Kabanata 1

2213 Words
SA isang kasalan nagsimula ang lahat. May dalawang linggo na ring naikakasal sina Kuya Ricky at Ate Faith at simula noon ay lagi ko nang naririnig ang pangalan niya. Raphael Miguel Edades o Kuya Ram. Anak si Kuya Ram ni Tito Monching sa pagkabinata. May pagkapilyo nga raw ang tiyuhin ko kaya nakabuntis sa edad na labing-pito. Dahil mga menor de edad pa, inilayo ng mga magulang ng babae ang anak nila mula kay Tito Monching. Hindi pinasama kay Tito kahit na pumayag ang mga Lolo at Lola ko na magsama muna ang dalawa at hintaying dumating sa tamang edad bago ipakasal. Tuluyang inihiwalay ng mga magulang nito ang babae. Ni hindi nakita ni Tito Monching ang paglaki ng tiyan ng dating nobya. Nabalitaan na lang ng tiyuhin ko na nagsilang ito ng isang sanggol na lalake. Alam ko na noon pa na may anak sa labas si Tito Monching. Noong nabubuhay pa ang Inay ko, bunsong kapatid ni Tito, madalas kong naririnig ang tungkol doon. Matagal ko na ngang alam, pero hindi ko pa talaga nakikilala noon si Kuya Ram. First time ko lang itong nakita sa venue ng wedding reception nina Kuya Rick at Ate Faith. Sa mismong araw kasi ng kasal ito dumating at isang tingin ko pa lang dito ay kumalabog na agad nang matindi ang dibdib ko. Halos hindi ko mabawi ang mga mata ko mula sa kaniya. Noon lang kasi ako nakakita ng ganoon kagwapong lalake at sobrang tangkad pa. Gwapo at matatangkad din naman ang mga pinsan ko na sina Kuya Rick at Kuya Russel, pero para sa akin ay naiiba siya. Siguro ay dahil mas mature siyang tingnan, malalalim ang mga mata na parang sa isang dayuhan, perpekto ang tangos ng ilong, makakapal ang mga kilay, matitigas na mga panga at mga labing natural na mapupula. Unang kita ko pa lang sa kaniya ay nasabi ko na agad sa aking sarili na crush ko siya kaya laking pagkadismaya ko nang malamang siya pala ang panganay na anak ni Tito Monching. Mula nga noon ay kinalimutan ko na ang nararamdaman at sinadyang umiwas kay Kuya Ram. Kahit kasi alam ko nang magkamag-anak kami, hindi ko pa rin mapigilan ang kaba ko sa tuwing nakikita ko siya. "Chayong!" Nasa gate na ako nang marinig ang tawag ni Tito Monching. Alas kwatro na ng hapon at papunta na sana ako sa mga kaibigan kong kambal na sina Gelai at Mai-Mai. Birthday kasi ng kapatid nilang bunso at invited ako. Sinabi kong susubukan kong pumunta dahil sa totoo lang ay nahihirapan akong magpaalam kay Tito kapag nandiyan ang asawa niyang si Tita Jona. Lumingon ako at nakita si Tito Monching na palapit, may bitbit na isang maliit na timba na may takip at isang pangkainaman sa laki na eco-bag. "Bakit, Tito?" tanong ko. "Paalis ka na ba?" tanong din niya. "Opo. Bakit, Tito?" "Isaglit mo nga muna ang mga ito sa kubo." Nagtambulan agad sa dibdib ko pagkarinig ko pa lang sa kubo. Inilagay ni Tito Monching ang eco-bag at timba sa kamay ko. Hindi ako lalo nakaimik. "'Yang nasa timba ay pakain sa mga alimango. Ang nasa bag ay mga gamit sa kubo," ani Tito. "Iabot mo sa kuya mo. Ako sana ang magdadala kaya lang ay paalis ang Tita Jona mo at nagpapahatid sa akin. Ipaliwanag mo na lang kay Raphael na may pinuntahan akong importante kaya ikaw na ang pinaghatid ko. Sige na, lumakad ka na! Paalis na rin kami ng tiyahin mo. Pagkahatid mo ng mga iyan ay saka ka tumuloy sa pupuntahan mo." Hindi ko nagawang tanggihan ang utos ni Tito Monching. Bukod sa wala namang mahirap sa inuutos niya, napakalaki ng utang na loob ko rito kaya nakakahiya naman kung sa simpleng utos ay hindi ko siya susundin. Napakabait na tiyuhin nito. Hindi ako nito pinabayaan nang namatay ang aking Inay. Hindi gaya ni Itay na isang taon pa lang ang nakakalipas mula nang mabiyudo ay nakakuha na ng bagong asawa, at mula noon ay hindi na ako initindi, si Tito Monching ang nagtaguyod sa pangangailangan ko at nagtuloy sa pagsuporta sa aking pag-aaral. Mabait naman ang napangasawa ni Itay, pero dahil ang tatay ko ang kumikita sa kanila ni Tita Josie, wala ring magawa ang stepmother ko para tulungan ako sa mga gastusin ko sa pag-aaral. Maipagmamalaki kong kahit paano ay nakatapos ako ng dalawang taong kurso sa tulong ng tiyuhin ko. At pagka-graduate ko nga ay kinuha na rin ako ni Tito Monching at doon na pinatira sa bahay nila. Sa kasalukuyan ay magdadalawang taon na akong nakikitira sa kanila at habang wala pang nakukuhang regular na trabaho ay sinisikap ko na lang na makatulong sa mga gawain sa bahay pati na sa kanilang malawak na fishpond kung saan nakatayo ang sinasabing kubo at kung saan ako patungo ngayon. Nakisakay na lang ako sa tricycle ng isang kamag-anak na palabas ng aming compound. Dumadaan naman iyon sa kalsadang lupa na papunta sa bukana ng fishpond. Medyo liblib nga ang aming lugar sa parteng ito ng Talisay Norte. Napapaligiran kami ng dagat, ilog, gubat, mga palayan at mga palaisdaan kaya naman hindi katakatakang pagsasaka at pangingisda ang pangunahing kabuhayan ng mga tao sa amin. Mayaman sa natural resources ang Talisay Norte, pero mahirap ang buhay ng mga tao. At kung hindi ka magsisipag, wala ka ring makakakain dahil madalang ang may regular na trabaho at permanenteng pinagkakakitaan. Bumaba na ako sa paliko dahil papunta pa ng bayan ang tricycle. Ang daan naman na patungo sa fishpond ay sa kasalungat na direksiyon at kailangan pang pumasok ng kakahuyan bago ang pinakabukana. Binaybay ko ang kalsadang lupa na patungong kakahuyan. Masukal nga sa parteng iyon kaya kailangang maingat sa paglakad kung hindi mo gustong sumabit ang mga paa mo sa mga baging at nakausling ugat ng puno. Tunog ng mga naaapakang tuyong dahon at mga siit ang maririnig sa tuwing may dumadaan sa loob ng kakahuyan. Paglampas naman doon ay ang bungad na ng palaisdaan. Mula roon ay hilera na ng mga matatandang niyog at mga batang puno ng niyog na nakatanim sa gilid ng mga pilapil. Iba't ibang halaman din ang tumutubo sa tabi mismo ng mga palaisdaan. Sa malayo ay matatanaw na ang sinasabing kubo. Simula na rin iyon ng mahaba-habang lakarin dahil mahigit sampung ektaryang lupa ang sakop ng palaisdaan nina Tito Monching. Anim na malalaking pitak ang bumubo roon. Bukod pa ang pinaka-irigasyon na siyang karugtong ng malaking ilog kung saan naman nagmumula ang tubig ng lahat ng fish pond sa aming bayan. Isang mahabang pilapil ang nilakaran ko na nasa pagitan ng dalawang malalaking pitak ng palaisdaan. Sa pagkakaalam ko ay alimango ang laman ng nasa kaliwa at mga tilapya naman ang nasa kanan. Tag-araw kaya santing pa rin ang init sa alas kwatro ng hapon. Mabuti na lang na may mga puno ng niyog na nakatanim sa gilid kaya may mga parte ng daan ang malilim at kahit paano ay hindi masakit sa balat ang sikat ng araw. Gayunman ay mainit ang ihip ng hangin na animo ka nasa tabing-dagat dahil tubig-alat nga rin ang pumapasok sa palaisdaan. Matapos ang ilang minutong lakarin ay kaunting hakbang na lang ako hanggang sa kubo. Paglampas ng pilapil ay maiksing tulay na kahoy naman sa ibabaw ng irigasyon at pagbaba ng irigasyon ay ang lupang tinambakan ng mga maliliit na batong-buhay na siyang pinakaharapan ng bahay. Ipinatong ko muna ang mga dala ko sa mesang kawayan na nasa labas sa bandang tagiliran ng kubo. Doon kami madalas magsalo-salo at mag-boodle fight dahil maaliwalas sa parteng iyon na nabububungan ng mga pawid. Sa likod ng mesa ay ang nagsisilbing kusina ng kubo. Naroon ang kalan at maliit na lababo. Paglampas naman sa lutuan ay ang pinto na ng banyo. "Tao po?" Nagsimula na akong magtawag. Bagaman ilang beses na akong nakapasok sa loob ng kubo, nanatili lang akong nakatayo sa labas habang tinatawag ang bantay roon. "K-Kuya Ram?" Walang sumagot. Napakatahimik nga ng paligid. Iyon talaga ang isa sa mga gusto ko sa tuwing naroon sa palaisdaan dahil malayo sa ingay ng mga tao at mga sasakyan. Paminsan-minsan ay may mga bangkang-de motor na tumatawid sa ilog na nasa likod lang ng kubo, pero paglampas naman ng bangka ay tahimik na ulit at tanging lagaslas ng tubig, mga huni ng ibon, at ihip ng hangin na lang ang maririnig sa buong paligid. Sadyang masarap magpalipas ng oras sa palaisdaan at ang totoo ay gusto ko na laging nagpupunta roon. Ngayon na lang ako umiiwas dahil simula ng umalis papuntang Palawan ang mga bagong kasal para sa kanilang honeymoon ay roon na rin sa kubo tumigil si Kuya Ram. Akala ko ay ang kasal lang kapatid ang dinaluhan nito, pero nakaplano na pala itong magbakasyon dito sa aming bayan. Wala pa raw itong planong bumalik ng Maynila. Gustong-gusto naman ng tiyuhin ko dahil nga matagal nitong hindi nakapiling ang anak na panganay. Bata pa raw si Kuya Ram nang huling makita ni Tito Monching kaya naman gulat na gulat ito nang dumating si Kuya Ram sa kasal ng kapatid at talagang hindi ito nakilala ni Tito. Problemado na agad ako noong sabihin ni Kuya Ram na roon muna ito sa aming bayan at magbabakasyon. Akala ko kasi ay sa bahay nina Tito Monching ito titigil kaya iniisip ko pa lang na lagi kong makikita si Kuya Ram ay binabalot na ako ng pagkabalisa. Kaya nang sabihin nitong sa palaisdaan gustong tumigil ay nakahinga ako nang maluwag. Ayaw pa ngang pumayag ni Tito Monching dahil nga laking-Maynila ito at ilang taon ding tumira sa States. Baka raw mainip ito o kaya ay hindi maging komportable kapag doon sa palaisdaan titigil, pero mapilit ang anak. Walang nagawa si Tito kundi ang pumayag. Katunayan ay may isang linggo na mula nang tauhan ni Kuya Ram ang kubo at iyon naman ang unang pagkakataon na pupunta ako sa palaisdaan na ito ang bantay. "K-Kuya Ram? Kuya..?" Inulit-ulit ko na ang pagtawag, pero wala pa ring sumagot. Luminga ako sa paligid. Walang senyales na may tao, ngunit sa laki at lawak ng palaisdaan, posibleng nasa tabi-tabi lang si Kuya Ram. Nagdalawang-isip pa ako nang una kung papasok sa kubo, pero dahil gusto ko nang makaalis agad ay itinulak ko nang dahan-dahan ang pinto. Tumambad sa akin ang kawayang-sahig. Sa sulok noon ay may isang itim na overnight bag na may ilang piraso ng damit na nasa ibabaw. Makikita rin agad na walang tao kaya iniwan ko na ang pagsilip at isinarado na ulit ang pinto. "Kuya Ram!" Nilakasan ko na ang boses ko. Kung pwede lang sanang iwan ko na lang ang mga pinadala ni Tito Monching ay ginawa ko na, pero baka pagalitan ako ng tiyuhin kapag nalaman na ganoon. Nagbilin pa naman ito na ipaliwanag ko kay Kuya Ram kung bakit imbes na ito ay ako ang naghatid ng mga ipapakain sa alimango. Mainit pa rin sa oras na 'yon, pero sadyang nakaka-relax ang ganda ng tanawin. Imbes na mainis dahil tumatagal ang pakay ko ay hinanap ko na lang ang bantay ng palaisdaan. Una kong tinungo ang likuran ng kubo kung saan ang ilog. Natanaw ko agad ang malinaw na tubig. Nakakaengganyong lumubog. Kung sa ibang pagkakataon, baka nga nakatalon na ako sa ilog, pero hindi iyon ang tamang oras para maglangoy. Bukod sa may pupuntahan pa ako, summer dress na light blue ang suot ko at higit sa lahat, may ibang tao sa palaisdaan kaya maling ideya ang maligo sa ilog. "Kuya Ram!" Wala pa ring sumagot. Inakala ko na wala talagang tao kaya naman napalundag ako sa gulat nang may biglang umahon mula sa tubig na nasa mismong ibaba ng kinatatayuan kong lupa. "Chay! You calling me?" Mistula akong tinamaan ng kidlat at hindi nakapagsalita. Nakatunghay sa akin si Kuya Ram at kitang-kita ang perpektong hanay ng mapuputing ngipin niya sa malapad na pagkakangiti. "Kanina ka pa ba? Sorry, hindi kita narinig." Saka lang ako natalimuanan nang magsalita ulit si Kuya Ram. Napaawang sandali ang mga labi ko at may bahagyang panic nang sumagot. "H-hindi! Ngayon-ngayon lang!" Tumango siya. "Aahon na rin ako. Come here! Madulas ang lupa sa parteng 'ya. Dito ako aahon." "H-ha?" "Pumunta ka rito!" Itinuro niya ang matabang sanga ng puno. Nakalublob ang kalahati ng matandang puno sa tubig at ang isang sanga nito ay nakaunat sa may pampang. Nag-atubili man nang una ay sinunod ko rin ang utos niya. Maingat akong tumulay sa sanga hanggang sa mayapos ko ang pinakakatawan ng puno. Kumapit akong mabuti. Tubig ang nasa ilalim ko. High tide pa naman kaya siguradong malalim sa parteng iyon. Tumingin ako kay Kuya Ram. "A-anong gagawin ko?" Parang wala ako sa sarili. "Tulungan mo'ko!" utos ulit niya at inabot ang kamay sa akin. Lumunok muna ako bago atubiling inabot ang kaliwang kamay sa kaniya. Ang kanang kamay ko ay nakayapos nang mabuti sa puno. At dahil iyon ang unang pagkakataon na mahahawakan ko ang kamay ni Kuya Ram, doon natuon nang husto ang isip ko. Kaya laking gulat ko nang hilahin niya ako at natigatig sa pagkakatayapos sa puno. Nawalan ako ng panimbang. Nagkandudulas ang mga paa ko sa sanga at kahit anong gawin kong kapit sa puno at dasal ay wala ring nangyari. Tumakas ang isang tili sa lalamunan ko bago ako tuluyang bumagsak sa tubig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD