CHAPTER THREE
PIERRE
Masakit ang ulo ko nang bumangon ako kinabukasan. Ni hindi ko na nakuhang mag-almusal kaya pagkatapos kong maligo at magbihis ay dumiretso agad ako sa school. Mabuti na lang at maagang umalis si Mama ngayon para magpunta sa palengke kaya walang manenermon sa akin. Si Papa naman, nasa Dubai. Nurse siya ro'n kaya wala siya rito sa bahay.
"Mukhang hindi maganda ang gising natin, ah?" bungad sa akin ni Gian nang makasalubong ko siya sa entrance ng school.
"Eh ‘di ikaw na maganda gising," balik ko naman sa kanya at dire-diretso akong naglakad papunta sa room namin. Tinawanan na lang ako ni Gian habang sumusunod siya sa akin kaya napailing na lang ako.
"Ano nang balak mo ngayon?" tanong niya naman sa akin pagkatapos kong ibaba ang bag ko sa upuan.
"I-te-text ko si Alvin. Baka pwede kaming mag-usap mamaya kung maisisingit niya sa training niya," sagot ko sa kanya. "Sasama ka ba?"
"Hindi na. Baka magsuntukan pa kayo, eksena na naman 'yan," biro niya at sinamaan ko na naman siya ng tingin.
"Mukha mo," balik ko pa sa kanya. "Ano, sasama ka o sasama?"
"You are leaving me with no choice, bro. Ba't ka pa nagtatanong?" Napakamot na lang siya sa batok niya. "Oo na, sasama na."
"Sasama ka rin naman pala," sabi ko pa at umiling naman siya.
"Eh wala namang pagpipilian. Good luck na lang," tinapik niya pa ako sa likod tsaka siya nagpaalam na lalabas muna siya para hintayin si Kaylee.
Lunch time. Nakipag-set ako kay Alvin sa cafeteria para makapag-usap kaming dalawa. Kasama ko si Gian kaya dalawa kaming naghanap kung saan nakaupo si Alvin.
"Uy, mga bro!"
Narinig naming tinatawag kami ni Alvin kaya lumapit kami sa kanya nang makita namin siya. Nakipag-fist bump pa siya sa amin ni Gian. Tropa din kasi kaming tatlo kahit na nasa kabilang section siya. Dalawang sections kasi ang fourth year sa amin.
"Pasensya na, 'pre. Kami na nga 'tong may kailangan tapos ikaw pa ang naghintay. Tagal kasi magsermon ni Sir," paliwanag ko nang makaupo na kaming tatlo.
"Ayos lang! Halos kararating ko lang din naman," sagot niya sa akin at hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. "Ano nga pala ang importanteng bagay na kailangan nating pag-usapan, ‘pre?"
"Hindi na rin ako magpapaliguy-ligoy pa, let me get straight to the point... kayo ba ni Maica?" dire-diretsong tanong ko. Si Gian ay tahimik lang na nakatingin sa aming dalawa, parang naghihintay siya kung may mangyayaring gulo na naman ba.
"Yeah, mag-o-one year na kami next month. Sikreto nga lang ang tungkol do'n dahil gusto ko muna ng privacy pero hindi ko naman itinatanggi ang tungkol do'n kapag may nagtatanong," paliwanag niya. "What is up with the sudden curiosity about our relationship, bro? May problema ba?"
I cursed under my breath. Iiling-iling lang ako at si Gian na ang sumagot para sa akin.
"I think you both have a problem," seryoso niyang sabi habang kung anu-anong mura na ang binabanggit ko sa isip ko. s**t!
"Huh?" Halatang naguguluhan si Alvin kaya nagpaliwanag ako sa kanya.
"Sorry 'pre, hindi ko sinasadya pero... ganito kasi... kami ni Maica. I mean, siya at ako... we are also together."
Ikinuyom ni Alvin ang kamao niya at halatang-halata ang pagpipigil niya. Grade six palang ay magkaibigan na kami kaya naiintindihan ko kung bakit kahit na gusto niya akong suntukin, hindi niya magawa. Hindi ko rin naman kasalanan, wala akong alam.
"Paano..."
"Pare, hindi ko ugaling tumalo ng kaibigan. Kung alam ko na kayo, hindi ko na sana siya niligawan no'ng una palang," paliwanag ko.
Sa chat nag-umpisa ang pagiging malapit namin ni Maica. Hindi kami magkaklase at sila ni Alvin ang magkasama sa kabilang section pero wala namang nagbanggit sa akin na may relasyon sila. Siguro, kakaunti lang talaga ang may alam ng tungkol sa kanila.
"Sige ‘pre, ako na ang bahala. I will talk to her about this," sabi na lang ni Alvin at sabay kaming humugot nang malalim na hininga.
Pareho naming gusto si Maica kaya masakit ito para sa aming dalawa. Lalo na sa akin dahil ginamit niya lang ako at pinagmukhang tanga.
"Good luck to us," duktong pa ni Alvin at tumayo na siya para magpaalam sa amin ni Gian. "Sige na, aalis na ako. Laro ulit tayo ng basketaball next time."
"Sige ba..." sagot na lang namin ni Gian at umalis na siya pagkatapos niyang makipag-fist bump sa amin.
"Sa totoo lang, hindi ko alam kung tatawanan ba kita o maaawa ako sa'yo," rinig kong sabi ni Gian sa tabi ko habang kumakain siya ng biscuit.
"Sa totoo lang, hindi ko alam kung kaibigan ba talaga kita o hindi," balik ko naman sa kanya pero tinawanan niya lang ako.
"Pikon!" nang-a-asar niya pang sabi bago siya sumeryoso. "Oh, ano na ang balak mo ngayon?"
"Papatayin muna kita. Kapag tapos na ako sa'yo, tsaka ko aayusin 'to," asar kong sabi sa kanya.
"Sus! Ayusin mo na 'yan dahil baka sina Kaylee at Prianne pa ang makapatay sa'yo," sagot niya na lang.
"Wala bang pampalakas na loob na lalabas d'yan sa bibig mo? Puro pambibwisit na lang narinig ko sa'yo mula kaninang umaga."
"Oh ito na lang... alam mo, kasama sa buhay natin ang magkamali. Hindi naman maiiwasan 'yun, eh. Pero alam mo kung kailan nagiging masama ang pagkakamali? Kapag wala kang ginawa para itama 'yong nagawa mong pagkakamali," seryoso niyang sabi sa akin at napatango na lang ako sa kanya.
"May nasabi ka ring matino."
Tinapik na lang ako ni Gian sa balikat at inaya na niya akong bumalik sa room namin. Nauna siyang pumasok sa loob dahil tinawag siya ni Kaylee, ako naman ay naiwan sa hallway dahil nakita ko si Maica na lumabas galing sa room ng section nila.
"Maica!" tawag ko sa kanya at dire-diretso ko siyang hinila sa gilid kung saan wala masyadong nagdadaan para huwag kaming makaagaw ng atensyon.
"Alvi—bee! Ikaw pala 'yan! Akala ko kung sino," kabado siyang tumawa at napalinga-linga pa siya bago niya ipinulupot sa leeg ko ang magkabila niyang braso. "I missed you. Parang medyo lutang ka no'ng isang araw sa amusement nang makabalik kami ng mga kaibigan ko. Ano ba ang nangyari?"
"Akala mo kung sino o akala mo ako si Alvin?" diretso kong sabi sa kanya at tinanggal ko agad ang kapit niya sa akin. "Alam ko na ang totoo, sinabi sa akin nina Kaylee at Prianne no'ng fieldtrip natin."
"I heard about that nga... na nag-away raw kayo pero hindi ko naman alam na tungkol pala sa akin," naiilang siyang tumawa at hindi siya makatingin nang diretso sa akin. "Sinisiraan lang nila ako sa'yo, Pierre. 'Wag kang maniwala sa kanila, hindi kami ni Alvin."
"Akala ko nga rin sila ang mali, 'yon din pinaniwalaan ko kaya ipinagtanggol pa kita. Kasi Maica, nagtiwala ako sa'yo. Tang ina, nagtiwala ako sa'yo kasi gusto kita," disappointed akong umiling sa kanya. "Pero Maica, sinayang mo 'yon kasi ginamit mo lang ako. Gusto kita pero ginago mo lang ako. Ang galing mo! Pinaikot mo kami! Kung hindi ko pa nakausap si Alvin, hindi ko pa malalaman ang totoo."
"W-what?! Nag-usap kayo? I-ibig sabihin alam niya na 'to?!" gulat na gulat niyang sabi.
"Wala namang problema na kinausap ko siya kung hindi talaga kayo, 'di ba?" Tinalikuran ko siya at akmang papasok ako sa loob ng room namin pero muli ko siyang nilingon sa huling pagkakataon. "Just tell everyone that you broke up with me to save your pride. 'Yon lang naman ang mahalaga sa'yo, 'di ba? Sana maging masaya ka."
Bumalik na ako sa room namin at ang huling narinig ko na lang sa kanya ay ang paghikbi niya. Alam na niya siguro kung ano ang maaaring mangyari sa kanila ni Alvin mamaya.
Gusto ko sana siyang yakapin, gusto ko sanang bumalik para punasan ang mga luha niya pero alam kong hindi ako ang kailangan niya.
* * *
"Oh, ba't nandito ka? Nasa'n ang magaling mong girlfriend?" matalim na tanong agad sa akin ni Kaylee nang pumasok ako sa tambayan namin.
Dating basement nina Gian 'tong tambayan namin. Ipinaayos lang ni Tita Jianna—ang mommy niya, noong first anniversary ng barkada. Regalo niya raw 'to sa amin. Isa pa, hindi na rin naman ito nagagamit dahil nagpagawa sila ng mas malaking basement kaya sa amin na lang 'tong space.
Ang mga parents naman namin nina Prianne at Kaylee, mga gamit na lang ang ibinigay kaya naging parang maliit na bahay itong tambayan namin.
"Kaylee..." saway naman sa kanya ni Gian kaya umirap lang siya. "Pwede bang magkasundo na lang tayong lahat para sa ikapapayapa ng mundo natin?" duktong niya pa at muli na namang umirap si Kaylee.
"Ayaw ko nga! Ni hindi pa nga siya nag-so-sorry sa mga nasabi niya sa amin ni Prianne," katwiran pa ni Kaylee.
"Kaya nga ako nandito," bumuntong-hininga ako at tumingin sa kanya. "Sorry na, Kaylee. Binabawi ko na lahat ng sinabi ko sa inyo ni Prianne."
"Sa akin, wala na 'yon. Alam ko kasi sa sarili ko na kaya lang namin ginawa ni Pri 'yon ay dahil concerned kami sa'yo. Pero kay Pri, alam kong mas masakit 'yon dahil sa'yo mismo nanggaling ang mga bagay na masakit para sa kanya na marinig. Napaka gago mo kasi, lagi mo na lang sinasaktan ang best friend ko eh alam mo namang gustung-gusto ka ng gagang 'yon."
"Sorry talaga, Kaylee," sabi ko at napakahawak na lang ako sa batok ko dahil sa hiya.
Alam ko naman 'yon, na kung may higit akong nasaktan sa kanilang dalawa, si Prianne 'yon. Bakit ba kasi ako pa? Sana iba na lang ang gusto niya para hindi siya nasasaktan ng ganito.
"Inis na inis na inis ako sa'yo. Alam mo bang gusto kitang sapakin?" Nanggigigil pa siya sa unan na hawak niya habang nakaupo siya sa sofa. "Alam mo, isa ka talagang malaking gago at hindi ko babawiin 'yan. Pero kaibigan kita, barkada tayo. Syempre, hindi natin matitiis ang isa't isa... well, except you. Natitiis mo kami, eh."
"Alam ko. Kaya nga gusto kong bumawi, eh. Sana hayaan niyo ako ni Prianne," sincere kong sabi at lumapit ako para yumakap sa kanya. "I'm really sorry. Dapat kayo ang pinaniwalaan ko."
"Oo na, okay na. Marami pa namang pagkakataon para makabawi ka sa amin," paninigurado niya naman. "Gawa, ha? 'Wag puro salita."
"Mawalang galang na ho, dadaan ang pogi," sabi naman ni Gian at talagang pinaghiwalay niya kami ni Kaylee para sa gitna naming siya makadaan.
"Seloso!" sigaw ko sa kanya kaya pareho silang namula ni Kaylee.
"Manahimik ka nga, pare!" balik sa akin ni Gian at tinawanan ko lang siya.
"Ang saya natin, ah? Okay ka lang ba talaga?" seryosong tanong ni Kaylee kaya natigilan ako sa pagtawa. "Nalaman ko ang tungkol doon sa pag-u-usap niyo ni Alvin kanina. Pati na 'yong kay Maica."
"Lilipas din 'to," sabi ko na lang at tinanguan niya naman ako sabay siko sa tagiliran ko.
"Makipagbati ka na kay Pri, marami kang atraso ro'n," sabi niya pa at ako naman ang tumango.
"Nasa'n ba siya? Kakausapin ko rin siya, eh. Mag-so-sorry rin ako sa kanya."
Ngayon ko lang napansin na siya lang ang wala rito ngayon.
"Kasama niya 'yong childhood friend niya. Susunod sana siya kaso no’ng malaman niyang nandito ka, nagbago na ang isip niya," paliwanag sa akin ni Kaylee.
"Mukhang matagal-tagal na suyuan ang magaganap, ah?" sabi naman ni Gian na inaayos ang pagkain namin. May dala siyang takeout galing sa isang fastfood malapit sa bahay nila.
"Okay lang 'yon, bro. Kailangan ko rin talagang bumawi sa kanya," sagot ko naman.
"So... ano ang plano mo?" tanong ni Kaylee habang kumakain siya ng fries at seryoso ko naman silang binalingan.
"Kapag hindi nadaan sa santong dasalan, dadaanin ko sa santong paspasan."