“Hindi ko nga po alam na scam po pala yan. Maniwala po kayo. Hindi po ako scammer dahil naloko rin po ako,” patuloy kong giit sa mga taong inaakusahan akong scammer.
“Gasgas na ang katwiran na yan, Miss! Ang kapal ng mukha mong babae ka! Pagkatapos ka naming pagkatiwalaan ng malaking halaga ng pera ay lolokohin mo lang pala kaming hayop ka! Ang mga gaya mong scammer ay magaling talagang magpaawa pero hindi kami maniniwala dahil mukhang sanay na sanay ka ng manloko ng kapwa!” asik sa akin ng isang babae.
“Paano mo naatim na kumain ng hindi mo naman pinaghirapan, ha? Wala sa itsura mo ang manloloko pero talagang hindi talaga basehan ang panlabas na itsura. Kapag talaga pera ang usapan ay wala dapat pagkatiwalaan! Kaya ibalik mo ang pera namin!” ani pa ng isang babae na kulang na lang ay hablutin ako at saktan.
“Hayan ang mga papeles na pinroseso mo kuno!” sabay hagis sa mukha ko ng mga papeles.
“Mga peke lahat tulad ng pagkatao mo! Kahit kami ay kayang mag-edit ng ganyan pero hindi aabot ng fifty thousand kaya ibalik mo mga pera naming manloloko ka! Scammer!” pang-aalipusta pa sa pagkatao ko pero wala akong magawa.
Nakayuko na lang ako at tinatanggap na ang mga sinasabi nilan lahat tungkol sa akin.
“Pakiusap lang po na huwag sana kayong mag sigawan at maging mahinahon lang sa pagsasalita. Galangin niyo ang barangay hall dahil kaya kayo naririto ay para pag-usapan at ayusin ang gulo sa pagitan niyong lahat.” Pamamagitan na ng kapitan ng aming barangay dahil talagang galit sa akin ang lahat at pilit nilang pinababalik ang mga pera na wala naman talaga sa akin.
Hindi ko rin naman sila masisisi dahil may involved na pera at ang iba ay inutang lang nila pagkatapos ay ganito lang pala ang mangyayari. Naglaho na lang ng parang bula ang mga pera na binayad nila sa akin.
Tama.
Ako ang kumuha ng pera kaya talagang ako ang babalikan nilang lahat para kunin ito.
Ang kaso ay wala talaga.
Tahimik lang akong tao at nagsusumikap sa buhay para may pambili ng gamot at pagkain ng nanay ko na may sakit. Ngunit hindi ko akalain na dadalhin ako sa ganitong sitwasyon ng paghahangad ko ng mas malaking pagkakakitaan.
Isa akong online seller at isa na rin factory worker. Sapat naman ang kinikita ko kung sanang walang sakit ang nanay ko na kailangan ng gamot at laging napapachek-up sa doktor.
Cancer patient si Nanay kaya naman todo trabaho talaga ako para sa kanyang mahabang gamutan.
Dahil nga gusto ko pa ng mas malaking kita ay naghanap pa ako ng pagkakakitaan.
Hanggang sa makita ko ang isa kong kakilala na nag aalok ng online assistant.
Pagproseso ng kung anu-anong mga valid i.d’s tulad ng tid, philhealth, postal hanggang sa driver's license.
Maging mga problema sa birthcertificate gaya ng late registration, corrections at kung anu-ano pa.
Maging ang non apperance ng pagpapa-passport ay meron.
Marami naman siyang na proseso at talagang nagpapa legit check pa siya sa mga taong nagpa-process sa kanya.
Nagchat ako sa kanya kung pwede ba akong mag-apply bilang online assistant niya at agad naman siyang pumayag. Nagawa niya akong mai-add sa isang group chat kung saan ganun ang lahat ng trabaho.
Marami kami sa group chat na yon kabilang na ang tinatawag nilang Mamu Jo na siyang tumatayong pinaka-boss.
Kay Mama Jo ipinapasa ang lahat ng mga nagpapasa ng mga papeles, mga i.d's na pinapa-process ng mga client. At p*****t first ang policy niya. Kailangan na munang magbayad sa kanya sa pamamagitan ng mga remittances o kaya naman ay mga e-wallet.
Siya raw ay nagtatrabaho sa Philippine Statistic Office o PSA kaya naman legit daw ang mga papeles na pinoproseso niya at legal.
Ngunit meron pa pala siyang isa pang online processing na ginagawa.
At ito ay ang annulment processing na sa halagang fifty thousand sa loob ng two weeks ay mawawalan na ng bisa ang isang kasal.
Ngunit sa fifty thousand na iyon ay may kita ng limang libong piso ang online assistant.
Bawal daw itong ipost online dahil ito ay maselan na usapin at labag sa batas ang ganitong uri ng pag-proseso.
Illegal naman lahat ang pagpo-proseso kaya dapat mag-ingat.
Maari kasing makasuhan ng falsification of documents kapag napatunayan sa batas na ikaw ay nagkasala.
Noong una talaga ay ayoko sanang gawin lalo pa at libo-libo ang involved na pera ngunit nangailangan na naman ng pampagamot si nanay kaya sumubok akong mag post gamit ang tunay kong account sa social media.
Upload lang din ako ng upload ng mga legit na mga papeles na para makita ng mga friend ko online na legit ang online processing.
Maraming mga nagtanong sa akin kung legit ba raw talaga at kung magkano ang bayad.
Tanong lang ng tanong at nagsabi na mag-iipon muna sila.
Hanggang sa may ilan ang nagtiwala sa akin. At karamihan ay para makakuha ng driver's license na walang panahon na magtungo sa LTO dahil sa trabaho.
Sumunod na rin akong nag proseso ng late registration ng birth certificate at ang hindi ko inaasahan ay may magtanong tungkol sa annulment.
Dahil nga alam ko naman na may proseso sa halagang fifty thousand ay sinabi ko ito sa client na nagtanong at pinasahan naman ako ni Mamu Jo ng mga annulment papers at inutusan niya akong ipasa sa client na nagtanong para mahikayat ang magpa-proseso na magtiwala talaga.
Wala naman akong alam sa usapin tungkol sa ganito kaya kung ano lang ang sabihin sa akin ay siya lamang ang sinusunod ko.
Dahil kakilala naman ako ng client ko ay natuloy ang transakyon namin. Nagtiwala at nag bayad agad ng malaking halaga kapalit ng annulment ng kasal niya sa kanyang asawa.
May pera naman kasi siya. Ang alam ko ay may mga tindahan siya sa palengke kaya talagang araw-araw rin ang pera sa kanya.
Nang nakapagbayad sa akin ng fifty thousand ay agad ko na rin na ipinadala kay Mamu Jo ang forty five thousand.
Tuwang-tuwa pa nga ako dahil sa wakas ay kumita ako ng limang libo ng laway lamang ang puhunan.
Hanggang sa nadagdagan na ang nagpa-process sa akin. Ngunit mga kapwa ko lang din mga online seller na may nagpapa-process sa kanila.
Kumita naman talaga ako sa dami ng gustong makipaghiwalay ng lubusan sa kanilang mga asawa.
May pulis pa nga at nais na hiwalayan ang totoong asawa at pakasalan ang kabit niya.
May mga dumating na driver's license sa akin pero doon na ako nag-umpisang kabahan.
May driver's license ako kaya naman pinagkumpara ko ang dalawang i.d's na hawak ko.
At ang layo ng itsura ng galing sa LTO at galing kay Mamu Jo.
Peke.
Talahib kung tawagin ng mga nakakaalam.
At hindi ko pa tuluyan na nakukunpirma ay nagkagulo na sa group chat namin at marami nga ang nag-complain na mga peke ang mga i.d's at maging ang mga birth certificate.
Stress na ako sa araw-araw dahil malamang sa malamang na peke rin ang ipapadala sa aking mga annulment paper.
Natahimik na lang ako at nawala ng kibo pero ang totoo ay dahil sa sobra na akong kinakabahan.
Malaking pera na ang naipadala ko kay Mamu Jo kaya talagang nilalamig na ako sa sobrang kaba.
Hindi na ako makapagtrabaho sa kakaisip kung paano na ako at kung ano na ang gagawin ko.
Sinong hindi kakabahan?
Saan ako kukuha ng malaking halaga ng pera para maibalik sa mga taong nagtiwala sa akin ang kanilang mga pera?
Nag-chat ako sa pinagtanungan ko tungkol sa online assistant kung ano na ang gagawin namin pero maging siya ay nagpadala na rin daw ng malaking halaga ng pera kay Mamu Jo na hindi na masyadong naging active sa social media simula ng marami ng nagtatanong sa group chat.
Nagagalit pa siya sa mga nagtatanong at tinatanggal sa group chat dahil daw mga walang galang daw sa kanya.
Tuliro na ako.
Hindi na rin ako makakain at nakatulala na lang.
Kung pwede nga lang ay ayoko ng umusad ang oras para huwag ng dumating ang takdang araw na pangako kong ibibigay ang annulment papers sa mga nagpa-proseso sa akin.
Pero walang lilhim na hindi nabubunyag.
At heto na nga at halos patayin na nila ako sa mga matatalim nilang titig at ibaon sa sobrang kahihiyan.
Buong buhay ko na lumalaban lang ko ng patas sa buhay ay mapapa-barangay pa ako dahil sa pinagbibintangan akong scammer.
“Nangako naman na po si Miss Zhang na unti-unting magbabayad sa inyo. Hindi naman po sa nakikialam pero kahit saan din naman kayo magpunta ay pwede rin kayong tanungin dahil alam niyong ilegal ay pumayag din naman po kayo na magpa-process ng annulment gayong hindi rin naman siguro lingid sa inyo na malaking halaga ng pera ang ginagastos dito. Umaabot pa nga ng milyon kung tutuusin,” ani ng barangay captain namin na kilala rin naman kasi ko at ang pamilya ko kaya siguro pinagtatanggol na rin ako.
Tama naman ang katwiran niya.
Alam nilang ilegal pero tumuloy pa rin sila. Ngunit ganunpaman, may malaki pa rin akong kasalanan.
Pumirman na lang ako sa kasunduan na ginawa sa pagitan ko at ng mga nagrereklamo sa akin na nagsasabing magbibigay ako sa kanila ng kahit magkano hanggang sa mabayaran ko na hanggang sa kahuli-hulihang sentimo.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano sila mababayaran lahat.
Habang naglalakad ako pauwi ng bahay ay gusto ko ng gumitna ng kalsada at magpakasaga na lang para matapos na ang mga problema ko lalo na ang nangyari sa akin ngayonniya.
Gusto ko lang naman ng pambili ng gamot ng nanay ko pero ganito pa ang nangyari sa paghahangad ko.
“Hayop kang manloloko ka! Mamatay ka na! Dahil sayo nasira lahat ng mga plano ko!”
Nagulat na lang ako sa pagsulpot ng isang babae sa harap ko at bigla na lang akong pinagsisigawan.
Maayos naman ang kanyang pananamit at kutis mayaman siya kung tutuusin.
“Sandali lang po, miss. Hind kita kilala,” sabi ko pa.
“Hindi ba at ikaw ang scammer na online assistant ng annulment?” nanggigil niyang tanong sa akin.
Hindi ako nakaimik bagkus nakatitig lang sa kanya.
“Dahil sa peke mong mga annulment papers lalong nagkaletse-letse ang buhay kong hayop ka! Wala kang puso at kaluluwa! Ang manlolokong katulad mo ay dapat lang na mawala na!” asik na naman niya sa akin at saka ako sinugod.
Nasabunutan niya ako at saka pa ako pinagsasampal.
“Miss! Ano ba!” inaawat ko siya ngunit mas malakas siya kaysa sa akin.
“Wala kang awa! Dahil sayo lalong nagulo ang buhay ko! Nasira ang lahat ng mga plano kong walanghiya ka!” sigaw niya pa sa akin hanggang mapahiga na nga ako sa gilid ng kalsada dahil sa pagsugod niya.
Ang sakit na rin ng anit ko sa pagkakasabunot niya at namamaga na yata ang mga pisngi ko sa pagsampal at pagkalmot niya.
Ngunit bigla na lang may humablot sa babae kaya naman napabitaw na ito sa buhok ko.
Nang hawiin ko ang mga hibla ng buhok ko na nagkalat sa mukha ko ay kitang-kita ko na isang lalaki pala ang humablot sa kanya.
“Tulong! Tulungan niyo ako!” paghingi ng saklolo ng babae sa paligid kaya naman napatayo aking agad kahit masakit pa ang katawan ko sa pagsugod ng babae.
“Asawa ko ang babaeng ito. Naggagamot siya ng sakit niyang deppression kaya ganito siya kumilos.” Dinig kong katwiran ng lalaki ng lapitan na siya ng ibang mga residente na nakakita at nakarinig ng paghingi ng tulong ng babae hindi ko kilala.
“Kasalan mo ito! Pagbabayaran mo rin ang lahat! Hayop kang scammer ka!” patuloy pa rin na sigaw sa akin ng babae na iyak na ng iyak at parang takot na takot.
Nang matagumpay na siyang ipasok sa sasakyan ng kanyang asawang lalaki ay humarap sa akin ito at ngumisi saka umiling.
Anong nangyayari?
Sino ang babaeng sumugod sa akin?
Hindi ko siya kilala.
Isa ba siya sa mga nagpa-proseso nf annulment sa mga resseller ko?
Bakit ganun?
Bakit ganun na lang ang galit niya ngunit may takot sa kanyang mga mata.
Takot na para bang nagmamakaawa na tulungan siya.