Ang Babaylan

1786 Words
SA IKALAWANG PAGKAKATAON ay napagmasdan ni Clara ang walang malay na si Jada. Una niyang nakita ang dalaga sa isang pampublikong ospital kung saan siya nagbibigay ng libreng serbisyo. Dinala ito ng kapwa pasahero nang mawalan ng malay matapos tulungan ang pasaherong nanganak mismo sa loob ng bus. Kakatapos lang niyang mag-rounds nang mga oras na iyon nang madaanan ni Clara ito sa emergency room, kagigising lang, naghahanap ng mapapagtanungan kung nasaan ito at anong nangyari. Jada seemed like a helpless child that time and Clara’s heart went out for her. Pero hindi lang ang kagustuhang tulungan ang dalaga kung bakit nilapit ni Clara ang sarili sa dalaga kahit na nang matiyak niyang wala namang masakit sa dalaga. May kakaibang aura ang dalaga at nakumpirma iyon ni Clara nang mahawakan ito, na kay Jada ang mga panandang sinasabi ng propesiya, sa pagkamangha niya. Bago ang araw na iyon ay naramdaman na niya ang mga senyales na magtatagpo sila ng taong may taglay ng mga pananda. Ilang araw na sa panaginip niya ang babaeng hindi niya maaninag ang mukha. Ibinabadya din ng hanging may dalang init na kapag susundan niya ay nawawala agad. Iniisip niyang guni-guni lang iyon dahil matagal nang nawala sa kanya ang mga ganoong pakiramdam, nawala na ang pinaniniwalaang kapangyarihan makaramdam ng mga misteryo sa kapaligiran. Isa pa ay kasama ng sumpa ng imortalidad sa tribung Ugjayon kung saan siya kabilang ay ang pagkawala ng kakayahang makaramdam ng buhay na init mula sa ibang nilalang at mula sa init ng sagradong lupa. Sa tagal na panahon nang hindi siya nakakaramdam ng init ay hindi na siya sigurado sa sensyason.  Nang mahawakan si Jada at maramdaman ang kakaibang init na dumadaloy dito ay hindi siya nagdalawang-isip na  ilapit ang sarili sa dalaga kahit hindi pa napapatunayan na ito nga ang sinasabi ng propesiya. Hindi rin niya mapigilang tulungan ito lalo na nang malaman ang sitwasyon nito. At kahit nakikita niya sa mga mata nito ang hiya at kaunting pangamba na magtiwala ay pumayag ito sa imbitasyon niyang sumama ito sa outreach program ng grupo. Inilagay ni Clara ang palad sa noo ng dalaga at mas naramdaman ang patunay na taglay nito ang isa sa mga pananda. Namamangha siya muli sa init na nararamdaman mula sa noo ng dalaga. Hindi makapaniwala na pagdaan ng daang-daang taon ay mararamdaman niya ang sensasyon na iyon. Isang limitasyon iyon para sa kanya lalo na at nasa larangan siya ng medisina. Mabuti na lang na sa makabagong panahon ay marami ng kagamitan na sumusukat ng temperatura ng mga pasyente niya. Bahagya lang ang init na nararamdaman niya mula sa dalaga pero base sa pamumula ng mukha nito at pawis ay hindi normal ang temperatura nito. Nilalagnat ito. Inalis niya ang kamay at inilapat ang pinigang bimpo sa noo nito. Umungol ito na parang nananaginip nang hindi maganda. May ligalig sa maamong mukha nito na una na niyang nakita sa ospital. “Hindi mo dapat siya tinakot nang ganoon, Sebastian,” naiiling niyang sita nang hindi nililingon ang binatang nasa balkonahe ng kwarto. Hindi niya mapigilan ang paninisi sa tono kahit pa dapat ay nauunawaan niya ang aksyon nito. Sa lahat ng tribung imortal ay ito ang pinakamatindi ang kagustuhan na mahanap ang taong sinasabi sa propesiya. Nakakamangha na talagang natagpuan nito ang babae na parang inilapit ito mismo ng tadhana. “You can’t blame me, Clara. I’ve been waiting for that woman for ages!” Kung may malay siguro si Jada ay matatakot ito sa malamig at galit na tono ni Sebastian. Bihirang magpakita ng emosyon si Sebastian maski sa kanya. Hindi niya ito