Episode 2

3074 Words
“Naku! Malamang na karma niya yan!” Malayo pa ako at naririnig ko na ang mga bulungan ng mga tao sa paligid habang naglalakad ako pauwi ng aming bahay. Ganito lagi ang eksena sa tuwing madadaan ako sa kumpol ng mga tao mapalalaki man o babae rito sa aming barangay. Wala silang pakialam kahit pa nga naririnig ko mga sinasabi nila tungkol sa akin. “Sinisingil na siya ng langit sa dami ba naman niyang niloko,” sabi pa ng isa. “Ganyan talaga kapag may ginawa kang mali sa kapwa mo. Mas doble at triple ang sakit kaya sa halip na sa kanya ang karma ay ang nanay niya ang pinapahirapan.” “Akala niya yata maliligtas niya ang nanay niya gamit ang malaking pera na ini-scam niya?! Lalo tuloy bumigat ang buhay nilang mag-nanay!” Gusto ko ng takpan ang mga tainga ko sa kung anu-anong mga panghuhusga na naririnig ko. Alam kong kahit na ano naman talagang paliwanag ang gawin ko ay hindi nila paniniwalaan ang mga sinasabi ko. Kahit paulit-ulit kong sabihin na wala sa akin ang pera na sinasabi nilang ini-scam ko ay balewala lamang dahil sarado ang utak ng ibang mga tao. Ilang buwan na ang nakalipas simula ng maloko at mabiktima ako ng isang big time scammer pero dahil ako ang nakausap ng mga naging client ko at sa akin sila nagbayad ng pera ay ako talaga ang babalikan nila. Ako raw ang inabutan nila ng pera kaya wala silang pakialam kung na scam daw ako dahil ang importante ay ako ang naka-transaksiyon nila. Lumapit na nga kami ng mga kasamahan kong naging biktima rin ni Mamu Jo na isa pa lang hustler na scammer sa mga kilalang tv station para matulungan kaming hanapin at tuntunin ang taong nanloko sa amin ngunit wala rin nangyari. Natulungan nga kami ng mga alagad ng batas at natagpuan ang tirahan ng scammer at nakausap pa ang mismong mga magulang nito ngunit ang taong hinahanap namin ay matagal na raw hindi nakatira sa kanila. Ang hinala namin ay kasabwat din maging ang buong pamilya. Kumbaga, sanay na sila sa sitwasyon at alam na nila ang mga sagutan. Nangako lang sila na kapag umuwi o nagkaroon sila ng balita sa anak nila ay sasabihin sa kinauukulan pero mahirap ng umasa. Sabi pa nga ng mga kapitbahay ay pamilya ng drug addict ang pinuntahan namin kaya lalo kaming nanlumo ng mga kasamahan ko na na-scam na wala na talagang pag-asa na mabawi namin ang kahit magkano sa taong nanloko sa amin. Pinost na rin namin ang mukha ni Mamu Jo sa social media at naglabasan na nga ang mga taong naloko niya na rin sa iba namang kaso. Merong tungkol sa mga agency na nagpapaalis ng mga tao patugong ibang bansa para magtrabaho. Meron din akong nabasa na naloko sila sa pamamagitan naman ng tutulungan daw silang mapabilis ang pagbabayad ng piyansa sa tatay niyang nakulong pero pagbayad niya raw at binlocked na siya. Marami pang iba. Kaya naman umugong din ang usapan na baka kasama sa malaking sindikato itong si Mamu Jo na may mga protektor na malakas ang kapit kaya hindi sila mahuli-huli para parusahan ng batas. Sa ilang buwan na nakalipas ay binabayaran ko ng pakonti-konti ang mga pera ng mga naging client ko kapag araw ng sahod ko. Pikit-mata kong binabalik ang mga pera na hindi naman ako gumamit pero wala akong dapat ireklamo dahil aminado naman ako na malaki ang naging kasalanan ko. Agad kasi akong naniwala at nasilaw sa kikitain ko at hindi na ako nag-isip ng ilang beses. Dapat pala ay sinubukan ko na muna o kaya nagmatiyag na muna ako bago ako nagpadala ng malaking pera sa hindi ko naman kilala. Magsisisi man ako ng ilang beses ay wala na akong magagawa pa. Nangyari na ang lahat at ang tangi ko na lang magagawa ay magtrabaho ng magtrabaho para maibalik ang mga pera na hinahanap sa akin. Pero isa nga sa masakit din na isipin ay hindi ako pinapaniwalaan ng iba. Patuloy nila akong tinatawag sa kung anong gusto nila. Manloloko. Scammer. At kung anu-ano pang mga nakakasakit ng damdamin. Nasa ospital si nanay ngayon dahil mas lalong lumala ang sakit niya. Umuwi lang ako saglit para kumuha ng malinis na damit at iuwi na rin ang mga marurumi naming damit at gamit. Hindi na rin ako makapag-trabaho dahil nga sa sitwasyon ng nanay ko. Wala na rin akong malapitan para manghingi ng tulong dahil halos lahat ay nalapitan ko na. Habang ang iba ay ayaw talaga akong bigyan dahil nga naniniwala na manloloko ako. “Bakit ayaw sumindi ng ilaw?” tanong ko ng hindi nagbukas ang ilaw sa loob ng bahay. Ilang beses kong pinindot ang switch nito pero wala talaga. Tumingin ako sa labas ng bahay kong wala bang kuryente ngunit may ilaw naman sa kanila. “Zhang, pinutulan na kayo kaninang umaga. Hindi ka pa yata nakakabayad ng electric bill niyo. Pati ang tubig ay pinutulan na rin kayo kanina,” saad sa akin ng isa sa mga kapitbahay na napag tanungan ko kung bakit wala yata kaming supply ng kuryente. Napapikit na lang ako ng mariin sa narinig. Patong-patong na talaga ang mga problema ko. Hindi pa talaga ako nakapag-bayad ng monthly bills dahil wala naman talaga akong pambayad. Balak ko pa naman sanang labhan itong mga labahin na dala-dala ko bago ako umalis ng bahay pero paano ako ngayon maglalaba kung ganito? Walang kuryente at wala rin tubig. Wala akong nagawa kung hindi ilagay na lamang sa laundry basket ang mga labahin at kumuha na lang ako ng mga malilinis na damit sa drawer namin ni nanay. Awang-awa na ako sa sarili ko ngunit hindi ko na magawa pa na umiyak pa dahil naubos na yata lahat ng mga luha ko sa nagdaan na mga buwan. Gusto ko na ngang sumuko ngunit hindi pwede dahil kay nanay. Kailangan kong maging malakas at maging matapang para sa nag-iisa kong magulang na pilit din lumalaban sa sakit niya. Walang alam si nanay sa mga problema na pinagdaanan ko dahil ayoko na isipin niya pa. Gusto ko gumaling siya. Matapos kong isara ng mabuti ang bahay ay handa na ulit akong maglakad patungo sa public hospital kung saan naka-confine na ng isang linggo si nanay. Kailangan kong maglakad dahil ang natitirang pera na hawak ko ay pambili na lamang ng mga importanteng dapat kong bilhin. Umaasa na nga lamang ako sa rasyon na pagkain sa ospital para matawid ang kumakalam kong sikmura. “Ay!” malakas kong tili ng mabangga ako sa kung sinong nakasalubong ko. Lagapak ang pang-upo ko sa matigas at maruming gilid ng kalsada dahil wala na rin talaga akong sapat na lakas. Pinipilit ko lang maglakad dahil hindi ako pwedeng tumigil dahil kailangan ako ng nanay ko. Nagkalat ang mga dalahan ko gaya ng mga damit namin ni nanay. Maging ang natatanging barya sa bag ko ay gumulong sa kung saan-saan. Kahit masakit ang pagkakabagsak ko ay madali akong gumapang para habulin at pulutin ang mga barya sa gitna ng maraming taong dumaraan. “Ano ba yan, miss!” reklamo ng isang babaeng naglalakad ng muntik matalisod dahil sa bigla kong pagkuha ng barya na sana ay kanyang matatapakan. “Sorry po. Pasensya na,” hingi ko na lang ng paumanhin. Barya na nga lang ang pera ko kaya hindi ko hahayaan na mawala pa lalo pa at kapag naubos ito ay hindi ko na naman alam kung kanino ako lalapit para makahingi o makautang kahit na magkano. “Miss, sorry, ha. Hindi kasi kita napansin kaya nabangga kita,” isang baritonong boses ng lalaki. At sa pagtingala ko ay isang lalaki nga ang nasa harap ko. Matangkad at malaking bulto kaya naman ng mabangga niya ang payat kong katawan ay hindi na nakapagtataka na tumilapon talaga ako. Para akong bumangga sa matigas at makapal na pader. “Tulungan na kita, miss,” aniya na nilahad pa ang kanyang palad para tulungan akong makatayo sa pagkakasadlak ko sa maruming gilid ng daan. Nag-aalangan man akong tanggapin ang kanyang kamay ay talagang kailangan ko ng tulong para makatayo kaya naman tinanggap ko na. Mahigpit niyang hinawakan ang aking kanang kamay para hilahin ako pataas. “Heto mga gamit mo. Paki-check na lang kung kompleto at ito pa pala ang ibang barya na napulot ko. Sorry talaga, miss,” sabi niya pa sa akin habang inaabot ang bag ko na may laman na mga damit namin ni nanay at ang ilang pirasong barya na sumambulat pa sa daan ng mabangga niya ako. Hiyang-hiya na ako kaya naman nakayuko ko na lamang na kinuha ang bag at ang barya na napakahalaga sa akin sa mga oras na ito. “Salamat,” matipid kong sambit at saka na lang tumango. Madali ko na lang tinalikuran ang lalaki at saka na ako ulit naglakad patungo sa ospital na destinasyon ko. Habang naglalakad pa ako ay binibilang ko ang barya sa palad ko kung napulot ko bang lahat. Ngunit nadismaya ako ng kulang na ito ng bente pesos. Maliit na halaga kung tutuusin ngunit sa kalagayan ko ngayon ay ulitimo talaga piso ay napakahalaga na. Tulog si nanay ng dumating ako. Hapis na hapis na ang kanyang maliit ng mukha. Halata ang paghihirap na dinaranas niya sa tuwing susumpungin ng sakit ang kanyang katawan. Breast cancer ang sakit ni nanay. Malala na ng ma-detect ito dahil hindi niya pala inintindi ang nararamdaman kahit may senyales na siya. Ayaw niya raw akong mag-alala pa kaya pilit niyang tinatago sa akin. Ngunit ng hindi niya na makayanan pa ay dumaing na rin siya. Ngunit huli na. Stage four na agad ang cancer pero gayunpaman ay naniniwala ako na may mangyayaring himala at makakaligtas si nanay. Gagaling siya at hindi niya ako iiwan ng mag-isa. Wala kong kapatid. Wala akong tatay. Namulat ako na si nanay lang ang pamilya ko dahil matapos daw siyang buntisin ng hindi ko nakilalang ama ay iniwan na lamang siya at hindi na nagpakita pa. Dahil daw sa kahihiyan ay itinakwil si nanay ng buo niyang pamilya. Ang bahay na aming tinitirahan ay nabili lang ni nanay sa isang kakilala sa magkanong halaga kaya may naging silungan kami sa mga nagdaan na taon. Masipag at madiskarte kasi ang nanay ko ang kaso lamang ay iginupo na siya ng kanyang malalang sakit. Kaya nga mahal na mahal ko si nanay. Siya lang mag-isa pero naitaguyod niya ako. Napag-aral na kahit siya lang mag-isa. Tapos ako ng nursing ngunit hindi ako nakapag board exam dahil nga nagkasakit na si nanay at kailangan na unahin ang kanyang pampagamot. “Neng, ikinuha kita ng pagkain mo para sa hapunan,” sabi sa akin ng katabing kama ni nanay.” Mabuti na lang at may mabubuti pa rin sa kapwa. Nagmamalasakit kahit hindi kami magkakakilala o magka-anu-ano. “Salamat po,” tugon ko at saka na nga ako lumapit sa maliit na lamesa sa gilid ng kama ni nanay. May plato na may nakatakip at saka ko naman naramdaman ang kalam ng sikmura ko. Gutom na pala ako dahil kanina pa nga pala akong kumain. Tangka ko na sanang aalisin ang takip ng plato ng mapansin na wala na pala rin akong tubig na inumin. Hindi rin pala ako nakapagdala ng malinis na inumin. Kumuha ako ng sampung piso sa natitira kong pera na hawak at saka na muna hahanap ng nagtitinda ng tubig sa labas ng ospital. Sana nga lang ay sampung piso lang ang tubig. Maraming nagtitinda sa labas ng ospital kaya naman amoy na amoy ang mga bagong lutong pagkain na nakadaragdag ng pagkalam ng sikmura ko. Takam na takam ako sa mabangong aroma na humalo sa hangin kaya naman napahawak ako sa tiyan ko. Hindi naman kasi sapat na nakakabusog ang rasyon na pagkain sa ospital. Sapat lang na maibsan ang kumakalam na sikmura kaya talagang tiis gutom kapag walang pambili. Mas mabuti ng kahit paano ay may panlaman tiyan kaysa wala. “Ate, magakano po ang isang maliit na mineral water?” tanong ko sa isang tindera ng makita ko ang nakadisplay na mineral water sa harap ng tindaha niya. “Dose pesos ang pinakamaliit.” Napalunok ako ng marinig ang sagot ng tindera. Dose pesos ngunit ang dala kong barya ay sampung piso lamang. Napatingin tuloy ako sa palad ko kung nasaan ang barya na hawak ko. “Miss, pabili nga ako ng pinakamalaki mong mineral water at pagbilhan mo rin ako ng mga ito,” sabi ng katabi kong lalaki. Gusto ko sanang itawad ang dalawang piso na kulang sa pera ko ay nahiya na ako sapagkat maraming customer ang nakasunod sa akin. Baka magalit pa ang tindera dahil nakakaistorbo ako. Napagpasiyahan kong humanap na lang ng buko juice na nagtitinda sa paligid dahil sampung piso ang pinakamura nitong presyo. “Miss sandali!” Napatigil ako sa paglalakad ng may nagsalita sa likod ko sabay pigil pa sa kanan kong braso. “Miss, heto, binili ko talaga ito para sayo.” Kunot-noo kong tinitigan ang lalaking nasa harap ko. Tama. Siya nga ang lalaking nakabangga sa akin kanina sa daan. “Tanggapin mo na, Miss. Sinundan talaga kita dahil may mga napulot pa akong barya ngunit hindi mo na ako narinig hanggang nakarating na rin ako rito sa ospital. Naisip ko na kaya baka mahalaga talaga ang barya na nahulog mo ay talaga namang magastos at kailangan ng pera kapag nasa ospital. Kaya tanggapin mo na itong munti kong tulong.” Giit niya at saka pa inilapit sa akin ang plastic bag na naglalaman ng mga pagkain habang bitbit niya ang isang malaking plastic bottel ng mineral. Sinundan niya ako para iabot pa sa akin ang mga barya na aking nahulog? Matangkad ang lalaki at malaking tao nga. May makapal siyang salamin sa mata. Matangos ang ilong niya. Medyo lagpas na sa kanyang tainga ang kanyang buhaghag na buhok at mukha rin siyang hindi nag-aahit ng bigote o balbas. Napansin niya siguro na bantulot talaga akong kunin ang ibinibigay niya kaya kinuha niya ang isa sa mga kamay ko at pinilit na hawakan na ang kanyang mga inaabot. Kaya ba nabangga ko talaga siya ay dahil siya ang makakatulong sa akin na magkaroon ng hindi lang tubig maging pagkain na rin? “Salamat, sir. Pasensya ka na at bantulot akong kunin,” saad ko. “Okay lang, miss. Hindi mo ako kilala kaya talagang normal na reaksyon lang naman. Pero tanggapin mo na at mukha talagang kailangan mo ng tulong. Kanina ng makaabot ako rito habang nakasunod sayo ay naisip ko na baka kaya ka lutang ay dahil nga may pamilya ka na naririto at ang tungkol nga sa barya. Baka ito na lang pera mo kaya ganun na lang ang nais mo na mapulot ang lahat sa sa maruming kalsada.” Hindi