Muli kong dinayal ang numero ng mga security guard, sa wakas ay may sumagot.
"Yes, hello?" Baritonong tanong mula sa kabilang linya.
"Ah- Sir, m-may.. may tao kasi dito sa bahay ni Lola Calixta-"
"Ah, Yes ma'am Lorryn, si Sir Chad po 'yan. Nako ma'am, pasensiya na at hindi ko kayo nasabihan. Wala kasing sumasagot sa telepono niyo."
Nangunot ang noo ko pagkarinig sa sinabi ng lalaki.
"C-chad?" Kasabay noon ay ang pagtaas ko ng tingin sa lalaking kaharap ko pa rin ngayon. Kunot na kunot ang noo nito at mukhang badtrip na rin.
"Yes?" Tila galit na tugon niya.
Nagbaba ako ulit ng tingin.
"Apo po siya ni Lola Calixta, galing pa po yan ng US. Hindi niyo ba alam, ma'am?" Tanong din ng kausap ko sa cellphone.
"Ah- eh.. s-sige po. Pasensiya na." Nahihiyang hingi ko ng paumanhin at ibinaba na rin ang tawag.
"So, pwede ko na bang lapitan ang lola ko?"
Nakayuko pa rin akong umalis sa kinatatayuan ko at marahang nagbigay ng espasyo para makadaan ang lalaki. Pumwesto na lang ako sa gilid ni Lola Calixta at tahimik na nagmasid.
"Lola!" Kaagad na niyakap ng lalaki si Lola at hinalikan sa noo. Kita ko naman sa ningning ng mga mata ng alaga ko kung gaano ito kasaya. Kabisado ko na si Lola, at alam kong masayang-masaya ito habang pinagmamasdan ang lalaki.
Maya-maya pa ay tiningnan ako ulit ng lalaki.
"So, ikaw ba ang caregiver ng lola ko?"
Pwede na ring matawag na ganoon pero mas mataas ang pinag-aralan ko.
"I'm a.. I'm a private nurse." Pagtatama ko sa kanya.
"May pinagkaiba ba yun?" Nakataas ang kilay na tanong niya.
Lalaki ba talaga 'to? Bakit ganoon kung maka-react? Si Migz pa lang ang nakakaharap kong tinataasan ako ng kilay.
"Yes," simpleng tugon ko. "I studied 4 years and passed my board exam, also, I am now a registered-"
"Can you leave us alone for a moment?" Biglang singit niya sa paliwanag ko na parang hindi man lang nakinig.
"Ah- of course.." patay-malisyang tugon ko na lang rin saka lumayo ng kaunti sa kanila.
Bakit ko nga ba ipinaliwanag yung sarili ko sa lalaking 'to? Sobrang mahangin, nakakainis!
"You can leave my grandma to me, you know? She's safe with me. Just go further. Somewhere you can't hear us."
Lihim kong pinigil ang inis na bumabangon sa dibdib ko. Ano bang sasabihin niya kay Lola at parang hindi ko pwedeng marinig? Ano bang akala niya sa'kin, tsismosa?
Marahas akong bumaling sa kanya at sinimangutan siya.
"No, I can't leave her with you, Mr. She's under my care and it's my obligation to protect her. Isa pa, wala ka namang pruweba na ikaw ang binabanggit dun sa gate. Paano kung nagpapanggap ka lang pala, ha? Tapos dudukutin mo lang si Lola Calixta para pagkaperahan."
Nakita ko kung paano magtangis ang bagang niya bago mabibigat ang hakbang na tinungo ang gawi ko. Maya-maya pa ay may dinukot ito sa bulsa niya at iniabot sa'kin. Wallet?
"Nandiyan lahat ng id's ko at mga credit cards. Patunayan mong mali yang mga sinasabi mo at pwede ba, gusto kong masolo kahit sandali yung lola ko. Now, go!" Mahina man subalit mariing pahayag niya.
Maang kong pinagmasdan ang makapal na wallet sa kamay ko. Ayoko mang buksan ay naroon ang kagustuhan kong mapatunayan ang pagkatao ng lalaki. Kaya tumalikod ako at binuksan iyon.
Naroon nga ang mga id's nito.
Chad Montero ang full name nito sa mga id's at credit cards. Habang sa lagayan ng picture ay nakalagay ang picture ni Lola Calixta kasama ang batang lalaki. Bagama't batang-bata ang hitsura nito doon, hindi mitatangging si Chad nga iyon. Si lola ay malaki ang mga ngiti habang nakayakap sa lalaki mula sa likuran nito. Mukhang sa studio pa kinuhaan ang larawan.
Napangiti ako. Mukhang close na close silang dalawa. Kahit papa'no ay nakampante ako. Muli ay nilingon ko sila, itinutulak na ni Chad ang wheelchair ni Lola paikot sa garden. Napagpasyahan kong bumalik na muna sa loob ng bahay, matatanaw ko rin naman sila doon.
Pagpasok ko ay inabutan ko ang hardinero at maintenance na nagbubuhat ng mga bagahe, siguro ay mga gamit iyon ni Chad. Inakyat nila iyon sa taas at nagulat ako ng sa katabing kuwarto lang ng kwarto ko nila iyon ipinasok.
Ang alam ko ay maraming kuwarto sa ibaba, bakit naman kaya nais pa ng lalaking iyon dito rin sa taas manatili?
Hindi lingid sa akin na hati sa banyo ang magkadikit na kuwarto. Babae ako at lalaki siya, ang swerte niya naman kung magkataon? Hah! Hindi ako papayag.
Hindi bale, ako na lang ang mag-a-adjust, sa ibaba na lang ako gagamit ng CR. Mabuti na lang pala at pumasok din ako dito sa loob. Aalisin ko na ang mga gamit ko na nakalagay sa banyo upang wala ng rason para doon ako magbawas o maligo. Hindi rin naman ako pwedeng lumayo sa kuwarto ni Lola kasi may oras ang pag-inom niya ng mga maintenance, saka regular ko rin siyang tsine-check sa gabi kaya magtitiis na lang ako magbaba-akyat tuwing tatawagin ng kalikasan.
Ng matapos sa dapat gawin ay sumilip ako mula sa bintana ng kuwarto ko, wala na sila Lola sa Garden kaya nagmadali na akong bumaba. Inabutan ko si lola mag-isa sa sala kung saan naiinitan ito. Medyo masakit na sa balat ang sikat ng araw kaya dali-dali ko siyang inilipat sa malilim na parte. May butil-butil ring pawis sa noo nito at ilalim ng patilya. Mukhang kanina pa ito naiinitan! Pinunasan ko siya pati na rin ang likod niya.
"Lola, kanina ka pa ba iniwan ni Chad dito? Pawis na pawis po kayo, oh. Buti di kayo napa'no, medyo delikado kayong iwan dito sa sala. Baka gumulong ang wheelchair niyo ng kusa at madisgrasya pa kayo." Naiiling na kausap ko sa kanya.
Marahan niya namang tinapik ang kamay ko. Nangiti na lang ako at muling inayos ang buhok niya.
Kaagad na hinanap ng mga mata ko si Chad, nasa kusina ito ay tila may kinakausap sa cellphone. Nag-init ang ulo ko. Akala mo kung sinong makapagsabi na safe sa kanya si Lola Calixta samantalang hinayaan naman sa arawan at iniiwan lang kung saan-saan.
Kahit gustong-gusto ng utak kong kumprontahin ang lalaki ay nagpigil ako. Si Lola na lang muna ang aasikasuhin ko, pagpapahingahin ko siya upang mapaliguan na sa bathtub. Mamaya na lang kami magtutuos ng lalaking mayabang na iyon..