Ilang linggo na ang lumipas, nakaharap ako ngayon sa malaking salamin at hindi ako makapaniwala na ako na nga talaga ito. Ang laki ng ipinagbago ko mula ng tinulungan ako nila Roxanne, sila na rin ngayon ang bago kong mga kaibigan. Wala na akong suot na salamin sa mata at contact lens na ngayon ang ginagamit ko.
"Napakaganda mo talaga apo, darating ba ngayon si Skyler?" ani ni lola. Kaninang umaga ko pa lang tinawagan si Skyler at sinabi ko sa kanya ang lahat ng gusto niyang malaman, sinabi ko din sa kanya na may mga taong tumutulong sa amin ngayon ni lola at batid ko na pinagdududahan niya ang mga taong ito pero matapos kong maipaliwanag sa kanya ang lahat ay mukha namang okay na sa kanya. Binigay ko sa kanya ang address namin at papunta siya ngayon dito. Sinabi ko din sa kanya na papunta kami ng US ni lola kasama ang mga bago kong kaibigan dahil sa nakatakdang operasyon ko sa mata. Sabi naman ng doktor ay hindi maaapektuhan nito ang pagbubuntis ko kaya pumayag na din ako.
Tumunog ang doorbell ng condo namin ni lo9la at pagsilip ko sa peephole ay napangiti ako dahil ang gwapong si Skyler lang naman ang nakatayo sa harapan ng pintuan at may hawak pa itong napakagandang bulaklak.
Pagbukas ko ng pintuan ay muntik na akong matawa sa naging reaksyon niya.
"Hi, nandyan ba si Maricris, ikaw siguro ang kaibigang sinasabi niya. Napakaganda mo nga palang tunay." wika niya at hindi ko na talaga napigilan pa ang hindi tumawa kaya napabunghalit na ako ng tawa na ikinagulat niya at kumunot pa ang kaniyang noo at pagkatapos ay nabitawan niyang bigla ang bulaklak at napaatras pa siya ng dalawang hakbang.
"Ma-Maricris?" gulat na gulat niyang ani kaya bigla kong dinampot ang bulaklak na nabitawan niya at hinila ko ang kamay niya papasok sa loob ng condo.
"Apo si Skyler na ba 'yan?" tanong ni lola na nakaupo at kumakain sa kusina. Napagamot na din si lola pero kasama siya papuntang America upang suriin din siya ng mga espesyalista duon.
"Oh my god! Maricris ikaw nga!" bulalas niya at mahigpit niya akong niyakap. Dahil sa labis na katuwaan ko ay tinugon ko ang mahigpit niyang yakap.
"Damn! Gorgeous, napakaganda mo." ani niya na hindi makapaniwala. Ito ang lalaking umamin ng pagmamahal sa akin kahit pangit pa ako nuon kaya ito lang ang lalaking pagkakatiwalaan ko ngayon.
Iginiya ko siya sa kusina upang saluhan kami ni lola sa aming tanghalian, ako ang nagluto at iniluto ko ang pagkaing itinuro sa akin ni Raine, mga pagkaing kakaiba para sa amin.
"Italian food? Ikaw ba ang nagluto ng mga ito?" gulat na gulat niyang ani habang nauupo siya sa upuang katabi ni lola. Ngumiti ako sa kanya at ipinagsandok ko agad siya ng lasagna na niluto ko.
"Ako nag bake nyan. Tinuruan ako ni Raine at ni Roxanne paano magluto ng Italian food, half Italian kasi silang magkapatid." wika ko at isang ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Mabilis naman niyang tinikman ang ibinigay ko sa kanya kaya ang ngiti niya ay mas lalong lumaki matapos niyang matikman ang niluto ko.
"Wow! Wow talaga!" ani niya kaya natawa na ako at dinagdagan ko pa ang pagkain na nilagay ko sa plato niya.
Pagkatapos naming kumain ay ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari sa akin, kung paano ko nakilala sila Raine at kung paano nila pinagtapat sa akin na asawa pala nila ang mga taong tumulong sa akin nuong gabing 'yon kaya nagawa nila akong tulungan, lalong-lalo na si Kuya Raymond na hindi ko pa nakakaharap ng personal pero siya talaga ang unang taong nagpakita sa akin ng kabutihan ng gabing 'yon. Nagkita kami sa bar pero hanggang ngayon ay hindi pa sila nagpupunta dito at tanging ang mga asawa lamang nila ang nakakasama ko.
Sinabi ko din sa kanya ang nalalapit na pagpunta namin ng America ni lola at sa Kansas daw kami tutuloy para sa Lasik surgery ko sa mata. Natuwa siya sa narinig niya dahil sa Kansas din daw ang punta niya itong darating na linggo naman dahil sa negosyong ipinapaasikaso sa kanya ng kanyang ama. Sabi nya ay pupuntahan agad niya ako at hindi siya titigil hangga't hindi niya ako napapaibig. Sinabi ko din sa kanya na alam na din ni lola ang tungkol sa pagbubuntis ko at nakakatawa dahil kinausap agad niya si lola na handa daw siyang panagutan ang bata na nasa sinapupunan ko. Tumawa lamang kami ni lola, hindi naman kasi ganuon kadali 'yon. Hindi naman sa isinasara ko na ang puso ko pero hindi ko pa rin nakakalimutan si Sammy, siya pa rin ang itinitibok ng puso ko pero hindi na ako magpapakatanga pa dahil sinisimulan ko na siyang kalimutan.
"Hihintayin kong dumating ang panahon na ako na ang itinitibok ng puso mo Maricris, at pag dumating ang araw na 'yon ay ipinapangako ko sa iyo na mamahalin kita ng buong puso ko. Hindi kita pipilitin ngayon dahil alam kong nasa proseso ka ng paglimot sa walang kwentang lalaking 'yon, pero ipinapangako ko sa iyo na kapag ako na ang mahal mo ay mamahalin kita ng buong puso maging ang anak mo ay ituturing kong parang akin." wika niya, napaiyak naman ako sa sinabi niya kaya isang yakap ang tanging naisagot ko sa kanya.
NAGING masaya ang araw ko ngayon, isinama ako din ako ni Skyler pumunta ng mall upang mamili ng ilang gamit na pwede ko daw dalhin patungong US, ayoko talagang tanggapin dahil marami ng naibigay sa akin sila Ariana pero mapilit siya at nagtatampo pa kaya wala na akong nagawa kung hindi ang tanggapin ito.
Nagkaroon man ako ng kasawian, nawala si lolo at si Sammy ay lumitaw naman ang kulay na kulay pero biniyayaan naman ako ng panginoon ng mabubuting kaibigan. Lalong-lalo na si Skyler kaya kung magmamahal man akong muli, sana kay Skyler na lang tumibok ang puso ko sa susunod, sa oras na makalimutan ko na ang lalaking walang puso na nagsamantala sa kainosentihan ko.
"Tignan mo ito, kapag medyo lumaki na 'yang tiyan mo, siguradong bagay sa iyo 'yan." wika niya kaya napangiti ako.
Habang namimili kami ni Skyler ay sobrang sweet niya sa akin at maalaga.
"Kumain muna tayo bago tayo umuwi ha." wika niya habang papalabas kami ng isang boutique at nakaakbay pa siya sa akin na hinahayaan ko lang.
Biglang tumibok ng mabilis ang puso ko ng may matanaw akong isang lalaki na may mga kasamang lalaki na papalapit sa kinaroroonan namin. Hindi agad ako nakakilos kaya napatalikod ako pero alam kong nakita nila kami.
"I know you, hindi ko lang masabi kung saan kita nakita pero kilala talaga kita." ani ni Sammy habang nakatalikod ako. Hindi ako humaharap dahil takot na takot ako. Ayokong makilala niya ako, pero kanina naman ay hindi rin ako nakilala ni Skyler kaya baka naman katulad ni Skyler ay hindi nya rin ako nakilala.
"Hindi mo siya kilala, wala siyang kilalang mga tao dito dahil hindi naman siya mahilig lumabas." sagot ni Skyler.
Nararamdaman ko pa rin sila sa likod ko, ayokong humarap dahil natatakot talaga ako sa kanya. Ayoko na rin na makita pa ang pagmumukha niya dahil nasusuklam na ako sa kanya.
Bigla na lamang lumitaw ang isang lalaki sa aking harapan na ikinagulat ko at nginitian ako.
"I knew it! Ikaw nga 'yon at hindi ako maaaring magkamali." ani ng isang lalaking gwapo na naka black leather.
"Kilala mo siya?" tanong ni Sammy. Nakikita ng lalaking kaharap ko ang matinding takot mula sa akin kaya napakunot ang noo niya habang nakatitig sa akin.
"Yeah. Ang karma mo." bulong niya habang titig na titig siya sa mukha ko.
"Anong ibig mong sabihin ha?" tanong ni Sammy.
Ako naman ay napapikit dahil natatakot ako na sabihin niya ang totoo kay Sammy.
"I mean, akala ko siya ang kakilala ko. Nagkamali pala ako." wika niya kaya nagpasalamat ako sa kanya kahit walang tinig na lumabas sa akin at bumuka lang ang bibig ko.
"Let's go Irish. Umuwi na lang tayo." wika ni Skyler at nagulat ako sa pangalang itinawag niya sa akin.
Lumakad kami sa gawing kaliwa at hindi naman nila kami pinigilan pa, halos tumakbo na kami hanggang sa makarating kami ng exit at tuluyan na naming nilisan ang mall, kung saan ay muling nagtagpo ang landas namin ni Sammy. Next time sisiguraduhin ko na hindi na ako matatakot sa muli naming paghaharap. Hinding-hindi na rin ako iiyak sa susunod na mag krus ang mga landas namin.