Episode 4

2102 Words
Nailibing nga si nanay sa tulong ni Hanzo. Wala talaga akong inilabas na pera at sagot na raw lahat ng taong nilapitan ng lalaking hulog ng langit para sa akin. Hulog siya ng langit kung saan sa gitna ng pangangailangan ko ng tulong ay bigla na talaga siyang dumating. Nakahinga ako ng maluwag dahil mababayaran ko pa ang ibang pinagkakautangan ko para mabili ang mga gamot ni nanay noong nabubuhay pa siya. Hindi na nagpakita si Hanzo hanggang sa malibing na si nanay marahil ay dahil sa trabaho at mga importanteng bagay. Basta may mga taong dumating sa burol at kinausap nga ako tungkol sa pagpapalibing sa katawan ni nanay. Wala na rin akong problema sa pagpapakabit ng ilaw at tubig dahil may gumawa na nito para sa amin. Nagtatanong nga ako sa barangay kung may alam sila kung sino ang taong ayaw magpakilala ang tumulong sa akin ay wala rin talaga silang alam. Sabi pa ng iba ay huwag ko ng alamin at ipagdasal na lang ang taong iyon na mas pagpalain pa para marami pang matulungan na ibang nangangailangan. Ako naman ay napahinga na nga dahil halos isang buwan yata akong walang maayos na kain at tulog. “Nay, maging payapa kayo kung nasaan man na kayo ngayon. Huwag niyo na akong alalahanin pa dahil kaya ko po ang sarili ko,” bulong ko habang nakatingin lang sa kisame. Nakahiga ako ngunit hindi ako dalawin ng antok. Nais kong matulog ngunit ang diwa ko ay gising na gising. Marahil ay dahil marami pa rin na gumugulo sa isipan ko kaya ganito na lang ako. “Magiging maayos din ang lahat, Zhang. Kaya mo naman na tumayo at magpatuloy kahit mag-isa ka na lang sa buhay. Ang mahalaga ngayon ay nakapagpahinga ka na rin, nay. Hindi mo na madarama ang sakit ng katawang lupa,” dagdag ko pang sabi sa sarili ko. Pipikit na sana ang mga mata ko ng maulinagan na may kumakatok sa pinto ng bahay ko at tinatawag ang pangalan ko. Si Aling Matring. “Zhang, pasensya ka na kung na istorbo kita sa pagpapahinga mo pero heto may imbitasyon ka galing sa barangay,” sabay abot sa akin ng isang papel ni Aling Matring. “Naku! Mukhang nabalitaan yata ng mga nambibintang sayo na ini-scam mo sila na wala kang naging gastos sa pagpapalibing sa nanay mo kaya hayan at ginugulo ka na kahit alam nilang nagdadalamhati ka pa at kalilibing lang ng nanay mo.” Hindi ko na kailangan pang basahin kung anong dahilan ng pagpapadala sa akin ng imbistasyon ng barangay hall dahil mismong si Aling Matring na ang nagsabi sa akin. Magtataka pa ba ako na pinakialaman niya kung anong nakalagay sa sulat sa akin? At ganito na ba talaga kawalang galang ang mga tao ngayon? Kahit alam nilang kalilibing lang ni nanay kaninang umaga, ngayon ay pinabarangay na naman nila ako dahil nalaman nilang wala akong nagastos sa pagpapalibing kay nanay? Interesado sila sa pera ng patay? Abuloy bilang tulong. “Malamang na may nagbalita sa mga yan na kahit sa pagkain ay wala kang ginastos sa lamay ng nanay mo kaya ganyan nilang iniisip na marami kang pera, Zhang. Kaya maagap na rin sila na nais ka ng makausap ay dahil baka nga naman maubos pa ang mga hawak mong pera. Kumbaga segurista,” patuloy pang dagdag sapantaha ni Aling Matring na may mantsa pa ng kung anong likido sa kanyang kulay puting damit. Malamang na nakipag kape na siya sa barangay hall kaya siya na ang nautusan na ibigay sa akin ang imbitasyong ito. “Totoo naman na marami siyang hawak na pera, hindi ba? Wala siyang ginastos maski na pisong duling kaya naman sisingilin siya ng mga taong na-scam niya. May kung sinong nagpapadala ng mga pagkain na mga mamahalin pa. Palaisipan nga kung sinong samaritano ang tumutulong kay Zhang. Biruin mo maging ang putol na suplay ng ilaw at tubig ay pinakabit. Hindi kaya may DOM na yan si Zhang? As in napilitan na siyang pumatol sa mabahong matanda para sa ikagiginhawa ng buhay.” Naghilamos lang ako at nagpalit ng damit bago lumabas ng bahay at magpunta ng barangay hall ay hindi na ako nagtataka na ako na agad ang usapan sa umpukan ng mga kababaihan malapit sa aming bahay. Malamang na si Aling Matring na ang nagbalita sa kanilang lahat na napabarangay na naman ako ng mga taong ayon sa kanila ay na-scam ko talaga. “Baka nga. Malay natin. Talagang kakapit at kakapit ka sa patalim kapag wala ka ng pagpipilian pa! Kung ako rin naman na malaman na may pera siyang hawak ay magkakandarapa talaga ako na singilin siya. Ano naman kung kamamatay lang ng nanay niya? Ang pera ay pera,” komento pa ng isa na wala talagang pakialam kahit pa umaabot sa pandinig ko. “Ay! Oo naman! Sa laki ng nakuha niyang pera sa mga taong niloko niya ay hindi talaga makakaramdam ng awa sa ginawa niya. Balita ko pa nga ang iba sa mga naging biktima ng panloloko niya ay halos mga nangutang lang.” “Iyong isa nga ay balak na talaga siyang i-post na naman bilang scammer sa social media.” “May nakarating pa nga sa akin na tuwang-tuwa ang isa sa mga naging biktima niya ng malaman na namatay ang nanay niya. Karma at patunay daw na scammer siya.” Halos gusto ko ng takpan ang mga tainga ko sa kung anong mga naririnig ko. Wala talagang pakundangan ang ibang tao tungkol sa nararamdaman ng taong pinag-uusapan nila. Tanging ang alam nila ay manghusga, manira at patuloy na gatungan ang mga akusasyon na hindi naman nila napapatunayan kung tunay. Nagmamadali akong naglakad patungong barangay hall at hindi na tinatanguan na lang ang mga nakakasalubong ko na nagsasabi ng condolence. “Kalilibing ng nanay niya ngunit heto at sa barangay hall ang tungo niya,” narinig ko na naman kaya mas binilisan ko pa ang paglalakad. Matagal na akong manhid sa mga sinasabi nilang scammer ako, manloloko at mukhang pera kaya iniiwasna ko na lang. Ayokong madagdagan ang mga iniisip ko. Ang mga stress ko at baka mauwi ako sa deppression. Ilang beses na rin akong napabaranggay simula ng ma scam ako pero lagi pa rin akong kinakabahan lalo na kapag nakakaharap ko na ang mga taong nagpabarangay sa akin. “Hayan na si Zhang. Condolence pala ulit, Zhang.” Tumango ako sa kapitan namin at saka ko na hinarap ang mga taong alam kong nagpatawag na naman sa akin sa barangay kahit nagbibigay naman ako sa kanila sa abot ng aking makakaya. “Zhang, condolence. Nakikiramay kami sa pagkawala ng nanay mo,” saad ng isa sa mga nagpatawag na naman sa akin. Ngumiti ako at saka napailing. “Paano niyo nasasabi sa akin na nakikiramay kayo gayong kalilibing lang ng nanay ko ay heto ako at pinatawag niyo na naman dito sa barangay hall?” may halong sarkasmo ang boses ko. Kahit sino ay hindi matutuwa. Kahit ang pinakamabait na tao ay makakadama ng galit sa ginawa ng mga taong ito ngayon sa akin. Tapos may gana pa silang magsabi na nakikiramay sila sa pagkawala ng nanay ko? “Nakikiramay ka niyo kayo gayong hindi niyo na muna ako pinagpahinga kahit isang araw lang ay gusto niyo na naman akong makaharap? Hindi ba at nag-aabot naman ako ng pakonti-konti para mabalik ko kahit paano ang mga pera na hindi rin naman ako ang gumamit,” mariin ko ng mga pananalita. “Hoy! Huwag ka ngang magmatapang na manloloko ka! Kung hindi mo kami ini-scam ay wala tayo rito! Kaya ka nakarma ay dahil din sa kagagawan mong scammer ka! Kaya huwag kang matapang dahil baka hindi na talaga kita matantiyang babae ka!” asik sa akin ng isa sa mga naging client ko na nagpaayos ng professional drivers licensed. “Bato, magdahan-dahan ka ng pananalita mo at nasa barangay hall ka. Sa magkanong halaga ay mananakit ka ng babae? Ako pa mismo ang magkukulong sayo sa oras na sinaktan mo itong si Zhang. At saka, hindi ba kayo naawa o na konsensiya man lang na kamamatay at kalilibing nga naman ng nanay niya ay pinabarangay niyo na naman siya.” Pagpapagitna ng mabait na kapitan. “Kap, bakit naman namin kakaawaan ang scammer na yan? Siya ang dapat makonsiyensya dahil tinangayan niya kami ng pera kapalot ng mga peke niyang dokumento!” sagot ni Mang Bato kung tawagin. Dapat pala ay dinala ko na ang lata ng biskwit kung saan nakalagay ang mga naipon kong abuloy ni nanay para ibigay na sa mga taong ito at magsitahimik na silang lahat. Para na rin magkaroon ako ng katahimikan. Wala na rin naman na akong babayaran sa mga naging serbisyo punerarya. Kung mga naging utang ko sa pagpapagamot kay nanay at babalik na ako sa trabaho para mabayaran sila. “Nabalitaan namin sa isa sa mga kapitbahay niya na marami siyang naging pera lalo pa at wala naman daw siyang naging gastos sa pagpapalibing sa nanay niya. Ultimo ngang kape ay wala siyang nilabas kaya dapat lang na maningil na kami dahil nangangailangan kami,” giit pa ni Mang Bato. Kapitbahay ko? Maraming mahaba ang dila sa mga kapitbahay ko kaya mahirap hulaan kung sino sa kanila. Napailing si Kap. “Pati pera ng patay ay nais niyong kunin?” ani pa ni Kap. Ngunit para wala na talaga marami pang usapan at ang kapitan namin ay nakukuha ng ma-stress ay nagdesisyon na ako. “Kap, uuwi lang po ako saglit para kunin na po ang lalagyan ng mga naipong abuloy ni nanay,” sabi ko na. Lumabas ako ng barangay hall at normal na naglakad pauwi ng bahay. Nahihilo pa kasi ako kaya dapat na maging maingat ako sa paglalakad ko at baka matumba na lang ako. Pag-uwi ko ay agad ko ng kinuha ang malaki-laki talagang pera na naipon ko at nagbalik na sa barangya hall. “Nasaan ang porsiyento ko? Iyong pinag-usapan natin?” Malayo pa lang ako sa kinatatayuan ni Aling Matring ay dinig ko na ang kumosyon sa pagitan ng kung sinong kausap niya. Malabo ang mata ko kaya hindi ko masyadong aninag ang kausap niya na babae rin naman. Hindi nila ako mapapansin dahil pareho silang nakatalikod sa akin. “Aba! Alalahanin mo kung hindi dahil sa akin ay hindi niyo malalaman na maraming pera ang scammer na Zhang.” Nakalampas na ako sa dalawang nag-uusap ngunit nakuha kong matigilan ng marinig ko ang pagbanggit sa pangalan ko ni Aling Matring. Gusto ko siyang komprontahin ngunit pinigilan ko na lang ang sarili ko. Napaka kapal talaga ng pagmumukha. Kunwari ay nakikiramay pa. Walang problema sa akin na halos lahat ng angkan niya ay nasa lamay at doon na nila dinaraos ang sikmura nila sa buong araw ngunit ganito pa ang igaganti niya. Kaya naman pala alam na alam niya ang reklamo tungkol sa akin ay siya naman pala ang nagsulsol sa mga taong nambibintang sa akin na isa akong scammer. “Zhang, umuwi na ang mga taong nagrereklamo laban sayo at bayad na rin sila hanggang sa kahuli-hulihang sentimo sa sinisingil nila sayo,” nakangiti pa na saad sa akin ni Kap. Kunot-noo naman akong nagtataka dahil paanong mangyayari na bayad na ako gayong hawak ko pa ang lata ng biskwit na pinaglalagyan ng mga abuloy. “Paano pong nangyari, Kap? Sino po ang nagbayad?” tanong ko na. “Hindi na naman nagpakilala, Zhang. Basta na lang may isang tao na nagtungo rito kanina at kinausap ako saglit at saka mabilis na rin na umalis ng iabot sa akin ang pera. Katunayan ay may natitira pa nga. Heto at kunin mo at baka may mga dapat ka pang bayaran.” Sabay abot sa akin ni Kap ng naka-bundle pang pera na mga kulay asul. Sino ba talaga itong taong tumutulong sa akin? Bakit ganito na lang siya kabait sa akin? Naglalakad na naman ako pauwi habang nag-iisip kung sino kaya ang taong panay ang padala ng tulong sa akin. “Zhang, ang bait naman ng anghel dela gwardiya mo at lagi lang sinasalo. Balita ko ay may nagbayad na sa mga taong nagpaparatang na scammer ka,” si Aling Matring na malapad ang pagkakangisi. Dumukot ako ng barya sa lalagyan ng abuloy ni Nanay at sako ko inabot kay Aling Matring na walang pagdadalawang-isip niya namang tinanggap. “Para saan to, Zhang? Balato ko ba dahil marami pa raw natira sa pera noong anghel dela gwardiya mo?” tanong niya. Umiling ako. “Abuloy ko yan sayo.” Walang pakundangan kong sagot at saka na tinalikuran ang isang walamg kwentang tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD