Calista
HINDI ko alam kung bakit nangyayari ito sa amin. Hindi kami masamang tao at wala kaming inaapakang kahit na sino. Normal lang ang buhay namin at kontento ako sa kung anong kayang ibigay ng pamilya ko sa akin.
Ngunit bakit ganito? Sa isang iglap ay gumuho ang mundo ko.
Hindi ako lumalabas ng silid ko simula nang malaman ko na namatay ang aking ama. Ang sabi ng mga pulis ay maaaring robbery ang nangyari at nanlaban ang aking ama kaya ito pinatay.
Maaari rin daw na kalaban ni Papa dahil sa trabaho nito bilang lawyer. Baka raw may mga death threats itong natatanggap na hindi sinasabi sa amin.
Hindi ko matanggap.
Sa isang kurap, nawala ang isa sa pinakaimportanteng tao sa buhay ko.
Kung hindi pa ako hihilahin palabas ng aking kuwarto ay hindi ako lalabas para pumunta sa burol at sa libing.
Tulala ako habang pinapanood ko ang pagbaba ng kabaong ng aking ama sa lupa. Umiiyak pa rin ako pero wala nang nalabas na luha. Siguro ay natuyo na ito dahil walang humpay akong umiiyak nitong nakaraang araw.
Inalalayan ako ng Tita ko dahil hindi na talaga ako makagalaw. Wala si Mama sa tabi ko kaya agad ko siyang hinanap.
“Nasaan po si Mama?”
Hindi ko makilala ang sariling boses. It’s guttural. Siguro dahil ilang araw akong hindi nagsasalita.
“May kausap lang. Halika na sa sasakyan at makauwi na. Kailangan mong magpahinga.”
Itinuro ni Tita sa akin kung nasaan si Mama. Nakita ko siyang may kausap na isang lalaki.
Napatigil ako sa paglalakad. I don’t know the guy at base sa pananamit niya; we don’t belong in the same society circle. He’s wearing a three-piece Italian suit, which was tailored just for him. He’s also wearing Italian shoes that I think cost a fortune.
“Sino po iyon, Tita?”
“Ang pagkakaalam ko ay boss ng mama mo. Pumunta siya noong first night ng pagkamatay ng papa mo. Hindi mo siya nakilala kasi umalis ka kaagad noon. Tapos mukhang pumunta rito ulit ngayon para makipaglibing. Tara na, Cali.”
Hinila na ako ni Tita at sumunod naman ako sa kanya. Tulala ako sa loob ng sasakyan habang nagmamaneho ang pinsan ko pabalik sa bahay.
The house feels so empty without my father. Siya kasi itong parating nagbibigay buhay rito. Kami ni Mama ay tagatawa lamang sa mga corny niyang joke. I miss him so much and it hurts that I wouldn’t see him again kahit na gusto ko pang makita siyang muli.
Ilang buwan nang wala si Papa pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako bumabalik sa dating sigla. Mabuti na lamang nakayanan kong matapos ang unang semester ko at ngayon ay semestral break na namin. Makakapagpahinga akong muli.
Nagluto ako ng hapunan namin ni Mama at hinihintay ko na lang siyang makauwi. Ala-siete na at dapat ay kanina pa naririto ang mama ko. Nakakapagtaka na wala pa siya.
Kinuha ko ang aking cellphone at tinawagan si Mama. Hindi ko ma-contact.
“Nasaan na ba iyon si Mama? Bakit hanggang ngayon ay wala pa rin.”
Natakot ako. Ganito rin kasi ang nangyari kay Papa noon. Natagalan siyang umuwi hanggang sa mabalitaan na lang namin na wala na siya.
Lumabas kaagad ako ng bahay. Pupuntahan ko na lang si Mama para lang makasigurado.
Pagbukas ko ng pinto, napansin ko na may tumigil na magarang sasakyan sa labas. Lumabas mula roon si Mama. May ngiti sa kanyang labi habang sumisilip sa loob ng sasakyan. Kumunot ang noo ko.
Nang pumasok na sa loob ng bahay si Mama ay nagulat siyang makita ako.
“Sino iyon?” tanong ko sa kanya.
Napansin ko ang kaba sa mukha ni Mama pero pinilit niyang ngumiti.
“Boss ko. Hinatid lang ako kasi nag-overtime ako. Kumain ka na ba, anak? Halika at kumain na tayo. May dala rin akong mga pagkain—”
“Hinahatid ba ng boss mo ang mga empleyado niyang nag-o-overtime?” Tumaas ang isang kilay ko. Hindi ko gusto ang aking nararamdaman.
Matagal-tagal bago magsalita si Mama at hindi ko gusto ang sunod niyang sinabi.
“Calista, pumasok na tayo sa loob. Mukhang uulan—”
“Ma, tinatanong kita,” sabi ko sa kanya. “Hinahatid niya ba talaga ang mga empleyado niya o baka…”
Napalagok siya at muling naatahimik. May kutob na ako sa aksyon niya pa lamang pero gusto kong siya mismo ang magsabi nito sa akin.
Huminga nang malalim si Mama habang ako ay hindi inaalis ang tingin sa kanya.
“Mag-uusap tayo sa loob.”
Nakaupo na kami ngayon sa hapag-kainan at nagsimulang kumain. Hindi ko magawang galawin ang pagkain ko dahil hinihintay kong magsalita si Mama.
I don’t want to entertain that idea. Iilang buwan pa lamang wala si Papa sa amin tapos ngayon…
“May relasyon kami ni Romeo.” Mabilis akong nagtaas ng tingin sa kanya. Humugot nang malalim na paghinga si Mama. “Masyado akong nasaktan sa pagkamatay ng papa mo at si Romeo...hindi niya ako iniwan nang mga panahong lugmok na lugmok ako—”
“Romeo? First name basis na kayo ng boss mo ngayon?!” Hindi ko mapigilang magtaas ng boses. I am hurt, not for myself but for my father. “Ma, wala pang isang taong wala si Papa, naghanap ka na agad ng iba—”
“Calista, hindi ko gusto ang tono ng pananalita mo!” suway niya sa akin, but I am too emotional sa mga nalaman para bigyan ng pansin ang galit niya.
“Why is it so easy for you to forget about my father, Ma? Ilang buwan pa lang may iba ka nang lalaki o baka naman may relasyon na kayo bago pa mawala si Papa—”
Isang lagitik ng sampal ang natamo ko na siyang dahilan para hindi ko maituloy ang sasabihin ko.
Maging si Mama ay nabigla nang mapagtanto niya ang ginawa niya sa akin.
“Cali, I-I’m sorry, hindi ko sinasadya.”
Tumayo ako sa aking pagkakaupo. Nangingilid ang luha sa aking pisngi. Umalis ako sa hapag-kainan at pumunta sa kuwarto ko.
Alam ko na mali ang sinabi ko pero may kung anong sakit ako na nararamdaman dahil sa nalaman ko.
My mom is in a relationship with her boss. Ngayon ay masaya na siya at kinalimutan na niya si Papa. Hindi ko matanggap ang katotohanang iyon.
Hindi ko pinagkakaitan na maging masaya si Mama pero sana naman ay hindi ganito kabilis. I need time to digest that my father is gone at hindi na siya babalik. The wound is still fresh at hindi ko pa kayang makitang may ibang magiging pamilya ang mama ko.
Iniwasan ko na muna si Mama. Lalo na noong openly ay nakikipagkita na siya sa boss niya at tila pinagsisigawan sa ibang tao na may karelasyon na siyang iba.
May naririnig pa ako sa ibang tao na pineperahan lang daw ni Mama ang lalaki at gold digger ito. Mataas daw ang lipad ni Mama kaya ngayon ay kumapit ito sa ibang lalaki na may pera dahil patay na ang papa ko.
Hindi naman kami dukha. Maayos naman ang estado ng buhay namin pero…siguro hindi lang mapigilan ng ibang tao na ganoon ang isipin.
“Cali, paano ba iyan? Mukhang magkakaroon na ng ibang pamilya ang mama mo?”
Iyon ang naging usap-usapan sa school ko. Ako ang laman ng kanilang mga chismis. Malandi raw ang mama ko at pera lamang ang habol sa bagong kasintahan. Malamang daw ay susunod ako sa hakbang nito.
Sa totoo lang, galit ako kay Mama. But I wouldn’t tolerate anyone trying to humiliate my mother in front of me.
Nang-aaway ako kapag nakakarinig ako nang kahit maliit na insulto para sa mama ko at dahil doon nagiging suki ako ng opisina ng Discipline Committee at pinapatawag ang aking ina.
Iniisip ni Mama na nagrerebelde ako sa kanya, hinayaan ko iyon ang isipin niya dahil ayokong malaman niya pa ang sinasabi ng ibang tao sa kanya.
“Ayoko nang mag-aral, Ma.” Sa unang pagkakataon simula nang magkasagutan kaming dalawa ni Mama ay nagsalita ako. “Ayoko na sa school ko.”
Ayokong araw-araw ay naririnig ko ang pamamahiya nila sa Mama ko. Ayokong araw-araw kailangan kong mang-away para mapatahimik sila. Hindi nakakatulong sa akin at sa pag-aaral ko.
