Pangalawang araw ko ngayon sa Ice Cream shop at sakto namang paglabas ko ng bahay ay nakita ko si Angelie na naglalakad na habang nakatalikod sa akin.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya nang hindi niya namamalayan at saka malakas siyang ginulat mula sa kaniyang likuran
"BOO!" Malakas na sigaw ko sa kaniyang tainga.
"Ay, kabayo!" Napaigtad na sabi niya. Natawa naman ako sa naging reaksiyon ng mukha niya dahil namumula siya sa inis nang makita akong nakangisi sa kaniya.
"Hindi ako kabayo, ano! May guwapo ba na kabayo, ha?" Pilit kong pinipigilan ang aking tawa dahil wala pa nga sa sukdulan ang aking pang-aasar sa kaniya ngunit nakikita ko nang napipikon na siya.
"Alam mo, ang hirap mo i-deacribe. Ang hirap kasi mamili sa lahat ng masasamang salita para sa 'yo. Masiyado kang mayabang. Pangit ng ugali mo. Lumayas ka nga sa paningin ko. Nasusura ako sa pagmumukha mo!" Singhal na sabi niya sa akin sabay tulak sa aking kanang balikat para makadaan siya.
"Ito naman. Wala bang good morning diyan? Ganiyan ka ba bumati, ha?" Paghabol ko sa kaniya at sabay na kaming naglalakad ngayon.
"Ano ba ang problema mo, Jihan? Nakakasira ka ng umaga. Pati mood ko sinisira mo!" Inis na sabi niya kasabay nang paghinto niya sa paglalakad para lingunin ako at bigyan ako ng isang naiinis na tingin.
"Ikaw kaya ang nakakasira ng umaga ko. Ikaw kasi, eh, nagpapakita ka sa akin. Ang mga duwende hindi dapat nagpapakita nasa lungga mo lang dapat ikaw," pang-aasar ko pa rin sa kaniya at nakita ko na naman ang pagpula ng kaniyang mukha dahil sa inis.
"Bahala ka nga diyan! Wala kang kuwentang tao!" sabi niya bago nagmadaling iwan ako.
Ako naman ay pangisi-ngisi na humabol sa kaniya para sumabay sa paglalakad.
"Oh, bakit ka ba sunod nang sunod, ha?" Galit na naman niyang sabi habang naglalakad kaming dalawa.
"Hoy, Angel na hindi naman mukhang anghel! Iisa ang daan. Saan mo ako gustong maglakad? At saka hindi kita sinusundan, ano? Bakit maganda ka ba?" Mayabang naman na sabi ko habang sumasabay pa rin sa kaniyang lakad kahit pa na nagmamadali siya.
"Bakit ba kasi kita nakikita? Nakakainis na at nakakapikon!" pagmamaktol na sabi niya.
"Angel! Araw-araw mo akong makikita dahil magkapitbahay tayo at saka magkatrabaho. Baka nga pati sa panaginip mo, eh, nandoon ako," tugon ko sa kaniya na may halo pa ring pang-aasar sa aking tono.
Narinig ko pa siyang nag-murmuring ngunit hindi ko na iyon pinansin pa dahil wala na akong masiyadong maisip na ipang-aasar sa kaniya.
Mamaya naman ulit. Kailangan kong mag-save ng energy dahil mag-uumpisa palang ako sa pangalawang araw ko.
Nang makarating kami sa Ice Cream Shop ay kami na lang pala ang wala pa. Nakita ko ang mga mapanukso nilang tingin kasabay nang sunud-sunod nilang pagkantiyaw sa aming dalawa nang makita kaming sabay na pumasok ng shop.
"Uyy, is this love? Sabay ang dalawa ngayon, ah?" panimulang pang-aasar ni Kuya Noel sa amin na sinundan naman ng iba pa naming mga kasama.
"Ano ba? Tumigil nga kayo diyan! Never ko namang papatulan iyang unggoy na iyan," pagdadabog na sabi ni Angelie na kanina pa wala sa mood dahil sinira ko ang umaga niya.
"At sino naman ang may sabi na papatulan din kita? Hindi ako pumapatol sa hindi ko ka-level, ano. Pandak na duwende," pang-iinis ko na naman sa kaniya.
Narinig naman naming nag 'whoah' ang mga kasama namin dahil sa tension na nagagaganap sa pagitan naming dalawa ni Angelie.
"Hindi mo ba talaga ako titigilan, Jihan?" Seryoso na na sabi ni Angelie sa akin. Bakas sa kaniya ang pagkapikon kaya naramdaman kong nanahimik ang lahat at nakita ko si Sam na inaalo si Angelie sa kaniyang tabi.
Hindi ako nagsalita kaagad at dahan-dahang lumapit sa kaniya. Nang makatapat ko na siya ay nilapit ko ang mukha ko sa kaniyang mukha dahilan para mapasinghap siya.
"Puwede ba kitang ayain mamaya?" tanong ko na may kasamang nakakatunaw na ngiti na kahit sinong babae ay magiging jelly ace ang mga tuhod dahil sa panghihina. At gaya nga ng hula ko ay muntik na siyang mawalan ng balanse sa kaniyang pagkakatayo na mas nagpalawak sa aking mga ngiti.
Ang kaninang nananahimik naming paligid ay muling napalitan ng pangangantiyaw at pang-aasar.
"Iba ka talaga, Jihan!" sabi ni Emman.
"Go, Angelie, grab the opportunity! Baka iyan na ang end ng pang-aasar niya sa 'yo, yieee," gatong naman ni Kuya Noel.
"H-Hindi ko a-alam. At s-saka saan mo naman d-dadalhin?" Halos mautal-utal na sabi niya.
Dito na lumabas ang pagiging demonyito ko dahil nginisihan ko siya bago tumingin kay Sam at saka muling tumingin sa kaniya bago magsalita.
"Hindi naman ikaw. Ano, Sam? Payag ka ba? Labas tayo mamaya? Libre daw ni Emman!" sabi ko nang hindi nililingon si Sam at tanging kay Angelie lang nakatingin dahil nag-e-enjoy talaga ako sa reaksiyon ng mukha niya. Namumula at nag-uusok ang mga ilong at tainga dahil sa galit at inis.
"Lumayas ka nga sa harapan ko! Buwisit ka talaga kahit kailan, eh!" sabi ni Angelie at saka ako hinampas-hampas sa dibdib gamit ang dalawa niyang maliliit na mga kamay.
Hinawakan ko iyon parehas at saka siya hinatak para mas mapalapit sa akin.
"Alam mo, kung gusto mo sumama. Puwede naman. Hindi mo kailangang magselos dahil ikaw lang! Ikaw lang ang target ko na asarin!" nakangisi ko na sabi bago siya bitiwan.
Narinig at nakita ko naman ang mga kasama namin na nagtatawanan habang kinikilig daw sa amin.
Hindi ko na hinintay pa na magsalita si Angelie at saka nilingon na si Sam na sumasabay din sa mga kasama namin sa pagtawa.
"Ano, Sam? Payag ka ba? Sige na. Minsan lang manlibre itong si Emman, eh," pamimilit ko sa kaniya habang sumusulyap-sulyap kay Emman na parang tangang namumula dahil sa kilig.
"Hahaha, wala namang problema sa akin, Jihan. Pero, kung puwede isama natin si Angelie, okay ba iyon?" nakangiti na sabi ni Sam sa akin.
"Oo naman. Gaya nang sinabi ko puwede siyang sumama kung gusto niya," sabi ko sa kaniya na nakangiti rin.
Nakita kong namula si Sam pero hindi ko na iyon pinansin pa dahil sumingit si Kuya Noel.
"Ako ba? Hindi niyo aayain? Grabe kayo sa akin, ah!" Nagtatampo kunwari nito na sabi sa amin kaya bahagya kaming nagtawanan maliban kay Angelie na akala mo pasan ang mundo dahil sa burangot nitong mukha at hindi mapinta.
"Sure, Kuya! Alam mo naman itong si Jihan, eh. Malapit sa mga chicks kaya malakas mag-aya!" napipilitan na sabi ni Emman na halatang nabubutas na ang bulsa kaya tinawanan ko siya. Lagot 'to sa akin mamaya. Gagong 'to. Napakatorpe parang timang.
"Sige-sige. Tara na, dumarating na ang mga customer. Jihan, Emman. Ayusin na natin ang stock room dahil mamaya, eh, may deliver na naman," sabi ni Kuya Noel kaya nag-ayos na kami ng aming mga sarili bago sundin ang kaniyang utos.
Ang may-ari nitong shop na si Tatay Pedring ay mamaya pa raw tanghali makakarating dahil may inasikaso.
Abala kaming lahat sa aming mga trabaho dahil hindi kami masiyadong nag-uusap. Mahirap na at baka maabutan kami ng may-ari at mapagalitan pa kami.