ko alam kung maiiyak ba ako dahil may taong nakaintindi ng pinagdadaanan ko kahit ngayon lang kami nagkita at nagkausap. “Nanay ko ang naka-confine. May cancer siya,” malungkot kong sambit kahit hindi naman niya ako tinatanong. “I'm sorry, miss. Kaya talagang hindi kita masisi kung wala ka talaga sa sarili habang naglalakad dahil mabigat pala talaga ang pinagdaraanan mo.” Tumango ako at saka pumikit para pigilan ang nagbabadyang luha na nais kumawala sa mga mata ko. “By the way, my name is Hanzo and you are?” pagpapakilala niya sabay tanong na rin ng pangalan ko. “Zhang,” tipid ko namang pagpapakilala sa sarili ko. “Zhang, tatandaan ko ang pangalan mo, Miss Zhang,” aniya na may naging munting ngiti sa sulok ng kanyang labi. “Sir Hanzo, maraming salamat sa pagkaim at inumin na ito. Tunay kang hulog ng langit dahil ang totoo ay kulang ang dala kong pera para makabili ng pinakamaliit na bottled water.” Kwento ko na. Ngumiti muli si Hanzo. “Hindi ako hulog ng langit Miss Zhanga. Sadyang nagkataon lang na mabangga kita mapulot ang ilang piraso ng mga barya na pag-aari mo.” Kontra niya sa sinabi kong hulog siya ng langit. Paanong hindi siya magiging hulog ng langit na iniligtas niya ako sa kagutuman at ka uhawans malinis na tubig. “Maraming salamat pa rin, sir Hanzo. Pagpalain ka.” Sambit ko pa. “Walang anuman, miss Zhang. Ikinagagalak kitang makilala sa araw na ito,” aniya naman sa akin gamit ang kanyang malalim at seryosong boses. Para bang may ibang laman ang kanyang mga naging kataga? Ewan ngunit ganun ang naramdaman ko. Wala naman siyang iba pang sinabi ngunit may kudlit na para bang babala sa pagkatao ko Baka naman kaya ganito ang nararamdaman ko ay dahil nagka trauma na ako tungkol sa ibang tao dahil nga sa pagkaka-scam ko? Sino ba naman ang hindi magkakatrauma sa sinapit ko? Naloko. Na-scam. Pinagbibintangan na magnanakaw. Gusto ko lang ng iba pang pagkakakitaan pandagdag sa pambili ng gamot ni nanay pero ganito pa ang nangyari. Sa halip na mapagaan an sitwasyon ay lalo akong nagka-problema. Malaki talaga ang naging epekto ng panloloko sa akin dahil nawalan ako ng tiwala sa sarili ko at nawalan din ako ng tiwala lalo sa ibang tao. “Paano, Miss Zhang? Tuloy na ako. Kumain ka at uminom ng maraming tubig para magkaroon ka ng sapat na lakas sa mga susunod na araw at para na rin harapin ang mga susunod pang pagsubok sayo. Gumaling nawa ang nanay mo para makauwi na kayo ng bahay.” Paalam na ni Hanzo. Napatango na lang ako at saka na kumaway sa isang good samaritan na nakilala ko ngayon. Ngumiti rin naman si Hanzo ngunit nagtataka lang ako na para bang may iba talaga sa ngiti niya. Para ngang hindi ngiti ang ginawa niya kung hindi isang ngisi. Ipinilig ko ang ulo ko para alisin ang mga kung anong negatibong pumapasok sa utak ko. Ang hirap na lang din ng mga gaya ko na pati ang mga taong nagmamalasakit ay pinag-iisipan ko na ng hindi maganda. Ngunit mukha naman talagang mabuting tao si Hanzo. Pinagka-abalahan niya pa akong sundan para lang ibigay sa akin ang mga barya na kanyang napulot sa daan at hinala na pera ko rin ang mga nakuha niya. Hanzo. Taga saan kaya siya rito? Malamang na nakatira lang siya sa malapit dahil may panahon siya na sundan ako at mukhang hindi siya nagmamadali pauwi. “Salamat, Hanzo. Salamat, good samaritan,” bulong ko sa hangin habang nakatanaw sa daan na tinahak ng lalaking tumulong sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD