Kabanata 3

2476 Words
INIHATID ako ni Kuya Ram hanggang sa bahay ng mga kaibigan ko. Gamit niya ang motorsiklo ng tatay niya na siyang service na ni Tito noon pa man kapag pupuntang palaisdaan. Suot ko ang dress ko na natuyo na sa init at hangin sa fish pond. Iniwan ko na,am sa kubo ang mga hinubad kong damit ni Kuya Ram. Ang sabi ko ay lalabhan ko muna, pero siya na raw ang bahala. Hindi ako makali ng upo sa likuran ng motorsiklo. Nakahawak ang isang kamay ko sa balikat niya habang ang kabila ay sa gilid ng aking inuupuan. Naiilang ako. Kung hindi ko nga lang inaalala na baka malubak kami ay hindi ako kakapit kay Kuya Ram. Para kasi akong sinasakal sa lakas ng t***k ng puso ko. Hindi naman ako ganito kina Kuya Rick at Kuya Russel kapag aangkas ng motor. Siguro ay dahil nga crush ko si Kuya Ram at kahit pilitin kong maalis iyon ay hindi ko magawa lalo ngayon at nakikita ko pa siya. Huminto kami sa labas ng mismong gate nina Mai-mai. Ilang mga kapitbahay ng mga ito na nasa kalsada ang napatingin kay Kuya Ram. Ang isa ay nagbanggit na anak na panganay daw ni Don Monching. Kilala kasi ang tiyuhin ko sa mga kalapit na baryo at halos sa buong bayan. Tuwing mag-e-eleksiyon nga ay may mga pumupunta sa bahay upang hikayatin si Tito Monching na tumakbo bilang konsehal o kaya ay mayor, pero lahat ay mapagkumbabang tinanggihan nito. "G-gusto mong sumama sa loob? Pwede daw akong mag-imbita ng kakilala." Napangiti si Kuya Ram. "Party ng bata 'yan, hindi ako bagay d'yan." "Eh, kakain ka lang naman." Tiningnan niya ako. "Ibang pagkain kasi ang gusto ko, Chay. Bachelor's meal." Nagusot ang noo ko. "Ano 'yon?" Napatawa siya. "H'wag mo nang itanong. Anong oras ka pala uuwi? Pagabi na rin." "Maya-maya rin siguro," sagot ko sa tanong niya. "May mga makakasabay naman ako pag-uwi saka malapit lang 'to sa bahay nina Tito Monching." "You can text me kung gusto mong magpasundo." Nahihiya akong ngumiti. "W-wala akong cellphone. Nakiki-text lang ako at kapag nag-a-apply naman sa trabaho, number nina Tito Monching o ni Kuya Russel ang binibigay ko." Tumango si Kuya Ram. "Pa'no? Dito na ba kita iiwan?" "O-oo. Salamat ulit sa paghatid." "Bayad ko 'yon sa ginawa ko sa'yo kanina," sabi niya. "Wala na'kong atraso, ha?" Napangiti naman ako sa sinabi niya. "Sige na nga! Pero sa susunod, h'wag mo na'kong hihilahin sa ilog." "Sure! Sa iba na lang kita hihilahin." Kinindatan niya ako. Natigilan naman ako sandali. Tumawa si Kuya Ram. "Pumasok ka na nga sa loob. Babalik na'ko sa kubo." Tumango ako. "Okay." Akala ko talaga ay hindi na ako aabot sa party ni Caloy- bunsong kapatid ni Mai-mai. Pero hindi ako nakaligtas sa mga tanong ng dalawa kong kaibigan kung bakit noon lang ako nakarating. Sinabi kong nahulog ako sa ilog. Ang lakas agad ng tawa ni Gelai, pero si Mai-mai, inusisa muna kung paano ako nahulog. "Sa ilog ka ba dumaan papunta rito?" Pwede naman iyon kung tutuusin. Kapag galing sa amin, kaunting lakad lang ay bukana na ng ilog. Sasakay lang ako ng bangka ay madadaanan ko na ang likurang bahagi ng bahay nina Mai-mai. "Hindi. Inutusan kasi ako ni Tito Monching na magdala ng pakain sa alimango. A-aksidente... nadulas ako." "Ah, kaya pala nakita kong hinatid ka ng motor no'ng pinsan mong pogi na taga-Maynila." Napalingon ako sa nagsalita. Tiyahin iyon nina Mai-mai na si Ate Bing na halatang nakikinig sa usapan namin ng mga pamangkin niya. "G-gano'n na nga po, Ate." "Hala, Chayong! Hindi mo man lang kami tinawag para ipakilala sa pinsan mo!" wika ni Gelai. "Bakit pa? Kilala n'yo na naman 'yon, 'di ba?" "Eh, kami kilala ba niya?" tanong ni Gelai. Nagkibit ako ng balikat. "Saka na lang. Nagmamadali rin kasi si Kuya Ram at walang tao sa palaisdaan." Inirapan lang ako ni Gelai. Pinagmamasdan naman ako ni Mai-mai kaya napataas ang mga kilay ko sa kaniya. "B-bakit?" Ngumisi ito. "Wala! Kumain ka na at baka maubusan ka pa ng paborito mong pansit!" Pasado alas nueve na ng gabi nang makauwi ako ng bahay. Kasabay ko sa paglalakad ang isa naming kapitbahay na kinakapatid naman nina Mai-mai. Napasarap kasi ang kwentuhan namin kasama ang ibang mga pinsan at kapitbahay nila kaya hindi ko na namalayan ang oras. Tiwala naman akong hindi pagagalitan ni Tito Monching dahil nagpaalam ako sa kaniya, pero kahit pala inabot ako ng hatinggabi ay wala talagang pupuna sa akin dahil hindi raw umuwi ang mag-asawa ayon sa isa nilang kasambahay na si Ate Terya. "Kumain ka na riyan, Chayong. Kumain na si Sir Russel kanina bago pumanhik sa kwarto niya. Nakakain na rin kami ni Mildred," sabi sa akin ni Ate Terya. "Busog pa ako sa mga kinain ko sa birthday-an, eh. Itatabi ko na lang ang mga ulam sa ref para hindi masira." "Ikaw ang bahala." "Oo, Ate Terya. Matulog na kayo ni Ate Mildred. Ako na rin ang magsasarado ng mga pinto at magpapatay ng ilaw pagkatapos kong itabi ang mga ulam." "S'ya sige, salamat. Mauuna na ako sa'yo." Pag-alis ni Ate Terya ay ginawa ko na ang mga dapat gawin. Tiniyak kong naka-double lock ang mga pinto at maayos ang pagkakasara ng mga bintana bago ko isa-isang pinatay ang mga ilaw sa ibaba at saka pumasok sa aking maliit na silid na nasa likod lang ng hagdan. Nagpalit ako ng pantulog. Saka ko lang naramdaman ang pagod nang nakahiga na, pero bago ako mapapikit ay pumasok sa balintataw ko ang gwapong mukha ni Kuya Ram. Naalala ko ulit ang nangyari sa palaisdaan. "Erase, erase!" sambit ko, kinakausap ang sarili. "Tigilan mo ang kakaisip sa taong 'yon! Pinsan mo siya! Magkadugo kayo kaya bawal 'yan, Chayong! Mahiya ka naman sa tiyuhin mong bumubuhay at nagpaaral sa'yo!" Nagawa ko ngang itaboy sa isip si Kuya Ram, pero ang problema ay nadala ko sa panaginip ang matinding pagka-crush sa kaniya. Sa panaginip ko, inamin ko kay Kuya Ram na crush ko siya. Pinagtawanan daw ako nito. Sa inis ko naman ay hinagisan ko siya ng malaking alimango sa kandungan niya. Nagtatalon naman siya sa takot na masipit. Nagising pa akong nakangiti dahil tawa nga raw ako ng tawa sa panaginip ko. Nang maalala ko ang tungkol sa panaginip ay napangibit ako sa nadamang hiya. "Tantanan mo 'yan, Chay! Nagkakasala ka na!" paalala ko sa aking sarili. Hindi na ako bumalik sa pagtulog. Bumangon ako at nagligpit ng higaan bago pumasok sa maliit din na banyo sa aking kwarto. Naka-daster ako paglabas dahil iyon naman lagi ang suot ko kapag nasa bahay lang at walang lakad. Nakasanayan ko na rin ang pagtulong sa paghahanda ng almusal kaya dumiretso na ako sa kusina kung saan abala na si Ate Terya sa pagluluto. "Good morning, Ate! Anong pang-almusal natin ngayon?" "Heto! Magpiprito ako ng daing na bangus. Paborito pala ito ng pinsan mo." "Ni Kuya Russel?" "Good morning." Sinalakay ng kaba ang dibdib ko nang marinig ang pamilyar na boses. Paglingon ko ay natulala na lang ako at hindi agad nakapagsalita. "Oh? Bakit ganiyan ka makatingin, Chay? May problema ba?" "A-anong ginagawa mo rito... K-kuya Ram?" Nagusot ang noo niya. "Anong klaseng tanong 'yan? Bawal ba ako rito?" Naghagilap ako ng sagot. "H-hindi sa gano'n. A-ano kasi..." Napatingin ako sa malapad na dibdib niya. Humakahab kasi iyon sa suot niyang kamiseta. "Sir Ram, nakita n'yo na po 'yong hinahanap n'yong bag sa mga gamit n'yo?" "Oo, nakita ko na. Ang gulo nga lang sa guest room. Nakakalat sa kama lahat ng laman ng maleta ko," sagot ni Kuya Ram at tumingin sa akin. "Chay, pwede mo bang ayusin 'yong mga nakakalat na damit ko sa kwarto at isalansan sa closet? Babayaran naman kita." Nakadama ako ng hiya sa huling sinabi nito. "H-hindi naman ako maniningil. Kuya Ram. Wala pating kaso 'yon." "Ibig sabihin okay lang sa'yo?" paniniyak niya. "Oo naman. Ipapatas ko nang maayos sa closet ang mga damit mo." "Good. Pero mamaya na lang pagkatapos ng almusal. Sabay-sabay na tayong kumain nina Russ." Nag-isip ako. "Ah... mas mabuti siguro kung ngayon na ako maglinis. Kina Ate Terya na lang ako sasabay ng pagkain. Mauna na kayo ni Kuya Russel." Ngumiti si Kuya Ram. "Ikaw ang bahala." Dumiretso na agad ako sa guest room para maglinis. Puno nga ang kama ng mga damit ni Kuya Ram. Sa pagkakatanda ko ay isang overnight bag lang ang dala niya nang dumating. Pero makalipas ang ilang araw ay may naghatid ng maleta niya sa bahay ni Tito Monching dahil may balak palang magtagal ni Kuya Ram sa probinsiya. Sinimulan ko agad ang pag-aayos ng mga damit. Kinuha ko muna ang mga nakatiklop pa nang maganda at ibinukod. Inihiwalay ko ang mga pang-itaas at pang-ibaba. Hiwalay din ang de-kolor sa mga puti. Napansin ko ngang karamihan sa kamiseta ni Kuya Ram ay plain white. May ilan din siyang polo shirt na sa tela pa lang ay mahihinuha nang may presyo. Kumuha ako ng mga hanger sa closet at doon inilagay ang mga polo shirt at jacket. Ini-hanger ko na rin ang mga pantalon. Natigilan naman ako nang madukot ang puting briefs mula sa bunton ng mga boxer shorts at sando. Sakto namang nagbukas ang pinto ng guest room at pumasok si Kuya Ram. Natigilan ako sandali bago dali-daling isiniksik sa ilalim ng mga damit ang briefs na nakuha. "May tumawag kay Russ," sabi niya at isinarado ulit ang pinto. Bahagya pang namimilog ang mga mata ko. "Nagmamadaling umalis kaya naiwan ako sa ibaba. Ayaw ko namang kumain nang mag-isa kaya sabi ko sa kasambahay, takpan na lang muna ang mga pagkain at mamaya na lang ako kakain. Sasabay na ako sa'yo." Hindi ko alam ang dapat isagot. Napatango na lang ako at itinuloy na ang ginagawa. Naramdaman ko naman ang paglapit niya sa kama. Naupo siya sa gilid sa may bandang dulo at tumingin sa ginagawa ko. "Okay lang ba talaga, Chay? Hindi ka pa raw kasi nakakapagkape sabi ni Ate Terya." "O-okay lang, Kuya..." Lumunok muna ako. Hindi ko alam, pero biglang nanuyo ang lalamunan ko. "M-magkakape na lang ako habang kumakain ng umagahan. Mabilis lang naman 'to." Tumango siya. "Wala ka talagang cellphone, Chay?" tanong niya. Umiling ako. "Paano ka nate-text o natatawagan ng manliligaw mo?" "Manliligaw? Sino?" "'Yong kaibigan ni Russ." Ginusot ko ang noo ko. Malamang na nabanggit ni Kuya Russel sa kapatid ang tungkol doon. "Matagal na 'yon. Wala na 'yong kaibigan ni Kuya Russel dito. Nasa Maynila na raw at nagtatrabaho." "Paano kung bumalik at ituloy ang panliligaw sa'yo? Sasagutin mo?" Napatawa ako. "Hindi siguro," matapat na sagot ko. "Mabait naman si Jayson kaya lang hindi ko talaga siya nakikita bilang boyfriend o ano. Kaibigan lang talaga siya para sa'kin." "Jayson?" Tumango ako. Ngumuso si Kuya Ram. Isa-isa ko nang dinala sa closet ang mga natiklop na damit at isinalansan nang maayos. By color din ang pagpapatas ko. Nasa itaas na pitak ang mga tshirt at sa ibaba ang mga shorts at pantalon. Natapos ko ang pagsasalansan. Naiwan sa kama ang bunton ng sando kung saan ko isiniksik kanina ang briefs ni Kuya Ram. Siguradong may mga kasama pa iyon sa ilalim. "Ah... mauna ka nang kumain, Kuya. Ito na lang naman ang aayusin ko, susunod na rin ako." "Sasabay nga ako sa'yong kumain, 'di ba? Hihintayin na kita." Napakamot ako sa ulo. Mabagal kong hinugot ang sando na nasa ibabaw lang. Naiilang talaga akong nandito siya habang inaayos ko ang mga panloob niya kaya gusto ko sanang iwan na niya ako. Pero mukhang wala talagang balak lumabas si Kuya Ram hangga't hindi ako tapos. Mabuti na lang at may nag-text sa kaniya kaya nakatutok siya ngayon sa cellphone. Sinamantala ko ang pagkakataon at binilisan ang pagbubukod ng mga panloob. Pinagsama ko ang mga boxers at briefs at inihiwalay ang mga sando. Hinakot ko ang mga pang-ibaba at dinala sa drawer ng closet. Doon ko pinagtutupi ang mga boxers at ipinatas nang maganda ang briefs. Isinarado ko rin agad ang drawer pagkatapos at saka binalikan ng mga sando para tupiin. Tapos na sa cellphone si Kuya Ram. "Oh? Okay na?" "Oo." Binuhat ko ang salansan ng sando at ipinasok na sa closet. Isinarado ko na rin iyon pagkatapos. Nakatayo na si Kuya Ram pagharap ko. Hawak niya ang wallet at may kinukuha roon. Alam ko na agad ang gagawin niya. 'O, ito, Chay." Inabot niya sa akin ang tatlong lilibuhin. "K-kuya, hindi!" tanggi kong pinag-iinitan ng mukha. "Ayos lang 'yon! Hindi ako nagpapabayad!" "Hindi 'yan bayad. Bigay ko 'yan. Panggastos mo habang wala ka pang trabaho." "H'wag na! Binibigyan naman ako ni Tito Monching." "Iba 'yong bigay niya sa bigay ko. Kunin mo na. Magagalit ako sa'yo." Wala na'kong nagawa kundi ang tanggapin ang pera. Naisip ko, baka okay na rin 'yon para mawala ang pagkailang ko sa kaniya. Ganito rin naman kasi sa akin sina Kuya Rick at Kuya Russel. Inaabutan nila ako ng pera, pero hindi ako nahihiya. Kaya baka sa kabaitan na pinapakita sa'kin ni Kuya Ram ay masasanay rin ako sa kaniya. Bumalik si Kuya Russel eksaktong kumakain na kami. Nag-cancel daw kasi ang ka-meeting sana nito. Nakahinga naman ako nang maluwag. Kahit paano ay mahahati ang atensiyon ni Kuya Ram dahil may iba pa kaming kasabay sa pagkain. "Chayong, naka-chat ko nga pala si Jayson. Ang sabi, uuwi raw siya rito next month. Kinukumusta ka nga." Hilaw na ngiti ang tugon ko. Kung wala si Kuya Ram, siguradong nasagot ko ang balitang iyon ni Kuya Russel. "Jayson? 'Yong manliligaw ni Chay? Tama?" "Siya nga, Kuya. Mabait naman 'yon. 'Yon nga ang manok ko para kay Chay." "Talaga?" ani Kuya Ram at tumingin sa akin. Wala siyang kangiti-ngiti. Lalo tuloy akong nailang. Maya-maya pa ay natapos na ako sa pagkain. Nang matapos naman ang dalawa ay nagligpit na rin ako ng hapag at dinala ang mga pinggan sa kusina. Nasa mesa pa ang magkapatid at busy sa kwentuhan. Naghuhugas ako ng mga pinggan nang marinig kong nagpaalam si Kuya Ram na babalik sa palaisdaan. Magpapakain pa raw siya ng mga bangus at tilapya. "Sige, Kuya, ingat! Kapag may time, mag-boodle fight tayo sa kubo," sabi ni Kuya Russel. "Sure," sagot naman ni Kuya Ram. Nawala ang mga boses ng nag-uusap. Akala ko tuloy ay nakaalis na talaga si Kuya Ram kaya nagulat ako nang makita siyang lumalakad patungo sa lababo. Grabe ang kaba ko! Hindi ko talaga namalayan ang pagpasok niya sa kusina. "Busy ka pala." Dahil yata sa pagkagulat kaya hindi ko magawang magsalita. Tumayo siya sa gilid ko at hinawakan ako sa baywang. Nanigas ako sa ginawa niya. Nilabanan ko ang tensiyon. Nag-iisip ako ng sasabihin nang sorpresahin naman niya ako ng isang halik sa mga labi. "Aalis na'ko..." Naestatwa ako sa pagkakatayo. Nakita ko na lang na lumabas na si Kuya Ram ng kusina at naiwan akong nawiwindang sa nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD