"Bakit ngayon n'yo lang sinabi sa akin ha, Manay Nida?" tanong ni Khal-el sa kanilang mayordoma.
"Dahil iyon po ang kabilin-bilinan ni Madam, Sir. At saka..." Nagyuko ito ng ulo at bumulong. Hindi niya narinig ang ibinubulong nito kaya hindi niya maunawaan iyon.
"Ano po iyon? Pakiulit nga po, Manay."
"Sinabi po sa akin ni Madam na wala kayong kinalaman sa lahat dahil... d-dahil hindi po kayo tunay na anak ni S-Sir Alejandro."
Kulang ang sabihing nayanig siya sa narinig na iyon. "W-What?!" nanghihinang tanong niya.
"Sinabi po sa akin ni Madam. Hindi naman po niya sinasadya ang pagkakasabi niyon. Kasi po ay iginigiit kong tawagan na kayo at ipaalam sa inyo ang pang-aaping ginagawa sa kaniya ng babaeng iyon pero hayun nga po, ayaw po ng Mommy n'yo. At dahil po sa kakapilit ko, nasabi niya po sa akin na... hindi raw po kayo tunay na a-anak ni S-Sir."
Hindi agad siya nakaimik. Hindi alam ni Kahl-el kung paniniwalaan niya si Manay Nida sa mga isiniwalat nito, ngunit kahit kailan ay hindi ito nagsinungaling sa kaniya. Dalawang tao lamang ang maaaring makapagsabi ng katotohanan tungkol sa sinabi ni Manay sa kaniya. Ang isa ay nawala na sa katinuan nito, habang ang isa ay nasa ibang bansa.
Hindi na niya inabot na matino pa ang kaisipan ng kaniyang ina. Ayon kay Manay Nida, may isang buwan na raw mula nang magkaganoon ang kaniyang Mommy Imelda. Mula nang tuluyan nang umalis ng kanilang bahay ang kaniyang ama. Sinubukan daw ni Manay na ipaalam sa kaniyang ama ang lahat ng nangyari sa kaniyang ina subalit parating hinaharang iyon ng ngayon ay kerida ng kaniyang ama, isang nagngangalang 'Patricia Antioquia'. Malamang sa malamang ay kamag-anak pa ito ng dating babae ng kaniyang ama na si Juvy Antioquia.
Buong pag-aakala pa naman ni Kahl-el ay hindi na muli pang papasukin ng mga Antioquia ang buhay nila. Napailing siya. Noong umalis siya patungo sa Australia akala niya ay wala ng komunikasyon sa babae nito ang Daddy Alejandro niya. Subalit nagkamali siya. Masyado siya nakampante sa bagay na iyon. Tuloy ay nais niyang sisihin ang sarili dahil sa mga nangyari. Kung sana ay hindi na lamang siya tumuloy pumunta sa Australia marahil ay hindi hahantong sa ganoon ang kaniyang ina.
"Manay, so kailan pa po nagsimula ang relasyon ni Daddy at ng Patricia na iyon?" Pag-uusisa niya rito.
"M-May dalawang taon na rin ho, Sir, simula po nang umalis kayo papuntang ibang bansa." May pag-aatubiling sagot ni Manay Nida kay Kahl-el.
Nang dahil sa kaniyang nalaman ay hindi magawang ipaliwanag ng binata ang matinding galit at guilt na kaniyang nadarama. May apat na taon din siyang nanirahan sa Australia. Sa tuwing tumatawag siya rito noon para kamustahin ang kaniyang ina ay palagi nitong sinasabing nasa maayos na kalagayan ang kaniyang mama ganoon din kay Manay Luz, ang isa pang kawaksi nila, kapag nakakausap niya ang mga ito sa telepono kaya naman naging kampante siya.
Hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng guilt dahil sa ilang taong pamamalagi niya sa Australia ay halos nagpasarap lang siya sa buhay kasabay ng kaniyang pag-aaral. Masyado siyang nagpakasasa sa buhay bilang isang bachelor. Kung saan-saang party siya dumadalo kasabay ng kabi-kabilang babae ang kaniyang nakaka-date. Iyon pala, habang ganoon at nagpapakasarap siya sa buhay ay nagdurusa naman ang kaniyang ina dito sa Pilipinas. Lihim niyang minura ang kaniyang sarili dahil doon. Labis-labis talagang guilt ang kaniyang nararamdaman sa tuwing maiisip ang kapaitang sinapit ng kaniyang ina. Kung sana ay hindi niya iniwan ito noon dito. Kung sana ay palagi niya tinatawagan ito noon. Kung sana... Ah! Napakaraming sana. Pero wala, hayun at tuluyan nang nawala ito sa katinuan.
