WALANG nadamang kahit katiting na sama ng loob o lungkot man lang si Patricia nang malaman niyang pumanaw na ang kaniyang ama. Oo at nabigla siya, ngunit hindi siya nalungkot o natuwa. Wala siyang nadama kundi kaginhawahan. Kaginhawahan dahil sa wakas ay malaya na siya, sila ng kaniyang ina sa kalupitan nito.
Naitanong niya sa sarili kung isang masamang tao ba siya dahil hindi niya maramdaman ang pagluluksa sa pagkamatay nito. Naging malinaw sa kaniya ang kasagutan: hindi. Sapagkat bago pumanaw ito dahil sa atake sa puso ay nakatikim pa siya ng sampal at tadyak mula rito. Oo sinaktan siya nito, pisikal. Ganoon katindi ang pagmamalupit nito sa kanila. Kaya hindi niya masisisi ang sarili kung neutral lamang ang kaniyang pakiramdam sa pagpanaw nito.
Lumaban siya dito nang saktan siya nito ngunit hindi pa man siya ganap na nakakaganti ay niyakap na ito ng kaniyang ina. Wala siyang nagawa noon kundi ang umiyak na lamang sa labis na galit at pagkadismaya sa ginawa ng mommy niya. Pagkalipas ng isang linggo ay inatake nga ito sa puso. Inisip na lang niya na nakarma ito sa kasamaan nito sa kanilang mag-ina.
Dala ng kaniyang ama sa pagpanaw nito ang perang ipinagmamalaki nito. Ni isang kusing ay walang iniwan ito para sa kanila ng mommy niya. Bago pumanaw ito ay ibinigay nito sa kapatid nito ang lahat ng pera nito. Nakapirma ang kaniyang ina sa lahat ng dokumentong iyon. Ang sabi nito sa kaniya ay hindi raw nito inakalang pagsasalin pala ng pera nila sa ibang tao ang nakasulat sa mga dokumentong piniramahan nito. Niloko ito ng kaniyang ama. Napakawalanghiya talaga nito para hindi sila iwan ng kahit isang kusing ng kaniyang mommy.
Hindi niya matanggap iyon. Maging sa kahuli-hulihang buhay ng walanghiyang ama niya ay nagawa nito iyon sa kanilang mag-ina. Ang tanging naiwan sa kanila ay ang mga alahas nilang mag-ina. At ang pera mula roon ay ginamit nila sa pagbili ng maliit na bahay at lupa. Ang natirang pera ay ginamit nilang mag-ina para sa pagsisimula ng isang maliit na negosyo.
Mabuti na lamang at nakapasa siya sa isang scholarship kaya nakatuntong siya sa kolehiyo. Masyado kasing maliit ang kinikita ng kaniyang ina sa pag-oonline selling nito. Iyon lamang kasi ang tanging alam nitong negosyo. At dahil kulang sa puhunan ay umaasa lang ito sa orders ng mga kakilala nila. Siguro ay malakas din ang kita roon, kaya lamang ay hindi ito makapagbukas ng puwesto o sarili nitong boutique. Ipinangako niya sa sariling kapag nakapag-ipon siya ng pera, ang unang gagawin niya ay ang magbukas ng boutique shop para sa kaniyang ina. Iyon nga lang, matagal na panahon pa iyon.
Naitanong niya sa mommy niya kung masaya ba ito sa bagong buhay nila. Ngiti at tango lang ang isinasagot nito. Pero sa palagay niya, higit na masaya ito ngayon kaysa noong nabubuhay pa ang kaniyang ama, bagaman ang hula niya ay mas magiging masaya ito kung kasama nito si Alejandro, ang lalaking minsang narinig niyang kausap nito sa cell phone.
Natanong na niya ang mommy niya tungkol kay Alejandro. Ang sabi nito ay nagpasya raw itong lumayo sa lalaking iyon. Hindi nito tinatago sa kaniya na may asawa na pala ang Alejandro na iyon. Nagkakilala raw ang mga ito noong dalaga pa ang kaniyang ina, kaya lamang ay kagustuhan ng lolo niya na ang kaniyang ama ang pakasalan nito. Noong panahon daw kasing iyon ay naghihirap na ang pamilya nito, at kailangan ng mga ito ang tulong pinansiyal mula sa kaniyang ama.
Mula raw sa isang ordinaryong pamilya si Alejandro ngunit ngayon ay asensado na ito. Mayaman daw ang napangasawa ng lalaki. Ang sabi ng mommy niya ay ito na raw ang nagpasyang lumayo kay Alejandro dahil naaawa rin ito sa pamilya ng lalaki. Isa pa ay maling-mali raw ang ginagawa ng mga ito dahil maraming tao ang nasasaktan. Ayaw daw ng mommy niya sa baka siya ang balikan pagdating ng panahon kaya minabuti nitong lumayo na nang tuluyan kay Alejandro.
Sa pagkakaalam niya ay wala ng balita ang mommy niya kay Alejandro. May isang taon na rin daw hiwalay ang dalawa. Nalulungkot siya para sa mommy niya ngunit naisip niyang tama rin ang ginawa nito kung ganoong may pamilya pala si Alejandro.
“Mommy, why are you up so early?” gulat na tanong niya rito. Parating siya ang nauunang magising kaysa rito dahil maaga ang klase niya sa pinapasukang unibersidad.
“Good morning. May order sa akin ngayon, anak.”
“Really?”
“Yes. Ipinagluto na kita ng almusal. Kumain ka na muna.”
Tumalima siya. Iniwan niya itong abalang-abala sa pagsasalansan ng mga paorder nito. Masaya siyang dumulog sa mesa at tahimik na kinain ang inihanda nitong almusal para sa kaniya. Nagpasya na siyang maligo at maghanda na sa pagpasok niya sa kaniyang paaralan. Nagbibihis pa lang siya ng kaniyang uniporme nang magpaalam ang kaniyang ina na mauuna na raw ito sa kaniya. Humalik pa ito sa kaniyang pisngi bago tuluyang umalis. Mayamaya ay siya naman ang nasa biyahe na papasok sa paaralan.
Nang makarating siya sa university ay pinuntahan kaagad niya ang kaibigan niyang si Inah. Magkasama sila nito sa isang theatre guild. Mahusay din itong umarte gaya niya. Palibhasa ay isang artista ang ina nito, namana nito iyon dito.
“What’s up?” tanong nito sa kaniya.
“Nothing much. How was your weekend?”
“Boring.”
Ang sabi nito ay may practice daw sila mamaya. Tumango siya at nag-suggest na kung maaari ay maaga silang matapos para makauwi siya agad sa kanila.
Lumipas ang maghapon na parang may kakaiba siyang nararamdaman. Pero hindi niya maipaliwanag kung ano iyon. Para siyang balisa na hindi niya maunawaan. There was truly something strange about that day. Hindi siya mapakali kaya nang yayain siyang mag-malling ng mga kaibigan niya pagkatapos ng practice nila ay nagsabi siyang pass muna siya. Bigla kasi ay parang gusto na niyang umuwi sa kaniyang mommy. Hindi niya maintindihan ang sarili nang araw na iyon kaya nagpasya siyang umuwi na.
Nagboluntaryo si Inah na ihatid siya sa kanila. Mukhang maging ito ay nabagabag sa iniaakto niya. Nang makarating na sa kanila ay hindi niya nadatnan doon ang mommy niya kaya lalo siyang kinabahan.
“Relax. Baka nasa customer pa niya ang mommy mo,” pag-aalo sa kaniya ni Inah.
“Hindi, Inah, iba talaga ang pakiramdam ko.” nababahalang sabi niya rito.
Kung hindi lamang lalabas na OA ay baka umiyak na siya. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya. It was such an ugly feeling—a feeling of miserable forebonding.
Nang mag-ring ang kaniyang cell phone ay sinagot kaagad niya iyon.
“Hello?”
“Patricia Antioquia?”
“Yes, this is her.”
“Kung puwede sana ay pumunta kayo ngayon dito sa hospital. Naaksidente po si Mrs. Antioquia.”
Ganoon na lamang ang pagkabog ng dibdib niya. Sinabi niya kay Inah ang masamang balita at kaagad naman siyang sinamahan nito sa ospital na sinabi ng tumawag kung saan naroroon ang kaniyang mommy.
Nadatnan niyang nasa ER ang kaniyang mommy. Pinatuloy sila ng guwardiya. Mukha namang maayos ang kalagayan ng mommy niya maliban sa ilang galos na natamo sa may ulo nito.
“Mommy, what happened?” kaagad na tanong niya rito nang makalapit siya sa hospital bed na kinaroroonan nito.
“Hija, nabangga ang sinakyan kong tricycle pauwi na sana ako sa bahay.”
“But you’re okay?” Kababakasan ng sobrang pag-aalala ang boses ni Patricia.
Bahagyang tumango ito. “Would you get me a pen and a sheet of paper, please, anak?”
“But—”
“Hija, please.”
Tumalima agad siya sa pakiusap ng kaniyang ina. Mabuti na lamang at dala ni Inah ang bag nito. May idiniktang address sa kaniya ang mommy niya. Pagkatapos ay bumaling ito kay Inah at nagsabing kung maaari ay saglit muna nitong iwan silang mag-ina.
“Hija, makinig ka sa akin… Puntahan mo ang address na iyan.”
“Now?”
“No, no… Just in case. It’s where Alejandro lives. He is… your father.”
Pakiramdam niya ay nabingi siya. “W-what?”
“He doesn’t know. I never told him. Magkakagulo, hija, kapag sinabi ko sa kaniya. Pero alam ng daddy mo ang lahat. Alam niya bago pa niya ako pakasalan… Hija, sabihin mo kay Alejandro na anak ka niya.”
“Mommy, why are you—? Nurse!” sigaw niya nang biglang napasapo ito sa ulo nito. Lumapit kaagad dito ang isang nurse at doktor. Dumugo ang ilong ng kaniyang ina. Pinalayo muna siya ng mga ito.
Parang sasabog ang ulo niya habang naghihintay sila ni Inah sa labas ng ER. Hindi niya malaman kung ano ang unang iisipin niya. Ayaw man niyang isipin ang tungkol kay Alejandro ay hindi niya maiwasan. Ito ang kaniyang ama. At hindi sinabi rito ng kaniyang ina ang tungkol doon.
Pagkalipas ng kalahating oras ay lumabas ang doktor na tumingin sa kaniyang ina.
“Miss Antioquia?”
“Y-yes?”
“I’m sorry but your mother didn’t make it.”
Nagimbal si Patricia sa narinig na iyon mula sa doktor. Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa.
“No… No…” Napahagulgol siya sa mga palad. Kababakasan ng sobrang pag-aalala ang boses ni Patricia niya.
Tinakbo niya ang daan papunta sa kinaroroonan ng labi ng kaniyang ina. May kumot nang nakatalukbong dito. Nanginginig ang mga kamay na dahan-dahan niyang ibinaba iyon. Tumambad sa kaniya ang payapang hitsura ng kaniyang ina habang nakapikit. Humahagulgol niyang niyakap ang malamig na bangkay nito. "No... Mom, please! Huwag mo akong iwan... Mom... Mommy!"