Callahan’s POV
Tanghali na, at nakaupo kami nina Mama at Kuya Caloy sa mesa, kumakain ng tanghalian. Kadalasan ay hindi ako sumasabay, lalo kapag nandito si Kuya Caloy. Kaya lang, sinigang na baboy ang ulam kaya nagtiis na ako, favorite ko ‘to, e.
Tahimik lang ako, pero nakangiti. Ramdam ko pa rin ang tuwa mula sa mga comments sa vlog namin ni Maia. Sigurado ako, kapag nakita ito ni Mama, matutuwa rin siya. Alam kong idol niya si Maia pagdating sa mga beauty at skincare tips.
Habang nagsasandok ng kanin si Mama, bigla niyang sinabi, “Napanood ko nga ‘yang vlog na ‘yan ni Maia kahapon, Callahan. Diyos ko, hindi ako makapaniwala, anak. Magkasama kayo?”
Agad akong napangiti, alam ko nang ito ang magiging highlight ng araw ko. “Ooo, Ma! Close kami ni Maia. Actually, madalas na nga kaming magkita dahil nga may usapan kami na he-help niya ako sa kampanya.”
Napa-wow si Mama, nakangiti na parang batang nakakita ng paborito niyang artista. “Ang ganda niya talaga, anak. Alam mo, halos araw-araw kong pinapanood ang mga vlog niya para sa mga skincare tips niya. Alam mo naman ako, ‘di ba? Hindi magpapatalo sa skin care.”
Ngumiti ako at parang nahihiya pa kunwari. “Eh ‘di ayan, Ma, kilala mo na rin si Maia. Malapit na tao na siya ngayon sa akin, kaya kung gusto mo ng mga tips sa personal, sabihin mo lang, ipagmi-meet ko po kayo.”
Napahalakhak si Mama. “Ikaw talaga, Callahan, pero ang galing, anak! Hindi ko inasahan na ikaw pa ang makaka-close ni Maia. Sikat na sikat siya, alam mo ba? Parang artista na nga!”
At bago ko pa masabi kay Mama na mas maraming plano pa akong gawin kasama si Maia, biglang nag-comment si Kuya Caloy na nagpapanggap na abala sa pagkuha ng ulam. Alam ko na agad na may kasunod na epal na banat ‘to.
“Well, I hope you know what you’re doing, bro,” sabi ni Kuya habang pinipilas ang isang piraso ng baboy. “Kasi mukha lang yata ang puhunan mo sa vlog na ‘yan.”
Napangiti ako nang pilit, sinusubukan na huwag patulan. Alam kong pilit niyang iniinis ako, pero hindi ako basta-basta magpapadala.
“Kuya naman, masama bang makipag-collab? Maayos naman ang lahat, saka alam mo naman na may ambisyon din ako,” sagot ko, kunwari kalmado lang.
Nagsalubong ang kilay ni Kuya, parang may gustong iparating na patama. “Ambisyon?” Tumawa siya nang mahina, nakatingin sa akin na parang hindi siya kumbinsido. “Bro, akala mo ba mananalo ka sa halalan dahil lang sa video ni Maia? Seriously, as if magiging boto na agad ‘yun.”
Napairap si Mama kay Kuya. “Caloy, huwag mo namang maliitin ang kapatid mo. At ikaw naman, Callahan, proud na proud ako sa’yo kasi, siyempre, sikat na tao si Maia at kasama ka sa vlog niya. Maraming babae ang gusto ‘yun.”
For the first time, kumampi din sa akin si mama. Ang lakas pala ng hatak talaga ni Maia kasi ako ang kinampihan niya, hindi ang magaling kong kapatid. Ang saya ko tuloy lalo.
Tumango-tango ako, tumingin kay Kuya na parang sinasabi na, “Ayan, kita mo na? Proud si Mama.” Pero hindi pa rin siya tumigil.
“Oh yeah, maraming babae? So what, bro? Does that mean may iboboto ka na nila bilang barangay captain?” Tumingin siya sa akin na parang nambabarako. “Ma, let’s be honest, alam nating lahat, hindi naman siya pumasok sa vlog para magpa-cute lang.”
Napakunot ang noo ni Mama. “Anong ibig mong sabihin, Caloy?”
Umismid si Kuya, at sinimulang ipaliwanag na parang siya pa ang mas nakakaintindi. “Kasi, Ma, alam ni Callahan na maraming followers si Maia. Kailangan lang niya ng exposure. Mga tao kasi, kapag masyado ka nilang nakikita sa mga sikat na tao, feeling nila sikat ka rin kahit extra ka lang naman.”
Hindi ko napigilang mapalakas ang tawa. “Extra? Kuya, kung extra lang ako, bakit ang daming nag-comment? Kung nabasa mo lang, lahat halos positibo, sabi pa nga nila, bagay kami.” Para lalo siyang mainis.
Napangiti si Mama at tumango, halatang kinikilig para sa akin. “Naku, aba, baka nga bagay nga kayo, Callahan! Alam mo bang sinasabi rin ng mga kaibigan ko na napakaganda raw ni Maia at maganda kayong tingnan na magkasama?”
Hindi ako nakapagpigil at ngumiti nang mas malawak. “O, ayan, Kuya! Pati si Mama at mga friends niya, fan na namin ni Maia. ‘Di mo pa ba gets kung gaano ka-effective ‘tong collab?”
Kahit halatang asar na si Kuya, hindi niya pinigilan ang banat niya. “Fan? Fan dahil sa pagmumukha mo? Sa tingin mo, Callahan, hangang mukha lang ba ang plano mo?”
Huminga ako nang malalim at ngumiti, hindi nagpapatalo. “At least mukha ko lang, Kuya, ang puhunan ko. Hindi ko na kailangang maghanap ng issue para mapansin. Eh ikaw, ano ba ang ambag mo bukod sa paminsan-minsang pagsira ng trip ko?”
Biglang napangiti si Mama sa gitna ng mga asaran namin. “Hay, kayong dalawa talaga, parang bata! Pero Caloy, bakit ba puro kontra ka kay Callahan? Hindi mo ba nakikita kung gaano siya kasaya ngayon?”
Parang napilitang ngumiti si Kuya kay Mama, pero halata ang bahid ng pang-aasar. “Oo na, Ma. Pero sinasabi ko lang, ang dali namang maging pogi sa social media. Kung ako kaya ang kasama ni Maia, baka mas maraming nanood.”
Nagulat ako sa sinabi niya, at napangisi. “Ikaw? Kuya, ‘wag na tayong maglokohan. Hindi ka yata bagay kay Maia. Mukha mo pa lang, kita na agad na epal ka.”
Bumalik si Mama sa pag-sandok ng sabaw at hindi napigilang tumawa nang mahina. “Caloy, tama na ang pang-aasar sa kapatid mo. Mukhang nakatagpo na ng inspirasyon ang kapatid mo kaya support ka na lang.”
Tinitigan ko si Kuya, at mas lalong tumaas ang ngiti ko. Kitang-kita ko sa mata niya na kahit may pag-aalinlangan siya, alam niya sa loob-loob niya na malaki ang posibilidad na tama ang plano ko. Pero dahil Kuya ko siya, alam kong hindi niya kailanman aaminin ‘yun.
“Plano kong ligawan si Maia kapag tumagal. Well, kung gusto ni Mama si Maia para sa akin, bakit hindi ko subukan, tutal, tama naman siya, napakaganda ni Maia. Sobrang bait pa,” sabi ko pa para mas maasar ang epal kong kuya.
“Anak, gusto ko ‘yan. Sige, kunin mo ang puso ni Maia. Gusto ko siyang maging daughter-in-law,” masayang sabi ni mama kaya napatayo si Kuya Caloy. Kahit hindi pa siya tapos kumain, tumayo at umalis na ito dahil asar-talo siya. Nanguna siyang mang-asar, pero siya pa rin ang natalo.