Chapter Fourteen
"Gusto mo bang sumama sa akin sa bahay?" agad na umangat ang kilay ko sa lalaki na feel na feel ang pagkakasandal nito sa pintuan ko.
"Anong gagawin natin doon?" tanong ko na naghihinala."Saka wala ka bang plano sa buhay? Magtrabaho ka kaya."
"Nagtratrabaho naman ako. Judgemental ka lang talaga. Nakakakain pa tatlong beses sa isang araw."
"Malamang, 'yong isa o dalawang kain ay rito sa bahay ko ka kumakain."
"Hoy, minsan lang. Every other day." Depensa nito. Pero opportunity na rin naman na makilala pa ito kaya naman konting pakipot pa ay sumang-ayon na rin ako.
Narating namin ang Sitio Balyon. Mukha namang maayos ang Sitio na ito. Narating namin ang bahay ni Cristo, bumungad agad sa amin ang maliit na bahay na waring iyon na ang pinakapangit sa hanay ng mga bahay rito. Hindi sa pagiging judgemental sa taong ito. Pero dahil gwapo ito ay medyo nag-expect ako. Tsk, oo na nga. Judgemental na.
Nang pumasok kami sa bahay ay malinis naman. Mukhang ang sala ang s'ya na ring tulugan dahil sa gilid na parte ay niligpit na hinigaan ang makikita. Mayroon din dalawang lumang cabinet, kita na rin ang pinto ng CR, naroon na rin ang kusina at isang mesa sa gilid at talong upuan.
"Upo ka muna." Ani nito sa akin. Sinulyapan ko ang upuang kahoy. Tumango ako saka naupo.
Hindi ko alam. Pero iba ang kutob ko sa lalaking ito.
Saan nanggaling ang maraming pera nito sa wallet?
"Saglit lang, ha. Bibili lang akong soft drinks."
"Sige."
"May ipapabili ka ba?"
"Gusto ko rin ng chicharon." Naglahad ito ng kamay. Hindi makapaniwala napatitig ako sa lalaki.
"Akin na."
"Ang alin?" tanong ko rito.
"Pambili."
"Tang*na!" manghang ani ko rito. Napakamot naman ito sa ulo. Bumuntonghininga ako saka kumuha ng 100-peso bill at inabot dito.
Naiwan akong mag-isa sa bahay nito. Okay naman akong nagce-cellphone habang hinihintay ito. Ngunit halos mapalundag ako sa kinauupuan nang biglang bumukas ang pinto at isang matandang babae ang pumasok. Nagmamadali ito. May suot itong itim na belo, halos matisod pa ito patungo sa harap ng altar. Sinindihan ang kandila gamit ang posporo saka mabilis na lumuhod doon.
Creepy. Pero mas lalong naging creepy nang lumingon ito sa akin at sinenyasan akong lumuhod din doon. Nanay ba ito ni Cristo? Well, hindi na ako magtataka kung weirdo rin ito. Napaka-weirdo kasi ni Cristo, may pinagmanahan pala.
"Lumayo kayo sa mamamatay tao. Uubusin n'ya kayo. Uubusin n'ya kayo. Galit na galit s'ya. Inuunti-unti na n'ya ang mga kadugo ng demonyo. Uubusin nila kayo." Paulit-ulit nitong ani saka muling dinugtungan ng dasal.
Kunwari na lang akong nagdarasal. Pumikit pa para damang-dama. Nang tumigil ang ginang ang bahagya akong lumingon dito. Ngunit nakapikit pa rin ito kaya naman muli akong pumikit. Ilang minuto ang lumipas. Nangangawit na ako sa pagkakaluhod ko kaya naman sinulyapan ko ang katabi ko. Pero nagulat ako ng si Cristo na ang katabi ko.
"Para ka namang nakakita ng multo. Dinadamayan lang kita, mukha ka kasing tanga. Anong na kain mo at nakaluhod ka rito, may papikit-pikit ka pang nalalaman?"
Hindi ko man lang naramdaman ang pag-alis ng babae, kahit ang pagsulpot ni Cristituto sa tabi ko. Napakaimposibleng mangyari no'n. Pero heto at nangyari.
"Napaano ka na?" natatawang tanong nito sa akin.
"Nasaan na 'yong nanay mo?" tanong ko rito.
"Nanay ko? Baliw ka ba? Lakas ata ng amats mo ngayon." Ani nito na natatawa pa.
"What do you mean?" takang ani ko rito.
"Wala ang nanay ko."
"Wala? As in wala na? Umalis?"
"Ha? Ibig kong sabihin nasa binguhan." Ani nito. Parang nalito pa ito ng dahil sa akin.
"Sino 'yong pumasok kanina?" takang ani ko rito.
"Tatti, may sakit ka ba? Masama ang droga sa katawan. Iwasan mo 'yan." Mabilis na nakalusot ang kamao ko sa t'yan nito. Sinadya kong lakasan ang suntok ng bahagya para dama nito at hindi isiping nagbibiro ako.
"Wala namang ibang tao rito noong dumating ako. Ikaw lang, para ka ngang tanga d'yan." Ani nito na nakahawak pa sa t'yan na nadali ko kanina.
Deserve.
"Huwag tayong maglokohan dito, Cristo. Sino 'yong matandang nakabelo kanina?" tanong ko. Mas lalong naguluhan ang lalaki.
"Hindi ko alam. Wala ka namang kasama d'yan noong dumating ako. Tsk, mukhang nalipasan ka ng gutom. Sandali, mag-merienda ka muna."
"Sukli ko?" tanong ko rito.
"Sinabi ko sa tindera keep the change." Ani nito. Napasinghap ako sa kagaguhan ng lalaki at napatitig dito.
"Are you fvcking serious right now?"
"Yes, Ma'am."
"Gago ka talaga. Pagkatapos dito, uwi na ako." Naiinis na ani ko rito.
Napapatingin pa rin ako sa altar na ngayon ay pudpod na ang kandila.
Masyado talagang weird ang Santa Estrella.
Tsk. Sinulyapan ko si Cristo na maganang kumakain ng merienda. Nang gulantangin kami ng galit na galit na tinig.
"Cristo! Cristo! Cristo!" mabilis kaming napatayo ni Cristo ng may sumipa ng pinto.
"Tang*na mo talagang batugan ka. Ang lakas pa ng loob mong mangutang sa tindahan ng pang-merienda n'yo ng babae mo." Isang ginang na mataba na galit na galit ang pumasok sa bahay. Matalim ang tingin nito sa akin.
Ang tingin ko naman ay tumalim kay Cristo.
"Inutang mo 'yong merienda? Nasaan 'yong 100 ko?" demonyo rin talaga itong kupal na ito. Nakakahiya.
"Babayaran ko rin naman 'yon, Nay. Ito po 'yong kinita ko kanina, oh. 'Wag na kayong magalit." Ani ni Cristo."Nakakahiya po sa mga kapitbahay natin."
Hinablot ng ginang ang 100 pesos na tiyak kong akin iyon.
"Sa susunod pumili ka naman ng maganda, anak. Puro ka pamamakla." Ani nito na tumingin sa akin. Mukha ba akong bakla? Well, marami naman akong tropang magagandang bakla. Pero babae ako, bakit naman napagkamalan pa akong beks?