Sammy's POV
Ilang araw na akong pabalik-balik dito sa building ko kung saan ay madalas akong puntahan at hanapin ni Maricris.
"Hindi pa rin ba bumabalik 'yung babaeng lagi akong hinahanap dito?" ani ko sa aking guard na nakatalaga sa entrance ng aking building.
"Matagal-tagal na din po na hindi na nagpakita pa dito si Maricris. Ang huling punta niya po dito ay may kasama siyang isang matikas na lalaki na naka kotse po sila, sinabi namin na nasa bar kayo kasama ang iyong mga kaibigan. Mula po nuon ay hindi na siya nagpakita pa." ani sa akin ng aking guard. May kasamang lalaking matikas? Sino ang lalaking 'yon?
"Kilala mo ba ang lalaking 'yon?" tanong ko ngunit umiling lamang siya at sinabi nya din sa akin na mukhang bigatin ang lalaki dahil sa sasakyang dala nito at sa pananamit nito. Sino ang lalaking tinutukoy niya? Nuong nagpunta siya ng bar ay wala naman siyang ibang kasama, mag-isa lang siya kaya sino ang lalaking tinutukoy ng aking guard.
Sumakay ako ng aking sasakyan, pupuntahan ko siya sa kanilang barong-barong. Gusto kong malaman kung sino ang lalaking kasama niya at kapag nalaman ko na manliligaw niya 'yon ay sisiguraduhin ko na kinabukasan ay nilalangaw na sa gilid lang kalsada ang kaniyang katawan.
Nakarating ako sa may riles ng tren, bumaba ako at pinuntahan ko ang barong-barong nila ngunit laking gulat ko dahil wala na ang tinitirhan nila dito kaya napalingon ako sa paligid upang magtanong sa mga kapitbahay nila.
"Naku wala na ho sila diyan ilang linggo na, hindi na po sila umuuwi diyan, giniba na rin ho ang bahay nila diyan ayon na rin ho sa kagustuhan nila." wika ng isang lalake kaya may kung anong pag-aalala akong nararamdaman na hindi ko maunawaan. Nasaan na si Maricris? Saan sila nagpunta ng lolo at lola niya?
"Alam n'yo ho ba kung saan ko mahahanap ang lolo at lola niya o kung saan nagtatrabaho ang lolo niya upang mapuntahan ko? May kailangan kasi ako sa kanila na importanteng-importante lang." ani ko.
"Naku patay na ang lolo ni Maricris, dalawang buwan na din ang nakaraan ng mamatay ang kanyang lolo dahil hindi nakauwi si Maricris, na hit and run ang lolo niya at patay na ng madala sa hospital. Nakakaawa ang batang 'yon dahil mahal na mahal niya ang lolo niya. Walang araw na hindi niya sinisisi ang kanyang sarili sa pagkamatay ng kanyang lolo." wika niya na ikinagulat ko.
Hindi na ako nagsalita pa, nagpaalam na ako at nagpasalamat ako sa kaniya at umalis na din agad ako.
'Nasaan ka Maricris?' bulong ng isipan ko.
Dumiretso na ako pabalik ng aking opisina at magbabakasali ako na baka ng bumalik muli si Maricris at hanapin ako.
Pagkarating ko ng aking building ay muli kong tinanong ang guard ngunit wala pa rin. Tumuloy na ako sa aking opisina at nagtrabaho na lamang ako. Binuksan ko ang aking laptop at hinarap ko ang ilang trabaho ko pero hindi naman ako makapag concentrate dahil iniisip ko kung saan nagpunta si Maricris, kung nasaan siya ngayon at kung sino ang kasama niya.
Fuuuck! Kapag nalaman ko na ang kasama niya ay ang lalaking tinutukoy ng aking guard ay sisiguraduhin ko sa kanya na paglalamayan siya sa oras na mag krus ang landas namin.
Kinuha ko ang aking telepono at tinawagan ko ang mga tauhan namin. Kailangan kong hanapin si Maricris.
"May ipapahanap ako sa inyo, siguraduhin ninyo na mabibigyan ninyo ako ng magandang resulta kung ayaw ninyong sa inyo ko ibunton ang galit ko. Hanapin ninyo ang babaeng nagngangalang Maricris Galman, eighteen years old. Siguraduhin ninyo na mahahanap ninyo siya." wika ko at pinatay ko na agad ang aking telepono at hindi ko na hinintay pa na marinig ang isasagot niya. Sapat na nasabi ko sa kanya ang gusto kong sabihin.
"Kinakarma ka na ba?" ani ng isang boses ng bumukas ang pintuan ng opisina ko at iniluwa si Marcus at ang mga kaibigan naming mapang-asar.
"Pinagsasasabi ninyo? Bakit naman ako kakarmahin?" ani ko at nagpanggap ako na may ginagawa sa harapan ng aking laptop.
Mahinang tawa naman ang maririnig sa kanila pero hindi ko naman sila pinapansin dahil wala akong pakialam sa kanila.
"Nasabi na sa amin sa ibaba na kaninang umaga ka pa dito pabalik-balik dahil hinihintay mo ang pagdating ng babaeng 'yon, ang ina ng magiging anak mo. Bakit, natauhan ka na ba ha? Hinahanap-hanap na ba siya ng puso mo?" ani ni Marcus kaya sa inis ko ay binato ko siya ng susi ng aking sasakyan na mabilis naman niyang nasalo.
"Tigilan ninyo ako! May itatanong lang sana ako sa kanya." wika ko at tumatawa pa rin sila. Tinawag ni Marcus ang tauhan na laging nakasunod sa akin kahit saan ako magpunta at kinausap niya ang mga ito. Dahil siya ang leader namin ay walang nagawa ang mga tauhan ko kung hindi sabihin sa kanila kung saan kami nagpunta kaya sa sobrang inis ko iniwan ko sila sa opisina ko pero alam ko naman na kahit saan ako pumunta ngayon ay kabuntot sila.
Nagtungo kami ng mall, ang balak sana namin ay kumain dahil kanina pa ako nagugutom pero napukaw ang atensyon ko ng isang magandang babae na may kasamang lalaki na lumalabas ng boutique. Napabilis ang lakad ko, pakiramdam ko ay kilala ko ang babaeng ito at kung saan ko siya nakita ay hindi ko naman maalala. Paglapit namin sa kanila ay mabilis na tumalikod ang babae, hindi niya ako kinakausap at tanging ang lalake lamang na kasama niya ang nagsasalita. Naglakad naman si Marcus upang tignan ang mukha ng babae pero ang sabi niya ay hindi niya kilala at napagkamalan lang niya. Umalis agad sila kaya hindi ko na pinag-aksayahan pa ng oras na tignan muli ang mukha niya pero sinundan ko sila ng tanaw na nagmamadaling pumunta ng exit ng mall.
Naglakad kaming magkakaibigan sa mall at naghanap ng makakainan ng mapansin ko ang pananahimik ni Marcus.
"Okay ka lang? Narinig ko ang sinabi mo sa akin kanina, ang sabi mo siya ang karma ko. Ano ang ibig mong sabihin?" ani ko. Natawa lamang siya ng mahina at tinapik ako sa balikat.
"Malalaman mo din 'yan soon. Tignan lang natin kung hindi matunaw ang yelong bumabalot diyan sa puso mo." wika niya kaya napapailing na lamang ako.
Nakarating kami ng isang restaurant at umorder ako ng ginataang gulay na ikinagulat nila.
"Kailan ka pa nahilig kumain ng ginataang gulay ha?" gulat na ani ni Josh habang isinasalin ko ang gulay sa ibabaw ng kanin ko. Hindi ko rin alam kung bakit ito ang inorder ko, marahil ay dahil paborito itong kainin ni Maricris. Sa tuwing magkakasama kami at kakain kaming dalawa sa labas ay lagi siyang naghahanap ng ginataang gulay. Nuon ay naiinis ako sa kanya dahil tila ba hindi siya nagsasawa sa gintaang gulay pero bakit ngayon ay ito ang inorder ko?
"Something new, nagsasawa na ako sa mga kinakain ko every day." seryoso kong ani at sinubo ko na ang pagkain ko.
Napabuntong hininga ako. Heto na naman ako at hindi na naman mawala sa isipan ko si Maricris, saan ko ba siya hahanapin? Wala akong alam tungkol sa kanya, hindi kasi ako nagkaroon ng interes nuon para alamin kung ano talaga ang pagkatao niya, nagkaroon lamang ako ng interes sa katawan niya kaya ang alam ko lamang ay kung ilang taon na siya, kung saan siya nakatira at kasama niya ang lolo at lola niya. Ni hindi ko na nga tinanong kung ano ba ang pangalan ng lola at lolo niya.
Ngayon ay para akong tanga na hindi ko alam kung sino ang pagtatanungan ko upang hanapin siya.
"Can you help me find Maricris Joy Galman?" ani ko kay Marcus na ikinataas ng ulo niya habang kumakain.
"Yan ang sinasabi ko sa iyo, itinaboy mo ang tao kahit alam mong buntis, ngayong nagtatago na at ayaw ng magpakita sa iyo, ngayon ka naman nababaliw." wika niya na ikina-iling ko. Kaya ayokong humingi ng tulong sa gagong ito dahil alam kong susumbatan muna niya ako. Bwisit talaga!
"Kung ayaw mo huwag! Hindi naman kita pinipilit." naiinis kong ani na ikinailing ng kanyang ulo.
"Mahal mo na ba?" tanong niya na hindi agad ako nakapagsalita. Muli naman siyang nagsalita at ang sabi niya tutulungan nya lamang ako kung magsasabi ako sa kanya ng totoo kaya napabuntong hininga ako at tumango ako sa kanya.
"Nakaharap mo na kaya lang ayaw na sa iyo. Ikaw naman ang maghahabol ngayon." wika niya na ikinanuot ng noo ko. Anong ibig niyang sabihin na nakaharap ko na? Naguguluhan ako sa sinasabi niya,
"Anong ibig mong sabihin?" gulat kong ani sa kanya.
"Yung babaeng maganda kanina, siya si Maricris, kaya ko nga sinabing siya ang karma mo dahil ang napakagandang babae na kaharap natin kanina ay walang iba kung hindi si Maricris Joy Galman." wika niya kaya bigla akong napatayo at tinakbo ko ang exit kung saan ay lumabas si Maricris kasama ang papatayin kong lalaki na kasama niya kanina na nakaakbay pa sa kanya.