NAPASINGHAP ako sa hangin nang itulak ng tubig paahon. Nalasahan ko ang maalat na tubig. Narinig ko ang tawa ng nilalang na naroon din sa ilog. Haharapin ko muna sana siya, pero dinalahit naman ako ng ubo.
“Easy! Okay ka lang, Chay?"
Pinasadahan ko muna ng likod ng palad ang aking bibig at ilong at saka inis na hinawi ang buhok kong nagsabog sa aking mukha. Inis na nilingon ko si Kuya Ram. Halos isang metro lang ang layo niya sa akin. Kitang-kita ko ang gwapo niyang mukha na namumula sa sikat ng araw. Wala siyang pang-itaas at sa linaw ng tubig ay aninag ko ang makinis at maskulado niyang katawan. Nag-iwas ako ng tingin.
"Mahina ka pala! Ang sabi ko tulungan mo’kong umahon! Hindi ko sinabing lumukso ka sa tubig!"
“Lumukso ba’ko? Hinila mo’ko kaya ako pumatak sa tubig!”
Tawa lang ang sagot niya. Inirapan ko siya at lumangoy na papunta sa pampang, pero natigilan at nataranta ako nang makitang sumasabay sa paglangoy ko ang nakalutang na laylayan ng aking suot.
Namilog ang mga mata ko at napahinto sa paglangoy. Napakalinaw pa naman ng tubig kaya kitang-kita ang ibabang bahagi ko. At napakagaan ng tela ng dress kaya kahit anong tulak ko paibaba ay kusa iyong lumulutang. Kulang na lang ay mahubaran na ako.
“Unahin mong makaahon sa tubig! Hindi ‘yan lulubog!”
Napatingin ako sa kasama ko. Hindi ko na inintindi ang mga mata niyang nakatuon sa ilalim ng tubig kung saan nakikipagbuno ang mga kamay ko sa pagtulak sa palda ng aking dress. Inis na tumalikod ako at lumangoy ulit papunta sa pampang. Naka-panty lang man din ako kaya binilisan ko ang kilos at agad inayos ang laylayan ng suot ko.
Napangiwi ako. Napakanipis din pala ng tela noon. Wala ring silbi kahit naibaba ko na ang laylayan dahil bakat na bakat naman ang mga panloob ko na parehong kulay itim. Itim na bra at itim na panty. Tinakpan ko ng mga braso ang harapan at ibaba ko para itago kahit paano ang pamamakat ng aking mga panloob. Mistula akong sisiw na naiwan sa ulanan. Siguradong buhol-buhol ang basang buhok ko. Napakamalas ko naman ngayong araw!
“You left your shoes.”
Nilingon ko si Kuya Ram na dala nga ang pares ng aking doll shoes. Nahubad pala iyon sa mga paa ko nang hindi ko namamalayan. Ibinaba niya ang mga sapatos sa mismong paanan ko. Agad ko iyong isinuot at hindi na ininda ang mga lupang dumikit sa aking talampakan. Nakasimangot ko siyang tiningnan.
“Paano ako ngayon pupunta sa birthday party sa bahay ng mga kaibigan ko? Binasa mo ako!” Kahit crush ko pa siya, nangingibabaw talaga ang inis ko sa sandaling iyon. Inis na may kasamang hiya dahil wala na halos akong naitago sa katawan ko dahil sa pagkakahulog sa ilog. Nag-ayos pa naman ako nang maigi para sa party, pero ngayon ay mukha akong bilasang isda.
"Puro tubig ang nasa paligid mo, Chay. You should expect na mababasa ka."
"Hindi ako basta mababasa kung hindi mo'ko inihulog!" katwiran ko na totoo naman. Pababalik-balik na ako dati pa sa palaisdaan, pero ni minsan ay hindi pa ako nadulas sa mga pilapil at nahulog sa mga pitak ng tilapya.
"Uuwi na lang ako para makapagpalit!" sambit ko at akmang aalis nang hilahin niya sa braso.
"Hey, hey! Where are you going?" kunot-noong tanong ni Kuya Ram. "Uuwi ka nang ganiyan ang ayos mo? Bakat na bakat ang panty mo kulay itim pa naman? Matatakpan mo nga ang nasa harapan, pero ang hugis ng puwit mo kitang-kita."
Ramdam ko ang pagpula ng pisngi ko sa tinuran niya. "K-kasalanan mo kasi 'to, eh! Hindi naman ako nakikipagbiruan sa'yo inihulog mo'ko sa ilog!"
"Kasalanan ko ba na mahina kang humila?" depensa niya na alam kong pang-aasar lang.
Iningusan ko siya. Hindi ko alam na may ganitong ugali ang taong ito. Matured sa edad, pero may pagkaisip-bata pala.
"You're all wet. Bakit ba kasi ang hilig mong magsuot ng maninipis na damit?"
Napatingin ako sa kaniya. At kailan pa nito nalaman na mahilig ako sa maninipis na damit? Sadyang mga luma na lang ang isinusuot ko dahil karamihan ay pinagsawaan ng mga pinsan kong babae at ni Tita Jona. Hindi pa ulit kasi ako nakakabili ng bagong damit at wala pang budget. Ang ibinibigay naman sa akin nina Tito Monching at Kuya Rick ay itinatabi ko para pang-apply ng trabaho sa siyudad at ang iba ay inaabot ko kay Tita Josie para panggastos nila ng mga kapatid kong maliliit. Nakakaawa rin kasi ang kalagayan ng stepmother ko dahil madalas na pinagdadamutan ni Tatay ng sweldo.
"Kitang-kita ko 'yang katawan mo. Come on! Doon tayo sa kubo!" Nagulat ako nang hawakan niya sa braso at hinila papuntang kubo.
"T-teka! A-anong gagawin mo sa'kin?"
Napahinto si Kuya Ram sa paghatak sa braso ko. Matamang pinagmasdan niya ako sa mukha. "Anong gagawin ko sa'yo? Bakit, Chay, ano bang iniisip mo?"
Nag-init na naman ang mga pisngi ko. "W-wala akong naiisip! Tinatanong nga kita kung ano!"
Tumawa siya. "Ano pa ba? Pahihiramin muna kita ng T-shirt para makapagpalit at nang mapatuyo natin 'yang basang damit mo."
Wala akong nagawa kundi ang sundin ang naisip ni Kuya Ram. Sa totoo lang, ayaw ko rin namang lumabas ng palaisdaan na ganoon ang ayos. Wala halos maitago sa katawan ko. Mamaya ay kung sino-sinong makasalubong ko sa kalsada. Siguradong pagchi-chismisan ako ng aming mga ka-baryo. Magpapatuyo na muna ako ng damit. Mainit naman ang panahon kaya makakahabol pa ako sa party ng mga kaibigan ko.
Isang kamisetang dilaw at itim na shorts ang ibinigay sa akin ni Kuya Ram paglabas niya ng kubo. Kinuha ko iyon.
"Towel." Hinila rin niya ang asul na tuwalyang nakasampay sa balikat niya at ibinigay rin sa akin.
"D-doon na ako sa banyo magpapalit."
"Sa loob ka na magbihis," suhestiyon niya. Nagdalawang-isip ako at mukhang nabasa niya iyon sa aking mukha. "Don't worry, Chay, hindi kita sisilipan. Dito lang ako sa labas."
Pagkasara ko ng pinto ng kubo ay dali-dali na akong naghubad ng basang damit kasama ang mga panloob. Pinadaanan ko lang ng tuwalya ang buong katawan ko at nagmamadaling nagbihis. Wala akong panty at walang bra, pero hindi naman mahahalata sa makapal na tela bukod pa sa maluwag sa katawan ko ang kamiseta ni Kuya Ram. Ang shorts naman niya ay umabot sa ilalim ng tuhod ko kaya hindi na siguro ako masisilipan.
Pagkatapos kong kuskusin ng tuwalya ang buhok ko ay lumabas na rin ako ng kubo. Hindi na ako naghanap ng suklay dahil kapag natuyo naman ang buhok ko ay parang hindi rin sinuklay. Dala ang mga hinubad kong damit ay lumakad ako patungo may likuran malapit din sa ilog. Napahinto ako nang biglang sumulpot si Kuya Ram. Nakapagpalit na ito ng pantalon at may suot na ring pang-itaas. Sinalubong niya ako. Kinuha ko ang tuwalya sa balikat ko at inabot sa kaniya, pero ang mga basang damit sa kamay ko ang kaniyang kinuha. Namilog ang mga mata ko at hindi nakapagsalita.
"Ako na ang bahala rito." Tinalikuran niya ako saka mabilis na naglakad papunta sa kakahuyan.
Ilang segundo akong natigilan bago tarantang humabol sa kaniya. Anong gagawin niya sa damit ko? Sa panty at bra ko?
"K-Kuya Ram! A-akin na mga 'yan! Isasampay ko 'yan!"
"Ako na nga."
Ni hindi niya ako nilingon. Huminto siya sa ilalim ng malalaking puno ng kawayan. Natutulalang pinanood ko na lang ang ginawa niya. Piniga niya ang mga basang damit ko at isa-isang isinabit doon sa mataas na sanga ng puno.
"Madaling matutuyo 'yan diyan," ani Kuya Ram at tumingin sa akin. Kinuha niya ang tuwalya sa kamay ko. "May nakasalang pala akong tubig sa kalan. Bantayan mo muna habang nagpapakain ako ng mga alimango. Babalik ako agad."
Naiwan ako sa kubo. Bitbit ni Kuya Ram ang timbang dala ko kanina pag-alis nito. Tinanaw ko siya sa malayong pilapil. Nagpakain na rin ako sa mga alimango katulong si Tito Monching at madali lang naman dahil ihahagis lang ang mga pinira-pirasong hilaw na isda sa tubig. Madalas, sa mismong irigasyon na kami kumukuha ng ipapakain sa alimango. Marami kasing klase ng isda ang nabubuhay sa ilog at naliligaw sa irigasyon at hanggang sa loob ng fishpond. Ang malalaki ay iluluto namin pang-ulam at kapag marami ay ipapamigay ang ilan sa mga ka-baryo. Ang maliliit naman na isda ay hihiwa-hiwain at ipapakain namin sa alimango. Kung minsan, sa ibang ka-baryo namin naggagaling ang pakain. Karamihan kasi sa mga taga-roon ay sa ilog ang hanapbuhay. Kapag nakakahuli ang mga ito ng maliliit na isda o mga semilya ng mga alimango, ibinebenta naman nila sa mga may-ari ng palaisdaan.
Hindi nagtagal ay natanaw kong pabalik na rin ng kubo si Kuya Ram. Nakaupo ako sa mahabang bangko sa gilid ng mesa. Nakatingin ako sa kaniya habang malayo-layo pa, pero nang naroon na siya sa kubo ay nag-iwas na ako ng mga mata.
"N-naisalin ko na sa thermos ang pinakulong tubig."
"Good." Inilagay niya ang timba sa isang gilid. "Magtitimpla ako ng kape nating dalawa. Magmeryenda muna tayo habang hinihintay mong matuyo ang damit mo."
Tinapay na may palaman at three-in-one na kape ang inihandang meryenda ni Kuya Ram. Tig-dalawa kami ng tinapay at tig-isang tasa ng kape. Dinampot agad niya ang sa kaniya at kumagat. Tiningnan niya ako.
"Eat."
Hindi ako kumibo. Kinuha ko ang tinapay ko at nagsimulang kainin. Medyo gutom na nga ako. Hindi kasi ako gaanong kumain kaninang tanghalian dahil nga pupunta ako sa birthday party. Doon ko balak kumain nang marami.
"Sabi ni Rick, graduate ka na. Saan mo balak magtrabaho?"
Hindi ako agad nakasagot. Kapag napag-uusapan ang tungkol doon, nanliliit ako. Hindi kasi ako matanggap-tanggap sa magagandang kompaniya na nasa siyudad. Kaya ang nangyari, sa bayan ako naghanap ng trabaho at nakakuha naman sa ilang maliliit na agency. Hindi nga lang permanente. Mayroon kasi na nagsarado dahil nalugi. Mayroon namang lumipat ng ibang lugar. At gustuhin ko mang sumunod doon, hindi payag si Tito Monching. Okay lang daw sana kung lalake ako ay papayagan niyang mangibang-lugar. Tumulong-tulong na lang daw ako sa palaisdaan o kaya naman ay sa gilingan ng palay kung saan ka-partner siya ng isa ring mayamang negosyante ng aming bayan.
"Naghahanap pa ako ng trabaho. Wala pa lang akong makita."
"Pero ang sabi ng nanay ni Rick, hindi ka na raw magtatrabaho dahil mag-aasawa ka na. Is that true?"
Lihim akong napailing. Iyon din kasi ang madalas kong marinig sa asawa ni Tito Monching- na wala akong balak maghanap ng trabaho dahil naghihintay lang daw ako na may manliligaw sa akin para maging asawa. Ganoon kasi ang karaniwang nangyayari sa mga kababaihan sa aming lugar. Kaya ang sabi pa ni Tita Jona, sayang ang ipinampaaral sa akin ng tiyuhin ko.
"May boyfriend ka ba, Chay? Bakit hindi ko nakikita?"
"Kasi hindi totoo 'ang sinabi ni Tita Jona. Wala akong boyfriend at may balak pa akong magtrabaho."
Pagka-meryenda ay niyaya naman ako ni Kuya Ram na mamingwit ng isda sa irigasyon para raw sa kaniyang hapunan.
"Bakit sa irigasyon pa? Pwede ka naman dito sa mismong fish pond para mabilis." Gano'n kasi ang ginagawa namin. Ayos lang naman kay Tito Monching dahil pagkain daw iyon at hindi ipinagdadamot ang pagkain. Si Tita Jona lang ang nagbabawal dahil nga raw pambenta ang mga isda, hipon at alimango nila.
"Mas gusto ko rito. Mas may challenge." Kumindat siya sa akin. Sumikdo tuloy ang dibdib ko. Muntik pang sumala ang tapak ko sa prinsa.
Tumayo ako malapit kay Kuya Ram. Panay ang tingin niya sa akin habang pareho kaming nakaabang na may kumibit sa pamingwit niya. Hindi tuloy ako mapakali. Ang hitsura ko pa man din, hindi kaaya-aya. Ang lakas pa ng kaba ko.
"Bakit wala kang boyfriend, Chay? Bawal pa ba?"
Nagulat naman ako sa tanong niya. "H-hindi naman. Wala pa lang talaga."
"Pero gusto mo na?" Tiningnan niya ako. "Twenty ka na, 'di ba?"
Tumango ako. "Trabaho muna ang uunahin ko bago boyfriend."
"Paano ka nga makakakuha kung nandito ka lang?"
Doon ako hindi nakasagot. Sa totoo lang, hinihintay kong magbago ang isip ni Tito Monching at mahimok namin siya nina Kuya Rick na payagan akong magtrabaho sa siyudad.
"Pero okay lang naman na dito ka na. Mas tahimik ang buhay sa ganitong lugar."
Napangiti ako. "Totoo 'yan. Kung ako lang din ang masusunod, gusto kong dito na lang ako."
"Pine-pressure ka ba ng nanay ni Rick?"
Natigilan ako. "A-anong ibig mong sabihin?"
Nagkibit siya ng balikat. "Wala naman. Napansin ko lang na medyo stiff siya pagdating sa'yo. Kunsabagay. 'Yon ngang kadugo mo na, binabalewala, 'yon pa kayang pamangkin lang ng asawa?"
Hindi ko gaanong naintindihan ang ibang sinabi niya. Ang naiwan lang sa isip ko ay napansin pala ni Kuya Ram na iba ang trato sa akin ng asawa ng tatay niya.
Maya-maya ay napatili ako nang may kumibit sa pamingwit ni Kuya Ram. Pagtaas niya ng biwas ay naroon sa dulo ng nylon ang nagkukumahog na isdang tilapya. Medyo malaki rin iyon at tama lang sa isang tao.
"May pang-ulam na'ko," masayang sabi niya habang inaalis sa sima ang nguso ng isda.
"Oo nga! Tilapya pa ang nakuha mo. Anong gagawin mong luto riyan?"
Sandaling nag-isip si Kuya Ram. "Gusto ko talaga hilaw eh, pero baka magtiis muna ako sa inihaw," aniya sabay ngisi.
"Hilaw?" Nagusot ang noo ko. "Kumakain ka ng hilaw na tilapya?"
Hindi ko alam kung anong nakakatawa sa tanong ko, pero humalakhak si Kuya Ram. Pulang-pula ang mukha niya. Huminto siya maya-maya at tiningnan ako. "Depende sa may tilapya, Chay." Sabay taas niya ng mga kilay.
Naguluhan ako sa sagot niya. Inilagay niya sa timbang dala ko kanina ang isda at ikinulong doon. Isinandal din niya pagkatapos ang pamingwit sa batang puno ng niyog.
"Gusto ko sanang isalo ka sa hapunan, pero alam baka kailangan mo nang umalis. Mamaya ko na 'to iluluto. Magbihis ka na. Ihahatid muna kita."