Kabanata 9

2410 Words
KUMAKAIN na si Kuya Ram nang mag-ring ang cellphone ni Kuya Russel. “Sasagutin ko muna ‘to, ‘Pa.” Tumayo agad si Kuya Russel at lumabas ng kubo para sagutin ang tumatawag. Itinuon ko ulit ang tingin ko sa iniinom na juice. Inutusan kasi ako ni Tito Monching na magtimpla ng juice para sa aming apat. Sila na nga lang sanang mg-aama ang ititimpla ko, pero naisip kong kailangang may iniinom nga ako dahil mapapanisan ako ng laway sa hindi pagsasalita. Mula pa kasi kanina ay nakikinig lang ako sa kwentuhan nila. Hindi naman ako makasali sa usapan dahil bukod sa ayaw ko, hindi rin naman ako maka-relate. Hindi naman nagtataka si Tito Monching dahil sanay na siya sa akin. Kapag ganitong may kausap siya at kasama niya ako, lagi lang akog tahimik sa gilid at nag-iintay kung kailan sila matatapos. “Magbabanyo lang ako,” paalam ni Tito Monching sabay tayo sa upuan dahilan para bahagya akong mag-panic. Pag-alis kasi nito ay naiwan kami ni Kuya Ram sa mesa. Iniwasan ko na lang na mapatingin sa gawi niya at ipinako ang mga mata ko sa hawak na baso. “Okay ka lang, Chay?” Narinig kong tanong niya kaya nag-angat ako ng mukha. Kaswal lang ang reaksiyon niya. Tipong nagtapon lang siya ng tanong para masabing kinakausap niya ako. “O-okay lang po,” sagot ko naman at nagbawi agad ng tingin. Tumanaw ako sa mga pitak ng palaisdaan. Sa gilid ng mga mata ko ay nakikita kong tuloy sa pagkain si Kuya Ram. Mabulunan ka sana… Naalala ko tuloy bigla ‘yong panaginip ko tungkol sa kaniya. Sa panaginip ko kasi ay nagtapat ako ng feelings dito, pero pinagtawanan niya lang ako. Sa inis ko ay hinagisan ko siya ng alimango. Ano kaya kung manghuli ako ng alimango at pagkatapos ay itali ko sa tulugan niya nang hindi niya nalalaman? Makaganti man lang sa panloloko at pagpapaasa niya sa’kin. Napabuntung-hininga ako sa naisip. Pati tuloy ang walang malay na alimango ay nasasali sa problema ko kay Kuya Ram. At bakit pa ako gaganti? Walang ibang mabuting gawin kundi kalimutan ko na siya at ang mga nangyari sa amin. Naglalaro lang si Kuya Ram at ako ang nakita niyang pwedeng paglaruan. Ako itong tanga at pumayag dahil may gusto ako sa kaniya. Kahit alam na alam kong kasalanan 'yon dahil magpinsan kami. Hindi nagtagal ay naroon na ulit si Tito Monching. Naupo ito sa dating pwesto habang natanaw ko naman si Kuya Russel na pabalik na rin. “’Pa, aalis ako," paalam nito. "Dadaanan ako rito ng mga kaibigan ko. Pumunta raw sa bahay, eh wala ako. Dito itinuro ni Mama.” “Sige. Mag-iingat ka at h'wag kang magpapagabi nang husto.” “Thanks, ‘Pa.! Kuya Ram... Chay, aalis na muna 'ko!" Tumango ako kay Kuya Russel at mabilis na itong naglakad palayo. Maya-maya pa ay tapos na rin sa pagkain si Kuya Ram. Akala ko naman ay magyayaya nang umuwi si Tito Monching nang maubos niya ang juice. Tumayo lang pala siya para lumipat sa pwesto kanina ng anak. Sinimulan niyang ayusin ang mga trap ng alimango. Hindi iyon natapos ni Kuya Ram dahil kumain muna nga ito. "Ako na ang magtatapos nito, Raphael. Kung may iba kang gagawin, gawin mo na lang." "Magsasaboy lang ako ng pakain sa mga bangus sa dulong pitak." Kumilos ito para kumuha ng feeds sa mga nakaimbak na sako. "Sige. Isama mo si Chay para may katulong ka." Hindi sumagot si Kuya Ram. Naramdaman ko lang nang lingunin niya ako. Hindi naman ako kumibo dahil hindi ko pwedeng tutulan ang suggestion ni Tito Monching. Isa pa, dati na akong tumutulong dito sa pagpapakain sa mga isda. Malayo ang sinasabing pitak dahil nasa pinakadulo na iyon ng mahigit sampung hektaryang palaisdaan na pag-aari ni Tito Monching. Sa bahaging iyon nga ng fish pond kami madalas mamulot ng mga kuhol at susong pilipit dahil doon ang mas marami. Ilang minuto ang nilalakad pagpunta roon. At kung hindi sa mga matataas na punongkahoy sa gilid ay bilad na bilad na naman ako sa init ng araw. Sa kabila ng mga punong iyon ay ang ilog. Low tide kaya kitang-kita rin ang mga sala-salabid na malalaking ugat. "Chay..." Dinig ko ang tawag niya. Binilisan ko pa ang paglalakad. May dala akong tabo na may lamang feeds. Matulin ang paglakad ko, pero ramdam ko na nasa likuran ko lang si Kuya Ram. "Chay, mag-usap nga tayo." Hindi ko siya tiningnan. "T-tungkol saan... Kuya?" tanong ko. Tuloy ako sa paglalakad. "Tumigil ka muna para makapag-usap tayo." "Mamaya na lang. Tanghali na kasi ang pagpapakain. Baka gutom na ang mga isda." "Makakapaghintay ang mga isdang 'yan!" Nahimigan ko ang inis sa tono niya. Hindi ako sumagot. Tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa maramdaman ko ang kamay niya sa braso ko. Hinila niya ako at sapilitang pinaharap. Muntik ko pang mabitiwan ang hawak na tabo. "Ano ba, Chay? Galit ka ba? Nagseselos ka ba?" May diin sa huling tanong niya. Lumunok ako. Kahit alam kong iyon ang nararamdaman ko at pwedeng nahahalata rin ni Kuya Ram, hindi ko iyon aaminin sa mismong harapan niya. "Bakit naman ako magseselos? May karapatan ba'kong magselos?" tapang-tapangan na balik ko. "Exactly. Kaya bakit ka ganiyan?" Hindi ako nakakibo. Talo ko pa ang sinampal sa sagot niya. "Tell me, Chay, pinaasa ba kita? May kasunduan ba tayo? May pinangako ba'ko sa'yo?" Napakurap-kurap ako. At kahit ramdam ko ang panginginig sanhi ng sama ng loob ay pinilit kong sumagot. "W-wala." "Then stop acting like a jealous girlfriend. Hindi nakakatuwa." Napagkit sa isip ko ang mga sinabi ni Kuya Ram. At sa tuwing babalikan ko, nakakaramdam ako ng panliliit at hiya sa aking sarili. Mali nga na umasta akong nagseselos gayong wala naman talaga kaming relasyon. Isa pa, magpinsan kami. Hindi ko dapat ipagtaka na ibaling niya ang atensiyon sa iba dahil wala namang pupuntahan ang sa amin. At kung hindi pa iyon ang dahilan, malamang na hindi talaga ako gusto ni Kuya Ram bilang babae. Ano bang laban ko doon sa Cheena? Nakita ko na iyon kaya alam kong maganda siya. "Tito..." Nang gabing iyon, nilapitan ko ang tiyuhin ko para kausapin. Hindi naman na bago ang bagay na ipapakiusap ko sa kaniya, pero nagbakasakali ulit ako. "Chayong, bakit? May kailangan ka?" "Tito Monching... nakausap ko kasi 'yong dati kong kaklase noong high school. Si Thelma, un anak ng katiwala sa rice mill." "Tungkol saan naman?" "Tinatanong niya ako kung interesado akong pumasok na promodizer sa mall sa Maynila. Iyon kasi ang trabaho niya at maganda raw ang kita. Kapag gusto ko raw at nakapasok ako, doon na rin daw ako tumuloy sa boarding house niya kasi may bakante pa naman na kama. Malapit lang din daw 'yong boarding house sa trabaho niya." "Chayong, ilang beses na tayo nag-usap tungkol diyan. Hindi kita papayagan. Mag-aalala lang ako sa'yo. Hindi mo kabisado ang mga tao sa Maynila." "Eh, kasama ko naman po si Thelma na taga-rito lang din sa atin." "Kahit na," matigas na sabi ni Tito Monching at matamang tiningnan ako. "Sabihin mo nga, Chayong, ayaw mo na ba rito at gusto mong umalis?" "G-gusto ko lang po na may sariling pagkakakitaan..." "Bata ka pa. H'wag kang magmadali dahil makakahanap ka rin. Pero dito lang sa bayan natin para hindi ka