakap ang mga libro ko.
“Hindi na. Pass na muna ako. Pagod na ko saka marami pa kong mga nakabinbin na research. Kayo na lang muna.” Tanggi ko. Mas kailangan ko talagang gamitin ang oras ko para sa pag-aaral. Ayokong bumagsak dahil nakakahiya kina Tita. Ang mahal pa naman ang bayad dito.
Napanguso si May. “Ay sayang , minsanan lang naman 'to e. Sumama ka na. Malayo pa naman ang deadline 'yan!” Pagpipilit pa niya sa'kin. Nginitian ko siya. Alam ko naman iyon kaya lang walang makakasama sa bahay si Lola.
“Baliw! Kayo na lang. Sige na alis na ko.” Paalam ko. Para hindi na humaba pa ang usapan. Lumabas na ko ng classroom. Hindi ko na narinig pa si May.
Nang malapit na ko sa gate, ay agad kong natanaw si Johann na nakatayo sa tabi ng ladyguard namin. Nakapamulsa ang dalawang kamay niya sa kanyang maong jeans. He was wearing a blue faded shirt. Kaunting araw na lang pwede ng gawing basahan yung damit niya e. Napailing ako.
Nang makita niya ko, ay agad niya kong nginitian at kinawayan. I sighed. Ang kulit talaga! Tumakbo pa siya para salubungin ako. “Baby loves, musta? Okay ba mga exam mo?” Ngiting sabi niya sabay kuha sa bag at libro ko. Sinukbit niya ang bag ko sa balikat niya. Kung sa ibang lalaki siguro yon, aayawan nila ang pagbitbit sa bag na pangbabae. Pero kay Johann, gustong gusto niya at tila walang kaso sa kanya.
“Okay lang. Nakapag-review naman ako kahit papa'no.” Walang buhay na sabi ko, sabay kaming lumabas ng campus. Paglabas namin ay hinawakan niya ako sa aking siko at hinila sa mga nakahilerang nagbebenta ng fish ball, tokneneng isaw at gulaman.
“Sus, malamang napasa mo na yon. 'Kaw pa!” He winked at me. Kumalabog ang dibdib ko. Sa totoo lang gwapo itong si Johann e, kulang lang sa porma.
“Ewan ko sa'yo..” Sabay kuha ko ng plastic cup at tumusok ng fishball mula sa Kawali. “Libre mo 'to ah!” Tudyo ko habang nagtutusok at namimili ng luto na. Sa gilid ko ay ramdam kong ngumiti siya at nakatingin sa akin.
“Oo ba, basta para sa baby loves ko!” Masiglang sabi niya. Napailing na lang ako sa kanya.
Habang naglalakad ay kumakain din kami ng tokneneng. Nakaipit naman ang mga libro ko sa kilikili niya. Nahabag naman ako sa kanya at baka nahihirapan siyang kumain. Iniabot ko ang mga libro. “Akin na nga 'yang mga libro. Ako na magbibitbit.” Inabot ko iyon pero iniwas niya ang lang.
“H'wag na. Kayo ko 'to baby loves.” Sabi n”ya habang ngumunguya.
“Para hindi ka mahirapang kamain...” Dagdag ko pa.
Napatigil siya sa pag nguya at parang baliw na tumingin sa'kin. “Baby loves concern ka na sa'kin?” Manghang-manghang sabi niya. Napanganga pa siya.
Umirap ako, “Akin na nga kasi baka isipin mo inaalila kita.” Masungit na sabi ko.
Nilunok niya ang kinain. “Sige alilain mo ko, okay lang sakin. Iyong-iyo ako baby loves! Poreber! Gamitin mo pa kaluluwa at katawan ko, okay lang! Basta para sa'yo baby loves! Malakas ka sa'kin e! Nanginginig pa!”
Nangiti ako sa sinabi niya. “Parang timang 'to. Aanhin ko naman kaluluwa at katawan mo? Yayaman ba ko d'yan?”
Tumikhim siya. “Ikaw, nasasaiyo 'yan kung ano'ng balak mo. Taas-kamay lang ako.” Sabay kindat pa sakin.
“Bahala ka sa buhay mo! Timang!”
“Gwapo naman!” Nagtaas-baba ang mga kilay niya. Sabay kaming napatawa.
Sumakay kami ng jeep pauwi. Siya na rin nagbayad ng pamasahe ko. Gusto nya e. Maya-maya pa'y unti-unting napuno ng pasahero jeep kaya naman dikit na dikit na ko sa kanya. Nasa dulong likuran ako kaya't tanging si Johann lang ang katabi ko. Binabalingan niya ko minsan kung okay lang ako o kung nasisikipan ako. Palagi ko na lang siyang sinasagot na okay lang. Sanay naman ako sa ganito e. Nang bumiyahe na ang jeep ay naagaw ng pansin ko ang dalawang estudyanteng magkasintahan. Kasi naman, todo sweet sila. May himas sa kamay, nakahilig si Girlfriend sa balikat ni Boyfriend at nagbubulungan pa. E'di wow! Kayo na ang sweet. Nakita kong doon din nakatingin si Johann. Naiinggit kaya siya? Ano namang paki ko! Ganoon na lang ang gulat ko nang mag-kiss ang dalawa sa harapan pa namin!
'Tong mga batang 'to! Mga nakauniform pa tapos todo-todo ang PDA!
Napatingin naman ako kay Johann na medyo nakanganga pa ang bibig! Nashock din 'ata siya. Binunggo ko naman siya sa balikat at tinaasan ng kilay. Tumingin siya sa'kin at bumaba ang mga mata sa labi ko. Napasinghap ako. Lumunok siya. Parang alam ko na tumatakbo sa isip nito! Lumunok pa siyang muli kaya naman binatukan ko na nang matauhan. Pinanlakihan ko siya ng mga mata. “Umayos ka, Johann!'' Pabulong at mariin kong sabi sa kanya. Bahagya siyang yumuko at inilapit pa ang mukha sa'kin. Nanlaki ang mata ko at umurong. Halos tumigil ang pagdaloy ng hangin sa'king ilong.
“Maayos naman ako ah..” Nangingiting tudyo niya sa'kin. Inirapan ko siya.
“Mukha mo! Hindi mo ko maloloko..” Sabi ko. Ngunit tila may kung ano'ng nagliliparan sa aking tiyan na hindi ko matukoy.
Nanliit ang mga malalalim niyang mata. Ngumisi pa siya. “Hinding hindi kita lolokohin Aaliyah. Dalhin mo 'yan sa puso mo.” Sabi niya. Napatitig ako sa kanya. Sa ilang sandali ay hindi ko mapigtas ang tingin ko sa kanya. Parang bang humahatak sa'king tingnan lamang siya. Weird.