Callahan’s POV
Napabuntong-hininga ako. Sa wakas, pahinga ko ngayong araw. Grabe, hindi sanay ang katawang lupa ko sa ganoong araw-araw ay may lakad, pero okay lang, kailangan kong sanayin kasi umpisa palang ito, sa araw nang kampanyahan, mas lalo pa akong magiging pagod dahil araw-araw may lakad na talaga lalo.
Ang sarap ng simoy ng hangin, lalo na’t hindi ko kailangang magmadaling mag-ikot sa barangay namin tulad ng mga nakaraang araw. Sa wakas, makakahilata na ulita ko buong maghapon, makakapag-foodtrip at makakainom ng wine.
Matapos ang ilang linggong pagpapakilala at paglalakad-lakad para sa paghahanda sa kampanya ko bilang tatakbong kapitan, deserve ko naman siguro ang isang araw na puro chill lang. Pero sa araw na ito, may isa pa akong pinaplano—hindi ito kasingseryoso ng pagiging kapitan, pero sure akong magiging masaya.
“Perfect,” bulong ko sa sarili habang bumaba ako ng hagdanan. Wala si Mama. Nasa mga amiga niya siguro, nakikipag-usap na naman sa mga bagong luxury bag na parating galing sa Paris.
Pagdating ko sa sala, nakita ko ang kuya ko, si Caloy, nakaupo sa sofa at nagla-laptop. Mukhang seryoso na naman siya sa kung ano mang pinapanood niya, kaya hindi ko na napigilang bumanat.
“Kuya, alam mo ba?” tanong ko habang umupo sa kabilang dulo ng sofa.
Hindi siya tumingin sa akin. “Ano na naman, Callahan? Umagang-umaga, tigilan mo ako!” sagot niya, hindi man lang inangat ang tingin mula sa laptop niya.
Sinadya kong tumawa nang mahina, ganoon ko siya naaasar lalo, e. Tapos, binaba ko rin ang boses ko na parang may tinatago. “Ang sarap palang kahalikan ni Maia.”
Napatingin siya sa akin ka agad nang banggitin ko ‘yun. Nakuha ko agad ang atensyon niya pagdating kay Maia. Halatang-halata siya. “Ano?!”
Sinubukan kong huwag matawa, pero halatang na-enjoy ko ang reaksyon niya. Ito ang gusto ko. “Sabi ko, ang sarap niyang kahalikan,” ulit ko nang mas malinaw ngayon.
“Callahan, tumigil ka nga diyan!” bulyaw niya, pero halatang naiinis na talaga siya. “Huwag mo ngang ginagawang joke si Maia. Alam kong matinong babae iyon, hindi agad-agad magpapaganun sa iyo ‘yun.”
“Crush mo siya, ano? Talaga, crush mo? Pero, kasi, hindi joke ang sinasabi ko,” sabi ko nang sarcastic, habang kunwari’y tinutok ang atensyon sa kuko ko. “Pero seryoso talaga ako. Nag-mall kami nung nakaraan. Naghalikan kami sa likod ng kotse ko. Natameme nga si Maia. Hindi niya inaasahang masarap akong humalik.”
“Hindi ka paniniwalaan ng kahit sinong matinong tao,” sagot niya, pero halata sa boses niya na medyo naiinis na talaga siya.
Nagpatuloy ako sa panunukso ko, sinadya kong gawing mas detalyado ang kuwento. “Kuya, sinubukan ko lang naman siyang I-test. Sa akin kasi, kapag ang isang babae, pumayag magpahalik at tumagal itong ilang minuto, walang duda, gusto niya ako. Nagpasalamat pa nga siya nung ihatid ko siya sa bahay, tapos, walang karekla-reklamo si Maia nung halikan ko siya. So, ibig sabihin, gusto niya, gusto niya rin ako, ganoon ‘yon.”
“Tumigil ka nga, Callahan!” sigaw niya, pero mukhang hindi siya sigurado kung tatawa o magagalit. “Ano ka ba, nanaginip? Huwag kang gumagawa ng kuwento!”
“Nanaginip? Gusto mo bang ipakita ko ang messages niya sa akin?” tanong ko, habang kunwari ay binubuksan ang cellphone ko. “Ito, o. Nag-message pa siya kagabi. Sabi niya.. Thanks for the kiss.”
“Hindi totoo ‘yan,” sabi niya, pero ngayon, halata na masyado ang kaba sa mukha niya. “Callahan, tigilan mo na ‘yang kalokohan mo!”
“Kuya, insecure ka lang kasi ako ‘yung type niya,” sabi ko at kunwari’y naglalakad na papunta sa kusina para kumuha ng tubig.
“Callahan, bumalik ka rito!” sigaw niya. “Ipaliwanag mo ‘yan nang maayos!”
Nagkibit-balikat lang ako, sabay lagok ng tubig mula sa baso. Alam kong hanggang tingin lang siya sa akin, dahil alam niyang may gagawin akong mas nakakainis kapag tinakot niya ako. “Eh ano pa bang gusto mong paliwanag, kuya? Kaya mo bang tanggapin na ang crush mo, ako ang type?”
“Ang kapal ng mukha mo!” Halos mapatayo siya sa sobrang inis. “Hindi ka man lang kinikilabutan sa sinasabi mo?”
“Kuya, huwag kang masyadong defensive,” sabi ko habang tinutukso siyang ginagaya ang porma ng mga braso niya. “Alam kong ikaw ‘yung may crush kay Maia, pero minsan kasi, mas gusto niya ang mas approachable, alam mo ‘yun? Iyong hindi masyadong seryoso. Ako lang naman ‘yun.”
“Ang sabihin mo, nilalandin mo lang talaga. Nilalandi mo siya para makuha. Pero, sure akong hindi mo siya makukuha hanggang dulo, pang-seryosohan si Maia, hindi pang lokohan lang. User ka talaga, e!”
“Hindi, gusto ko na rin magseryoso sa kaniya, iyon ang naging target ko ngayon, kaya galingan mo, huwag kang papahuli kasi sure akong mabilis lang mahuhulog sa akin si Maia.”
Sa inis niya, kumuha siya ng unan at binato sa akin.
Tinamaan ako ang unan, pero tumawa lang ako habang binabato ko ulit ito pabalik sa kanya. “Kuya, relax. Sinabi ko lang naman ‘yung totoo. Saka, huwag ka kasing tatae-tae. Hindi lahat ng babae nakukuha sa seryosohan. Kapag puro ka ganiyan, wala kang makukuhang babae.”
Sa totoo lang, gawa-gawa ko lang ang mga sinasabi ko sa kaniya. Na lahat nang sinasabi ko sa kaniya na pangaral ay puro kalokohan lang. Nang mabaliw naman siya paminsan-minsan. Alam kong matalino si Kuya, pero pagdating kasi sa babae, bobo ‘yan.
“Tumigil ka na, Callahan!” Umiling siya, halatang frustrated. “Kung totoo ‘yang sinasabi mo, bakit hindi ko nakita sa kahit anong vlog niya?”
“On the way na siguro ‘yung vlog namin nung nakaraan, ini-edit pa rin niya, pero siyempre, hindi namin sinama doon ang kissing scene, sa ending iyon, sa walang camera,” sagot ko. “Pero sigurado ka bang kaya mong panoorin kami na sweet, kaya naman naming gawin?”
“Callahan, sa lahat ng araw, ngayon mo talaga napili ‘tong gawin?!” sigaw niya, pero sa huli, natatawa na rin siya kahit pilit niyang itinatago. Pero alam ko na ‘yung tawa niya ay hindi dahil natutuwa siya, kundi dahil nasa dulo na ng level ang inis na nararamdaman niya sa akin.
“Ano ba, kuya,” sabi ko, nakangisi pa rin. “Masaya lang ako. Chill ka lang d’yan. Kaya nga ngayon ko ginawa ‘to, kasi wala si Mama para pagalitan ako.”
“Buwisit ka, wala kang ibang gagawin buong araw kundi asarin ako?” tanong niya habang nakakunot ang noo.
“Wala talaga, kuya. This is my rest day. Kaya ikaw na ang pahinga ko.” Tumawa ulit ako, alam kong nanalo ako sa pang-aasar sa kanya ngayong umaga.
Pero, naisip ko, nung araw na hinalikan ko si Maia, parang na-feel kong trip niya talaga ako. Kasi parang ang iniisip niya sa mini ayuda ko ay parang may mangyayari na sa amin. Go na go kasi siya.
Siguro, kapag napatikim ko na siya sa kama, sure akong mas lalo niyang gagawin ang lahat para manalo ako.
What if, agahan ko ang pa-ayuda sa kaniya?