Kabanata 11

2500 Words
"SAAN tayo kakain, Chay?" Nagkunwari akong hindi narinig ang tanong ni Kuya Ram. Nasa mall na kami at nagsisimula nang maglibot-libot. Hindi ko alam kung ano talagang bibilhin niya dahil hindi naman ako nagtanong. Napilitan nga lang akong sumama dahil ipinagpaalam na niya ako kay Tito Monching. At para hindi naman makahalata ang tiyuhin ko na may problema sa pagitan namin ay hindi ako tumanggi. Wala rin kasi akong maidadahilan para hindi sumama. Hindi ko pwedeng sabihin na may gagawin ako dahil sa mga oras na iyon ay aalis nga dapat kami ni Jayson. Mabuti na nga lang at naisip niyang dalhin ang kotse niya dahil kung motorsiklo ang sinakyan namin, siguradong sobrang awkward dahil kakailanganin kong kumapit sa kaniya. At least sa kotse ay pwede ko pa siyang hindi kausapin. Sa labas nga lang ng bintana ako nakatingin sa buong oras ng biyahe namin papuntang bayan. "Ano bang gusto mo? Mahilig ka ba sa ramen?" Hindi ko pa rin siya sinagot. Ramen? Ano ba 'yon? Pagkain pa ba ng tao 'yon? O baka 'yon ang sinasabi niyang bachelor's meal. "Chay, I'm hungry." Nilingon ko si Kuya Ram. "Eh, 'di kumain ka. Dala ko ba ang kaldero?" sagot ko at ibinalik ang pansin sa mga accessories na naka-display sa salaming estante sa aming dinaraanan. Namataan ko maya-maya ang cute na kwintas na may palawit na letter C. Lumapit ako at itinuro iyon sa tindera. "Magkano ang ganitong kwintas?" "One hundred lang ang ganiyan, Ma'am. Gusto n'yo bang makita?" "Sige, patingin!" "Never mind, Miss," pigil ni Kuya Ram sa tindera. "Babalik na lang kami. Chay, mamaya na 'yan. Kumain muna tayo. Kanina pa'ko nagugutom." "Hindi nga ako gutom. Ikaw na lang ang kumain." "Hindi pwede," giit niya sabay dampot sa kamay ko at hinila ako patungo sa escalator dahil nasa second floor ng mall ang mga kainan. Sinubukan kong hilahin ang kamay ko, pero hindi niya talaga ako binitiwan. Wala akong nagawa kundi ang sumunod. Pagdating sa second floor ay tumingin-tingin si Kuya Ram sa mga nadadaanan naming kainan. Itinuro niya ang isang Japanese restaurant. "Gusto mo ba rito?" Napabuntung-hininga ako. "Hindi ako pamilyar sa mga pagkain diyan." Na siya namang tunay kahit pa ilang beses nang nagluto si Kuya Rick ng mga ganoong klaseng pagkain sa bahay. Naaalala ko na nga lang ang pamagat ng ganoong pagkain kapag napapanood ko sa ilang palabas sa TV. Hindi ako nakikitikim man lang dahil sa tingin ko ay masyadong sosyal ang lasa at baka sa sobrang pagka-sosyal ay hindi makasundo ng dila ko. Mayroon pa ngang mga hilaw na isda na hindi ko alam kung paano nila nangunguya at nalulunok. "Ano bang gusto mo? Burger? Pizza?" "Wala." "Baka naman cake? Hindi ka mabubusog sa cake!" Sinimangutan ko siya. "Sinabi ko bang cake? Kung gusto mo ang pagkain riyan, pumasok ka na. Hihintayin na lang kita sa ibaba," wika ko sabay hila sa aking kamay, pero ayaw pa rin niya akong pakawalan. Hinatak na talaga ako ni Kuya Ram papasok sa kainan. Pipiglas pa sana ako, pero ilang tao ang napatingin sa amin. Sa sobrang hiya ko na makatawag kami ng atensiyon ay hindi na ako umangal. Pansinin pa naman si Kuya Ram dahil sa tangkad at hitsura niya. Idagdag pang mestiso siya kaysa sa mga lalakeng taga-roon. Na kahit ibilad siya maghapon sa initan sa fish pond ay mamumula lang ang balat niya o minsan naman ay parang mas lalong lumilinaw at kumikinang. Minsan nga ay gusto kong mainggit sa kulay ng balat ni Kuya Ram. "Ako na ang oorder ng kakainin natin," aniya nang makaupo na kami. Sinenyasan niya ang waiter na lumapit. Gano'n nga ang ginawa ni Kuya Ram. Siya na ang umorder ng pagkain ko at kasama sa mga inorder niya ang ramen. Hindi na lang ako kumibo. Bahala siya kung 'yon ang gusto niya basta hindi ako kakain. Pag-alis ng waiter ay hinarap niya ako. "Tinatawagan kita kanina, pero hindi kita ma-contact." "Busy ako. Maraming ginawa sa bahay." "Busy, pero may time makipag-date," parinig niya. Hindi ko 'yon sinundan. Baka kung ano lang ang masabi ko at malaman niyang pumayag lang akong magpaligaw at makipag-date para makalimutan ko na siya. Maya-maya ay nariyan na ang mga order na pagkain ni Kuya Ram. Kita ko agad ang umuusok na sabaw sa dalawang malaking bowl. Bigla akong nagutom sa amoy. "This is my favorite! Ramen. Kumain ka. Hindi kita ihahatid kapag hindi ka kumain," banta niya. Imbes na maengganyo na akong kumain ay maiinis pa yata ako. "Bakit akala mo hindi ako marunong umuwing mag-isa?" "Don't even try. Pagagalitan ka ng Tito mo." Nagusot ang noo ko. "I mean, ibinilin ka sa akin ni Papa. Kapag hindi kita kasabay umuwi mamaya, magtatanong 'yon. At sasabihin kong tinakasan mo'ko para makipagkita sa kung sino." "At kanino naman ako makikipagkita?" Napipikon na talaga ako sa kaniya. "Kanino pa ba? Malay ko kung may usapan kayo no'ng manliligaw mo na susunod siya rito." "Ang sama ng isip mo! Nakita mo na nga ang nangyari sa kotse ni Jayson. Sa tingin mo makakasunod pa siya?" Nagkibit ito ng balikat. "Kunsabagay." Itinuro nito ang mga pagkain sa harapan ko. "Humahaba ang usapan. Kumain na tayo." Pagkakain ay nagyaya na akong umuwi. Hindi ko na kayang ubusin pa ang nasa pinggan ko. Pero aaminin kong nagustuhan ko ang ilan sa mga Japanese food gaya ng ramen. Tinawag ni Kuya Ram ang waiter para makapagbayad na siya. Paglabas namin ay hinawakan niya ulit ako sa kamay at naglakad-lakad pa kami papunta sa dulo ng second floor. Isang tindahan ng mga alahas ang pinasukan namin. Ito na siguro 'yong sinasabi niya na may bibilhin siya. Binati kami ng nakatalagang bantay. Nahuli ko naman ang matamis na ngiti ng dalawang sales ladies sa loob ng tindahan kay Kuya Ram, pero nang mapatingin ang mga ito sa akin ay biglang nawala ang ngiti. Hinila ako ni Kuya Ram sa estante ng mga kwintas. Nagtingin-tingin siya sa mga naka-display roon. "Patingin nito." Itinuro niya sa babaeng nasa likod ng estante ang isang gold na kwintas. Kinuha naman ng kahera ang itinuro niya at inilapag iyon sa aming harapan. Manipis lang ang chain ng kwintas at may palawit na hugis angkla. Binitiwan ni Kuya Ram ang kamay ko at maingat na dinampot ang alahas mula sa lalagyan. Bumaling siya sa akin. "Tingnan natin kung bagay sa'yo." Natigilan ako. "A-ako?" Hindi siya sumagot bagkus ay kinabig niya ako at pinatalikod. Hindi ko alam kung anong sasabihin habang isinusuot niya sa leeg ko ang kwintas. Inaharap niya ako pagkatapos at saka pinagmasdan ang aking dibdib. Bahagyang nagtayuan ang mga balahibo ko nang magtagal ang mga mata niya roon. "Bagay na bagay sa girlfriend mo, Sir!" pambobola pa ng tindera na ikinasikdo naman ng dibdib ko. "Yeah, I know," sagot naman niya at mataman akong pinagmasdan. Napayuko ako sabay hawak sa kwintas. Hindi ako makatingin nang diretso sa kaniya. Hindi pa nawawala sa sistema ko ang sinabi ng kahera. Napagkamalan talaga akong girlfriend ni Kuya Ram at hindi niya iyon itinama. Isang makalaglag-pangang ngiti ang gumuhit sa mukha ni Kuya Ram maya-maya. "Babayaran ko na, Miss," sambit niya pagkatapos at humugot ng wallet sa likurang bulsa. Wala pa rin talaga akong masabi. Kahit sa isip ko, gusto kong tanggihan ang bigay na kwintas ni Kuya Ram, kinokontra naman ako ng aking puso. H'wag daw at ang dapat nga ay magpasalamat ako dahil kahit nasaktan ako sa mga nasabi ni Kuiya Ram nitong nakaraang araw ay mukhang bumabawi naman ito ngayon. Nasa kotse na kami at pabalik na ng bahay nang magtanong ako. "Ito ba 'yong... sinasabi mong bibilhin mo? O naisip mo lang ito no'ng nakita mong natingin ako sa mga kwintas sa ibaba?" Sa ibang materyales yari ang kwintas na tinuro ko kanina. Hindi gaya ng totoong ginto at ilang libo ang presyo. "Gano'n na nga," pag-amin niya. "Wala talaga akong sadya rito sa mall. I just wanted to save you from embarrassment due to your irresponsible suitor. Magdadala siya ng sasakyan, palpak naman. Hindi man lang niya naisip na pwede siyang ma-flat. Mag-isip-isip ka na, Chay, kung sasama ka pa sa susunod. Paano kung sa public place kayo masiraan o ma-flat-an ng gulong?" "Hindi naman iresponsable si Jayson. Hindi lang niya inaasahan na magkakagano'n." "Ipagtatanggol mo pa. May gusto ka ba sa kaniya?" May banayad na iritasyon sa tono niya. "Kilala ko kasi si Jayson kaya ko siya ipinagtatanggol. Hindi siya iresponsable. Bakit ba parang badtrip ka sa kaniya?" "Bakit ba sa tingin mo? Nagseselos ako kaya badtrip talaga 'ko sa taong 'yon!" Ilang segundo akong hindi nakapagsalita. Hindi ko inaasahan ang isasagot niya. "B-bakit ka ganiyan? Ikaw... pwedeng magselos, pero ako... hindi? Hindi pwede dahil sabi mo hindi nakakatuwa." "Dahil hindi naman talaga nakakatuwa ang mga babaeng selosa. Para sa'kin nakakasakal ang mga gano'ng ugali nila." "At kapag lalake ang nagselos, hindi ba 'yon nakakasakal sa babae?" "Hindi ko alam sa ibang lalake, pero ako, may dahilan ako para magselos. Ayaw ko na may poporma sa babaeng gusto ko. I am a territorial person, Chay. Kapag nabakuran ko na, wala nang ibang pwedeng pumasok." Napipi na naman tuloy ako. Pero ang puso ko, parang baliw na nagwawala sa magkaibang klase ng tuwa. Tumikhim ako. Hindi ko binigyang-pansin ang nararamdaman ko. Heto na naman kasi si Kuya Ram. Binobola na naman yata ako. Pinapaasa ang puso ko. "U-umuwi na nga tayo..." wika ko na lang maya-maya. "Baka abutin ako ng alas siete magagalit si Tito." "I am still your first, Chay," sambit ni Kuya Ram na tila hindi narinig ang pagyayaya ko. Napatingin ako sa kaniya. "Your first kiss..." Kumilos ang kamay niya patungo sa balikat ko at nagsimulang maglaro sa sleeve ng suot kong bestida. Gumapang ang mumunting kilabot ko. "Your first date... " patuloy pa rin niya habang inilalapit ang sarili sa pwesto ko hanggang sa magpantay ang aming mga mukha. Naestatwa ako sa kagwapuhan niya. "And probably... your first boyfriend..." pagtatapos niya bago tuluyang sinakop ng mainit na halik ang nanginginig pang mga labi ko. Inihatid muna ako ni Kuya Ram bago siya nagpaalam na uuwi ng palaisdaan. Naroon si Tito Monching na nanonood ng paborito nitong sports show sa TV. Bukas na raw ng umaga babalik si Kuya Ram at sasabay sa amin sa umagahan. Nagpaalam na siya kanina sa akin, pero inulit niya iyon saktong nasa kwarto ako at pinagmamasdan sa leeg ko ang kwintas na bigay niya. Nagpasalamat ako sa kaniya sa kwintas. Ngumiti si Kuya Ram at isang patakas na halik ang iniwan niya bago tuluyang lumabas ng kwarto at umalis ng bahay. Hindi ako gaanong nakakain sa hapunan. Hindi ko alam kung dahil busog pa ako sa mga kinain sa mall o dahil sa panibagong excitement at tuwa na nabuhay sanhi ng mga nangyari sa hapong iyon . Nahiga na rin agad ako pagkatapos tumulong sa paglilinis ng kusina. Bigla ko namang naalala ang cellphone ko. Sinabi nga pala ni Kuya Ram na ite-text daw niya ako pagdating niya sa kubo. Siguradong kanina pa siya nakapag-text. Kaya naman dali-dali akong bumangon para kunin ang cellphone na iniwan ko kanina sa kwarto niya. Nakuha ko naman agad ang cellphone. Pero halos takasan ako ng aking kaluluwa nang paglabas ko ng pinto ng kwarto ni Kuya Ram ay makasalubong ko si Tito Monching. "Chayong?" kunot-noong bungad sa akin ni Tito. Napatingin siya sa