Saka lang sinabi ni Patricia sa kaniyang ama na si Alejandro Gutierrez, ang kaniyang ginawang pagkausap sa asawa nitong si Imelda. Ipinagbigay-alam niya sa kaniyang ama na posible na itong makaalis sa tahanan ng asawa nito. Ang sabi niya rito ay sumubok itong muli. At ganoon na nga ang ginawa nito dahil sa may basbas na niya ay sumubok muli ito. At masaya siya para sa ama.
Noong una ay nakatira sila sa iisang bahay kaya lahat ng tawag para sa kaniyang ama ay nagkakataong siya ang nakakasagot. Makailang beses na tumawag sa kanila ang mayordoma mula sa tahanan ng asawa nitong si Imelda. Siyempre pa, naisip niyang isa na namang pagtatangka iyon para mabawi na naman nito ang kaniyang ama. At dahil nakikita niyang masaya na ang kaniyang ama at mukhang naghahanda na itong manligaw muli ay hindi na niya ipinakausap dito ang tumawag dito. Sinasabi niyang palagi na abala ang kaniyang ama. Nang lumaon ay tinigilan na rin ng mga iyon ang pagtawag sa kaniyang ama sa telepono.
Sa kaniyang palagay ay tama ang naging desisyon niya sapagkat wala na silang narinig pang muli mula sa asawa ng kaniyang ama. Marahil sa wakas ay natauhan na ito sa kahibangan nito. Parang siya tuloy ang nabunutan ng tinik para sa kaniya ama nang sa wakas ay natauhan na rin ang asawa nito at handa na itong magparaya.
Buong pag-aakala niya ay magiging masaya na sila ng kaniyang ama once na makaalis na ito sa pder ni Imelda ngunit isang araw ay naaksidente ito. Nabangga ang sinasakyan nito sa gasolinahan ng isang lasing na truck driver. Nasunog ang katawan ng kaniyang ama. Kinailangang mailibing agad ang labí ng kaniyang ama sapagkat mabubulok kaagad. Napakabilis ng mga pangyayari.
Mabuti na lamang at noong mga panahong iyon ay karamay niya ang kaniyang mga malalapit na kaibigan sa showbiz, ang tanging nakaalam na ang tunay niyang ama ay si Alejandro Gutierrez. Nakiusap kasi ang kaniyang ama na sana ay pansamantalang ilihim muna nila ang bagay na iyon hangga't hindi pa nito naisasaayos ang pagpapa-annul ng kasal nito sa unang asawa nito, isang bagay na madalas na naipagpapaliban nito dahil sa bagong pag-ibig nito.
Dahil sa matinding lungkot na lumukob sa kaniyang katauhan sa pagkawala ng kaniyang ama ay halos ang kaniyang mga kaibigan na lamang ang nag-asikaso ng burol ng kaniyang ama. She was deeply hurt. To think, sabik na sabik siya sa kalinga ng isang ama, sapagkat buong buhay niya ay hindi siya nakaranas niyon kundi kalupitan ang kaniyang natamo sa kaniyang kinilalang ama na si Roger. Kaya naman nang dumating ang tunay niyang ama ay walang pagsidlan ang kaniyang kaligayahan subalit pawang panandalian lang pala iyon. Ganoon na lamang ang kaniyang panlulumo nang kunin agad ito sa kaniya.
Pinakiusapan niya si Inah na ito na ang magbigay-alam sa dating pamilya ng kaniyang ama tungkol sa nangyari dito. Ngunit wala kahit anino ng mga ito ang nagpunta hanggang sa mailbing na ang kaniyang ama.
Tanging naging konsolasyon na lamang para kay Patricia na isiping sa wakas ay nakasama na rin nito ang kaniyang ina. And she moved on with her life. Kung mayroon mang makukuha ang kaniyang ama mula sa asawa nitong si Imelda ay hindi na niya inalam pa. Wala rin namang abogadong lumapit sa kaniya. Palibhasa ay walang nakakaalam na ama niya ang pumanaw bukod sa kaniyang mga piling kaibigan. At kahit pa may abogadong lumapit sa kaniya ay hindi na rin niya tatanggapin ang anumang makukuha roon ng kaniyang ama sakaling mayroon man.
Sa pagkakaalam niya ay middle class lang ang kaniyang ama nang makilala nito ang napangasawa nito. Kaya lang ito yumaman ay dahil sa asawa nito na likas na may-kaya sa buhay. And she didn't want anything to do with that money. Not at all.
Muli ay pinagmasdan niya si Juan Kahl-el. Malabong ito ang ampon ng kaniyang ama. Una, sa pagkakaalam niya ay nasa Australia iyon at doon naninirahan dahil doon daw iyon nag-aaral ayon sa kaniyang ama nang minsang mabanggit nito iyon sa kaniya. Pangalawa, kung ito ang ampon ng kaniyang ama ay bakit hindi rin siya kilala nito? Pangatlo, hindi nito kilala ang kaniyang ama nang tanungin niya ito kanina. Pang-apat, iba ang kompanya nito sa kompanya ng kaniyang ama. Kung totoong 'Juan' rin ang pangalan ng taong iyon, marahil ay nagkataon lang na kapangalan nito ang ngayon ay lalaking kaharap niya.
Ang ganda ng pagkakangiti ni Juan Kahl-el sa kaniya. Parang napaka-pilyo nitong tingnan.
"You're staring at me, Mister."
"Oh, am I?" painosenteng tanong nito, subalit nanatiling nakatitig pa rin sa kaniya.
"Yes, you are."
"I guess I never thought you'd be this beautiful in person."
Dama niya ang pag-iinit ng kaniyang buong mukha. Sa tagal na niya sa larangan ng showbiz ay may posibilidad pa palang mag-blush siya. Sa dami ng lalaking mga guwapo rin naman na nakipag-flirt sa kaniya ay nakuha pa rin niyang mag-blush sa sinabi ng lalaking ito. Kakaiba ang charisma ng lalaking kaharap niya ngayon.
"Mr. Gutierrez, you are flirting with me." Kapagkuwan ay sabi niya.
"Am I?"
"Yes, you are."
"I thought I was just telling the truth." Muling naging pilyo ang pagkakangiti nito. At malamang, isang batalyong Eba na ang napaluha at napaligaya ng ngiting iyon.
She wondered if he was attached, or if he was seeing someone. Gusto sana niyang magtanong ngunit kailanman ay hindi niya naging estilo ang ganoon. Kung may atraksiyon din itong nadarama para sa kaniya ay marapat lamang na ito ang maunang magpahayag niyon.
Oh, she wished he would invite her to dinner. She would definitely say 'yes'. Matagal na panahon na rin mula nang huli siyang makipag-date. Masyado siyang naging abala sa career niya, masyadong naging mapaghanap ng isang matinong lalaki, na hindi na siya nagsayang ng oras na lumabas kasama ang isang lalaking hindi naman nagagawang pukawin ang kaniyang interes.
"Would you have dinner with me tonight, Patricia?" anito na parang nabasa nito ang kaniyang isip.
"I would have to check my schedule," kunwari ay sabi niya, saka niya inilabas ang kaniyang palm pilot mula sa kaniyang bag. Kunwari ay ch-in-eck muna niya kung bakante siya sa gabing iyon. "You're lucky. I am free tonight."
"I guess it's my lucky day." anito sabay kindat sa kaniya. "I have a feeling that the coming days would be lucky for me, too."
Muntik na niyang maitirik ang kaniyang mga mata. Obviously, he was an expert in the flirting department. She was so excited to have dinner with him tonight.