Nagising si Mia sa tunog ng cellphone niya. Kinapa niya iyon at nakapikit na sinagot. “Mia anak, where are you? Nandito kami ng Papa mo sa labas ng condo mo,” bungad ng Mama niya. Bigla siyang nagmulat ng mata kasabay nang pagdantay ng braso sa tiyan niya. Awtomatikong napatingin siya sa katabi at agad na napakagat ng mariin sa labi. “Sinong kausap—" medyo paos ang boses na tanong ni Ken na nagising din sa tunog ng telepono niya. Tinakpan niya agad ang bibig nito at sinenyasan na tumahimik. “Ano Ma, wala ako diyan sa condo. A…ano kase, may company outing kami. Overnight, sa beach,” nauutal na paliwanag niya. “Gano’n ba? Anong oras ang uwi mo? Sayang naman itong mga pasalubong namin sa’yo ng Papa mo.” “Hindi ko pa sure kung anong oras kami uuwi, Ma. A…Ako na lang po ang uuwi sa bahay.”