bitbit ko. "Anong laman niyan? At anong ginagawa mo sa kwarto ng Kuya Raphael mo?" Napalunok ako. Bagaman para akong aatekehin sa puso, sinikap kong makapagsalita nang normal. "C-cellphone po... na bigay... ni Kuya Ram..." "O, bakit mo dala 'yan? Anong gagawin mo riyan?" Lumunok ako. "E-eh... naiwan ko po kasi kaninang maglinis ako rito. Uhmm.. i-ibabalik ko na sana.... kay Kuya Ram.... kase po... kase..." Hindi ko alam kung paano dudugtungan iyon. "Kase?" ani Tito Monching na may pagtataka sa mukha, pero maya-maya ay nabantuan iyon ng pang-unawa. "May narinig ka na naman ba sa Tita Jona mo?" Natigilan ako. "P-po?" "Anak ko lang si Raphael. Hindi ng Tita Jona mo. At bigay 'sa'yo ng Kuya mo ang cellphone na 'yan kaya gamitin mo at pakinabangan. H'wag mong pansinin ang mga sinasabi ng Tita Jona mo. Hindi ka ibang tao sa pamilyang ito lalo na sa akin. Kaya kung ano ang natatanggap ng mga anak ko mula sa akin, gano'n din ang dapat na tanggapin mo. Kung paano ang turingang magkakapatid nina Raphael, Ricky at Russel, gano'n din dapat ang turing nila sa'yo. Tandaan mo 'yan, Chayong." Para akong binabagabag nang muling mahiga. Ano kaya ang sasabihin ni Tito Monching kapag nalaman ang tungkol sa amin ni Kuya Ram? Itatakwil ba niya ako? Sa kabila ng kabaitan niya, ganito pa ang ginagawa ko. Siguradong masasaktan siya kapag nalaman na may namamagitan sa amin ng panganay niya. Late na akong natulog kagabi, pero maaga pa rin akong nagising. Pero mas maaga pa rin sina Ate Terya at Ate Mildred na ipinagtataka kong hindi man lang kumikilos para maghanda ng pang-umagahan. "Bakit wala pang almusal?" tanong ko sa dalawa. "Sa fish pond daw tayo mag-aalmusal sabi ni Sir Monching. Nagpaluto roon si Sir Ram sa mag-asawang katiwala at pinapapunta tayong lahat ngayon." Isang sasakyan kaming nagtungo sa kubo. Tatlo kami nina Ate Terya sa back seat, si Kuya Russel ang nagmamaneho at si Tito Monching naman sa passenger seat. Kung nagkataong nakauwi na si Tita Jona, malamang na sa tricycle kami nina Ate Terya sasakay. Pagdating sa palaisdaan ay nagkaniya-kaniyang lakad na kami. Nauuna si Tito Monching. Sinusundan siya nina Ate Terya at Ate Mildred bago ako at sa hulihan naman si Kuya Russel. Kakaba-kaba ang dibdib ko habang papalapit sa kubo. Natanaw ko nga ang iilang tao roon na marahil ay ang mag-asawang katiwala kasama ang anak na binatilyo. At hindi nagtagal ay nakarating na rin kaming lahat. Agaw-pansin agad ang mga pagkaing kaluluto lang at totoong nakakagutom. Karamihan ay inihaw na isdang tilapya at bangus. Mayroon ding malalaking alimango, mga nilagang gulay na may sawsawang kamatis, kalamansi at toyo, at mga itlog na maalat. Bagong saing din ang maputing kanin na nakatumpok nang maayos sa gitna ng dahon ng saging. Boodle fight pala ang almusal na aabutan namin. Parang kailan lang nang mag-boodle fight din kami sa kubo ng mga pinsan ko, pero ang kaibahan ngayon ay gusto ko lahat ang aking mga kasama. Nagsimula nang magyaya si Tito Monching. At mukhang gutom na yata ang lahat kaya nagsipwesto na sa mesa. Hinanap naman ng mga mata ko si Kuya Ram. Nakita ko siyang galing sa may likuran ng kubo. Nagkatinginan kaming dalawa. "Raphael, magsimula na tayo! Ikaw na lang ang kulang!" tawag dito ni Tito Monching. "Sige, 'Pa, nandiyan na," sagot naman ni Kuya Ram at maya-maya ay lumapit na siya sa mesa. Hindi ko nga akalaing sa akin pa siya tatabi. "Dito na'ko," sabi niya at nakangiting sinulyapan ako. Pasimple rin niyang inilagay ang palad sa baywang ko at banayad na pumisil doon. Bahagya akong napaigtad sa ginawa niya. "O, ano pang hinihintay n'yo?" ani Tito Monching sa aming lahat. "Kainan na!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD