Isang yellow dress ang napili ko. Iyon na rin ang pinasuot sa akin ng babae. Pagkatapos ay pumili siya ng ilan pang damit at pinaglalagay ‘yon sa mga paperbag. Dress, tops, at shorts.
May kahabaan ang manggas ng napili ko pero hindi ito abot sa siko. Kulay dilaw at checkered. Hanggang tuhod kaya kampante akong hindi makikita ang ilan pang sugat at mga pasa ko.
Inayos ko ang buhok bago lumabas sa kwartong ‘yon. Hindi ko alam kung bakit parang kinakabahan akong makita si Seatiel samantalang kanina pa naman kami magkasama.
Tumikhim ako nang maabutan siya roon sa couch na pinaglalaruan ang cellphone. Iniikot-ikot niya ‘yon sa kamay at pinapadulas sa pagitan ng mga daliri. Nakatukod ang mga siko niya sa tuhod at malalim ang iniisip.
Napaangat siya ng tingin nang tumikhim ako. Huminto ang mga kamay niya sa paglalaro sa cellphone.
“T-Tara na?” hindi makatingin sa kaniyang sabi ko. Sa mga pinagsasabi ba naman ng babae, hindi ko alam kung paano na ako haharap kay Seatiel!
Wala yata siyang kaalam-alam na ganoon ang tingin sa akin ng mga tao rito. Kahit ang mga kapitbahay nila ay napagkakamalan akong asawa niya.
Lumamlam ang mga mata niya nang tingnan ang kabuuan ko at napahinga nang malalim nang makitang maayos na ang dress. Inangat niyang muli ang tingin sa mukha ko kaya nagtama ang mga mata namin.
Dahil sa pagkakayuko niya sa mga tuhod ay mas nade-define sa itim na t-shirt ang kaniyang mga braso. Bahagyang lumitaw ang manipis na chain necklace niya.
Tumayo siya nang hindi inaalis ang tingin sa akin. Hindi rin ako nagbawi ng mga mata. Nang tuluyan niya akong harapin ay halos manliit ako dahil sa tangkad niya. Bumagsak ang mga mata ko sa kaniyang dibdib at mariing napalunok.
D-Del Fuego...
Bakit ba parang pamilyar sa akin ang apelyidong ‘yon... parang narinig ko na noon o nabasa kung saan.
Dahan-dahang inangat ni Seatiel ang kaniyang kamay. Napatingin ako sa kaniya at nakitang nasa buhok kong nakakalat sa gilid ang kaniyang tingin. Para akong nahilo sa lapit niya sa ‘kin at kahit na hindi ko gusto ay bigla akong ginapangan ng kaba.
Napaawang ang labi ko kaya nalipat doon ang mga mata niya. Naging malumanay ang tingin niya. His jaw clenched and slowly, he pulled himself away from me. Isang hakbang paatras mula sa kaniya ang nakapaglayo sa distansya namin.
Nag-iwas siya ng tingin habang natulala ako sa kaninang kinatatayuan niya. Dumiretso siya sa babae at nagbayad.
Napahinga ako nang malalim at inipit ang sariling buhok sa likod ng tenga. Hindi mapakali ang dibdib at tiyan ko.
Lumabas kami sa shop na may makahulugang ngiti ang babae sa ‘kin. Dala ni Seatiel ang mga paperbag at ayaw niyang ipabuhat sa akin kahit ang alin sa mga ‘yon.
“Paano ang mga pinapabili ni Ate Aly?” tanong ko nang sumakay na kami sa sasakyan niya at hindi na bumalik pa roon sa wet market.
“Nag-utos na ako. Hayaan mo na iyon,” tanging sagot ni Seatiel at gaya kanina ay sa passenger seat ulit ako umupo.
“May kailangan akong puntahan. Baka abutin tayo ng dilim. Ayos lang ba?” tanong niya nang simulan ang makina ng sasakyan.
Tumango ako. Walang problema. Ayaw ko pa naman ding umuwi. Iyon nga lang ay medyo nagugutom na ako dahil hindi pa kami nagtatanghalian at anong oras na.
“Makakabyahe ka ba pabalik kahit madilim?”
Seatiel chuckled bago may kabilisang pinaandar ang sasakyan. “Piringan mo pa ako kung gusto mo...”
Natawa ako sa sinabi niya at napapailing na binalik ang tingin sa labas ng bintana. Kahit yata anong mangyari, may kung ano sa kaniyang kaya akong gawing komportable sa kabila ng kahit ano.
