Part 1
The only man
AiTenshi
Dec 5, 2020
Muli siyang lumakad palayo sa akin pero pinigilan ko siya.
Sa gitna ng malakas na ingay ng siyudad ay nagawa kong lumuhod sa kanyang harapan, isang malalim na singhap ang aking ginawa habang patuloy na nakatitig sa kanyang mga mata, “Ayusin natin ito, alam kong marami akong nagawang pagkakamali, alam kong sinaktan kita at hindi mo deserve ang lahat ng iyon. Alang-alang na lang sa pangakong sinumpaan nating dalawa, ayusin natin ito,” ang pagmamakaawa ko habang hawak ang kanyang kamay.
Wala siyang kibo noong mga sandaling iyon, bakas sa mukha ang labis na pagod bagamat blangko ito na parang papel na walang laman. Nakangiti ng matamis pero halatang may kaunting sakit.
Agad kong kinuha sa aking bulsa ang aming marriage certificate at ipinakita sa kanya, “Naalala mo ito, ‘di ba? Ito ang patunay na ating mga pangarap, ito ang patunay na minsan ay nagmahalan tayong dalawa.”
Kinuha niya ang papel at tiningnan ito, “Tama ka, ito ang patunay ng ating pangarap, pangako at pagmamahal na winasak mo at sinira,” ang tugon niya sabay talikod sa akin.
Agad siyang tumawid sa kabilang parte ng kalsada at noong akmang hahabulin ko siya at mayroong malaking bus na dumaan sa patungo sa kanan dahilan para mapahinto ako, hinintay ko pa itong matapos bago ako tumawid.
At noong matapos naman ito ay isa pang bus ang dumaan patungo naman sa kasalungat na direksyon na pakaliwa kaya naman napahawak na lang ako sa aking ulo at hinintay itong makaalis.
Natahimik ako at napahinto.
Ang dalawang bus na iyon, ito ba ay indikasyon ng aming paghihiwalay o ang paglakad namin sa dalawang magkasalungat na daan?
Part 1
11 MONTHS EARLIER
"Hoy Jao, ‘yung mama mo ay umiiyak nanaman. Nandoon sa sala habang kausap ‘yung papa mo," ang wika pagtawag sa akin ni Tar habang abala ako sa pag-aayos ng aming silid.
"Napapagod na rin akong makitang nag-aaway ‘yung dalawa na iyan. Naghiwalay na nga sila pero hanggang ngayon ay naglalaban pa rin sila dalawa," ang sagot ko sabay baba sa sala kung saan nakita ko nga si papa na parang nagagalit kay mama.
"Pa, bakit? Ilang taon na kayong hiwalay ni mama, bakit kailangan n’yo pang mag-away?" tanong ko sa kanila.
"O ayan na pala ‘yung anak mong mahusay sa lahat ng bagay. Pinagsasabihan ko lang itong mama mo na huwag idinidisplay sa social media ‘yung picture nila ng lalaki niya dahil nakakahiya," ang singhal ni papa.
"Nakakahiya? C'mon Dino, ang nakakahiya ay ‘yung pagbuntis mo sa kabit mo, kung alam ko lang na babaero sana ay hindi na ako pumatol sa iyo!" sagot naman ni Mama.
"Tama na nga ma, pa. Matagal na kayong hiwalay, ikaw papa ay may sarili nang pamilya, may anak kana rin doon sa babae mo. Si Mama naman ay humanap ng kaligayahan niya sa katauhan ni tito Nilo, amanos lang kayong dalawa. At pwede ba huwag n’yo na pakialaman ang isa't isa, maging masaya na lang kayo sa takbo ng buhay n’yo," ang sagot ko naman.
"Wow, kung magsalita ka ay parang napaka-perfect mo. Hindi ba't last year lang ay nagpakasal ka sa kapwa mo lalaki doon sa Amerika? Tapos ay papadalan mo pa akong imbistayon sa katarantaduhan at kabaklaan mo? Wala kang idea kung gaano ako pinagtatawanan ng mga kaibigan ko dahil nagkaanak ako ng katulad mong berde ang dugo. At ito namang magaling mo ina ay konsintidor! Lahat kasi ng luho ay ibinibigay niya sa iyo kaya pati kabaklaan mo ay kinunsinte rin niya!" ang singhal ni papa.
"Sinunod ko lang ‘yung makapagpapasaya sa akin papa, noon bang sumama ka sa babae mo at nag-uwi ka ng anak dito ay nilait ba kita? Sinabihan ba kita na manyak, babaero at walang kwentang ama? Wala kang narinig sa akin ni isang salita. Kaya't mas mabuting irespeto mo na lang ang naging desisyon ko at pati na rin ang kaligayahan ko. Irespeto mo rin si Mama dahil ang gusto lang din niya ay maging masaya. Mga bagay na hindi mo naman naibigay noong kayo pa," ang sagot ko sabay bukas sa pinto. "Maaari kana lumabas at sana ay huwag mo na guluhin pa si mama. Kung kailangan mo ng pera ay papadalhan na lang kita sa bank account mo. After all, obligasyon ko pa rin na tulungan ka dahil tatay kita," ang mahinahon kong tugon sabay akyat muli sa aking silid.
Si Papa ay lumabas sa pintuan at si Mama naman ay inalalayan ni Tar na aking kaibigan papasok sa kanyang silid.
Tawagin n’yo na lamang ako sa pangalang Jao, ako ay 28 taong gulang na, may taas na 5'8 at kasalukuyang nagma-manage ng aking sariling negosyo na may kinalaman sa fashion at clothing. Ito ang aking hilig simula pa noong college kaya after kong magtrabaho ilang taon sa US ay nakapagpundar ako ng sarili kong punuhan para dito.
Tungkol sa aking sexuality, bata palang ako ay alam ko na kung ano ako, noong una ay medyo komplikado ito para i-explain pero habang nagtatagal ay nauunawaan ko na rin. Noong highschool ay naakit na ako sa babae at sa lalaki. Pero noong mga oras na iyon mas malamang ang babae sa aking buhay, sila ang nagiging karelasyon ko.
Pero noong tumuntong ako ng college at sumubok magkaroon ng lalaking karelasyon ay tila bumaligtad ang mundo ko at nauwi na ako sa ganito uri ng relasyon bagamat hindi ito nagtatagal. Ang iba ay laro lamang at ang iba ay trip o katuwaan. Pero nag-invest ako ng emosyon sa kada relasyon na aking pinapasukan.
Try and try ika nga nila, wala akong takot na sumubok sa relasyon at masaktan. Gamit na gamit at kotang kota ako sa sakit pero hindi ako napapagod. Marahil ay umaasa ako na isang araw ay dumating ang tamang tao para sa akin, mapababae o mapalalaki ay ayos lang basta tapat at mahal ako.
Pareho kami ni Mama ng sitwasyon sa buhay. Ang angkan ni Mama ay mayaman, sila ‘yung pamilya na parang may anting anting pagdating sa paghawak negosyo dahil talagang nagiging milyonaryo sila. Namana ni Mama ang lahat ng kayamanan ng kanyang parents kaya halos buhay prinsipe ako simula pa noong bata ako. Si Mama ang may pera, si papa ay galing sa isang simpleng pamilya. Gayon pa man ay nagmahalan sila at ako ang naging bunga noon.
Makalipas ang ilang taon ay nag uwi si papa ng anak dito sa bahay at inamin niya na matagal na siyang nangangaliwa at nagbunga na rin ito kaya huli na para kanyang talikuran. Ang kawawa kong ina ay halos maloka sa sakit at sa sama ng loob. Ilang counseling ang pinagdaanan niya upang isalba ang kanilang pagulong relasyon ngunit hindi na rin niya ito kinaya. Saksi ako sa panloloko ng aking ama at sa pagtangis ng aking ina. Sa pagkakataong ito ay alam kong si papa ang nagkamali kaya lumayas siya sa maganda ang buhay kasama si Mama at tumira kasama ng kanyang bago at kapwa sila nabuhay ng simple at masaya. ‘yung tipong habang sumisikat ang magandang sinag ng araw sa kanilang dalawa ay umuulan naman kay mama. At iyon ang tinatawag na unfair.
Makalipas ang ilang taong paghihiwalay nila ay nakatagpo si Mama ang bagong lalaking mamahalin sa katauhan ni Tito Nilo. Mas matanda sa kanya si Mama ang dalawang taon bagamat di naman nalalayo ang kanyang edad. Si tito ay may anak sa kanyang pagkabinata na ang pangalan ay si Matt na ngayon ay 18 anyos na rin. Siyempre patas iyon sa pagitan ni Mama at tito dahil pareho silang may anak.
Iyon nga lang ay hindi ganoon kayaman si tito Nilo, ang trabaho lang nito ay namamasukan bilang isang empleyado sa isang maliit na korporasyon sa siyudad. Dito siya umuwi at iniiwan ang kanyang anak na si Matt sa bahay ng kanyang kapatid. Ang sabi niya sa akin ay nahihiya siya na dito pakainin ang kanyang anak kung gayong wala naman siyang masyadong ambag, ang tanging nais lamang daw niya ay makasama si mama.
So be it, sino ako para tumanggi? Infact ay sinuportahan ko pa si Mama sa kanyang kaligayahan kaya mahal na mahal niya ako.
Wala akong galit sa aking ama, ang lahat ng ginagawa ay choice niya sa kanyang buhay. At kung ako ang tatanungin? Hindi na ako aasang magkakabalikan sila dahil masyadong nang maraming damage ang kanilang relasyon. Kumbaga sa baso ay wasak na wasak na ito at mainam pang iwanan kaysa palutin pang isa't isa ang mga piraso na maaaring magdulot pa ng sugat sa iyong kamay.
Nagtapos ako ng college at kinuha ang opportunity na ibinigay ng kapatid ni Mama sa akin. Sumama ako sa kanya sa ibang bansa at doon na trabaho. Pagkalipas ng ilang taon ay bumalik ako dito para magtayo negosyo. At kahit paano kay kumita naman ito at naging maayos ang standing. Nakakuha rin ako ng pwesto sa mall at dito ay kumontak ako sa kaibigan kong designers para magbigay sa mga damit sa akin gamit ang kanilang sariling brand names. Sa loob ng isang taon ay lumago ito at lumipat ako sa isang mas malaking pwesto. Masasabi ko parang naambunan din ako ng swerte nina Mama sa pagnenegosyo.
Katulad ni mama, ilang business ang ginawa niya at halos lahat ay maunlad, minsan ay talagang naniniwala ako sa swerte, at syempre ay sa talino na rin, abilidad at diskarte.
Pag uwi ko naman noon galing ng Amerika ay nakilala ko si Giovanni De Plata, isang part time model at isa siya sa rumampa sa inilunsad collection ng kaibigan kong designer. Mas matanda sa aking ng isang taon, 5'10 ang taas niya, matipuno ang katawan, babad sa gym at sa sports. Minsan na rin siyang pumasok sa showbiz ngunit hindi naman siya sumikat dahil ginawa lang siyang double ni Rayver Cruz sa mga pelikula, magkahawig kasi talaga sila. At hindi na siya nabigyan ng break.
Noong unang meet ko kay Gio ay hindi naman kami nagpakita ng interest sa isa't isa. Hindi kasi namin alam na pwede kami. I mean, pareho kaming no trace, ang akala ko ay straight siya at hindi pumapatol sa lalaki. Kaya noong nakasama ko siya night out ay hindi kami nag uusap at nagpapansinan hanggang sa inaadd niya ako sa IG.
Wala talaga akong interes sa kanya noon, ni hindi ko siya iniistalk, hindi ko rin siya binibisita. Pero madalas kaming nagkikita sa mall at pumapasok siya sa pwesto ko para bumili ng bagong shirts. Wala siyang idea noon na ako ang may-ari noon kaya naman isang araw noong ako mismo ang nagbantay kasama ng mga merchant namin ay napagkalaman niya akong salesman. Hindi naman ako kumibo at buong husay ko siya inentertain. Ako ang naging alalay niya sa pagsusukat ng damit hanggang sa may magustuhan siyang isa o dalawang piraso.
Medyo nahiya pa siya noong nalaman niya na ako ‘yung may ari ng pwesto at wala itong nagawa kundi ang mapakamot ng ulo.
Nag-message pa siya sa akin sa i********: at nanghihingi ng sorry. Natawa naman ako at nireplyan siya. Sa simple pag uusap namin dalawa ay lumalim ito ng lumalim hanggang sa kapwa kami nagkagusto sa isa't isa.
Sweet si Gio, given at free na ‘yung pagiging hunk at gwapo niya. Pero ang higit na nagustuhan ko sa kanya ay ang kanyang ugali na malambing, laging nagpapaalala na huwag akong magpapalipas ng gutom at kung anu ano pa. Basta marami siyang sweet gestures sa akin na hindi ko matanggihan at namamalayan ko na lang na nakangiti na pala ako. Habang binabasa ang kanyang mga mensahe.
Sa simpleng "Hi" at "sorry" at wala akong kamalay malay na magbabago ang takbo ng aking buhay. Dahil open naman ako kay mama at para lang kaming magkabarkada ay naishare ko sa kanya ang tungkol kay Gio. Alam ko na sobrang supportive ni mama. At lahat ng luho ay binibigay niya eversince. Saksi rin siya sa pagluha ko habng nasasaktan dulot ng maling pagmamahal.
Tumagal kami ni Giovanni ng anim na buwan sa estado ng MU o mutual understanding, pwede ko ring sabihin na "magulong usapan" dahil pareho kaming sweet sa isa't isa pero walang commitment. Nagkikita kami sa labas para kumain o magmeryenda pero hanggang doon lang iyon.
At makalipas ang halos 8 buwan ng pagdadate ay naging kaming dalawa. Nagdesisyon kami na lagyan ng label ang aming samahan upang masabi namin na kaming dalawa ay may karapatan sa isa't isa.
Masayang masaya ako noong mga oras na iyon, agad kong ibinalita kay mama ang tungkol dito. Kapag nakikita niyang masaya ako ay alam kong masaya na rin siya. Katulad ng ginawa kong pagsuporta sa kanila kanila ni Tito Nilo ay ganoon rin ang suportang ibinigay niya sa akin. Labis labis pa ito kaya abot langit ang aking pagpapasalamat.
Noong oras na maging kasintahan ko si Giovanni ay wala akong kamalay malay na magbabago ang takbo ng aking buhay.
At sa mga oras na ito ay kumakabog pa rin ang dibdib sa tuwing siya ay aalis sa aking tabi.
Itutuloy.