Kabanata 12

2599 Words
"BUKAS na ang dating ng mga panibagong semilya ng bangus. Mangilan-ngilan na ang naiwan kaya kailangan na ulit magpalaki ng panibago." Nag-uusap sina Tito Monching, Kuya Ram at ang matagal nang katiwala sa mga palaisdaan na si Manong Berting nang dumaan ako sa kanilang umpukan. Tatlo pang lalake na taga-roon din sa amin ang kasama nila dahil katatapos lang nilang maggayad sa isang pitak ng mga isda. Mag-aalas nueve pa lang iyon ng umaga, pero marami na silang natapos na gawain sa fish pond. Nadaanan ko ang tingin sa akin ni Kuya Ram, pero hindi ako tumigil sa paglakad at bagkus ay dumiretso na sa kusina ng kubo. Halos isang linggo na ang lumipas mula nang magkaayos kami ni Kuya Ram. Araw-araw na kaming magkasama mula noon. Nitong nakaraang dalawang araw naman ay maraming ginagawa sa palaisdaan gaya ng pag-ayos ng mga natibag at nabutas na pilapil. Isang malaking pitak din ang pinaigahan ng tubig para malagyan ng pataba bilang paghahanda sa panibagong batch ng mga semilya ng isda. Siyempre ay ang mga karaniwan nang trabaho doon sa fish pond, pero kahit busy si Kuya Ram ay nagkikita pa rin kami at nag-uusap kung hindi man sa palaisdaan ay sa bahay ni Tito Monching. Mukha ngang desidido siyang matutunan ang lahat ng trabaho sa palaisdaan kaya napapaisip tuloy ako kung mamamalagi na ba siya sa Talisay Norte. Siguro ay sobrang saya kapag gano'n. Pero kapag naiisip ko namang baka bumalik na rin siya sa Maynila ay hindi ko maiwasang malungkot. Paano kaya kami kapag bumalik na siya sa dati niyang buhay? Paano kami kapag naroon na ulit siya sa nanay niya? "Chay." Paglingon ko ay isang halik ang sumalubong sa aking bibig. Hindi ko napigilan ang pagdagundong ng dibdib sabay tingin sa paligid. "Relax, kiss lang 'yon!" natatawang sabi niya. Napasimangot ako nang bahagya. Ganito madalas si Kuya Ram kahit may ibang tao. Para bang hindi siya natatakot na may makahuli sa amin. Samantalang lagi akong kinakabahan na baka isang beses ay masaktuhang may sumulyap at makitang hinahalikan niya ako o kaya ay niyayakap gaya ng madalas niyang ginagawa. Siguradong isang malagim na balita ang agad kakalat sa aming barangay. Lalo na at kilalang tao rin si Kuya Ram dahil kilala sa buong Talisay Norte si Tito Monching. "Nandiyan nga kasi si Tito Monching kaya nag-aalala ako. Anong sasabihin mo sa tatay mo kung makita ka?" Nginitian lang ako ni Kuya Ram. "Saan nga pala ang punta mo? Narinig ko kanina na nang magpaalam ka kay Papa." Napabuntung-hininga ako sa tanong niya. "Bibisitahin ko ang mga kapatid ko. Tumawag kasi ako kay Tita Josie kahapon, ang sabi niya nilalagnat daw si Waldo." Tumango-tango si Kuya Ram. "Mabait ba ang pangalawang asawa ng tatay mo sa'yo?" "Oo. Wala akong problema sa stepmother ko." Bigla akong may naisip itanong. "Eh... ikaw ba? Okay ba ang relasyon mo sa asawa ng nanay mo?" Nagkibit siya ng balikat. "Okay lang. Gusto mo bang ihatid na kita sa pupuntahan mo?" pag-iiba agad ni Kuya Ram sa usapan pagkatapos ng maiksi niyang sagot sa tanong ko. "H'wag na. Marami ka nang trabaho para abalahin ko pa. Saka may sasabayan naman ako na taga-roon sa atin. Sa pag-uwi lang ako magko-commute." "Sigurado kang ayaw mong ihatid kita?" "Hindi sa ayaw. Hindi lang kasi kailangan. Sandali lang din naman ako dahil ayaw ni Tito Monching na aabutin ako ng gabi sa daan." Wala na kaming pinagtalunan tungkol doon ni Kuya Ram. Sa totoo lang, ayaw kong ihatid niya ako dahil nag-aalala ako. Malamang kasi na hindi lang hatid kundi hihintayin na rin niya ako na umuwi. At malamang na maobliga akong isama siya sa bahay mismo. Kilala na ni Itay si Kuya Ram dahil nagkita na sila sa kasal ni Kuya Rick. Nahihiya lang ako na baka pati si Kuya Ram ay kukulitin ni Itay. Ugali kasi ni Itay na magpaparinig sa tao kapag may gustong hingin at nahihiya akong baka kahit si Kuya Ram ay hindi makatakas sa kaniya. Alam na alam pa naman ng buong barangay na isang mayamang pamilya din ang nanay ni Kuya Ram dahil dating taga-Talisay Norte. Alas onse ng umaga ay sakay na ako ng jeep paluwas ng Ibaan Sur. Mabilis lang ang biyahe kapag weekend dahil walang pasok ang mga estudyante at guro, mga taga-munisipyo at ilang nag-oopisina. Kaya naman wala pang isang oras ay nakarating na ako sa amin. Ang inaasahan kong madatnan ay ang maysakit na kapatid ko. Pero nasa labas ang dalawa nina Iking at Waldo, nakatayo at tila may hinihintay mula sa loob ng bahay. "Iking! Waldo!" tawag ko sabay lapit. "Tama na!" sigaw na narinig ko naman nang makalapit na sa dalawa. Hindi ko pa man natatanong ang mga kapatid ko kung bakit sila naroon ay sumigaw na ulit ang boses na alam kong kay Tita Josie. "Tama na, Siso, nasasaktan na'ko!" Halata ang takot sa iyak nito. Doon ako kinabahan nang husto. Dali-dali akong pumasok, nilampasan ang mga kapatid ko at dumiretso sa loob ng bahay. Naabutan ko pa ang paglipad ng palad ni Itay sa mukha ni Tita Josie bago napasadlak ang huli sa mahabang upuang kawayan. Ikinagulat ko nang husto ang nasaksihan kaya napasigaw na ako. "Itay, tigilan nyo 'yan!" At saka ko dali-daling tinakbo ang aking madrasta. Tinulungan ko siyang makabangon dahil halos mahulog na ang katawan niya sa upuan. Bakas sa pisngi niya ang sampal ni Itay. Basa ng luha ang mukha niya at nanginginig ang katawan na marahil ay sa takot. Galit na tumingin ako kay Itay. "Ano bang ginagawa n'yo?! Kailan pa kayo nanakit ng babae at asawa n'yo pa!?" "E, siraulo 'yang isang 'yan! Kinupitan ba naman ako ng pera? Magnanakaw, eh!" "Magnanakaw?! O sadyang kailangan lang gumawa ng paraan para makakain sila ng mga kapatid ko?! At dahilan na ba 'yon para saktan mo si Tita Josie?!" "Hoy, Chayong, tumahimik ka! Wala kang karapatang sigaw-sigawan ako!" "Sobra ka na kasi, Itay!" Hindi na ako nagpaawat. Minsan lang sa buhay ko ako magkakaroon ng lakas ng loob na sabihin ang mga reklamo ko sa kaniya kaya tinuloy-tuloy ko na. "Sobra na ang ginagawa n'yo kay Tita Josie! Hindi na tama! Buti nga nagtitiyaga pa siya sa inyo kahit hindi mo siya inaabutan ng sweldo mo! At siguradong iyon ang problema kaya nagawa ni Tita Josie na mangupit! Dahil pati sina Iking at Waldo, natitiis mong hindi bigyan! Para kang hindi padre de pamilya! Tinalikuran at pinabayaan mo na'ko noong namatay si Inay, ngayon ang mga kapatid ko naman? Anong klase kang ama kung ganiyan ka?! Maging masama na akong anak sa paningin ng ibang tao, pero nagsisisi talaga akong ikaw ang naging tatay ko!" "At bakit, anong akala mo?! Na gusto kong maging tatay sa'yo?! Inampon ka lang ng Inay mo kaya napilitan akong ibigay ang apelyido ko sa'yo!" Natulos ako nang may ilang segundo bago nagawang magbukas ng bibig. "A-ano, 'Tay? N-nag... nagbibiro ba kayo?" "Hindi ako nakikipagbiruan, Chayong! Totoong hindi ka namin anak ng Inay mo! Anak ka ng kaibigan niya na nabuntis ng kung sino-sinong lalake at hindi pinanagutan kaya nang mamatay sa panganganak sa'yo ay ang Inay mo na ang umaruga at tumayong nanay mo. Hindi kita anak. Hindi kita kaano-ano kaya wala kang karapatang magreklamo kung pinabayaan man kita!" At pagkasabi ni Itay noon ay pagalit siyang lumabas ng bahay at maya-maya pa ay umalingawngaw na ang ugong ng kaniyang motorsiklo. Para akong lumulutang nang pauwi na ako sa Talisay Norte. Halos hindi ko na naintindi ang mga kapatid ko at si Tita Josie pagkatapos kong marinig ang mga sinabi ni Itay. Ang naaalala ko lang ay nang tanungin ako ni Iking kung bakit umiiyak ang nanay nito. Wala akong naisagot sa mga kapatid ko. Ang tangi ko lang nagawa bago umalis ay payapain si Tita Josie at ibigay ang perang pampagamot ni Waldo. Nagulantang ako sa malakas na busina ng sasakyan sa aking likuran. Nataranta ako at inakalang mababangga kaya agad napatakbo sa tabihan. Saka ko lang nakita na nasa gitna na pala ako ng kalsada. Naalala kong kababa ko lang ng jeep at nagpasyang lakarin na lang ang hanggang sa aming barangay kaysa sumakay pa ulit ng tricycle. At dahil siguro naiisip ko pa rin ang mga sinabi ni Itay, hindi ko namalayan na naglalakad na pala ako sa gitna ng kalye at kung hindi dahil sa bumusina sa akin ay hindi ko pa malalaman. Itinuloy ko na lang ang aking paglakad. Medyo malayo nga pala kapag lalakarin ang hanggang sa amin. "Chay!" Parang wala pa rin ako sa aking sarili nang lingunin ang tumawag. Nakita ko si Jayson na kumakaway at patakbong lumalapit sa kinaroroonan ko. Nasa likuran niya ang sasakyan na iniwan marahil para puntahan ako. "Chay, binubusinahan kita, hindi mo ba'ko nakita?" "H-ha?" "Pauwi ka na sa inyo? Sumakay ka na." "H-ha? H-hindi na." "Chay, naman! Pwede bang iwan kitang naglalakad kung may sasakyan naman ako? Okay na pati ang kotse ko, bago na ang mga gulong lahat. Don't worry, hindi ka mapapahiya." Hindi na ako tumanggi. Parang wala rin kasi akong lakas para makipagtalo man lang. Dinidibdib ko pa rin ang mga sinabi ni Itay. Kung totoo 'yon, parang ang hirap yatang tanggapin at isipin. Bata pa ako nang mamatay si Inay, pero hindi nawawaglit sa alaala ko kung gaano siya kabuting nanay sa akin. Mahirap maniwala na hindi niya ako totoong anak. At kung sa kaibigan niya akong anak, sinong kaibigan naman iyon? "Chay, okay ka lang ba?" Napaawang ang bibig ko sa gulat. Kung hindi pa pumitik si Jayson sa harapan ko ay hindi ako mababalik sa kasalukuyan. Halatang hindi ko nga narinig ang kaniyang sinabi. "May problema ba?" tanong niya imbes na ulitin ang sinasabi kanina. Hindi ko talaga siya narinig. "W-wala naman. Ano nga ulit 'yong sinasabi mo?" tanong ko. "Ah, 'yon ba? Kasi Chay, ang totoo, umuwi ako para dalawin ka. Yayayain din sana kitang lumabas, pero wala ka nga raw. Kaya pinasyalan ko na lang muna ang isa naming kamag-anak sa kabilang bayan. Sakto naman na nakita kita nang pabalik na'ko. Okay lang ba, Chay, na lumabas tayo ngayon kahit sandali lang?" "N-naku...eh, kailangan ko pang magpaalam kay Tito." "Diyan lang naman tayo sa malapit para hindi ka maatrasado ng uwi." Pinag-isipan ko ang paanyaya ni Jayson. Mamaya pa nga ang inaasahan ni Tito Monching na uwi ko at napaaga lang ngayon dahil sasandali lang ako kanina sa bahay. Pero hindi iyon ang dahilan kaya ako nagpaunlak sa imbitasyon ni Jayson. Pinag-iisipan ko kasi kung itatanong ko kay Tito Monching ang tungkol sa sinabi ni Itay. Kung hindi ako anak ni Inay, siguro naman ay alam iyon ng tiyuhin ko. At kung totoo nga iyon., baka kilala rin ni Tito Monching kung sino ang kaibigan ni Inay na nagsilang daw sa akin. "Galing ka pala ulit sa inyo? Kumusta naman ang tatay at mga kapatid mo?" tanong ni Jayson habang kumakain kami. Nasa isang kainan kami na nagse-serve ng pares at mami. Malapit lang iyon sa amin dahil boundary lang ng aming barangay at ng kabila. Kaya nga halos taga-roon lang din at mga kakilala ko ang mga nagsisikaing customers. "O-okay naman. Nagkasakit kasi si Waldo kaya ako napadalaw." "Ah, gano'n ba? Kumusta na siya? Magaling na ba?" "Medyo okay naman, pero dadalhin pa rin siya ng nanay niya sa doktor." "Mabait ka talagang ate, Chay. Maswerte ang mga kapatid mo sa'yo." Nalungkot ako bigla sa tinuran ni Jayson. Paano nga kung ampon ako ng Inay? Ibig sabihin, hindi ko talaga tatay si Itay kaya hindi ko rin kapatid sina Iking at Waldo? Hindi ko sila kaano-ano. Hindi rin ako isang dela Paz kaya hindi ko totoong tiyuhin si Tito Monching. At hindi ko pinsan ang mga anak- Sumikdo ang dibdib ko. Hindi ko pinsan si Kuya Ram? "Nice!" anang boses na kilalang-kilala ko. Napatingala ako bigla at agad natagpuan ang mga mata ni Kuya Ram. Mataman niya akong tiningnan bago pinaglipat-lipat ang tingin sa amin ng aking kasama. Tumayo si Jayson. "'Tol, kumusta?" Nag-umang ng fist bump si Jayson, pero tila hindi iyon nakita ni Kuya Ram. "Magkasama pala kayo ng... ni Chay?" "Oo, 'Tol." Napakamot ng ulo si Jayson at tila nahihiyang ngumiti. "Pasensiya na kung hindi ko naipagpaalam sa inyo ni Tito. Ibabalik ko rin naman agad si Chay." Umismid si Kuya Ram. Nakita ko nang itukod niya ang mga palad na ang isa ay sa sandalan ng inuupan ko at ang kabila ay sa ibabaw ng mesa bago siya yumuko at inilapit ang mukha sa akin. "Sana sinabi mong mas gusto mo ang mami kaysa ramen." Napalunok ako habang sinasalubong ang tingin ni Kuya Ram. Nanunuot ang titig niya at siguradong iba ang iniisip niya sa nakita. "K-Kuya Ram, nadaanan-" "Hindi ko na aabalahin ang pagkain n'yo," sambit niya na hindi man lang ako pinatapos bagkus ay lumayo. "Aalis na'ko bago pa'ko makaistorbo. Enjoy!" At pagkasabi noon ay tumalikod na siya at saka dire-diretsong naglakad palabas ng mamihan. Si Jayson ang nagpaliwanag kay Tito Monching kung bakit kami magkasama. Sinabi nito ang totoo na nadaanan niya akong naglalakad pauwi at niyaya na rin niya akong kumain sandali. Hindi naman ikinagalit ni Tito ang ginawa ni Jayson at bagkus ay nagpasalamat ito sa paghatid sa akin sa bahay. Pagkaalis ni Jayson ay nagkulong ako sa kwarto para i-text si Kuya Ram. Ipinaliwanag ko sa kaniya kung bakit kami magkasama ni Jayson. Nang lumipas ang ilang minuto at hindi siya nag-reply ay tumawag naman ako. Nagri-ring ang cellphone niya, pero hindi sinasagot. Busy kaya sa palaisdaan kaya hindi niya alam na tumatawag ako? Hindi ko alam, pero nag-aalala ako nang sobra. Hindi nagpakita si Kuya Ram sa hapunan. Wala raw ito sa kubo, ang sabi naman ni Tito Monching. "Baka na kay Cheena," ani Kuya Russel na lihim kong ikinasimangot. Pero hindi ko rin naiwasang kabahan. Paano nga kung gano'n? H'wag naman sana. "Basta h'wag niyang madala-dala ang kahit sinong babae niya sa kubo!" wika naman ni Tita Jona na tumataas ang mga kilay. Noong Martes pa nga nakabalik si Tita Jona sa Talisay Norte, pero napansin ko nitong mga nagdaan na lagi siyang umaalis ng bahay at halos pagabi na umuuwi. Iyon pala ay may bago siyang tinatayong negosyo at kasosyo raw nito ang isang matandang mayaman na kilala sa kabilang bayan. "Sa isang bukas na ang dating nina Ricky. Nagpa-reserve ako ng lechon at ilang putahe. Dito na lang magluluto ng pansit at ng iba pang dessert." "Pupunta ba raw ang mga magulang at ibang kamag-anak ni Faith?" "Oo. Kaya nga maghahanda tayo. Mabuti 'yong makita nila na hindi tayo nauubusan ng pera kahit tayo pa ang gumastos lahat sa kasal..." sagot ni Tita Jona. Marami pang napag-usapan sa mesa, pero ang isip ko ay na kay Kuya Ram. Naisantabi ko muna tuloy ang tungkol sa pagiging ampon ko raw. Sa gabing iyon, pinilit kong makatulog agad para magising nang mas maaga. Plano kong puntahan si Kuya Ram habang wala pang tao sa palaisdaan at nang sa gano'n ay makapag-usap kami nang maayos at mahinahon. "Saan ang punta mo, Chayong?" takang-tanong ni Tito Monching. May naisip na naman akong idadahilan kung sakali. "Ah, Tito, nagbilin kasi si Kuya Ram na ipagluto ko sila ng almusal ng mga gagawa ngayon sa fish pond. Napagdesisyunan ko pong sopas ang iluto kaya may dala akong macaroni at ilang ingredients. Bibili rin ako ng pan de sal na kapartner ng sopas kaya inagahan ko." "Sige. Sumabay ka na kay Totoy para maidaan ka niya sa bukana ng palaisdaan." Ang malayong kamag-anak namin na pumapasada ng tricyle ang tinutukoy niya. "Ngayong oras iyon naalis kaya lumakad ka na. Mag-iingat ka, Chayong."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD