Nilakad namin ang daan mula sa bahay na bato. Iniwan namin doon ang kabayo na pinangalanan ko sa isip. I named the stallion Cruise.
Mabilis lang naming narating ang sementadong daan kung saan sa gilid ng isang puno ay naroon ang sasakyan ni Seatiel.
Napaawang ang labi ko nang makita ang Jeep Wrangler. Just like what I thought of him. Malalaki ang apat na gulong nito. Maputik ang mga ‘yon pero halatang bago pa ang sasakyan.
“Wow!” Hindi ko mapigilang mamangha at haplusin ang harapan ng sasakyan. “Bago lang ba ito? Makintab pa...”
Maliit na ngumiti si Seatiel at saka binuksan ang pinto ng sasakyan. Tinukod niya ang siko rito habang pinapanood akong namamangha sa kotse.
Paano siya nakabili nito? Siguro nga sobrang laki ng kita sa farm. May iba pa siguro silang ranch.
“Sakay na. Baka maabutan tayo ng ulan.” Tiningala niya ang langit kaya malinaw kong nasulyapan ang adam’s apple niya. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano ko natatagalang kasama si Seatiel. His presence is too intimidating.
“O-Okay...”
Sumunod ako at akmang sasakay sa backseat nang magsalita siya.
“Bakit diyan? Ayaw mo sa tabi ko?” kunot-noong tanong niya na parang nakaka-offend ako.
“W-What?” alanganing tanong ko sabay tingin sa passenger seat. Binalik ko ang mga mata kay Seatiel na hinihintay ang sagot ko. Binalewala ko na lang iyon at sumunod sa sinabi niya.
Nilipat ko ang kamay na nakahawak sa pinto ng backseat patungong passenger seat. Doon ako naupo. Medyo natawa siya sa reaksyon ko. Tinapik niya ang ibabaw ng kotse bago naupo sa driver’s seat.
Tahimik lang ako sa kinauupuan habang pinapaandar niya ang sasakyan. Lumingon ako sa labas. Diretso at isang linya ang sementadong kalsada. Tahimik lang ito at walang masiyadong dumaraang sasakyan. Sa magkabilang gilid ay ang malawak na field ang matatanaw, berdeng damuhan, at mga puno.
“Lauren... your seatbelt,” banggit niyang nasa tiyan ko ang tingin. Lumingon ako at tahimik na sinuot ang seatbelt. Medyo napadaing pa ako nang may matamaan itong sugat sa bandang dibdib ko. I bit my lip so hard to supress the moan. “Ayos ka lang?” tanong agad ni Seatiel.
Tumango ako sabay sandal nang mariin sa upuan. Pati ang dibdib ko ay hindi nakatakas sa sugat. Siguro dahil ‘yon sa paulit-ulit kong pagkakadapa at sa paggapang sa putikan at batuhan para lang makawala sa pagkakagapos ng lalaking ‘yon na pilit akong sinasadlak sa putikan.
Panay ang sulyap ni Seatiel sa byahe patungong bayan. Kahit kaunting galaw ko, tumitingin siya.
Siguro ay sobrang lala ng sitwasyon ko noong nakita niya ako nang gabing ‘yon kaya ganito siya mag-alala. Kahit sino naman siguro. Kahit ako. Kung may makilala man ako na kaparehas ng naranasang kamalasan, ganitong pagmamalasakit din ang gagawin ko.
Narating namin agad ang bayan. Sa wet market kami dumiretso para sa pinapabiling manok ni Ate Aly. Inisang tingin lang ni Seatiel ang nasa papel at saka tinapon sa basurahang nasa gilid. Nagulat pa ako sa ginawa niya.
“Hindi mo ba ‘yon makakalimutan?” alalang tanong ko.
He just smirked, bago nagtuloy sa pagpili sa mga meat. “Limang kilo, Miss,” sabi niya sa babaeng tindera.
Kitang-kita ko kung paano ngumiti ang babaeng siguro ay kasing-edad niya lang. Iniwas ko ang mga mata at pinasadahan ng tingin ang mga paninda sa paligid, may iba’t ibang isda, mga karne, at seafoods.
Sa isang banda ay may nakabaldeng mga sira na yatang isda o lamang-loob nito. Napalayo agad ako sa mga mata. Parang umikot ang sikmura ko. This is my first time going to a wet market. Ni hindi ko kailangang pumunta sa kusina para gumawa ng pagkain. Hindi iyon pinapagawa sa akin ng mga magulang ko.
Siguro dahil hindi lang ako sanay. First time ko pa lang naman dito. Masasanay rin ako.
Hindi ako nagsalita at nagmamasid lang sa paligid. Pinanood ko kung paano alisan ng kaliskis ang isda at kung paano hati-hatiin ang manok at ilagay sa kilohan. Buong sandali yata ay tinitiis ko ang amoy ng basang palengke.
Habang kinikilo ng babaeng tindera ang manok ay nagbuhos ng tubig ang nasa tabi nitong nagtitinda. Ganoon na lang ang gulat ko nang mabasa ako sa ginawa nitong pagbuhos. Hindi ko alam kung ang counter ba ang binubuhusan niya o ako!
Nabasa ang laylayan ng dress na suot ko at mabilis na kumalat ang amoy ng isda.
Napasinghap ako sabay tingin sa ngayon ay basa nang damit. Maraming napatingin sa gawi namin kaya nakaramdam ako ng labis na hiya!
“Ang arte!” sambit ng aleng nagbuhos ng tubig.
Parang nag-init ang mukha at leeg ko sa sinabi nito habang nakatingin sa akin. Pati ibang mga nagtitinda at bumibili ay napatingin.
“Dahan-dahan naman, Miss,” dinig kong sabi ni Seatiel habang may iritasyong nakatingin sa babae. Agad niya akong nilapitan. “Binasa n’yo ang kasama ko,” tila nagtitimping dagdag niya.
“A-Ayos lang. Hayaan mo na...” sabi ko at tumingin sa ale. “Sorry po. Nakaharang—”
“Pakiayos ho ang pagbuhos sa susunod. Isda lang ang bubuhusan n’yo, hindi kasama ang bumibili,” malamig na aniya at saka hinila na ako paalis do’n.
Napapahiyang tumahimik ang babaeng pinagsabihan ng tinderang katapat nito. “Ay, naku! Malas ka yata ngayon, mare! Natapat ka kay Seatiel! Mananalangin ako para sa kaluluwa mo!”
Hindi ko na narinig ang iba dahil hinatak na ako ni Seatiel paalis. Ni hindi niya na yata nakuha ang dapat na bibilhin namin!
“Sandali nga, Seatiel!” tawag ko pero ayaw niyang bitawan ang kamay ko. “P-Paano ‘yong bibilhin natin? Saglit at babalikan ko! Kailangan ‘yon ni Ate Aly!”
“Forget about it, Lauren. Ako na ang bahala,” iritang sabi niya habang tuloy sa paglalakad. Pati ang iba ay napapatingin dahil hawak niya ang kamay ko at dinadala ako paalis!
“S-Sandali! Bitawan mo nga ang kamay ko!” asik ko. Hindi niya talaga sinunod ang sinasabi ko kaya naiwan ako sa huling choice of words para lang bitawan niya na ang kamay ko! Para akong napapaso sa palad niyang hawak ako. Hindi ko matagalan! “N-Nasasaktan ako, Seatiel...”
Tumigil siya. Sa wakas ay nilingon niya rin ako at ang kamay niyang nakahawak sa pulsuhan ko. Lumamlam ang mga mata niya at binitawan ako.
Saktong nakalabas kami sa wet market. Nasa tabi na kami ng daan kung saan medyo tuyo na at puro prutas o mga kagamitang nakahilera ang tinda.
“Sorry,” malalim ang paghingang sambit niya.
“Bakit mo ginawa ‘yon? It’s not a big deal. Sana ay nag-sorry na lang ako, eh, ‘di sana ay hindi natin maiiwan ang binili natin!”
Nakaramdam na ako ng inis. Bakit niya pa kasi pinalaki? Hindi na nga ako nagreklamo dahil baka hindi naman sinasadya ng babae.
“Sinadya ka niyang buhusan,” salubong ang kilay na saad niya. Tiningnan niya ang bestida kong basa mula hita hanggang laylayan. May mga kaliskis pa yatang kumapit sa suot ko!
“H-Hayaan mo na. Damit lang naman iyan.” Hindi ko mapigilang mainis. Siguro dahil napahiya ako at sa kaniya ko binubunton! “Nasabihan akong maarte at pinatunayan mo lang...”
“What do you want me to do, then? Hayaan kang maligo ng pinaghugasan ng isda para lang mapatunayan sa kanilang hindi ka maarte?” Salubong na salubong ang mga kilay niya. Ngayon ko lang yata nakita si Seatiel na ganito, and it’s all because of that freaking dirty water!
Humalukipkip ako at iniwas ang mga mata. Malalim siyang huminga at saka may kinuha mula sa kaniyang bulsa. Naglabas siya ng cellphone.
Halos mapanganga ako nang makitang latest model ‘yon ng isang sikat at mamahaling brand ng cellphone.
Oh... now I gotta ask kung fake rin ba ‘yon gaya ng fake Balenciaga t-shirt na suot niya ngayon!
“Kailangan ko na ngayon. Yes, now. Ngayon mismo, Casper,” sabi niya habang may kausap sa cellphone. Binanggit niya ang mga pinapabili ni Ate Aly na hindi ko alam kung paano niya natandaan.
At sino ang kausap niya? Sino si Casper?
“Let’s go,” aniya at muling hinawakan ang braso ko. Ngayon ay sinigurado niyang ‘yong walang sugat ang hawak niya at hindi niya naman ‘yon dinidiinan para wala akong marason na nasasaktan ako.
“Saan tayo pupunta? Paano ang mga bibilhin?” paulit-ulit kong tanong na hindi niya sinasagot. Hanggang makarating kami sa isang kalye kung saan mas tahimik ay hindi niya man lang ako sinagot.
Tinulak niya ang isang salaming pinto ng isang tindahan. Nang ilibot ko ang paningin ay nasa isang clothing shop na kami! A-Anong...
“O, Seatiel!” salubong ng isang matandang babae. Tipid na ngiti lang ang sinagot ni Seatiel. Nahalata ng babae na wala ito sa mood kaya naman tumahimik ito agad at ngumiti. Sa akin siya tumingin kaya mabilis akong ngumiti sa kaniya nang matamis.
“H-Hello po! Magandang tanghali...” bati ko. Siguro may mga sandali talagang sumasama ang ugali ni Seatiel lalo na ngayong wala siya sa mood.
“Pakibigyan ho ng bagong damit. At saka limang extra,” sabi niya at naupo sa couch. Masama ang tingin niya sa damit kong basa. Manipis kasi ang dress kaya hapit na sa hita ko. Bawat hakbang ko nga ay umiipit at dumidikit!
“Walang problema! Ako ang bahala!” sabi ng ale sabay hila sa akin papasok sa isang kwarto. Napatingin pa ako kay Seatiel na iniwas ang tingin sa katawan ko.
Anong problema ng lalaking ‘yon?!
“Pumili ka ng mga magugustuhan mo, hija,” sabi ng ale sabay presenta sa mga damit.
“Kahit isa na lang po.”
“Ang sabi ni Seatiel ay pumili ka raw ng mga pamalit. Marami naman ito, hija, marami kang pagpipilian!”
May ganito pala sa bayan ng Esperanza. Magaganda ang mga damit. Hindi ukay-ukay dahil halos katulad sa mga clothing shop na pinupuntahan ko sa Manila. Mas simple lang siyempre at may kaliitan ang shop.
“Pag-aari n’yo po ito?” tanong ko sa may edad na babae. Tumawa naman ito habang sinusukatan ako gamit ang isang tape.
Para saan kaya iyon? Hindi naman ako magpapagawa ng damit...
“Naku, kung pagmamay-ari ko talaga ito, eh, ‘di sana ay mayaman na ako at hindi kita sinusukatan ngayon, hija! Taga-bantay at pangalaga lang ako nitong clothing shop,” sagot niya at pinataas ang mga kamay ko nang kaunti para masukat ang bewang ko.
“Ang ganda ng balakang mo, hija... marami kang magiging anak!” sabi nito na halos ikaubo ko.
“Bagay na bagay kayo ni Seatiel... Maganda ka! Mukha ring anak-mayaman ka kaya siguro iritado si Seatiel ngayon dahil narumihan ka...” kwento nito na halos ikatulala ko.
Pinaangat niya naman ngayon ang sa bandang dibdib ko para sukatan. Napatango-tango ito.
“Sana nga ikaw na ang makakapagpatuloy sa lahing Del Fuego,” dagdag pa nito at nangiti. “Galingan mo, hija, ha? Bigyan mo ng maraming Del Fuego ang La Esperanza...”
Halos masamid ako sa sariling laway. Pulang-pula ang mukha ko at ganoon na lang ang kakaibang pakiramdam na naglalaro sa tiyan ko sa mga sinabi ng babae.
S-Sinong Del Fuego at anong ipagpatuloy ang lahi?!