Unang Silay sa Unang Sinag

930 Words
NAGKAMALAY SI JADA at namimigat man ang mga talukap ay pinilit niyang imulat ang mga mata. Sa nanlalabong isip ay pinilit na alalahanin kung ano ang dahilan ng pagkahilo niya. Inangat niya ang mga kamay at sinapo ang ulo, naguguluhan kung bakit sa halip na malambot na higaan ay magaspang na parang lupa ang ang nadaanan ng mga braso niya. Napapikit siya dahil lalo siyang nahihilo sa mga gumagalaw sa harapan niya. Mayamaya ay tuluyang nagmulat at nakita ang mga punong nakatunghay sa kanya, marahang sumasayaw ang mga sanga at ilang dahon ang nahuhulog. Hindi pa masyadong maliwanag. Hindi alam ni Jada kung sisikat na ang araw o palubog na.   Bumangon siya at luminga-linga sa paligid. Nag-aagawan ang lakas ng t***k ng puso niya at paghinga dahil sa takot. Wala siyang ideya kung nasaan siya. Marahas siyang napalingon nang makarinig ng kaluskos sa kaliwa niya. Wala siyang makitang kung ano sa pagitan ng mga puno. Katulad noong nasa kalsada siya ay naramdaman na ulit niya na parang may nakatingin sa kanya.   Tuluyang hinila ni Jada ang sarili para makatayo at sinubukang tumakbo sa kung saang direksyon sa kabila ng pagkahilo at panghihina. Sa pagbilis niya ay sa paglakas din ng tunog ng mga naapakang tuyong dahon at malamig na hangin na sumusunod sa kanya.   Wala siyang balak lingunin kung anuman o sinuman iyon at binilisan pa lalo ang pagtakbo. Nang malagpasan niya ang mga puno at bumungad sa kanya ang patag na lupa ay sandali lang siyang nabuhayan ng loob, mabilis na pumalit ang takot nang muntik na siyang dumiretso pababa kung nakailang hakbang pa siya. Natatapos ang patag na lupa sa kasunod na malalim na bangin base sa kadiliman sa ibaba.   Nahihuntakutan man ay hinarap ni Jada ang nilalang na kasunod niya. Sa una ay wala siyang makita kahit may nararamdaman siyang malaking presensya ng kung ano. Nang unti-unting tumataas ang pasikat na araw at naabot ng liwanag nito ang kinaroroonan nila ay nahantad sa kanya ang isang malaking lalake!   “S-Sino ka?!”   Hindi nagsalita ang lalake. Natatakot si Jada sa maiitim nitong mga mata na sumusubaybay sa bawat kilos niya, parang lahat ay nakikita, walang pwedeng itago.   “Ikaw ang susi sa sagradong lupa.”   Hindi maintindihan ni Jada ang sinasabi ng lalake. May sinabi pa ito na hindi niya maunawaan lalo na at ibang dayalektong hindi niya alam ang ginamit nito.   “Tauhan ka ba ni Ambrose?” Iyon lang ang naisip ni Jada sa sitwasyon niya. Natagpuan siya ng tauhan ng inaakalang kapatid.   Kitang-kita niya ang pagbagsik ng mukha ng lalake. Naririnig niya ang ungol nito na parang sa nagagalit na hayop.   “Pain ka ni Ambrose!” parang kulog ang tono ng lalake.   Sa pagkabigla ni Jada ay hinawakan nito ang braso niya at halos iangat siya sa lupa. Natatakot at naguguluhan si Jada bukod pa sa nasasaktan siya sa pagpisil ng malaking kamay nito sa braso niya.   “P-Please, ‘wag mo ‘kong ibabalik kay Ambrose!” Kahit mukhang imposibleng makawala siya sa misteryosong lalake ay mas lamang pa din ang takot niya na ibalik sa poder ng inaakalang pamilya.   Naramdaman niya ang sandaling pagluwag ng pagkakahawak nito sa kanya.  Sa pagtingala niya ay nakita niya ang paniningkit ng mga mata nito na parang sandaling naguluhan. Mabilis lang iyon at tumutok na ulit ang mga matatalas na mata nito sa kanya, parang sinusukat kung totoo ang pagmamakaawa niya.   “Hindi ninyo ‘ko maiisahan ni Ambrose!” Kasinglamig ng palad nito ang tono nito. Bigla siya nitong binitawan.   Hindi naibalik ni Jada ang balanse nang lumapat ang mga paa sa lupa kaya nagsala ang mga iyon at dumulas siya.   “Aaaah!!!” Bago mahulog sa bangin ay tinangka niyang abutin ang lalake ng dalawang kamay pero hindi kumilos ang lalake na nakatunghay lang sa kanya habang nilalamon siya ng bangin.   Ang luha sa mga mata ni Jada ay dahil sa hanging humahampas sa pagbulusok niya at dahil din sa pinagsama-samang emosyon. Bukod sa takot ay mas lamang ang panghihinyanang na hindi pa man nagtatagal ang paglayo niya sa pamilya ay mamamatay na siya.   Hindi niya hinintay na lumiit sa paningin niya ang lalake at pumikit na lang siya. Nang akala niya ay wala ng katapusan ang malalim na bangin ay naramdaman niya ang kalamigan na bumalot sa kanya. Namamanghang minulat ni Jada ang mga mata at nakita ang misteryosong lalake na mahigpit na nakayakap sa kanya ang isang kamay samantalang ang isa ay nakasapo sa ulo niya. Para silang gumugulong sa hangin.   Masyadong natuon ang pansin niya sa lalake na hindi niya agad napansin na mula sa bangin ay nagbago ang lokasyon nila. Napalitan ang kadiliman ng bangin ng liwanag ng mataas na araw. Naramdaman na lang niyang ibinababa siya ng lalake sa sementadong kalsada, iyon ang eksaktong lugar na nilakaran niya kaninang madaling araw.   Mas matindi pa sa kanina ang naramdaman niyang pagkahilo kaya sinubukan niyang gumapang sa gilid ng kalsada at nagsuka ng likido dahil wala namang laman ang sikmura niya.   Nang mahimasmasan ay bumalik ang takot sa mga pangyayari lalo na sa lalake. Nag-uunahan din ang tanong sa isip ni Jada. Paanong sa isang iglap ay nakarating sila sa kalsada?   “Mas matindi pa sa mata ng kagubatan ang magiging pagbabantay ko sa iyo. Magkikita tayo ulit,” iyon lang at tumalikod ito sa kanya at naglakad palayo. Sa pagod at panlalambot ay hindi na niya namalayang naglaho na ang lalake sa gitna ng abandonadong kalsada.   Hindi mapigilan ni jada ang maiyak, hindi maintindihan ang nangyayari at tinatanong ang sarili kung tama ba ang desisyon niyang pagtakas sa pamilya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD