Food is Life
By: Xiunoxki
“Babe!” Paglingon ko, nakita kong nasa tabi ko na si Kristine ang GF ko. “Kanina ka pa?”
“Medyo lang,” nakangiting sagot ko sa kanya. Sinundo ko siya sa trabaho niya dito sa SM Fairview. 10:00 pm na ang out niya. At minsan, tulad ngayon, halos alos dose na nang hating-gabi siya nakakalabas. Hindi safe na bumeyahe siya mag-isa lalo na sa panahon ngayon na kaliwa’t kanan ang nangyayaring krimen.
Wala nang gaanong sasakyan at iilan na lamang ang pasahero. Sumakay kami agad sa jeep na may anim na pasahero, mahirap na kasing sumakay sa jeep na halos kayo lang ang tao. ‘Di naman sa panghuhusga, nag-iingat lang. Biyahe papuntang Bagong Silang ang sinakyan namin. May mag-asawa kaming kasabay, buntis ang babae at ngumiti sa ‘min, siguro naaalala niya sa ‘min no’ng dalaga’t binata pa sila ng asawa niya. Naupo sa tabi namin ang mag-asawa. May isang lalaking may dalang bag na galing din ata sa trabaho, kita sa lalaki ang pagod at pagkaantok. Naupo siya sa kabilang upuan sa unahan na malapit sa driver.
May tatlong lalaking lasing din kaming kasabay na medyo nailang kami dahil napansin namin ang pagtitig ng isa sa mga ito kay Kristine. Nakamaiksing suot lamang si Kristine na uniform nila sa trabaho. Sa tapat namin silang tatlo naupo, malapit kami sa pasukan ng jeep. Isa ang mga encounter na ganito sa iniiwasan namin. Ayaw kong mapaaway, hinigpitan ko na lamang ang hawak ko sa kamay ng nobya ko at itinakip ang hawak kong bag sa kanyang hita.
“Manong, bayad,” sambit ng asawa ng buntis at inabot nito ang pera sa lalaking may dalang bag. “Silang, dalawa, galing SM.”
“Sukli po,” saad ng ale na asawa ng driver na nakaupo sa harap. Ang lalaking may bag muli ang kumuha ng pera at inabot sa asawa ng buntis ang sukli sa ibinayad nito.
Sunod-sundo na rin na nagbayad ang iba pang pasahero.
Sumiksik sa pagkakaupo niya sa ‘kin si Kristine. Inakbayan ko na siya, hindi pa rin tumitigil ang lalaking lasing sa kakatingin sa kanya. Malalaki silang lalaki at tatlo pa, ano ang laban ko na labingwalong taong gulang lang at may kapayatan.
“Boy, umayos ka!” pasigaw na saad ng isa sa mga lasing at sinapak nito ang lalaking manyak na patingin-tingin sa ‘min.
Sumama ang mukha ng lalaking sinapak ngunit ‘di na nagreklamo at ibinaling na lamang ang tingin sa harap.
“Sensiya na, p’re,” paumanhin sa ‘min ng lalaking nanapak. Tumango lang ako sa kanya.
Naging tahimik ang biyahe at napansin ko na lang na napalingat-lingat sa labas ang buntis na katabi namin sa upuan.
“Manong, iba yata ang daan natin?” tanong ng buntis.
“Ma, ba’t lumiko pa po tayo, ‘di naman siguro trapik do’n sa Maligaya,” saad ng lalaking may bag na tila nawala ang antok. Ang tinutukoy niya ay ang kalyeng dapat naming daanan.
Medyo kinabahan na rin ako at nagmasid.
“Shorkat ‘to shorkat,” sabi ng isa sa lasing.
“Biyaheng langit ‘to,” nakangiting-asong sambit ng manyak na lasing. Nakatitig na naman siya kay Kristine.
“Babe?” mahinang sambit ni Kristine at niyakap ko na siya.
Biglang humarurot ang patakbo ng driver na ikinagulat ng lahat.
“Manong, bababa na po kami!” sigaw ng asawa ng buntis.
“Boss, baba na rin ako!” sigaw ng lalaking may bag.
Pinagmasdan ko ang driver, blangko ang mukha niya. Hindi niya pinakikinggan ang sigaw ng mga pasahero. Maging ang ale sa tabi niya ay sa harap lang nakatingin.
“Sukli ng tatlong Silang,” kalmadong sabi ng ale. Kinuha ng asawa ng buntis ang inabot nitong pera at ibinigay sa lasing na nanapak.
“Ate, bababa na kami,” pakiusap ng buntis sa ale.
“Shorkat ‘to!” muling natatawang sigaw ng isa sa lasing.
“Boss, para na, boss!” segunda ng asawa ng buntis.
Rumehistro ang liwanag mula sa labas – may dalawang motor na nakasunod sa ‘min. At mas lalong bumibilis ang patakbo ng driver sa sinasakyan namin.
Inilapit ng manyak ang sarili niya sa ‘min at hinawakan nito ang hita ni Kristine. Sinampal ni Kristine ang lalaki na ikinatuwa lang nito. Hindi na ako nakatiis, tinulak ko ang lalaki pero nakakalokong nginitian lang ako nito. Nag-init ang pakiramdam ko at nakipagtitigan ako sa lalaki. Pumapasok sa utak na gusto kong patayin ang gagong ‘to!
“Potang ina n’yo! Nagmamaneho ako!” sigaw ng driver sa mga gusto nang bumaba.
Tumahimik ang lahat. Ramdam ang tensiyon sa loob ng jeep. Kinuha ko na ang cellphone ko, ngunit walang signal.
Bumagal ang patakbo ng jeep sa pagliko nito. Wala nang kabahayan sa paligid at talahiban na ang makikita.
“Makakarating din kayo,” malumanay na sabi ng aleng katabi ng driver. Nakangiti siyang humarap sa ‘min. Seryoso ang tingin ng lasing na nanapak, ang dalawang kasama nito ay nakangiti lang na nililibot ang tingin sa ‘ming ibang pasahero.
“Gutom na ako,” pahayag ng manyak na lasing. Nakatingin ito sa ale.
“Tamang-tama,” nakangiting sagot ng ale.
Malakas na kalampag ang namayani sa loob ng jeep. Ang dalawang naka-motor, pinapababa kami ng jeep sa paghinto nito. Hindi na rumirehistro sa utak ko ang mga sinasabi ng ibang pasahero, namayani sa dibdib ko ang kaba.
Napayakap sa ‘kin si Kristine pagkababa namin. Inilibot ko ang paningin ko, nasa loob kami ng mataas na pader na kasing taas ng gate nito.
“Lakad!” utos ng isa sa mga naka-motor. Naka-helmet sila ng kasama niya at parehas may hawak na itak, nasa hulihan namin sila. At sa unahan namin naman naglalakad ang ale at driver na magkahawak-kamay.
Wala kaming nagawa at sumunod na lamang. Umiiyak na ang buntis na nakakapit nang mahigpit sa kanyang asawa. Natahimik na ang tatlong lasing maging ang lalaking may bag.
Pumasok kami sa dalawang palapag na bahay. Nakatabi ang mga gamit sa loob at nababalutan ng mga dyaryo ang sahig at pader. May mesang may mga nakapatong na iba’t ibang uri ng patalim. Kulob ang bahay na kahit sumigaw ka nang malakas ay walang makakarinig sa ‘yo sa labas.
May dalawang batang lalaking nakaupo sa sofa, magkamukha sila at parehas ang suot na damit. Masayang sumalubong ang mga bata sa driver at ale – tinawag nila itong papa at mama, at tinawag naman silang kambal ng mga ito. Nagyakapan sila, ang saya nilang tingnan. Para bang sumalubong ang dalawang bata sa kanilang magulang na may dalang regalo.
May mag-asawang sumalubong din sa driver at ale, nakipagkamay ang mga ito sa kanila. Humiwalay sa ‘kin si Kristine at lumapit sa mga ‘yon – nagmano siya sa mga ito at tinawag na mama at papa ang dalawang mag-asawa na sumalubong sa driver at ale. Napatitig na lamang ako sa kanila.
“Ano ba’ng nangyayari?” nagugulahang tanong ng asawa ng buntis. Nakatayo kami sa sulok kasama ang tatlong lasing at lalaking may bag.
Nagkatitigan kami ni Kristine, nakatayo siya sa harapan namin kasama ang mag-asawang tinawag niyang mama at papa. Ang driver, lumapit sa mesang may iba’t ibang uri ng patalim, tila namimili siya rito ng gagamitin. Ang ale naman, sinamahan maupo sa sofa na nasa bandang gilid ang kambal.
Lumapit sa ‘min ang dalawang naka-helmet.
“Boss, ano ba’ng nangyayari?” tanong ng lalaking may bag.
“May handaan,” nakangiting sagot ng isa.
“May boodle fight kami,” natatawang sagot naman ng isa pa.
Tinulak-tulak ng mga naka-helmet ang dalawang lasing gamit ang mga hawak na itak, ang kanina pa sambit nang sambit ng ‘short cut’ at ang lalaking nanapak sa manyak. Pinapunta ang mga ito sa gitna na may nakalatag na malapad na plastic sa sahig bukod sa dyaryo sa ilalim. Tila nahimasmasan ang mga lasing, nabakas ang takot sa mukha nila. At walang Sali-salita, tinaga sila sa ulo at leeg ng dalawang naka-helmet. Agad bumulagta ang dalawa at naglawa ang dugo sa sahig.
“Oh, patay- patay!” natutuwang reaksiyon ng dalawang batang lalaki.
Galak na pinagmasdan ng iba pa ang dalawang wala nang buhay na lalaki. Para bang masayang palabas ang nasasaksihan nila.
Napaiwas ako ng tingin, nanginginig ang katawan ko at dumaloy ang luha sa mga mata ko. Naririnig ko ang sigaw ng takot na takot na buntis sa tabi ko. Maging ang ibang kasama namin ay takot din na nagsisigaw.
Lumapit sa ‘min ang driver, may hawak siyang gunting ng yero. Hinila niya hawak sa ulo ang lalaking may bag papunta sa gitna. “Kanina pa ako naiingayan dito, eh!” saad niya.
Tinadyakan ng driver ang lalaki at napaluhod ito. Binuka niya ang gunting at itinutok sa leeg ng nagmamakaawang lalaki. Ikinatuwa lang ng driver ang pagmamakaawa nito. Nilapit ng driver ang gunting, sa pagsara ng hawak na patalim, agad humiwalay ang ulo sa katawan ng lalaki. Gumulong ang ulo sa sahig at mistulang fountain na sumirit ang dugo mula sa katawan nito. Napasigaw sa kasiyahan ang mga kasamahan ng driver.
Sigaw naman sa takot ang maririnig sa panig namin. May dugong tumalsik sa ‘min at may tumama pa sa mukha ko.
“Mahal, sayang ang dugo,” sabi ng driver. Agad naman kumuha ng stainless na palanggana ang ale at pinatulo ang dugo rito.
“Masarap’tong haluan ng alak,” tuwang-tuwang sambit ng ale.
Sunod na pinapunta ang manyak na lasing sa gitna. Pumalag ang lalaki kaya bugbog ang inabot niya sa dalawang naka-helmet hanggang mapahiga siya sa sahig.
Lumapit ang driver kina Kristine na may hawak na palakol. “Pare, mare, kayo naman,” nakangiting anyaya nito sa magulang ni Kristine para ang mga ito naman ang pumatay.
“Naku, pare, ayaw kong maduguan ngayon,” nakangiting tanggi ng papa ni Kristine.
“Ikaw, mare?”
“Hindi na, pare. Kakain lang kami,” tanggi ng mama ni Kristine.
“Ikaw, hija, kaya na?”
Tininggnan ako ni Kristine bago niya kinuha ang palakol sa driver. Hindi ako makapaniwala sa maaari niyang gawin.
“‘Wag!” sigaw ko. Nakangiting tumango lang sa ‘kin si Kristine at nilapitan niya ang nakatihayang lalaki sa gitna.
“Kanina pa ako gigil sa manyak na ‘to eh!” inis na sigaw ni Kristine. Inangat niya ang palakol at malakas na pinatama sa parti ng pribadong katawan ng lalaki. Napasigaw sa sakit ang lalaki. At hindi pa man ito nakakabawi sa sakit, paulit-ulit na pinalakol ito ni Kristine sa dibdib. Nabalot ng dugo ang katawan ni Kristine na ikinatuwa niya lang.
Napaatras ako. Hindi ko akalaing ang minahal kong babae ay kayang gawin ang bagay na ‘yon.
Napaupo na sa takot ang mag-asawang katabi ko. Patuloy ang pag-iyak nila at pagmamakaawa nila.
Nablangko na ako.
Hinawakan ako sa kamay ng driver.
Ako ang sunod na pinapunta sa harapan.
Isinunod sa ‘kin ang asawa ng buntis. Pinaluhod ito sa harapan ko. Nang lingunin ko ang buntis, nakabusal na ang bibig nito at may piring na ang mata, at itinatali ito ng dalawang naka-helmet sa silya.
Inabot sa ‘kin ng driver ang palakol na ginamit ni Kristine sa pagpatay sa lalaki. “Jay, anak, ikaw naman,” sabi niya.
Siya ang papa ko. At mama ko ang ale. Kapatid ko ang kambal. Uncle ko ang dalawang naka-helmet, kapatid sila ni mama. Sila ang pamilya ko.
Ito ang unang pagkakataon na papatay ako dahil eighteen na ako. Para itong ritwal. At ang asawa ng buntis ang unang biktima ko.
“Hindi ko po kaya, ‘pa,” tanggi ko.
“Anak, nakaya nga ni Kristine. Makakaya mo ‘yan, ‘nak,” pagpapalakas ng loob sa ‘kin ni papa. Ito rin ang unang pagkakataon ni Kristine na pumatay, at madali niyang nagawa ‘yon.
Bata pa ako, nasasaksihan ko na ang ganitong tagpo. Pero hindi ko pa rin matanggap ang ganitong pamumuhay namin.
“Huwag kang maawa sa kanila. Sila ngang mga tao, kinakain ang manok, baboy, baka, at kung ano pang hayop. Walang pagkakaiba ‘yon sa ginagawa natin, Jay. Pagkain natin sila. Kung hindi tayo kakain, tayo naman ang mamatay.” Pinahawakan na sa ‘kin ni papa ang palakol. “Food is life,” nakangiting sambit ni papa. Bata pa ako, naririnig ko na sa kanya ang katagang ‘yon.
“Pero, ‘pa,” muling tanggi ko.
“Namumuhay tayo kasama nila. Nagsasalita tulad nila. Pero hindi natin sila kauri. Mas mataas tayo sa kanila. Pagkain lamang natin ang mga tao, anak.”
Lumayo si papa. Naiwan kami sa gitna ng nagmamakaawang lalaki para sa buhay nilang mag-asawa at sa kanilang magiging anak.
Hinigpitan ko ang hawak sa palakol. “Food is life,” mahinang nasabi ko.