Umaambon na nang marating namin ang sinasabi niyang kailangang puntahan. Isang Thai house style na ang labas ay maraming mga puno at halaman. Makaluma pero napakaganda. Umuulan nga lang kaya hindi ko ‘yon napagtuunan ng pansin dahil nagmamadali kaming sumilong para lang hindi tuluyang mabasa.
Tama nga si Ate Aly na uulan! Mukhang may bagyo pa.
Kanina pa makulimlim ang langit at hindi nga ganoon kainit kahit sumikat naman ang araw. Wala pa naman kaming dalang payong!
Sinalubong kami ng isang matandang lalaki, ang sabi ni Seatiel ay asawa raw ng babaeng nasa clothing shop, si Manang Adelasia, at ang asawa nito, si Mang Nicholas.
“Tuloy kayo,” malaki ang ngiting sabi ng matandang lalaki. Umakyat kami sa hagdan na yari sa kawayan. Pinapauna ako ni Seatiel para makasilong agad. Iyon tuloy at medyo nabasa siya.
“M-Magandang hapon po.”
“Tuloy, hija! Bakit wala kayong payong?”
Pinatuloy niya kami sa loob. Agad kong nilibot ng tingin ang buong paligid ng bahay. Kung gaano kaganda sa labas ay ganoon din kaganda rito sa loob. May nakakabit na mga picture frames at kung ano-anong dekorasyon.
Napangiti ako. Simple lang pero magaan sa pakiramdam. Parang meron kang kontrol sa buong bahay at hindi ka mawawala.
“Siya na ba iyon?” dinig kong tanong ni Mang Nicholas kay Seatiel sabay senyas sa pwesto ko. Nasa mahaba silang upuan sa tapat ng isang lumang TV at nag-uusap. Nasa bandang kusina ako para magpunas ng sarili matapos gumamit ng banyo.
Sumabay na kaming maghapunan dahil pinilit nito lalo pa’t nalaman niyang hindi pa kami nanananghalian. Ang asawa nitong si Manang Adelasia ay mamaya pa raw uuwi dahil nga susunduin pa ni Mang Kolas sa bayan. Hindi ko maiwasang mapangiti.
Sweet...
Hinugasan ko ang mga binti dahil pakiramdam ko ay nakakapit pa rin ang tubig na nabuhos sa ‘kin kanina. Hindi ko naman binasa ang suot na dress.
Pasimple akong nakikinig sa pinag-uusapan nila na ewan ko ba kung sadyang hinihinaan para ‘di ko marinig o sadyang gano’n lang talaga sila mag-usap. Hindi ko tuloy narinig ang sagot ni Seatiel sa tinanong nito.
Ngumiti lang siya kay Mang Nicholas at binalik ang pinag-uusapan nilang tungkol sa rancho at sa palayan. Mukhang may problema silang sinosolusyonan.
Nilibot ko ang tingin sa bahay. Abalang-abala sila sa pag-uusap kaya para pawiin ang boredom at paghihintay ay lumapit na lang ako sa isang cabinet na may mga figurine sa ibabaw at ilang larawan.
Pinakatitigan ko ang isang picture frame sa taas. Isang bahay, malaking-malaking bahay... o mansion yata. Malawak ang lugar kahit sa larawan lang.
Nakumpirma ko ‘yon nang makita ang maliit na sulat sa baba sa bandang kanan, written in cursive.
Hacienda Del Fuego
Napalunok ako. Dito rin kaya ang lugar na ‘yon sa La Esperanza?
“Lauren?”
Napalingon ako sa likod nang marinig ang boses ni Seatiel. Nasa tabi niya na si Mang Nicholas at mukhang kanina niya pa ako tinatawag. Dala niya na rin ang coat.
Pilit akong ngumiti at inisang tingin pa ulit ang malaking larawan.
“Mauuna na ho kami, Mang Kolas. Pasabi na lang kay Manang Asya...” paalam ni Seatiel sabay patong ng coat sa mga balikat ko. “Babalik ako bukas kapag umayos ang panahon.”
“Sigurado ba kayong hindi na kayo rito magpapahinga? Mukhang may bagyo at ang lakas ng ulan.”
Umiling lang si Seatiel. “Iniwan ko ang kabayo sa gitna, Mang Kolas. Hindi pwedeng hayaan... at kailangang makauwi kami bago tuluyang dumilim.”
Tumango-tango na lang si Mang Nicholas at sinabing mag-iingat kami, may ngiti sa mga labi habang nakatingin sa aming dalawa ni Seatiel. Kinuha ko tuloy ang coat sa kamay niya at ako na ang nagpatong niyon sa sarili.
Tumingin lang siya sa ‘kin dahil sa ginawa ko. Hindi ko siya tiningnan.
Bakit ngayon ko lang na-realize na hindi ko kilala ang lalaking ‘to? Pero hindi niya rin naman ako kilala kaya patas lang kami!
“Mauuna na po kami. Salamat po sa pagkain.” Matamis akong ngumiti.
“Walang problema, hija. Bumalik kayo rito sa susunod na araw para makapaghapunan tayo. Magluluto si Asya panigurado,” imbita nito na agad kong ikinangiti. Tumango ako at nagpasalamat, saka lang sumagi sa isip ko... nandito pa kaya ako sa susunod na araw?
Napangiwi ako sa naisip at halos mapatigil sa paglalakad nang may maalala.
Nakalimutan kong tawagan si Louise sa bayan. Nawala sa isip ko ang planong pumuslit sa pay phone para matawagan siya!
Napakagat ako sa labi at parang gusto kong tuktukan ang sarili ko! Paano na ako nito? Paano ko makokontak si Louisiana nang hindi inaabala o dinadamay sina Seatiel?
Paano ako makakaalis dito? Wala akong pera kahit piso. Kausapin ko na lang kaya si Seatiel na babalik na ako sa amin? Pero ayokong bumalik sa Maynila. Kaya lang, saan naman ako pupunta?
Magpatulong na lang kaya ako sa kanila para makarating ako sa Santander?
“May problema ba?” tanong ni Seatiel na mabilis kong inilingan.
Nakakahiya palang humingi ng pera, pero pwede namang utang muna... babayaran ko rin naman agad.
Kahit nasa daan na kami pabalik ay malalim pa rin ang isip ko. Tuluyan nang bumuhos ang ulan at sinabayan pa ng mga pagkulog at kidlat.
Pilit kong tinatapangan ang sarili, kaya lang nang magsimulang bumagsak ang mga butil ng ulan at tumama sa windshield ng kotse ay napatulala ako rito at unti-unti ay bumalik ang mga imaheng gusto kong kalimutan.
Iniwas ko ang mga mata at nilingon ang bintana sa tabi ko, only to find the wildness of trees. Nagsimulang lumakas ang t*bok ng puso ko. Nanlamig ang mga palad ko at parang umikot ang sikmura.
Naririnig ko ang bawat pagbagsak ng ulan, ang tunog ng mga sanga, at malumanay na pagsayaw ng mga dahon ng puno kasabay ng malakas na hangin.
My breathing became heavy. Kahit malamig ay naramdaman ko ang pagbubutil ng mga pawis sa noo at leeg ko.
I hate the sound of the rain. I hate the trees... I hate the night skies and the stars. Saksi sila sa mga nangyari nang gabing ‘yon...
In my mind, there were voices starting to resurface. Ang pangalang Isla, ang tawanan ng mga lalaki, ang sigaw ko para lang pakawalan nila ako, at ang bawat paghiwa ng matatalas na sanga sa paa ko habang tinatakbo ang masukal na gubat.
Kung nakatulog o nahimatay ako sa byahe habang nasa sasakyan ay hindi ko alam. Nagising lamang ako nang ihinto ni Seatiel ang kotse. Mabilis yata ang patakbo niya rito at minaneho niya na ‘yon lagpas sa sementadong daan kaya hindi na namin kinailangang lakarin patungo sa bahay na bato.
“Lauren...” marahang tawag niya at nang magmulat ako ng mga mata ay sinalubong ako ng nag-aalala niyang tingin habang nasa gilid ko.
Basa na siya sa ulan. Gumuhit ang mga butil nito sa kaniyang noo pababa sa sentido.
“Namumutla ka...” malalim ang paghingang sabi niya at inangat ang kamay para alalayan na ako palabas pero bumagsak lang ang mga mata ko roon at hindi gumalaw.
Umuulan pa rin at madilim na ang paligid hindi dahil gabing-gabi na kundi dahil sa makulimlim na panahon. Walang mga bituin. Kahit ang pagguhit ng kidlat sa langit ay malinaw kong nakikita.
Pumatak ang luha ko.
“Kailangan nating pumasok sa loob. Mas lumalakas ang ulan,” mariing sabi niya.
Umiling ako. Hinawakan niya ang kamay ko para alalayan ako palabas ng sasakyan pero nagpumiglas ako.
“A-Ayoko! Ayokong lumabas, Seatiel,” mariing sabi ko habang tuloy-tuloy ang paghikbi.
“Bakit hindi? Kailangan mong lumabas. Sa loob tayo—”
“Ayoko! Dito lang ako!” Halos itulak ko siya sa sobrang frustration at halo-halong nararamdaman.
Hinuli niya ang kamay ko, pilit na pinapakalma. “Come on, Lauren. You have to get out. Magkakasakit ka rito,” marahan ngunit malinaw na sabi niya. Basa na talaga siya sa ulan dahil nasa labas siya sa pintong nasa tabi ko. “Pumasok na tayo sa loob...”
“A-Ayoko...” Halos magmakaawa ako sa kaniyang bitawan niya ako at hayaan.
Sa huli ay siya ang kusang tumigil habang seryosong nakatingin sa akin. Lumayo siya at malalim na huminga. Tuluyan siyang nabasa sa ulan pati ang damit niya. His hair is soaking from the rain. Ganoon kalakas ang buhos ng ulan.
“Do you trust me?” tanong niya at humakbang pa paatras papalayo.
“What are you doing?” tanong ko dahil pakiramdam ko ay aalis siya. I-Iiwan niya ako rito?
“Do you trust me?” ulit niya.
“A-Ano ba? Saan ka pupunta? I-Iiwan mo ako?” hindi makapaniwalang tanong ko. Malapit na siya sa bahay na bato at kailangan pang lakarin ‘yon mula sa kinaroroonan ko.
Natatakot akong suungin ang ulan. Kahit malapit na lang ‘yon ay ayaw ko pa rin. Ayaw kong maramdaman ang mga patak nito.
Halos panginigan ako ng mga tuhod nang maramdamang mag-isa ako sa kinaroroonan ngayon. Sa kotse. Sa isip ay muling bumalik ang mga nangyari nang gabing ‘yon.
“I’m asking you, Lauren.”
“A-Anong klaseng tanong ba ‘yan?” halos paasik na tanong ko. Sinubukan kong bumaba sa sasakyan pero napatakan agad ako ng ulan kaya napasinghap ako at napabalik nang kaunti.
Mula sa hindi kalayuan ay malakas siyang nagsalita. “Kung nagtitiwala ka sa ‘kin, then come to me... close the distance between us...”
Gusto kong magalit sa ginagawa niya ngunit walang espasyo para doon. Mariin akong lumunok at pilit na bumaba ng sasakyan. Inapak ko ang mga paa sa basang damuhan.
Tuluyan akong nakababa. Sinara ko ang pinto ng sasakyan at nilingon siya. Halos hindi ko matanaw ang paligid dahil sa lakas ng ulan!
Mabilis kong naramdaman ang marahas na mga patak nito kaya halos mapasinghap ako kasabay ng kakaibang panlalamig. Hinawi ko ang buhok na ngayon ay basa na at maging ang suot. Nanlalabo ang mga mata ko sa magkahalong hilo at mga butil ng ulan na binabasa ako.
“S-Seatiel!” I called. Bakit kailangan niya pang gawin ito?!
Panay ang lunok ko habang tinatawid ang distansya namin. Halos matumba-tumba ako sa lupa dahil sa panlalamig at sa takot. Walang nakasunod sa akin. Sigurado ako roon, but my mind... my mind is tricking me!
Nang malapit na ako sa kaniya ay parehas kaming basang-basa na.
Kumidlat dahilan para mapapitlag akong bahagya. Nakailang kulog pero sa bawat dagundong nito at habang na kay Seatiel ang mga mata ko, hindi man lang siya gumalaw para lumapit sa ‘kin o tulungan ako. Mariin ang pagkakakuyom ng mga palad niyang tila nagpipigil na hawakan ako.
Under the rain, Seatiel’s dark eyes met mine...
“You will not be able to overcome your fears if you keep running away from them,” may diin niyang sabi at kahit na malakas ang ulan ay nagawa kong marinig.
Hindi ko alam na sa sandaling ‘yon din ay ipagpapasalamat kong umuulan dahil hindi niya nakikita kung paanong sunod-sunod na tumutulo ang mainit na mga luha sa pisngi ko.
Nang nasa tapat niya na ako ay nagbaba siya ng tingin sa ‘kin. Malumanay ang mga mata niya, maingat, nananantiya.
“See?” halos pabulong na sabi niya sa paos na boses, bumibigat ang paghinga. “Walang mangyayari sa ‘yo. Walang makakapanakit sa ‘yo. Do you understand me?”
Nanginginig at umiiyak ko siyang tiningala. “Paano ko gagawin iyon? Hindi ko makalimutan ang nangyari! H-Hindi ko m-makalimutan... naaalala ko lahat! Sa tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko, naaalala ko!”
Hindi madaling makalimot. As simple as it seems, mahirap kapag naroon ka sa sitwasyon at nanginginig sa takot, sa pag-iisip na mamamatay ka, na sasaktan ka’t gagawin nilang lahat ang anumang gustuhin nila sa ‘yo! Na... na maglalaho kang bigla nang mag-isa, ni hindi mo sigurado kung may makakaalam sa sasapitin mo.
I didn’t even think I’d be here breathing... dahil sinong mag-iisip na magagawa kong makalabas sa pesteng gubat na iyon?
“G-Gusto kong kalimutan ang gabing ‘yon, Seatiel... pero hindi ko magawa... Sa tuwing naririnig ko ang ulan, naaalala ko lahat! I wasn’t r*ped, yes! But they... t-they touched me! They... t-they...” Sunod-sunod akong napailing kasabay ng pag-agos lalo ng mga luha.
Mahina siyang nagmura at bahagyang tumingala. Mariin niyang sinara ang mga palad na tila sobra-sobra ang pagpipigil. He bit his lip so hard. Halos dumugo ‘yon. Nababasa ko ang galit sa mga mata niya, ang sakit... at ang lungkot kasabay ng ulan na patuloy kaming binabasa.
“Tell me, Lauren... how can I ease the pain?” mahina at halos pabulong niyang tanong. Puno ng frustration ang mga matang tinitingnan ako. “Ano ang magagawa ko?”
Umiling ako. Nanghihina ang mga binti ko at parang gusto na nitong bumagsak anumang oras.
“I don’t know... I don’t know, Seatiel...”
Marahas siyang nagpakawala ng buntonghininga at nanatili ang mga mata sa ‘kin, hindi alintana ang pagkakabasa sa ulan. He swallowed hard na nakita ko ang bawat pagtaas-baba ng kaniyang lalamunan. Pabalik-balik ang tingin niya sa mga mata ko at sa mga labi. Humakbang siya palapit sa ‘kin. He was towering over me until I almost couldn’t feel the raindrops because he’s shielding me from the sky...
Napatitig ako sa kaniya. Sumunod ang mga mata ko sa pagdaan ng butil ng ulan mula sa kaniyang basang buhok patungo sa kaniyang pisngi... at pababa sa kaniyang leeg.
“Forget about that night, Lauren. Allow me to give you a different memory of the rain, of this place... so you would never think of those bastards again.”
“B-But you’re just a stranger,” naguguluhang saad ko.
“Then, allow this stranger...”
Napakurap ako. Gusto kong hanapin ang pagtutol sa sistema ko sa mga sinabi ni Seatiel pero kung bakit bumaba ang tingin ko sa mga labi niya ay hindi ko alam.
Naiibabawan na ng boses ni Seatiel ang tunog ng buhos ng ulan sa sobrang lapit namin sa isa’t isa. Ilang pulgada na lamang ang layo ng labi niya mula sa mga labi kong basa sa mga patak ng ulan. Nanatili ang kaniyang tingin, hinihintay ang sagot ko.
Hindi ako gumalaw. Hinayaan ko siya. Naging marahan ang kaniyang tingin dahil doon, at unti-unting hinapit ang bewang ko padikit sa kaniyang katawan. Inisang tingin niya pa muna ang mga mata ko bago ko tuluyang naramdaman ang malambot niyang mga labi sa labi ko.
Gumapang ang kakaibang init sa katawan ko nang magsimulang gumalaw ang mga labi niya. He kissed me expertly... in a way I have never been kissed.
Mahigpit kong naikapit ang kamay sa kaniyang dibdib kasabay ng mas paghapit ni Seatiel sa likod ko na mukhang naramdaman ang pagbigay ng mga tuhod ko sa panghihina...