Chapter Four
"Kasintahan mo ba 'yan, Cristo? Napakaganda naman n'ya." Kanina ko pa naririnig ang mga iyon pero nagpapatay malisya lang ako. Mas pinagtutuunan ko kasi ng pansin ay ang paligid ko. 20 minutes din kami nitong nagkahiwalay. Nagulat na lang ako nang makasalubong ko ito. Mukhang ako ang hinahanap nito.
"Wala ka man lang reaction d'yan, kanina ka pa pinupuri. Hindi mo ba pansin na sobrang swerte mo dahil iniisip nila na pinatulan kita." Bahagyang umangat ang kilay ko. Ngunit mahinhing ngumiti rito.
"Hindi ako nagsasalita dahil baka iyon man lang ang magpa-boost ng pride and ego mo. Sa mga lalaking single na katulad mo, minsan nakakaawa rin na suplahin."
"Hoy!" ani nito. Nakakaaliw pagmasdan ang ilong nitong waring kumikibot-kibot.
"Cristo, pansin ko lang na kilala ka rito." Ani ko na bahagyang luminga.
"Malamang, ako kaya ang pinakagwapong nilalang dito sa Santa Estrella." Ani nito. Mukhang na boost na ang kayabangan nito.
"Stay here in Santa Estrella. Kasi kapag lumabas ka ng bayang ito, common na lang ang mukha na 'yan." Ngumiti pa ako rito saka marahang tinap ang balikat nito. Saka ako tumalikod at nagsimulang maglakad.
"Napakasama rin ng ugali nitong babaeng ito." Dinig kong ani nito. Pero nagpatuloy ako sa paglalakad.
May mabilis na mamang naglalakad. May pasan itong isang basket ng kamatis.
Mabilis akong umiwas. Ngunit nang lumingon ako ay bumungo na ang mama sa lalaking nakabuntot sa akin. Mukhang mabagal ang reflexes nito kaya naman parehong bumagsak ang dalawa. Nagkalat ang kamatis.
Imbes na tulungan ang mga ito ay nanatili lang akong nakatayo. Nagpipigil nang tawa.
"Pasensya na ho, hindi ko po kasi kayo nakita." Ani ng mama na tarantang tumayo at mabilis na pinulot ang mga kamatis nito. Ang iba ay naapakan na at nagkandadurog-durog.
Nakasimangot na si Cristo. Nadumihan ang suot nito, pero tumulong pa rin sa pagpupulot. Kahit pa mukhang labag sa loob nito ay inabutan pa nito ang mama ng pera pamalit sa mga nasirang kamatis.
"Tsk." Sinulyapan ko ito. Naglalakad na kami patungo sa labasan.
"Nakita mo ba 'yong mama kanina?" tanong nito sa akin.
Tumango ako rito."Oo, nakita ko nga."
"Nakita mo pala, bakit wala kang ginawa?" ani nito.
"Nakita ko nga, kaya iniwasan ko." Ani ko rito.
"What?"
"Anong gusto mong gawin ko? Bunguin ko? Haler…" humugot ito nang malalim na buntonghininga. Mukhang napipikon. Kasalanan naman n'ya, bukod sa hindi s'ya magaling umiwas ay hindi kasi n'ya tinitignan ang daanan n'ya.
"Ibig kong sabihin sana man lang binalaan mo ako."
"Hindi ko kasalanan kong tatanga-tanga ka. Tsk, d'yan ka na nga." Inirapan ko ito. Ako pa itong sisisihin dahil sa kashungahan n'ya.
"May patayyyyyyyyyy…" mabilis na nahawakan ni Cristo ang kamay ko at pinigilan akong maglakad. Pareho kaming napahinto at sinundan nang tingin ang mga taong nagtakbuhan sa iisang direction.
"What's going on?"
"May patay na naman daw."
"Tignan natin." Ani ko rito. Ngunit mabilis itong umiling.
"Hindi ka ba natatakot?" ani nito.
"N-atatakot. Pero gusto kong malaman at makita, eh."
"Alam mo ba kung bakit madalas maunang mamatay ang mga tsismosa sa mga palabas sa tv?" salubong ang kilay na tanong nito sa akin.
"Hindi, tara alamin natin." Ani ko na kumalas sa pagkakahawak nito at sumunod sa mga nagtatakbuhan.
Tumambad ang biktima na nakaupo sa gilid ng eskinita. Akmang sisilip pa ako nang may tumakip sa mata ko. Alam ko na agad kung sino iyon. Mabilis akong makaalala ng amoy ng bagay o tao. Ang mabangong amoy ng lalaki ang isa sa mabilis tumatak sa utak ko.
"Kaya agad namatay ang mga tsismosa sa mga palabas ay dahil hindi sila marunong makinig. Halika na nga." Hinila na ako nito paalis. Napasimangot naman ako.
"Ang tsismosa bang tinutukoy mo ay ako? Gago ka ba?" ani ko rito. Nakaakbay ito sa akin, sabay kaming naglalakad nito hangang narating namin ang paradahan ng tricycle.
"Hindi ka kasi nakikinig. Paano kung 'yong taong gumawa noon ay nasa paligid lang. Tapos naghahanap ng next target? Pumasok ba iyon sa isip mo?" ani nito sa akin. Sumiksik na ito sa loob.
"Hindi, ngayon ko lang naisip." Ani ko rito. Pinitik nito ang noo ko.
"Umuwi na tayo. D'yan napapahamak ang matitigas ang ulo, eh." Ani nito sa akin.
Nagkibitbalikat na lang ako. Saka ko sinabi ang address ng bahay ko.
Nang marating namin ang bahay na bato. May mga nakamasid na naman sa paghinto pa lang ng tricycle. Sinulyapan ko ang mga babae sa umpukan. Kung talagang mga tsismosa ang itinutumba, bakit buhay pa ang mga ito?
"Alam ko 'yang iniisip mo. Tsk, pumasok ka na sa loob." Ani ni Cristo."Ito 'yong number ko, tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ako."
"Kahit gabi?" may mahinhinging ngiti sa labi ko.
"Y-eah, kahit gabi." Ani nito na mabilis nag-iwas nang tingin.
Tumango-tango ako.
"Ingat ka, Cristo." Ani ko rito.
"Pumasok ka muna." Binuksan ko ang bag ko at inabutan ito nang 100-peso bill.
"Bayad ko."
"Tsk, anong tingin mo sa akin? Walang pera?"
"Manong, bayad naming dalawa. Pakihatid po s'ya ng ligtas." Magrereklamo pa sana si Cristituto pero tinaggap na ng driver ang bayad.
"Pumasok ka na nga." Tumango na lang ako saka pumasok na sa gate. May ngisi sa labi nang isara iyon.
Saka ko inilabas ang bagay na kinuha ko kanina sa lalaki.
Ako lang yata ang mandurukot na binigyan pa ng pamasahe ang biktima. Napabungisngis ako na tinignan iyon.
Wallet iyon ng lalaki.
Pero unti-unting nagsalubong ang kilay ko. Saka mabilis na pumasok sa bahay at isinara ang pinto.
Bagsak ang panga na tinitigan ang wallet na hawak. Ang daming laman no'n. Aabot yata sa 30k ang cash nito. Walang ID, pero may rosary sa isang compartment ng wallet. Kalalaking tao, pink na hello kitty pa ang design ng wallet.
Yayamanin pa yata 'yong lalaking iyon. Dahil wala naman akong nakita na information patungkol sa lalaki ay kinuha ko na lang ang pera at initsa sa lamesa. Saka ako nagtungo sa likurang bahagi at sinilaban ang pitaka nito.
Pasimple ko na lang ibabalik ang pera nito. Kung magkikita pa kami.
Itinabi ko ang pera saka ako nagtungo sa sala.
Nami-miss ko ang action sa buhay ko. Pero alam ko naman na saglit na lang ay muling iinit at magkakaroon itong muli ng bakbakan.
ILANG ARAW ANG LUMIPAS, palabas ako nang gate. Saka tumawid ng kalsada. Nakarinig ako ng mga hiyawan ngunit tumama na ang gilid ng kotse sa akin. Tumalsik ako at malakas na bumagsak ang katawan sa lapag. Namilip sa sakit at napadaing. Lihim na gumuhit ang ngisi sa aking labi nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ng sasakyan saka Ang yabag nang paglapit ng target.
"Miss? Miss?"
"Ang sakit..." daing ko rito. Waring sinusuri nito ang katawan ko.
"Bubuhatin kita. Dadalhin kita sa hospital." Ani ng baritonong tinig ng lalaki. Mariin akong pumikit bago tumango.
Ilang araw ko ring hinintay ang pagbabalik ng taong ito sa lugar na ito. He's not my target, pero ito ang tiyak kong maglalapit sa akin sa mga target ko.