"Sige po, Manay, pakikuwento n'yo po sa akin lahat ng nalalaman n'yo. Ano'ng mga nangyari habang wala ako."
Tumango ito bilang tugon saka nagsimulang isalaysay sa kaniya ang mga pangyayari.
"Kuwan, Sir, iyon nga po. Palagi ko pong maabutang umiiyak si Madam, ang mama n'yo po. Kadalasan po, naririnig naming lahat dito sa kabahayan. May mga panahon pa po na sinasabi ni Madam na magpapakamatay na raw po siya kapag umalis si Sir Alejandro. Pakiwari po namin ay kaya hindi umalis ang Daddy n'yo ay dahil doon."
"Hanggang sa makalipas po ang ilang buwan ay hayun nga po nagtungo po rito ang Patricia na iyon. Kinausap niya si Madam. Wala po kami ideya kung anuman po ang napag-usapan nilang dalawa. At nang makaalis na po yung Patricia ay iyak na po ng iyak si Madam. Noon po dumating ang daddy n'yo at pinagkukuha na niyang lahat ang mga gamit niya. Hindi na nga po bumalik sapol noon. Simula iyon at nagkaganyan na nga po si Madam. Kapag po naman sinusubukan kong tawagan si Sir Alejandro ay iyong Patricia ang sumasagot at hinaharang niya kaya hindi ko ho minsan nakausap ang Daddy n'yo. Ang sabi pa po ng Patricia'ng iyon ay wala na raw pong pakialam si Sir Alejandro kay Madam Imelda." Biglang lumungkot ang boses ni Manay Nida sa mga huling tinuran nito. Nagtagis ang mga bagang ni Kahl-el.
God forbid! Pero anong klaseng tao ang Patricia na iyon?! Wala ba siyang puso? Hindi man lang naawa sa Mommy niya?
"Kaya napilitan na po akong kontakin kayo dahil naaawa na po ako kay Madam. Natitiyak ko na po talaga na may diperensya na ang kaniyang pag-iisip. Noong una naman ho sadyang tahimik lang siya. Sinunod ko lang din po ang kabilin-bilinan sa akin ni Madam noon na kung sakali man pong may mangyari kay Madam, kay Sir Alejandro ko po muna dapat ipaalam ang sitwasyon dito at huwag sa inyo dahil nga po nag-aaral po kayo sa ibang bansa. Huwag daw po kayong gambalain, hindi n'yo raw po kailangang makatanggap ng masamang balita dahil ayaw ng Mommy n'yo na mabagabag ang kalooban mo."
"May nabanggit po ba si Mommy kung sino ang tunay kong ama?" kapagkuwan ay naisipan niyang itanong. A part of him was curious about his roots.
"Ang natatandaan ko ho, si A-Agnes daw ho ang inyong tunay na ina. Madalas pong dumalaw-dalaw ang babaeng iyon dito subalit hindi po pinapatuloy, iyon po kasi ang bilin ni Madam. Noong isang beses pong nagpangita kami sa may labas, kinumusta ka po niya sa akin, Sir."
"Sakali hong bumalik siya rito, kakausapin ko po siya," aniya.
Nang mga oras na iyon ay isinantabi niya muna ang pansariling emosyon niya. Hindi na muna mahalaga para kay Kahl-el kung saan siya nagmula, kung sino man ang kaniyang mga tunay na magulang. Sapagkat ang sumatotal ay hindi rin pala niya tunay na ina ang kinilala niyang mama. Sa ngayon ay pinakamahalaga para sa kaniya na matulungan niyang maka-recover ang kinikilala niyang ina, ang mapagmahal na babaeng nagtiyagang arugain siya. Higit kanino pa man, ngayon siya higit nitong kailangan. Nais niyang suklian ang pagmamahal at pag-aalagang iginugol nito sa kaniya mula't sapol.