na lalayo." "Nahihiya na po kasi ako sa inyo." "Bakit ka mahihiya? Ibang tao ba ako sa'yo? Kung kailangan mo ng pera at may bibilhin ka, magsabi ka. Alam ko namang itinutulong mo sa mga kapatid mo ang binibigay namin sa'yo ni Ricky." "'Yon nga po ang isa sa mga dahilan kung bakit gusto ko nang magkaroon ng maayos na trabaho. Para masuportahan ko ang mga kapatid ko." "Chayong, hindi mo obligasyon ang bagong pamilya ni Narciso. Hayaan mo ang Tatay mong gumawa ng paraan para mabuhay ang mga anak niya. Sapat na 'yong inaabutan mo ang madrasta mo ng galing sa amin. Dito ka lang. H'wag mong iintindihin ang mga naririnig mo sa Tita Jona mo. Ibinilin ka sa akin ng Inay mo kaya hindi kita pwedeng pabayaan." Bigo na naman ako na baguhin ang isip ni Tito Monching. Kung nagkataon pala na rebelde ako at pasaway, baka tinakasan ko na lang siya. Pero hindi ko iyon magagawa sa kaniya. Mahal na mahal ko si Tito Monching at siya lang talaga ang itinuturing kong magulang. Nahiga na ako pagkatapos magbihis ng pantulog. Hawak ko ang cellphone ko at binabalikan ang palitan namin ng text messages ni Kuya Ram. Gumapang ang hinanakit sa dibdib ko. Sa inis ko ay isa-isa kong binura ang mga text niya. Naisip ko na nga ring isoli sa kaniya ang cellphone, pero baka magtaka naman ang mga kasama ko sa bahay. Oras kasi na ibalik ko ay mawawalan na naman sila ng contact sa akin. Mag-iipon na lang muna siguro ako ng pambili ng cellphone kahit mumurahin. At kapag nakabili na'ko, saka ko isosoli ang bigay ni Kuya Ram. Hindi ko na lang ipapaalam sa iba para wala nang magtanong. Ang mahalaga ay mako-contact pa rin naman ako ng mga kasama ko sa bahay lalo na ni Tito Monching. Tahimik ang isip ko buong umaga kinabukasan. Madilim pa raw ay umalis na si Tita Jona. Pupunta itong Antipolo dahil may dadalawing kamag-anak na maysakit kaya inihatid ni Tito Monching hanggang terminal ng bus. Hindi rin nagpakita si Kuya Ram sa almusal. Hindi naman ito hinanap ni Tito Monching noong kumakain na kami. Umalis nga rin si Tito pagkatapos mag-umagahan dahil may mga aasikasuhin daw sa katabing bayan. Si Kuya Russel naman ay nasa kwarto lang at walang lakad. Malaya akong nakagalaw buong araw nang walang inaalalang sisita o hindi naman kaya ay iiwasan na tao. Nakipanood pa nga ako kina Ate Terya ng paborito nilang drama sa hapon habang nagmemeryenda ng pizza na pina-deliver ni Kuya Russel. Bandang alas sais ay nagsasaing na ako sa rice cooker. Nagsimula na ring magluto sina Ate Terya ng mga uulamin sa hapunan. May ilang minuto nang nakakauwi si Tito Monching, pero nakita kong lumabas ito kanina at malamang ay nasa bahay ng kumpare niya. "Chay, halika rito sandali!" Iniwan ko sina Ate Terya sa kusina nang marinig ang tawag ni Kuya Russel. Naabutan ko siya sa living room kasama si Jayson na mukhang kakarating lang. Hindi naman ako gaanong nagulat dahil noon pa man ay madalas na si Jayson na tumambay roon at nakikipagkwentuhan sa kaibigan. "Good evening, Chay," nakangiting bati niya sa akin. '"Jayson, nandito ka pala?" "Oo. May dala ako para sa'yo." Hindi ko alam kung paano kukunin ang isang kahon ng cake na binibigay niya. "P-para saan 'to? Hindi ko pa naman birthday." "Ano ka ba, Chay? Ganiyan talaga kapag nanliligaw," tatawa-tawang sabat ni Kuya Russel. "Sinong nanliligaw?" Nagulat ako nang marinig ang boses ni Tito Monching. Kapapasok lang nito at mukhang inabutan pa ang sinabi ni Kuya Russel. Natahimik kami. Lumapit si Tito Monching at tiningnan ang bisita ng anak. "Jayson?" "Good evening po, Tito." "Ikaw ba ang nanliligaw sa an- pamangkin ko?" "Tito, hindi po. H'wag po kayong maniniwala kay Kuya Russel. Magkaibigan lang kami ni Jayson." "Ah, opo!" sang-ayon ni Jayson na ikakatuwa ko na sana kung hindi lang niya dinugtungan ang sinabi. "Pero totoo po ang sinabi ni Russ. Gusto ko pong ligawan si Chay. Payagan n'yo po sana ako." Hindi ako nakaimik. Napatingin sa akin si Tito Monching. Hindi ko alam kung bakit imbes na magalit ay parang maiiyak pa siya. "B-baka naman... bobolahin mo lang ang pamangkin ko. Eh, mabuting ngayon pa lang ay umalis ka na," kalmadong sabi ni Tito, pero naroon ang pagbabanta. "Hindi po! Malinis po ang hangarin ko kay Charlyn." Hindi agad nakasagot si Tito Monching. Ilang beses niya akong tiningnan bago malalim na nagbuntung-hininga. "Wala namang problema sa akin kung may manliligaw sa pamangkin ko. Pero hindi ba at nasa Maynila ang trabaho mo? Paano mo mabibisita rito si Chayong kung malayo ka?" "Uuwi po ako every weekend para makita ko siya." Tumingin sa akin si Jayson. "Hihingi na rin po ako ng basbas na maipasyal si Chay paminsan-minsan." "Si Chayong ang tanungin mo. Ang importante sa akin ay hindi madedehado ang pamangkin ko." Ngumiti si Jayson at tumingin ulit sa akin. "Okay lang ba, Chay?" "Sus, oo naman! Hindi ba, Chay?" "Russel, h'wag mong pangunahan ang pinsan mo," saway ni Tito sa anak. Tumingin ako kay Jayson. Matagal ko na siyang kakilala at alam kong mabuting tao siya. Ayaw ko man ng naiisip ko, pero baka nga kailangan kong ibaling sa iba ang aking atensiyon para tuluyang makalimutan si Kuya Ram. "O-okay lang naman, pero..." Kumamot ako sa ulo at alanganing ngumiti. "Hindi ako nangangako, Jayson, ha. Kaibigan kita. Ayaw kong masira 'yon." "Naiintindihan ko, Chay. Walang problema." "O, paano? Eh, 'di lalabas kayo bukas? Magkakaro'n ka na rin ng first date sa wakas!" Napasimangot ako. Gusto ko talagang hilahin ang buhok ni Kuya Russel sa oras na iyon kung hindi lang kaharap si Tito Monching. "Anong meron?" Lahat kami ay napatingin sa bagong dating na walang iba kundi si Kuya Ram. Awtomatikong nagwala ang puso ko pagkakita sa kaniya. Nakatayo siya sa may pintuan at nakataas ang mga kilay nang tiningnan kami isa-isa. "May good news ba, Russel?" Kinalaunan ay huminto ang mga mata nito kay Jayson. "Oh. May bisita pala kayo?" "Raphael, halika! Tamang-tama ang dating mo at nagluluto na ang mga kasambahay. Sumabay ka na sa hapunan." Pumasok si Kuya Ram. Nakaputing kamiseta siya, maong na pantalon at rubber shoes. Mukhang may lakad ito o kaya ay may pinuntahan at kauuwi lang. Malamang na kasama nito si Cheena. "Kuya, kaibigan ko nga pala, si Jayson. P're, siya ang kuya ko. Kasinggwapo ko, ano?" pagpapakilala ni Kuya Russel sa dalawang lalake. Ngumiti naman si Jayson. "Good evening, 'Tol." "Kuya Ram, taga-rito lang din si Jayson sa atin at umuwi lang para magpaalam kay Papa tungkol kay Chay." Nagusot ang noo ni Kuya Ram at bumaling sa akin. Napatingin din siya sa kahon ng cake na hawak ko pa rin hanggang sa oras na iyon. "Tungkol saan?" Lumingon ulit sa akin si Kuya Ram. Sa pagkakataong iyon, may halo nang pagdududa ang titig niya. Napapasong nag-iwas ako ng tingin. Naiinis ako sa sarili ko. Kahit anong klaseng pag-reject ang gawin niya ay hindi pa rin nagbabago ang epekto niya sa akin. "Gustong manligaw sa pinsan mo, Raphael. Pumayag na'ko. Kaysa naman kung sino-sinong hindi naman natin kakilala ang magkatipo rito kay Chayong."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD