SAMANTALA, sa parehong ospital kung saan naroroon si Rhia, limang silid ang layo mula sa silid ni Carol, ay nagmamadaling pumasok si Lexa, pumasok s’ya sa kwarto kung saan naroroon ang kan’yang kaibigang si Rhia. At naabutan n’ya ang babae na tila may hinahanap sa shoulder bag nito.
"Rhia? Hoy!" Pagpapapansin ni Lexa. Dinala kagabi sa ospital na iyon si Rhia matapos masangkot sa isang car accident. Gulat na gulat si Lexa sa balitang natanggap kaya nagmadali n’yang pinuntahan ang kaibigan. Nagkaro'n ito ng minor head injury at ilang mga gasgas sa katawan dulot ng nasabing disgrasya. Mabuti na lamang dahil hindi naman iyon masyadong malala ngunit kinailangan pa rin nitong manatili sa ospital ng ilang araw para obserbahan. Bago lumabas si Lexa para bumili ng pagkain ay natutulog pa si Rhia, ngunit gising na gising na ito't pinilit na ngang makabangon para maghanap ng kung ano-ano sa kan’yang bag.
"Nasa'n na ‘yon? Nasa'n na ba ‘yon? Nandito lang ‘yon, eh!" Magkahalong inis at pag-aalalang saad ni Rhia. At nang hindi makita sa bag ang kan’yang hinahanap ay padabog n’ya itong itinapon, na ikinagulat naman ni Lexa. Marahas na naupo sa kan’yang kama si Rhia at nakaramdam ng pagkirot sa kan’yang ulo. Gayon din ang paghapdi sa bahagi ng kan’yang kamay kung saan nakakabit ang dextrose n’ya.
"Iyan na nga ba ang sinasabi ko." Singhal sa kan’ya ni Lexa. Inilapag ng babae ang biniling pagkain sa mesa at saka nilapitan s’ya. Naupo ito sa kama at inalo ang kaibigan.
"Hey, calm down. Bawal sa ‘yo maglilikot. Baka dumugo ang sugat mo."
"Wala akong pakialam sa mga sugat ko kasi naiinis ako! Lexa, hindi ko makita sa bag ko ‘yung baril ko!" Singhal ni Rhia. Nabigla naman si Lexa.
"What? Anong baril?" Bahagyang nag-isip ang babae.
"Goodness, Rhia, don't tell me ‘yun ‘yong baril na pinakita mo sa 'kin before?" Tanong ni Lexa ngunit inismiran lamang s’ya ni Rhia. Naunawaan naman iyon ng dalaga sabay iling.
"You crazy asshole! Nag-alala ako sa ‘yo tapos mas iniintindi mo pa ‘yong bagay na 'yon! Paano kung may makarinig sa ‘yo rito na may bitbit kang deadly weapon?" Napakagat-labi si Rhia. Naalala n’ya ang mga eksena bago ang aksidenteng kinasangkutan n’ya— ang tungkol sa nasaksihang pagpatay kay John.
Takot na takot s’ya at sa taranta n’yang makalayo kaagad sa pinangyarihan ng krimen ay hindi na s’ya naging maingat sa pagmamaneho. Hindi n’ya napansin ang isang pusang mabilis na tumawid sa direksyong tinatahak n’ya dahilan para ma-distract s’ya at mawalan ng kontrol sa manibela. At bumangga ang minamaneho n’yang kotse sa poste. Ang huli n’yang natatandaan ay may ambulasya na dumating para magdala sa kan’ya sa ospital na kinaroroonan n’ya sa ngayon.
"Hindi mo naiintindihan, Lexa, importante sa ‘kin ang bagay na ‘yun! At nawawala ‘yun ngayon!" Namuo ang luha sa mga mata ni Rhia. Muling nagbalik sa kan’yang gunita ang duguan at wala ng buhay na katawan ni John.
"Baka naman nakalimutan mo sa office mo. Puede mo namang hanapin do'n kapag na-discharge ka na." Sabi ni Lexa. Nakumbinsi naman pansamantala si Rhia pero bakas pa rin sa babae ang pag-aalala.
"Ano ba kasi ang nangyari sa iyo, girl? Bakit ka ba naaksidente at ano ang ginagawa mo do'n sa lugar malapit sa apartment ni John? Don't tell me pinuntahan mo s’ya?" Sunod-sunod na tanong ni Lexa. Napaismid naman si Rhia.
"Siyempre hindi. Napadaan lang ako do'n." Pagsisinungaling n’ya pero 'di naman nakumbinsi si Lexa. Tumayo ito at inintindi ang binili n’yang pagkain.
"Lokohin mo lelang mo, Rhia. I know you very well. Pumunta ka na naman sa lugar na ‘yon at tingnan mo kung ano nangyari sa ‘yo? Naku, ewan ko ba naman sa ‘yo! Ang kulit mo!"
Napabuntong hininga si Rhia at nahiga sa kan’yang kama. Wala s’yang panahon para pakinggan ang sermon sa kan’ya ni Lexa. Lalo pa't wala naman itong kaalam-alam sa mga nangyayari at sa kan’yang nararamdaman.
"Kailan ba ako makakalabas ng ospital?”
"I don't know yet. Sabi ng doctor mo kailangan mo pang obserbahan. Few days will do." Sabi ni Lexa.
"Hindi ako puedeng magtagal sa lugar na ito, Lexa."
"Why?" Mariing kinuyom ni Rhia ang kamao.
"May kailangan pa akong gawin. May kailangan pa akong panagutin."
***
NANG SUMUNOD na araw ay pinilit ni Carol na makalabas na sa ospital. Bagaman tutol ang kan’yang doktor ay nakumbinsi naman n’ya ito na sa bahay na lang s’ya magpapahinga.
Ipinarada ni Jerome ang sasakyan matapos makarating sa kanilang bahay kasama ang asawang si Carol. Naunang lumabas si Jerome saka ipinagbukas n’ya ng pinto ang misis na nasa back seat kasama ang kaibigang si Elise, na inaalalayan naman si Carol. Ngayong araw ay na-discharge na sa ospital si Carol at sa wakas ay nakauwi na s’ya sa kanila.
Malungkot na napangiti si Carol habang pinagmamasdan ang kabuuan ng kanilang tahanan. Kahit paano, kinasabikan n’yang makauwi rito matapos ang lahat nang 'di n’ya inaasahang pangyayari. Pagkapasok sa sala, inalalayan nina Elise at Jerome na makaupo sa sofa si Carol.
"Sigurado ka na bang okay ka na?" Nag-aalalang tanong ni Elise sa kan’ya, na sinagot naman ng babae ng isang ngiti.
"Oo. Wag kang mag-alala. Kaya ko na." Wika ni Carol tapos binalingan n’ya ng tingin ang asawang si Jerome na nakatayo sa gilid n’ya. Hinawakan ni Carol ang kamay ng mister saka pinisil.
"Jerome, puede bang ihatid mo si Elise sa kanila?" Bahagyang ikinabigla ni Jerome ang kan’yang sinabi ngunit sumang-ayon naman ito. Napangiti naman si Carol saka muling tumingin kay Elise at hinawakan ang mga kamay ng kaibigan.
"Thank you for everything, Elise. Alam ko na napagod ka rin sa pagbabantay sa ‘kin kaya magpahinga ka na muna. Salamat ulit ng marami." Sinserong saad ni Carol dahilan para mapaluha naman si Elise. Mahigpit s’ya nitong niyakap.
"Ikaw naman! Kung makapagsalita ka parang namamaalam ka na!" Natawa si Carol dahil sa sinabi ng kaibigan.
"Basta, kapag nalulungkot ka o ano pa man ‘yan eh tawagan mo lang ako. At darating ako, okay?"
Tumango naman si Carol saka kumalas na sa pagkakayakap ng kaibigan. Muli n’yang binalingan si Jerome at magiliw na ngumiti.
"Okay ka lang bang mag-isa rito?" Nag-aalalang tanong ni Jerome.
"Oo naman. Sige na. Magluluto lang ako para makapaghapunan na tayo 'pag balik mo." Aniya. At makalipas ang ilang sandali ay nakatanaw na n’yang pinagmamasdan ang pag-andar papalayo ng sasakyan ng kan’yang mister lulan si Elise.
Iginala ni Carol ang paningin sa kabuuan ng bahay. Sa kusina hanggang sa mga silid sa itaas. Tapos dumako ang paningin n’ya sa nakasaradong pinto ng study room ni Jerome. Napakunot ang kan’yang noo ng tila may imahe ng batang babae na nakatayo sa tapat ng pinto ng naturang kuwarto habang nakatingin sa kan’ya. Umakyat sa ikalawang palapag si Carol saka dahan-dahang naglakad palapit sa batang babae ngunit agad itong pumasok sa nakasaradong pinto. At tila may kung anong puwersa ang nagtulak kay Carol na pasukin din ang naturang silid.
Ngunit gaya ng inaasahan ay nakakandado ito. Hindi ‘yun nakakapagtaka pa perohindi natinag ng katotohanang ‘yun ang nasa ni Carol na mapasok ang study room ng kan’yang mister. Kaya mabilis s’yang nagtungo sa silid nilang mag-asawa upang hanapin ang susi ng study room ni Jerome. Pagkapasok sa loob ay mabilis na hinila ni Carol ang mga drawer na pag-aari ng nobelista at maingat na hinalughog ‘yon. Gayon din ang pinaglalagyan nito ng damit, maging ang briefcase nito. Nagbabakasakali ang babae na baka iniiwan ng mister ang nasabing susi at makikita n’ya ‘yon doon. Kaso wala sa mga gamit na una n’yang tiningnan. Marahas na napabuntong-hininga si Carol at naupo sa kama. Hindi n’ya maintindihan kung bakit n’ya ‘yun ginagawa pero mas nananaig ang kagustuhan n’yang makapasok sa study room ni Jerome.
Muling nakita ni Carol ang imahe ng batang babae sa pinto ng silid na kan’yang kinaroroonan. Iba ang nararamdaman n’ya sa kan’yang puso bagaman hindi n’ya namumukhaan ang naturang bata. Akma n’ya itong lalapitan nang muli itong maglaho sa kan’yang paningin dahilan para matigilan s’ya. Ginapangan ng matinding kilabot sa katawan si Carol saka napasapo sa magkabilang braso matapos magtindihan ang mga balahibo n’ya. Kasabay no'n ay dumako ang paningin n’ya sa likod ng pinto. Pinuntahan n’ya ‘yun at nakita n’ya ang nakasabit na long sleeve ni Jerome.
Mabilis na kinapa ni Carol ang bulsa sa dibdib na bahagi ng damit at nagulat s’ya nang may makapang matigas na bagay do'n. Nang iangat n’ya ‘yun ay gano'n na lamang ang tuwa n’ya dahil susi ‘yun! At malamang ay susi ;yon ng study room ng kan’yang asawa! Kaya wala nang sinayang na sandali si Carol. Pinuntahan n’ya ang nakakandadong kuwarto saka mabilis na sinusian ang doorknob nito. Napakagat-labi si Carol nang pihitin n’ya pakanan ang susi at nang marinig n’ya ang pagkagat nito ay gano’n na lamang ang tuwa at kaba n’ya.
Tuluyan na ngang tinulak ni Carol ang pinto ng kuwarto. Mabilis n’yang kinapa ang switch ng ilaw at nang mabuksan ito'y gano'n na lamang ang pagkamangha ni Carol nang muli ay makita at makapasok s’ya ang study room ni Jerome. Bago tuluyang pumasok ay isinara muna ni Carol ang pinto at umasang matatagalan pa ang mister na makabalik. Pagkatapos ay tumingin-tingin s’ya sa paligid na para bang sinusuri n’ya ang bawat parte at detalye ng mga kagamitan na naroon.
Hindi naman kalakihan ang study room ni Jerome, sapat lamang para sa tatlong malaking bookshelves na punong-puno ng mga libro, personal at mga paborito nito. Sa kaliwang bahagi naman ay makikita ang shelf kung saan naka-display ang mga nobela ng naturang manunulat na nauna nang nailathala. Ang ilan ay mga award winning pa. Mayro'ng study table sa gitna ng silid, malapit sa bintana kung sa'n mayroong telepono, fax machine, kompyuter at printer. Sa kanang bahagi nito ay makikita ang isang glass cabinet na nasa limang talampakan ang taas kung saan naman nakalagay ang mga tropeo nito at ilang sertipiko ng pagkilala.
Napangiti si Carol. Hindi n’ya mapigilang humanga kay Jerome. Napaka-husay nito sa sa larangang pinili nito at napakagaling nitong manunulat.
Naputol lang ang pag-iisip na ‘yon ni Carol nang muling mabuo sa hangin ang imahe ng isang batang babae na kanina pa nagpapakita sa kan’ya at sa pagkakataong iyo’y nakatayo na ito sa tapat ng study table ni Jerome. Napakaganda ng ng batang babae na sa tantya n’ya ay naglalaro sa edad na pito hanggang sampu. Mahaba ang itim na itim nitong buhok at nakikita n’ya sa mga mata nito ang mga mata ng kan’yang asawa.
Tinangka ni Carol na lumapit sa bata, na tila inaantay naman s’ya. Ngunit pagsapit n’ya sa study table ay muling naglaho sa kan’yang paningin ang batang babae tapos napukaw naman ang atensyon ni Carol ng mga papel na nasa printer katabi ng monitor ng kompyuter na nasa mesang ‘yon.
Naisip ni Carol na mga marahil ay manuscript ‘yun ng kasalukuyang kuwento na sinusulat ng kan’yang mister. Kaya para makasigurado ay kumuha s’ya ng ilang pirasong papel para basahin ito. Ngunit hindi pa nagtatagal ay nakaramdam na s’ya ng paninikip ng dibdib at mabilis na nangilid ang mga luha sa kan’yang mga mata. Nakaramdam din nang panghihina ng tuhod si Carol at nabitiwan ang hawak na mga papel. Itinukod n’ya ang mga kamay sa lamesa upang alalayan ang sarili na 'wag mabuwal. Nagkalat naman sa sahig ang mga nahulog na manuscript na nabasa ng luha ni Carol matapos n’yang humagulgol.