masisi. Pinunasan muna ni Clara ang gilid ng mukha ng dalaga na pinawisan at saka nilingon ang binata. Halata ang galit sa mukha ni Sebastian, hindi nga lang siya sigurado kung dahil sa hindi nito natuloy ang misyon nito o dahil sa kahuli-hulihang pagkakataon ay nag-alinlangan itong ialay ang dalaga sa sagradong lupa. Napabuntong-hininga siya at sinundan ito sa balkonahe. Nakapamulsa ito at nakatanaw sa tanawin sa ibaba. Dapit-hapon na at ang maliit na pamilihang bayan ay unti-unti nang nauubusan ng mga tao. Ilan na lang ang mamimili at halos lahat ng mga tindero ay nagsasara na. Isang tanawin na ilang libong beses na nilang nakita simula nang itayo ang gusaling iyon bilang unang opisina ng humanitarian organization na binuo nila ilang dekada na ang nakakalipas, ang Calida. Matagal nang nailipat ang headquarter ng grupo sa Maynila at ang ilang palapag ng gusali ay nagsilbing staff house ng grupo at mga volunteers na naa-assign sa lugar. Bukod sa gusali na iyon ay tumutuloy din ang ibang volunteers sa mga paupahang bahay na malapit lang din sa area kung saan may operasyon ang grupo. Nang mawalan ng malay si Jada ay sa gusaling iyon ito dinala ni Sebastian. Hindi pa nito alam na isang volunteer ang babae ng humanitarian organization na mismong pinamamahalaan nito nang lihim. Mabuti na lamang at kinontak siya nito upang ibalita na natagpuan nito ang dalaga. Hindi malaman ni Clara kung ano ang mararamdaman. Nahahati ang damdamin niya. Nalulungkot siya para kay Jada dahil sa sandaling panahon na nakilala niya ito ay magaan ang pakiramdam niya dito. At kapag naiisip niyang siya ang nag-imbita dito para hayaang magtagpo ang dalawa ay nagi-guilty siya. Sa kabilang banda naman ay natutuwa siya dahil matutupad na ni Sebastian, ang taong itinuring na niyang anak, ang matagal na nitong  gustong gawin, ang matapos ang lahi ng tribung imortal. Kasama siya nito at ilang imortal sa misyon na iyon ilandaang taon na ang nakakaraan pero sa ngayon ay hindi na niya alam kung saan tatayo kahit ngayon pang nasa panig na nila ang babaeng sinasabi ng propesiya. Inayos ni Clara ang alampay habang pinagmamasdan ang binata na may ligalig din ang mukha. Kung titingnan si Sebastian ay hindi maiisip ninuman na kabilang ito sa isa sa makapangyarihang sinaunang tribu. Kahit ang madalas na kasuutan nito ay ang simpleng T-shirt at maong ay mukha pa rin itong may pinamamahalaang kung anong negosyo. He looks like a successful man in mid-thirties. Kung isang mortal si Sebastian ay siguradong ang makakakita dito ay hindi pag-iisipan na gusto nitong matapos ang buhay nito. Pero isa itong miyembro ng matandang tribong Ugjayon na matindi ang paggalang sa sagradong lupa katulad din ng iilang natitirang tribung imortal na nasa panig nila. Naniniwala sila na ang pagiging imortal nila ay parusa ng sagradong lupa dahil sa kasalanang nagawa ng tribu ilandaang taon na ang nakakaraan. At dapat ay pagbayaran nila iyon, dapat na hingiin nila ang kapatawaran ng sagradong lupa at sundin ang mga pananda na ipaparating nito sa iba’t ibang paraan at sa iba’t ibang panahon. Napakatagal bago nila nalaman kung ano ang hinihinging kapalit ng sagradong lupa at ngayon nga ay abot kamay na nila ang katuparan ng misyon nila. Nilingon ni Clara ang dalagang nakahiga sa kama at wala pa ring malay. “Hindi ko agad nasabi sa iyo ang tungkol kay Jada dahil katulad mo ay ayokong maniwala agad na siya nga ang sinasabi ng propesiya kahit nasa kanya pa lahat ng pananda.” Napabuntong-hininga si Clara, nakaramdam ng pagod hindi lang dahil sa sobrang pagiging abala bilang doktor at mga trabaho bilang founder ng organisasyon. Ang pagod niya ay galing pa sa ilandaang taon niyang nabubuhay sa daigdig. Sa mga ganoong pagkakataon ay tumitindi ang kagustuhan niyang matapos na nga ang buhay, magpahinga na at iwan na ang mundo, umuwi sa sagradong lupa. Pero kapag nagsisilbi siya sa mga mortal at nakikita kung paano nakakatulong at bumabago ng buhay ang organisasyong itinatag nila ay naipapagpasalamat niya na isa siyang imortal na marami pang magagawa sa napakaraming oras. Hindi nagsalita ang binata. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito sa paglilihim niya tungkol kay Jada. Kung nasabihan niya itong natagpuan niya ang babaeng kailangan nilang mapatunayan muna na talagang makakatulong sa kanila ay naiwasan sana ang nangyari. Nagpatuloy siya, “Mas pabor ako sa dahilan mo kung bakit iniligtas mo pa din si Jada, Sebastian.  Sa buhay natin, maikli lang ang halos isandaang taon para kalimutan ang nangyari kay Calida.” Sa babae mismo ipinangalan ni Sebastian ang organisasyon. Hindi na niya kailangang ipaalala dito na kailangan nilang matuto sa nangyari sa dalagang ginamit ni Ambrose para iligaw sila sa misyon nila.  Ang grupo ni Ambrose ay mga tribung imortal din na ang misyon ay maging makapangyarihan sa lahat ng mortal at imortal at pigilan sila sa misyon nila dahil gusto ng mga ito na mabuhay nang walang hanggan. Isang buhay ang nasayang at nagpalalim pa sa alitan sa pagitan ni Ambrose at Sebastian. Kaya naman hindi na lang ang pagbabayad sa kasalanan nila sa sagradong lupa ang dahilan ng misyon ni Sebastian. Nadagdagan na iyon ng matinding paniniwala na mawawala ang balanse kung patuloy na mamumuhay ang tribung imortal lalo na at katulad ng grupo ni Ambrose. Kaya kailangang matupad ang misyon kahit pa nga mangangahulugan iyon na matatapos din ang buhay ng mga katulad nilang gumagawa naman ng mga kabutihan para sa mga mortal. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng blangkong mukha nito pero nararamdaman ni Clara ang pagkontrol ng paghinga ng binata. “This time will be different. Kakampi man siya ni Ambrose para lokohin ako o siya nga ang sinasabi ng propesiya, iisa lang ang kauuwian ng babaeng iyan, ang sagradong lupa.” Sumampa ito sa makipot na pasimano ng balkonahe at tumayo doon nang hindi naninimbang, “Asahan mong nasa paligid lang ako para magbantay,” bahagyang nilingon ang kinaroronan ng babae at saka nawala na parang hangin. Ilang segundo nang mawala si Sebastian ay napalingon muli si Clara nang marinig ang paghikbi ni Jada. Lalapit na sana siya pero tumigil din ang dalaga, parang sandaling nanaginip lang. Mayamaya pa ay payapa na ulit ito sa pagkatulog. Naniniwala si Clara sa banta ni Sebastian sa buhay ng babae. Kung kakampi ni Ambrose ang dalaga ay napakagaling ng ginagawa nitong trabaho.  Pero naniniwala siya na hindi totoo iyon, malakas ang pakiramdam niya. Walang makita si Clara na pagkukunwari sa takot sa mga mata ni Jada simula nang una niya itong makilala. Isa pa ay mahirap dayain ang mga pananda na mayroon ito. Hahayaan ni Clara si Sebastian na ito ang magpatunay kung sugo nga ito ni Ambrose o ito nga ang sinasabi ng propesiya. Nakahanda siya sa anumang mangyayari. Matagal niyang hinintay na mangyari ang lahat ng ito. Nang umihip ang hangin ay inayos ni Clara ang alampay sa balikat. Malamig ang hanging dinala ng dagat. Bumalot iyon sa mas malamig na sistema niya at muli na namang nasabik sa init na mararamdaman kapag tinanggap na ng sagradong lupa ang katawan niya. Pero mas matimbang na sa kanya ngayon ang lamig na nakasanayan sa ilandaang taon…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD