IPINATAWAG ni Silver sina Dante at Luigi. Sila kasi ang inatasan nito na mag-imbestiga sa mga tauhan. Iniisip nila na nasa loob lamang ng bahay ang traydor at gustong magpapatay sa akin. Hinigit ko si Marco para makinig sa kanila. Wala naman sigurong masama kung gusto kong malaman ang katauhan ng mga taong gusto akong mawala ‘no. “Ang balita ko, Ma’am, may nahanap na sila,” sabi ni Marco. “Nasa basement na. Hindi ko lang alam kung nagsalita na at sinabi kung sino ang nasa likod ng pagpapatay sa inyo.” Napatingin ako kay Marco habang dinidikit ko ang tainga ko sa may pinto, tinitiningnan kung may maririnig ako. “Wala ba silang ibang sinasabi sa ‘yo? Curious lang ako,” sabi ko kay Marco. Wala akong marinig! Soundproof pa ata itong silid. Kainis! Humalukipkip si Marco at tila nag-isip.