PAGKATAPOS ng pagtatagpo ng magkasintahan sa bahay-kubo ay dalawang linggo ring hindi nagkita si Samara at Lance dahil bumalik ang lalaki sa Iligan City para mag-asikaso sa thesis. Naiinip man si Samara sa kahihintay sa presensya ng nobyo ay pinagpasensyahan niya lang ang mga pangyayari kasi alam niyang para naman 'to sa kinabukasan ng lalaki.
Pumupunta pa rin siya sa Alegria Beach Resort pero hindi na masyadong nagtagpo ang landas nila ng may-ari. Ang balita ay umuwi raw ito ng Bukidnon kaya magaan ang pakiramdam ni Samara nitong mga nakaraang araw.
"Joseph, ikaw na ang bahala rito." Inutusan niya ang kapatid na magbantay sa stante sa palengke buong hapon. Dahil weekdays ay hind masyadong maraming customers sa paninda niyang mga gulay. "Huwag mong pauutangin si Manong Domeng kasi hindi pa nagbabayad sa kinuhang isang sakong kamatis kahapon. Kausapin mo rin si Manang Thelma na sa kaniya tayo kukuha ng sibuyas bukas sa bagsakan."
Hindi umimik ang kausap kaya ipinatong niya ang mga listahan sa librong binabasa nito. "Inilagay ko riyan kung sino-sino ang dapat mong i-contact ngayong hapon para sa order natin. Andiyan din 'yong mga nagpapa-deliver sa mga sari-saring gulay."
Tumingala ang kapatid mula sa pagbabasa ng libro. "Ate saan ka pupunta?"
Ngumisi siya habang sinusuklay ang mahabang buhok. "Nag text si Lance at magkikita kami ngayong hapon. May sorpresa raw siya."
"Gabi ka na naman uuwi ano?" walang emosyong tanong nito. "Alam ba ni Nanay?"
Ginulo niya ang buhok ng kapatid at bumulong, "Sabihin mo kay Nanay na nangongolekta ako ng utang sa karatig bayan." Kumuha siya ng limang daan mula sa pitaka niya at inabot sa kapatid. "Baon mo."
"This is bribery you know." Kinuha ni Joseph ang five hundred at inipit sa librong binabasa.
"Tatanungin ko rin si Lance kung may nabili ba siyang libro tungkol sa engineering para mapag-aralan mo in advance." Tiningnan ni Samara ang sarili sa maliit na salamin na nakasabit sa pinto ng estante. Inayos niya ang asul na bestida kahit hindi ito nakikita sa repleksyon. "Dalawang taon na lang at entrance exam mo na. Sa Iligan ka rin mag-aaral kung gusto mong kumuha ng engineering."
Tumango ang kapatid. "Salamat Ate ha."
Pinisil niya ang pisngi ng kapatid. "Makakaraos din tayo Seph. Konting tiis lang."
Nagpaalam siya rito at excited na tinungo ang bahay-kubo. Nakita niya sa internet noong nakaraang araw kung paano ang pag-set up ng romantic dinner kaya ginawa niya rin ito. Matapos maayos ang lahat ng preparasyon ay napaupo siya sa labas dala ang gitara. Si Lance din ang nagturo sa kaniya kung paano tumugtog ng instrumento at isa sa mga nakakapagbigay kilig sa kaniya ang kinakantahan ng nobyo.
Kinalabit niya ang kwerdas at inawit ang Time in a Bottle by Jim Croce. Ito ang kinanta ni Lance noong nanliligaw pa ito sa kaniya. At hindi nagtagal ay naging favorite love song nila ito. Napangiti si Samara nang maalala niya ang mga cheesy at awkward moments nila ni Lance noong high school. Ang puso niya ay tila lumalawak sa excitement sa inisip para sa kinabukasan nilang dalawa.
"Nasaan na kaya si Lance?" tanong niya nang isauli ang gitara sa lalagyan pagkatapos ng isang oras na pagtugtog. Tiningnan niya ang cellphone at napakagat-labi kasi walang text message na dumating.
"Baka na traffic siguro." Pilit niyang aluin ang sarili para hindi mabahala. Pero pagkatapos ng apat na oras na paghihintay ay hindi na mapakali si Samara at nagdesisyon na pupuntahan na lang si Lance sa bahay nito. Paglabas niya sa bahay-kubo ay nag ring ang phone niya at napakunot-noo nang makita ang nakababatang kapatid ni Lance na si Jennifer ang tumatawag sa kaniya.
"Oh, Jen napatawag ka? Nandiyan ba si Lance?" tanong niya sa dating kaklase sa High school.
"Sam." Umiiyak ang nasa kabilang linya. "Si Kuya Lance na disgraysa...."
"Ano?" Muntik ng mahulog ang cellphone na hawak niya.
"Nahagip ng truck." Humagulgol na ang kausap.
Nanginginig si Samara habang tinanong kung saan dinala si Lance. Agad-agad siyang pumunta sa provincial hospital at nakitang nandon ang buong pamilya nito. Niyakap siya ng mahigpit ng ina ng lalaki.
"Sam, salamat at nakapunta ka rito." Lumuluhang bati ng ina ng nobyo.
"Kamusta ho si Lance?" nanginginig ang boses na tanong niya.
Kumalas asi Nanay Marilou mula sa pagkayakap sa kaniya. " Nabali ang tadyang at isang paa at ang dalawang kamay niya at susuriin pa kung may damage sa ulo. Pero sabi ng doctor ay kailangang operahan si Lance."
"Nay, kaya natin 'to...." Kinuha niya ang mga kamay ng babae at pinisil.
"Saan kami kukuha ng pampa opera nito?" bulong ni Tatay Isko. Lumingon ito sa asawa. "Isangla na siguro natin ang lupain..."
"Maghahanap tayo ng ibang paraan Tay huwag lang ang lupa." Umiling na umiiyak na sagot ni ni Nanay Marilou, "'Yan lang ang maipapamana natin sa mga anak natin."
Hindi umimik si Samara habang nakikinig sa pag-uusap ng mga Rumbaoa tungkol sa pinansyal na aspeto. Bilang isang nobya ay nasasaktan siya kasi wala man lang siyang maitulong sa mga ito. Ang hirap talaga kung walang extrang pera para makatulong sa iba.
Umuwi si Samara sa bahay nila na may malalim ang pag-iisip. Alam niyang may paraan para matulunga niya si Lance. Pero ano ang makakaya niyang gawin para sa nobyo?
***
"NAY, bakit hindi ho si Joseph ang utusan niyong maghatid ng paninda sa resort?" halos maktol na sabi niya sa ina habang naghuhugas siya ng pinggan pagkatapos ng almusal. "Pupunta po ako sa hospital at babantayan si Lance."
"Bakit ikaw ang magbabantay doon?" tanong ng ina. Inilagay nito ang mga nalutong bibingka sa dalawang basket. "May dalawang kapatid naman si Lance diba?"
"Eh ano kasi..."
"Pwede ba Samara? Hindi kita ipinagbabawalan na makita si Lance sa hospital," anito, "pero may responsibilidad ka rin dito sa pamamahay natin."
"Nay, ako na lang po ang maghahatid ng paninda sa resort," biglang sumabat si Joseph. "Wala naman po akong gagawin ngayong araw."
"Hindi ba may Math review ka ngayon?" tanong ng ina.
Umiling ang kapatid. "Bukas pa po."
Bumuntong-hininga si Nanay Nimfa. "O siya ganito na lang, ikaw Joseph ang magbabantay sa stante ng kapatid mo sa palengke. Ikaw Samara ang maghahatid ng bibingka sa resort para makabisita ka kay Lance. Pupunta ako ng dapit-bayan para ihatid din 'tong mga paninda at kolektahin ang hindi pa nakapagbayad."
Napangiti si Samara sa desisyon ng ina. Kahit na strikta ito at parang mukhang pera ang dating ay patas naman ito lalo na kung tungkol sa kanilang dalawa ni Joseph ang pag-uusapan.
'Wala naman siguro si Sir Nathanil sa resort ngayon,' isip niya habang bitbit ang dalawang basket ng bibingka at lumakad patungong resort.
Pero laking gulat ni Samara nang makita ang nakingiting Nathanil Alegria ang bumungad sa may entrance ng resort. Nakikipagkuwentuhan ito sa mga tauhang nagpipinta sa gate. Aatras sana siya pero pinilit niya ang sarili na huwag matakot.
"Good morning po Sir," mahinang batin niya. Lumingon siya sa mga kausap nito at tumango. "Magandang umaga Manong Nelson at Kuya Lando."
"Magandang umaga Sam," nakangiting bati ni Kuya Lando. "Nabisita mo na ba si Lance?"
Umiling ang dalaga. "Pupunta po ako doon pagkatapos mahatid ang mga ito."
"Puntahan mo si Jelly kasi nag ambag-ambag kami rito para sa operasyon ni Lance," pahayag naman ni Manong Nelson. "Ikaw na lang ang magbigay kina Marilou at Isko baka hindi kami makabisita ngayong araw kasi."
Pinipigilan ni Samara ang umiyak dahil sa kabaitan ng mga taga Sandayong. Halos magkakilala rin ang lahat ng mga pamilya sa lugar at nagtutulungan din kung kinakailangan.
"Naku salamat po sa tulong niyo po," tanging sambit ni Samara.
"Ara ilagay mo ang mga paninda sa reception area," nakangiti pa ring mungkahi ni Sir Nathanil. "Dumiretso ka na rin sa office para ibigay ko sa'yo ang bayad."
Tumango lang ang dalaga at dali-daling umalis sa presensya nito. Nakipag-kuwentuhan muna siya kay Jelly sa reception area at tinanggap ang isang sobreng laman ang pera para kay Lance.
"Pasensya ka na talaga Sam kung 'yan lang ang maitutulong namin," balita ni Jelly.
Ngumiti si Samara. "Okay lang 'to. Salamat talaga."
"Si Sir Nathanil ang nakaisip niyan noong marinig niya ang kuwentuhan ng ibang trabahente rito," bulong ng babae.
Kung nagulat man si Samara ay hindi siya nagpahalata. Hindi niya akalaing may ganitong side si Sir Nathanil.
"Oh Ara, hindi ka pa pumasok sa office?" Biglang bumungad si Sir Nathanil sa harapan nilang dalawa.
"Ah sir hinintay ko na lang po kayo," halos mauutal na niyang sabi.
"Halika," nakangiti pa ring alok nito at iginiya siya sa loob ng opisina.
Umupo siya habang pinanood ang lalaking kumuha ng cash mula sa drawer nito. Tipid na ngiti ang isinukli niya rito nang matanggap ang bayad.
"Sir Natahanil, sa-salamat po sa tulong niyo kay Lance," nahihiyang pahayag niya.
Nakita niyang parang kumaway ang lalaki. "Wala 'yon."
"Sir aalis na po ako," mahinang bigkas niya.
"Ara?"
"Po?"
"Nabalitaan kong naghahanap ng mauutangan ang pamilya ni Lance para sa rehabilitation niya," balita nito.
Napakagat-labi si Samara.
"Gusto mo bang tulungan ko ang pamilya ng nobyo mo, Ara?"
Napatingin siya sa lalaki at biglang kinabahan. "Ho?"
"Gusto mo bang ako ang magbabayad sa operasyon pati na rin ang gastos sa full recovery niya?" seryosong tanong nito.
Gustong tumulo ng luha ni Samara pero pinipigilan niya. "Ano ho ang kondisyon?"
Tinignan siya ng lalaki mula ulo hanggang paa. "'Yon pa rin ang kondisyon ko."