Lumapit sa akin si Mama. “May offer sa akin si Romeo. Gusto niyang sumama tayo sa kanya pagbalik niya sa lugar nila. Gusto niya ring makilala ninyo ang isa’t isa. Bakasyon mo na naman sa susunod na linggo. Mapag-iisipan pa natin kung anong plano mo para sa susunod na school year.”
Gusto kong umangal. Gusto kong sabihin na ayokong pumunta roon. Ngunit nang makita ko kung gaano ka-hopeful ang mga mata ni Mama na nakatingin sa akin, itinikom ko ang bibig ko. Masyado na akong drain sa araw na ito para makipagtalo pa kay Mama at kahit galit ako sa kanya dahil sa pakikipagrelasyon niya sa ibang lalaki, ayoko rin namang makita ko ang kawalang buhay ng mga mata niya.
“Welcome to Puerto Rivas!” Sinundo kami ni Romeo De Laurentis sa airport. Ito na ang araw na pinakaayoko.
Maninirahan kami pansamantala ni Mama sa bahay ni Romeo, ang boss niyang kasintahan niya. Hindi pa rin ako makapaniwala na ganito kabilis palitan ni Mama ang aking ama.
“Kumusta ang byahe?” Niyakap ni Romeo si Mama at halos masuka ako habang pinagmamasdan silang dalawa. Inayos ko lamang ang ekspresyon ko nang sikuhin ako ni Mama at tumingin sa akin si Romeo.
“Maayos naman. Medyo nakakapagod lang.”
Ngumiti sa akin si Romeo subalit hindi ko nasuklian ang kanyang ngiti sa akin.
“Hello, Cali. Finally, we’ve met.”
Ngiwi ang isinukli ko sa kanya dahil hindi ko nais ngumiti. Muli akong siniko ni Mama at pinandidilatan niya ako ng mata nang tumingin ako sa kanya.
“Tara na. Para makapagpahinga na rin kayo.”
Pumasok kami sa loob ng mamahaling van na sumundo sa amin. Tahimik lamang ako habang sina Mama at Romeo ay nasa harapan ko. Umirap ako at tumingin na lamang sa labas ng bintana.
Maganda sa Puerto Rivas. Developed na siya ngayon at ang alam ko ay malapit nang maging city. Para siyang Manila minus the pollution dahil kahit marami nang nagtataasang mga building, nananatili rin ang mga puno. Nararamdaman mo rin ang preskong hangin at ang ganda ng dalampasingan. Sobrang linis ng tubig-dagat na kung hindi lamang masama ang loob ko, gusto kong mag-swimming.
Nang makarating kami sa bahay nina Romeo, namangha ako sa bahay nila. Hindi naman kami hampaslupa. Malaki rin ang bahay namin at may kaya sa buhay, ngunit hindi iyon makukumpara sa bahay sa harapan ko ngayon.
Ipinakita nila sa akin ang kuwarto ko. Maganda iyon at gustong-gusto ko pero sa tuwing naalala ko kung sinong may-ari ng bahay at ang relasyon niya sa mama ko, hindi ko magawang matuwa.
“Nasaan si Rage?” tanong ni Romeo sa isang kasambahay. Sinabi nila sa akin na magpahinga pero wala akong ganang manatili sa lugar na iyon.
“Uuwi raw po mamaya.”
Rage De Laurentis? Iyon ang anak ni Romeo. Ang alam ko ay nag-iisang tagapagmana ito. Malamang ay babaero at mayabang. Take note, kung magpakasal man sina Mama, he’s going to be my stepbrother.
Naisipan kong gumala sa bahay. Mayaman talaga ang mga De Laurentis. Kahit sa Manila ay naririnig ko ang apelyido nila.
“Magandang hapon po.”
Ngumiti ako kahit papaano nang may bumati sa akin. Ang gaganda rin ng mga halaman nila rito at may fountain pa ng isang anghel.
Naglakad ako papunta sa may front yard nila nang makarinig ako nang malakas na pagbusina. Napatingin ako rito para lamang makita na halos banggain ako ng isang sasakyan.
Napaupo ako sa sahig at nagasgasan ang aking palad dahil sa pagkakatuon ko nito. Mabilis din ang kabog ng dibdib ko dahil akala ko ay babanggain niya talaga ako.
May lumabas na mga tauhan at binati ang dumating. May isang kasambahay na tumulong sa aking tumayo.
Masama kong tiningnan ang lalaking lumabas ng kotse. Tinanggal niya ang shades niya at tumingin sa akin.
The man is so f*****g good-looking. Akala mo ay isa siyang Greek god. No words can describe him, and don’t start me with his physique.
For a moment, nakalimutan ko ang inis ko, as I was mesmerized by his beauty.
“Sir Rage,” bati ng mga tauhang lumapit sa kanila.
Nabawi ko ang sarili ko at nagningas sa akin ang galit. Hinampas ko ang hood ng kanyang kotse.
“Are you trying to kill me?!” Inis na inis ako. Bukod sa nananakit kong pang-upo ay nananakit din ang aking palad.
Tumaas ang isang isang kilay niya. He’s looking at me like I am some pest on his shoes.
“Who are you?”
Natural lang naman na itanong niya iyon pero naiinis pa rin ako sa tono niya! He has this tone that will make you feel so little.
“Ikaw? Sino ka rin ba? Kung makapagmaneho ka ay akala mo pagmamay-ari mo ang daan—”
“Well, I own the place. Sasagasaan ko ang gusto kong sagasaan. Nakaharang ka sa daraanan ko. So, who are you again?”
May lumapit sa kanyang lalaki at may ibinulong. Tumaas ang isang kilay ni Rage at muling tumingin sa akin.
“So, you’re that woman’s daughter.” Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa. Maya-maya pa ay ngumisi siya.
Mas lalo akong nakaramdam ng inis. Pakiramdam ko ay pinagtatawanan niya ako.
“Rage, you’re here!”
Hindi ko na nagawang magsalita pa ulit dahil sa biglaang pagpapakita nina Romeo. Nilapitan ako ni Mama at tinanong kung anong nangyari sa akin pero hindi ko siya sinagot. Naiimbyerna ako sa mga taong naririto. Gusto ko nang umuwi.
“Dad,” bati ni Rage sa ama. “Tita.”
Ngumiti si Mama sa kanya at binati rin pabalik. Napansin siguro ni Romeo ang itsura ko.
“Are you okay, Cali?”
Nagtiim bagang ako bago tumango. “I’m fine po.”
Tiningnan muli ako ni Rage bago ngisian. Naglakad na siya papasok sa loob ng bahay nila.
“Are you sure, okay ka lang?” tanong ni Mama nang kami na lamang dalawa ang natira rito.
Tiningnan ko siya, masama pa rin ang loob. “Kapag sinabi ko bang gusto ko nang umuwi, uuwi na tayo?”
“Cali…”
“See? Hindi. Kaya huwag mong itanong, Ma, kung okay ako. Hindi ako magiging okay hangga’t naandito ako.”
Naglakad ako papasok sa bahay. Nag-isip din ako ng paraan kung paano ko gagantihan si De Laurentis sa ginawa niya sa akin kanina. Nang may maisip ako, napangisi ako. I will make you regret messing with me, asshole.
Nakaupo ako sa isang wooden bench sa front yard ng mga De Laurentis nang may marinig akong ingay. Napangisi ako nang mapagtanto ko kung ano iyon.
“It’s starting,” sabi ko sa sarili ko bago tumingin sa may garahe. Nagtago ako sa halaman para hindi ako mapansin.
“Who did this?” tanong ni Rage nang makita niya ang malaking gasgas sa kanyang kotse.
Napahagikgik ako sa sarili. I just keyed his car. Bakit? Ginamit niya iyon para muntikan na akong sagasaan, wala ba akong karapatang gumanti?
Walang nakasagot sa mga tauhan nila dahil walang nakakaalam kung sino ang gumawa ng malaking gasgas sa kotse ni Rage.
Malawak ang aking ngiti habang pinagmamasdan ang nakakuyom na kamay ni Rage. I feel so satisfied.
“I’m asking a f*****g question. Who keyed my car?!” Napatalon sa takot ang mga tauhang naroroon dahil sa pagtataas ng boses ni Rage.
Napayuko ang lahat, hindi alam ang sasabihin.
Rage combed his hair using his fingers at iginala ang kanyang mga mata sa paligid. Bahagya akong nagulat nang mahagip ako ng kanyang mga mata pero imbis na magtago, nginisian ko siya.
Kitang-kita ko ang inis sa kanyang mga mata, Lumabas ako sa pinagtataguan ko and I flipped him off.
“f**k you, asshole,” I mouthed while showing him my middle finger.
Nakangiti ako dahil akala ko ay maiinis ko siya, pero agad naglaho ang aking ngiti nang makita ko ang talim sa kanyang mga mata pero pumorma ang ngisi sa kanyang labi.
Doon nagsimula ang pagbaliktad ng aking mundo. Hindi ko inaasahan, ang taong magiging stepbrother ko ay ang taong sisira sa paninindigan ko.