"SAMARA, hindi mo kailangang gawin ito," umiiyak si ni Nanay Marilou.
Humingi siya ng isang araw kay Sir Nathanil para pag-isipan ang alok nito. Pero alam niya na sa isang oras lang ay may sagot na siya kaya dumiretso siya sa bahay ng mga Rambaoa at ibinalita na nakahanap siya ng paraan para sa rehabilitasyon ng nobyo. Wala siyang itinago sa mag-asawa at hindi maiwasang magulat ang mga ito.
"Iha, salamat sa concern mo pero hindi mo kelangang isakripisyo ang sarili mo alang-alang sa anak ko," malungkot na sabi ni Tatay Isko. "Makakabawi rin kami sa pagsubok na 'to."
"Kahit papaano Sam ay nakalikom kami para sa agarang operasyon ni kuya." Tinapik ni Jennifer ang kaniyang mga balikat. "Alam ba 'to ng pamilya mo?"
Umiling siya. "Nangako po ako na sa hirap at ginhawa ay magsasama kami ni Lance," nabibiyak niyang sagot. "Gagawin ko ho ang lahat para sa anak niyo po."
"Sam, paano kung malalaman ito ni kuya?" mahinang tanong ni Jenny. "Sa tingin mo ba na magiging masaya siya kung ang kapalit ng lahat ay ang babaeng mahal niya?"
Sumikip ang dibdib ni Samara nang mapagtanto ang bigat ng kaniyang naging desisyon. Kung tutuusin naman ay bata pa siya at walang responsibilidad kay Lance dahil nobyo niya lang ito.
Pero si Lance lang ang mundo niya at i-aalay niya ang sarili upang hindi gumuho ang daigdig niya.
Lumunok siya. "Ang tanging hiling ko lang po ay huwag niyong sabihin ang totoo kahit kay Nanay at lalo na kay Lance."
"Pero iha..." ani Nanay Marilou.
Masakit sa damdamin niya ang naging desisyong ito. Sino ba namang babae ang iiwan ang mahal at sasama sa iba kung walang kapalit na sakripisyo?
Sa bawat bigkas niya sa mga kataga ay siya ring bilang ng pagpatak ng kaniyang mga luha. "Mas mabuti pang magalit siya sa akin kesa magalit siya sa sarili niya. Mabuti pang kamuhian niya ako para may rason siyang mabuhay kaysa manlumo siya."
Tahimik ang apat sa silid at tinimbang ang mga binitiwang salita ni Samara. Mahirap talaga kung gipit sa pera kasi gagamitin ang kahinang ito ng iba. Kung hindi sila nagkulang sa salapi ay malamang hindi nila ito mararanasan. Alam nilang mali ang magpagamit si Samara pero ito rin ang tanging solusyon para makapag rehabilitasyon si Lance.
Bigla siyang niyakap ni Jennifer, "Sam, salamat ha. Kami na ang bahala kung paano naming ibabalita kay kuya."
"Mahal na mahal ko po si Lance," mahina niyang sagot.
"Alam namin iha," malungkot na sabi ni Tatay Isko, "at sana hindi naging ganito ang mga pangyayari."
Nag-usap sila kung paano ilalahad kay Lance ang mga pangyayari. Pagkuway umalis si Samara na mabigat ang damdamin at lumuluhang umuwi.
Napansin agad ni Nanay Nimfa na namumula ang mga mata niya. "Oh anak anong nangyari sayo? May nangyari ba kay Lance?"
"Wala ho nay," timpi niya.
Nilapitan siya ng ina, "Anak, sabihin mo sa akin ang totoo."
"Hiniwalayan ko po si Lance nay," iyak niya, "kasi napag-isipan ko na sa kalagayan niya ngayon ay baka hindi kami magkatuluyan."
Gusto sana niyang sabihin ang totoo sa ina pero baka magalit ito. Kahit na kursunada nito si Sir Nathanil ay hinding-hindi pa rin papayag ang kaniyang Nanay na ibibigay niya ang sarili sa lalaki dahil sa pera. Mas mabuti pang magsinungaling nalang siya.
"Huwag mong dibdibin masyado ang naging desiyon mo anak," sabi nito. "Alam kong masakit 'to para sa'yo pero sa panahon ngayon ay kailangan nating maging praktikal. Dapat pairalin minsan ang utak kesa puso."
"Kaya ho tinanggap ko po ang offer ni Sir Nathanil," mahina niyang sabi.
Nagulat ang ina, "Offer? Ano ang offer niya sayo?"
Nagsinungaling na naman siya, "Siya magpapaaral sa akin. Scholar niya po ako..."
Napangiti ang ina at hinaplos ang buhok niya, "Mabuti 'yan anak. Diba pangarap mong makapagtapos?"
Hindi maiwasang humagulgol na naman si Samara. Inaalo siya ng ina dahil ang akala nito ay
At napaiyak siya ng todo. Akala ng ina ay umiiyak siya dahil sa nagkahiwalay sila ni Lance. Pero hindi nito alam na umiiyak siya kasi ibibenta niya ang sarili kay Nathanil Alegria para mabuhay si Lance, ang tunay niyang mahal.
Nanginginig ang mga paa ni Samara nang pumasok siya sa opisina ni Nathanil Alegria kinabukasan. Napatingin siya sa mga travel pictures nito sa bubong at napaisip, 'Na sa'yo na ang lahat. Bakit kailangang gawin mo sa'min ni Lance 'to?'
Muntik na siyang mapasigaw nang bumukas ang pinto at pumasok ang lalaking babago ng takbo ng buhay niya.
"Oh Ara, kanina ka pa ba?" patay malisyang tanong nito. Umupo ito sa swivel chair at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Umupo ka muna."
Tumikhim si Sam, "Ah Sir tatayo lang po ako. Mabilis din naman 'tong sasabihin ko."
"Ano 'yon?" Maaliwalas ang mukha ng lalaking may balbas habang tinitigan siya nito na para bang hindi ito nagbigay ng indecent proposal kahapon.
Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa. "Sir Nathanil, payag na ho ako sa offer niyo po."
"Ha?" Napatayo si Sir Nathanil. "Sigurado ka?"
Kinabahan si Samara kasi baka naman biro lang ang lahat ng mga sinabi nito. Papaano si Lance? Ganito ba talaga ang may mga pera at pwede nilang paglaruin ang damdamin ng mas mababa ang antas sa buhay?
"Seryoso ka sa offer mo kahapon diba?" tanong niya.
Napalunok si Sir Nathanil at napahawak sa leeg nito, "Oo...oo..."
May sumibol na poot sa dibdib ni Samara habang tiningnang napakamot si ang lalaki sa ulo nito at tila iniisip ang tanong niya. "Pero may mga kondisyon po ako," aniya.
"Ano?" seryosong napatanong si Nathanil sa kaniya.
Lumapit siya at inilapag ang mga kamay sa working table nito. Tiningnan niya ito sa mga mata. ""Una, huwag mo akong ayain ng kasal."
Napataas ang mga kilay ni Nathanil pero hindi ito nagsalita. Tutal nandito rin naman siya ay hindi na siya magtitipid sa demands niya.
"Ikalawa, huwag mo akong gawing babae mo dito sa lugar namin. Dalhin mo ako sa ibang lugar. Ikatlo, mangako kang ipapagamot mo si Lance hanggang sa bumalik siya sa normal at bigyan mo ng pangkabuhayan ang pamilya niya. Ikaapat, huwag mong sasabihin kay Nanay Nimfa ang mga ito dahil ang alam niya scholar mo ako."
"May iba pa ba?" tanong nito.
Bumuntong hininga siya. "Ikalima, huwag kang umasang mamahalin kita."
"Done!" mabilis pa sa alas kuwatro ang sagot ni Sir Nathanil.
Muntik nang matumba si Samara sa naging reaksyon ng lalaki. Nanginig ang mga kalamnan niya na mapagtanto kung gaano kadali para sa mga may pera ang magdesisyon sa mga maseselang issue tulad nito.
"Wa-wala ka bang ko-kondisyon Sir Na-Nathanil?" nauutal niyang tanong.
"Nate nalang ang itawag mo sa akin," sagot nito.
"N-Nate..." sinubukan niyang bigkasin ang pangalan nito.
"Ara," mahinang sabi nito, "ang hiling ko lang sa'yo ay huwag mo akong i-reject."
Nalito siya sa ibig sabihin ng binata pero hindi ito nag explain at hindi rin niya tinanong. Buo ang loob na tumayo siya at inabot ang kanang kamay. "Handshake promise," sabi niya.
Kinuha ng lalaki ang kamay niya pero hindi siya handa nang hilahin nito ang kamay niya. Napasinghap siya sa bigla nang halikan nito ang noo niya. "I'll take care of you at promise na hindi ka magsisisi."
Pero sa puso ni Samara ay nagsisisi siya kasi alam niyang magbabago ang takbo ng buhay niya nang magdesisyon siyang ipagpalit ang tunay na pag-ibig sa pera.
****
Soooooooooooooo, ano na ang mangyayari kay Samara ng pumayag siya sa gusto ni Nathanil? Hmmm...
Kung ikaw si Samara?, anong gagawin mo? Papayag ka rin ba sa alok ni Sir Nathanil? Hmmm...
Huwag mahiya mag-comment sa mga sagot.