Nang magkaroon kami ng vacant time ay dali-daling lumapit sa akin si Emman para kausapin ako. Alam ko naman na kating-kati na ang mokong na 'to kaya naupo kami sa dalawang bakanteng upuan at saka nag-usap.
"Dude, bakit naman wala kang pasabi na manlilibre pala ako mamaya?" tanong nito kaagad sa akin. Hindi niya pa man nasasabi ang nais niyang sabihin ay alam ko na na iyon ang kaniyang sasabihin.
"Siyempre para surprise. Alam ko naman na kuripot ka pero pagdating sa chicks waldas ka!" Natatawa ko na sabi kasabay nang isang patulak na suntok sa kaniyang kanang balikat.
"Tss. Sa susunod kasi dude, eh, magsabi ka naman sa akin. Mabuti na lang at may dala akong pera dahil kung hindi ay baka mapahiya ako," nakasimangot nito na sabi sa akin.
"Kay Sam ka lang naman nahihiya at saka I got you, dude. Iiwan ba naman kita sa ere. Siyempre gusto ko lang din mapalapit kay Angelie para mang-asar," tugon ko naman sa kaniya. Nang mabanggit ko ang pangalan ng babaeng iyon ay nakita kong sumilay ang mga mapunukso niyang ngiti. Hudyat na magsisimula na naman itong mang-asar.
"Talaga ba? Oh, baka iba iyan, ah!" sabi niya na hindi satisfied sa sinabi ko.
"Tss. Ano ba siya? Magandang babae? Eh, hindi naman siya habulin. At saka iba siya sa mga babaeng nilalandi ko. Nakita mo ba na nilandi ko ang babaeng iyon?" pangangatuwiran ko naman sa kaniya.
"Sus, alam ko naman na iba si Angelie para sa 'yo. Malay mo siya na pala ang babae para sa 'yo. Ang magiging katapat mo. Naku, Jihan. Mag-ingat ka sa mga ginagagawa mo dahil baka sa huli ay mabaliw ka sa kaniya," sabi ni Emman na may mga kahulugan ang mga salitang kaniyang binitiwan.
Tumawa na lamang kaming dalawa na hindi pinapansin ang kaniyang mga sinabi. Hindi naman ako apektado. At saka ang dami-dami nang babaeng dumaan sa buhay ko tapos ngayon pa ba ako mangangamba?
"Ewan ko sa 'yo, gago! Intindihin mo iyang si Sam. Dahil kung paiiralin mo ang katorpehan mo, eh, baka ako na ang manligaw diyan," pang-aasar ko sa kaniya kaya sinamaan niya ako ng tingin.
"Hoy! Umayos ka, Jihan, ah! Magkaibigan tayo pero tablahan na kapag sa iisang babae ang naging usapan. Never touch or flirt my girl," sabi niya na akala mo, eh, ang tapang sa harap ng mga babae.
"My girl mo ang mukha mo. Maski pag-aya nga, eh, ako pa ang gumawa. Tss!"
"Gagawin ko naman iyon. Ikaw kasi inunahan mo ako!"
"Inunahan! Ang sabihin mo, duwag ka or baka tumagal pa nga iyan ng ilang taon, eh, bago ka gumawa ng first move," natatawa ko na sabi sa kaniya at nakita ko siyang umirap na parang isang babae.
"Hindi mo kasi alam yung salitang dahan-dahan. Masiyado ka kasing nagmamadali, eh," sabi niya na lang at saka kami muling nagtawanan at nag-asaran.
Nang sumapit na ang lunch ay sabay kaming muli ni Emman kumain sa staff room nitong shop. Si Kuya Noel ay sa bahay nito kumakain dahil malapit lang naman ang bahay nito dito. Sina Sam at Angelie naman ay sa canteen sa labas kumakain ng lunch.
Speaking of Angelie. Iniiwasan niya ako at sa tuwing titingnan ko siya ay sumisimangot siya. Mukhang nasira ko talaga nang tuluyan ang araw niya. Pasensyahan na lang dahil siya ang na-target ko.
"Alam ba nila Albert at Dexter na nagtatrabaho tayo?" tanong ko kay Emman habang nasa kalagitnaan kami nang pagkain.
"Hindi ko alam, eh. Hindi ko naman sila nakakausap simula nang pumasok tayo dito. Kailan pa ang huli nating pagkikita na kasama sila, eh, no'ng naglaro tayo ng basketball," sagot naman niya matapos nguyain ang pagkain na nasa kaniyang bibig.
"Ano na kaya ang ginagawa ng dalawang mokong na iyon?" tanong ko sa sarili ko bago sumubo ng kanin at ulam na pinabaon sa akin ni Mama.
"Ewan. Isang buwan na lang pala at pasukan na. Sana naman makaipon tayo ng sapat na pera para hayahay ang buhay!" sabi ni Emman.
"Oo nga pala. Magpapasukan na. Saan ka ba mag-enroll?" tanong ko sa kaniya kaya bahagya siyang napailing habang tinatawanan ako.
"Dude, para namang pupunta ako ng Maynila. Lalayo pa ba ako kung diyan lang ang Sarmiento High School," sabi niya.
"Malay ko ba. Malay ko ba na mag-private ka or what. Pero, sabagay kuripot ka. Kuripot din ang mga magulang mo sa 'yo," sagot ko sa kaniya.
"Sira, hindi ba puwedeng nagtitipid lang? Kailangan mag-ipon, Jihan. Para kapag dumating ang araw na kailangan kasi emergency, eh, may mailalabas ka. Huwag kang magastos," payo niya sa akin kaya tumango na lamang ako kasabay nang pag-inom ko ng tubig.
"So, paano mamaya? Saan tayo?" tanong ko na lamang sa kaniya.
"Hindi ko alam, eh. Sila na lang ang tanungin natin. Nakakahiya naman na ayain mo sa lugawan or fishball-an," natatawa niya na sabi kaya tumawa na rin ako.
"Sabagay, babae dapat ang masunod. Para sa 'yo, sa akin hindi. Hahahaha!"
"Siraulo ka talaga, Jihan!"
*
"Hay, natapos din ang isang mahabang araw ng pagtatrabaho," sabi ni Kuya Noel habang nag-uunat ng kaniyang dalawang kamay sa hangin.
"Ano, Kuys! Tara na?" Pag-aya ko sa kaniya habang nakasukbit ang isang strap ng backpack ko sa kaliwang balikat ko.
"Sige, magsara lang tayo tapos tara na!" sagot naman niya habang inaayos ang kaniyang mga gamit sa backpack niya.
Tumango ako sa kaniya at saka tinulungan siya. Si Emman ay kausap ang dalawang babae sa labas. Sinabihan ko kasi siya na siya na ang kumausap para mabawasan naman ang katorpehan niya.
"Salamat, Jihan. Saan ba tayo pupunta?" nakangiti niyang sabi kasabay ng isang tanong habang sabay kaming naglalakad palapit sa mga kasama.
"Hindi ko alam diyan, Kuys!" sagot ko sabay turo kay Emman nang makalapit kami sa kanila.
"Okay lang kahit saan, Emman," nakangiti na sabi ni Angelie kay Emman.
"Kahit saan, ano'ng kahit saan? Magbigay ka ng lugar. Kasi kung iyan ang sagot mo sa kanal tayo pupunta," panimulang pang-aasar ko sa kaniya kaya nagsitawanan ang mga kasama namin.
Inirapan niya ako at saka ngumuso sa akin kaya nilapitan ko siya para asarin muli.
"Haha, sige na. Hindi ko kasi alam ang gusto niyo, eh," nahihiyang sabi ni Emman sa kanila habang kami ni Angelie ay nagbabardagulan sa gilid.
Dinidikit ko kasi ang sarili ko sa kaniya ngunit patuloy siya sa pagtulak sa akin.
"Nakakaasar ka na, ah! Bakit ba ayaw mo akong tigilan, ha? Wala ka ba talagang magawa sa buhay mo at ang hilig mong man-trip ng iba?" inis na sabi niya sa akin.
"Tss, bakit ka ba kasi tulak nang tulak. Masama ba na dumikit sa 'yo?"
"Oo, kasi nakakadiri ka at saka nakakainis!" iritable nito na sabi na akala mo ay may sakit ako na nakakahawa dahil diring-diri ang kaniyang itsura.
"Talaga ba? Oh, baka naman nakakaramdam ka ng kuryente, hahaha!"
Nag-aasaran kaming dalawa habang walang pakialam sa amin ang mga kasama namin at gayundin kami sa kanila.
"Eww, ganiyan ka ba gumawa ng mga moves mo sa mga babae? Kasi ang corny, eh, tanga lang talaga ang papatol sa mahangin na katulad mo!" sagot naman niya na tila ba wala pa rin akong epekto sa kaniya.
"Talaga ba? Tanga lang ang papatol sa akin? Tingnan nga natin kung hindi ka pumatol sa gagawin ko," sabi ko sabay akbay sa kaniya na ikinagulat niya.
Natawa ako sa naging reaksiyon niya dahil para siyang binuhasan ng yelo dahil sa naninigas niyang katawan.
"See? Ang mga babae mabilis mahulog sa bitag ng mga lalaki," sabi ko kasabay nang isang halakhak.
Nang matauhan na siya ay malakas niya akong tinulak ngunit na-balanse ko pa rin ang sarili ko kaya hindi ako natumba sa semento.
"Tss, hindi ka lang mayabang kundi manyak pa!" singhal niya sa akin habang namumula sa galit o kilig?
"Hoy, kayong dalawa tama na ang loving-loving," pagsita sa amin ni Kuya Noel kaya binaling na namin ang atensiyon namin sa kanila.
"Oh, saan na tayo?" tanong ko sa kanila.
"Sa lugawan daw sabi ni Kuys! Okay lang ba sa inyo?" tanong ni Emman sa aming dalawa. Mukhang iyon na ang kanilang napag-usapan.
"Oo naman!" sabay pa naming sabi ni Angelie kaya nagtinginan kami. Ako ay tiningnan ko siya ng may isang nakakalokong ngiti habang siya naman ay inirapan lang ako.
Suplada!