Kabanata 8

2398 Words
“SALAMAT, Chay…” naiiyak na sabi ng madrasta kong si Tita Josie. “Nahihiya ako sa’yo, anak. Kung tutuusin, marami ka nang naiipon at nakakabili ka na rin ng mga gusto mo.” “H’wag mo nang isipin ‘yon, Tita Josie. Para naman sa mga kapatid ko ang ibinibigay ko sa inyo. Basta kapag meron ako, mag-aabot ako sa inyo. Tanggapin n’yo na lang dahil alam ko naman na hindi kayo nabibigyan ni Itay sa sweldo niya.” “Pasensiya ka na, anak, ha? Pasensiya na talaga! Paglaki-laki ni bunso, mamamasukan na ulit ako para hindi na ako lalapit ulit sa’yo. Salamat sa kabaitan mo, Chay.” “Walang anuman po, Tita Josie.” Isang ngiti ang iginawad ko bago yumakap sa kaniya. Nakipagkwentuhan lang ako nang kaunti sa mga kapatid ko at pagkatapos ay nagpaalam na maya-maya. Inihatid ako ni Tita Josie sa may tabing kalsada dahil doon na ako mag-aabang ng tricycle. Hindi pa ako nakakasakay ay natanaw ko ang pagdating ng motorsiklo ni Itay. Pumarada iyon sa gilid ng kalsada malapit sa kinatatayuan namin ni Tita Josie. Bata pa ako ay nagtatrabaho na si Itay bilang security guard sa bangko sa kabilang bayan. Pero dalawang araw na raw na hindi ito nakakapasok dahil may kung anong inaasikaso. Nagtanggal si Itay ng helmet at lumapit sa amin. “Chayong, nandito ka pala! Pauwi ka na? May mga pasalubong ka ba sa mga kapatid mo? May dala ka bang alimango?” “Wala akong gaanong dala, ‘Tay. Kaunting tinapay at prutas lang ang pasalubong ko kina Iking at Waldo.” “Wala man lang isda? Hindi ka nanghingi sa Tiyo Ramon mo?” “Nahihiya na ako, ‘Tay, eh. Kada uwi ko rito, nagdadala ako ng galing sa palaisdaan. Baka mag-away na sila ng asawa niya. Kilala n’yo naman si Tita Jona.” “Oo naman! Hayun nga at nadaanan ko sa bayan. Inirereklamo ka sa akin. Nagsisira ka raw ng gamit niya. Aba, Chay, ayus-ayusin mo naman! Mabuti nga at may kumukupkop sa’yo. Gantihan mo naman ng pagiging masinop at masipag ang pagtira mo kina Jona.” Hindi na lang ako kumibo. Alam ko naman na walang sasabihing maganda si Tita Jona tungkol sa akin. At itong si Itay, madali namang maniwala. “Josie, ipaghain mo nga ako. Gutom na gutom na’ko! Iniwan mo pa ang mga bata sa bahay. Anong klaseng ina ka ba?” Tinalikuran na kami ni Itay pagkasabi noon. Tumingin ako sa madrasta ko. "Sige na, Tita, pumasok ka na. Ako na ang bahalang mag-abang ng masasakyan ko." Tumango naman siya. Nagpasalamat ulit sa akin at nagsabing mag-iingat ako sa biyahe bago siya nagmamadaling sumunod kay Itay. Isang sakay sa tricycle at dalawa naman sa jeep at pagkatapos ay lalakarin ko na lang ang pauwi sa bahay ni Tito Monching. Nasa isip ko na ang mga gagawin ko pagdating, pero hindi ko inaasahan na may naghihintay pala sa akin. Nasa terrace sina Kuya Russel at ang kaibigan nitong si Jayson. Halatang nasurpresa pa ang huli nang makita akong papasok sa terrace ng bahay. Bigla ring napatayo si Jayson at agad lumapit sa akin. “Chay…” “O, Jayson, umuwi ka pala? Kailan pa?” “Kagabi lang. Gabing-gabi na ako nakarating kaya hindi na ako nakadaan dito para magpakita. Ngayong umaga na nga lang ako sumadya, pero ang sabi ni Russel, umuwi ka raw sa inyo.” “Bumisita lang ako sa mga kapatid ko.” “Chay, kanina pa ‘yan naghihintay sa’yo! Hindi nga mapakali at ang gusto ay sunduin ka na namin sa Ibaan Sur,” tukoy ni Kuya Russel sa bayan nina Itay. “P’re naman! Wala naman akong sinabing gano’n. Ang sabi ko lang, baka mahirapan si Chay sa pagkuha ng masasakyan pabalik kaya mabuti kung susunduin na natin.” Tumingin uli sa akin si Jayson. “Pero akala ko nga mamaya ka pa. Maaga ka sa inaasahan ko. Hindi na tuloy ako nakapaghanda.” Nagusot ang noo ko. “O, bakit? Ano bang dapat ihanda?” “H-ha? W-wala naman. ‘Yong mga pasalubong ko sa’yo, Chay, nasa kotse. Kukunin ko lang.” At mabilis ngang nakababa ng terrace si Jayson para puntahan ang nakapark na kotse niya sa labas ng gate. “Chay, CPA na ‘yang si Jayson, pero halatang patay na patay pa rin sa’yo. Wala pa raw siyang girlfriend. Sagutin mo na kasi kapag niligawan ka ulit!” “Kuya Russel, tumahimik ka nga riyan!” Tawa lang ang sagot ng pinsan ko. Maya-maya ay nakabalik na ulit si Jayson. Nakalabas na rin ako galing sa kwarto ko at nakapagbihis ng pambahay. Wala pa si Tita Jona. Kukunin ko lang ang mga pasalubong at magpapasalamat kay Jayson, pero aatupagin ko na ang mga gawain sa bahay. Ayaw kong madatnan ako ni Tita Jona na walang ginagawa. “Maraming salamat sa pag-aabala. Ikukuha ko ulit kayo ni Kuya Russel ng maiinom.” “Ah, Chay, pakilabasan na nga rin kami ng yelo. Nagpapabili kasi ako ng beer.” “Sige, Kuya, sandali lang! Jayson, maiwan muna kita riyan. Salamat ulit sa mga pasalubong!” “You’re welcome, Charlyn.” Napangiti ako nang tawagin nito sa totoo kong pangalan. Pumasok na ulit ako ng bahay at inilagay muna sa isang tabi ang mga dala ni Jayson bago sinunod ang utos ni Kuya Russel. Hindi na ulit kami nakapag-usap ni Jayson. Abala na kasi ako sa mga gawaing-bahay. Alam ko namang nauunawaan niya at isa pa, naroon naman si Kuya Russel na kaibigan niya. Bandang alas sais nang magpaalam si Jayson. Lumabas ako sandali sa kusina dahil tinutulungan ko si Ate Mildred sa pagluluto. “Sinabi na kasi na rito na maghapunan. Parating na pati si Papa.” “Next time na lang, p’re. Babalik pa naman ako dahil hindi pa kami nakapagkwentuhan ni Chay.” Sabay tingin niya sa akin. Ngumiti ako. “Ingat ka pag-uwi. Thank you ulit sa mga dala mo.” Si Kuya Russel na lang ang naghatid kay Jayson hanggang sa gate. Bumalik naman ako sa kusina para ituloy ang ginagawa roon. Saktong naghahain kami ng hapunan nang dumating si Tita Jona. Tinanong agad ako ito kung nilabhan ko ang mga damit na pinalalabhan niya. “Opo. Tita. Tapos na po.” Maya-maya pa ay naroon na rin si Tito Monching. Kumakain na kami nang magtanong siya kay Kuya Russel. “Ano bang sabi ni Raphael?” “Hindi sumasagot, ‘Pa. Baka busy si Kuya Ram. Puntahan mo na lang bukas nang umaga.” “’Yan palang si Raphael,” sabat ni Tita Jona, “nakita kong may kaangkas na babae sa motor sa bayan kanina. Hindi ba at sabi ni Lander ay may girlfriend na ‘yan? Taga-Maynila nga raw at artistahin ang hitsura. Hindi naman siguro estupido ang anak mo para pumatol pa sa mga taga-rito? Baka mamaya niyan ay nagdadala pa pala ng babae sa kubo. Pagsabihan mo ‘yang anak mo!” “Bakit ko naman pagsasabihan? Natural, lalake! Eh, 'di magsasama ‘yon ng babae!” “Aba at ang kunsintidor! Okay lang magsama-sama ng babae, pero h’wag sa palaisdaan. Malas sa negosyo ‘yan!” Napailing na lang si Tito Monching at hindi na nakipagtalo pa. Hindi na naman agad ako nakatulog sa gabing iyon. Kinakain ako ng lungkot dahil sa mga narinig na usapan kanina sa mesa. Kung totoo ang sinabi ni Tita Jona, ibig sabihin ay hindi lang ako ang binobola ni Kuya Ram. Baka palikero talaga siya. Sobrang palikero na kahit ako ay hindi niya pinaligtas. Alam niyang magpinsan kami. At ako naman itong si gaga na nagpauto at hinayaan si Kuya Ram na gawin ang gusto niya sa akin. Ang hirap tuloy mag-move on. Dapat talaga ay pinanindigan ko ang pag-iwas ko para hindi ako ganito kaapektado. Nasasaktan kasi ako kapag naiisip na wala palang malalim na ibig sabihin ang nangyayari sa amin ni Kuya Ram. Nasasaktan ako at hindi ko alam kung hanggang kailan ko mararamdaman ang ganito. Wala ring Kuya Ram na sumulpot sa umagang iyon. Pinatawagan ito ni Tito Monching kay Kuya Russel, pero hindi raw ma-contact ang numero. “Mahina kasi ang signal sa fish pond, ‘Pa,” wika ni Kuya Russel. Ipinagpatuloy na nito ang pagkain matapos ibaba ang cellphone. “Ang sabihin mo, Anak, ayaw magpaistorbo ng kapatid mo. Naku, Darling! Puntahan mo na ang isang ‘yon at baka nga inuwi sa kubo ‘yong babaeng nakita ko kahapon!” Tunog naeeskandalo ang boses ni Tita Jona. Sa totoo lang, ako ang kinakabahan sa sinasabi nito. Parang hindi ko matatanggap na may babae ngang dinala si Kuya Ram sa kubo. Animo may buhol sa loob ng aking tiyan habang iniisip kung anong ginagawa nila. Si Kuya Ram pa naman ang tipong kapag gusto ay hindi basta mapipigilan. Mas matatanggap ko pa na may girlfriend si Kuya Ram na naiwan sa Maynila dahil noong panahon na ‘yon ay wala pa namang namamagitan sa aming dalawa. Pero ngayon..? “Chayong, anong problema?” Napaangat ang mukha ko nang marinig ang tanong ni Tito Monching. Tatlo sila na nakatuon ang tingin sa akin- kina Tito Monching at Kuya Russel ay may halong pagtataka at pag-aalala habang si Tita Jona naman ay napapataas ng mga kilay. “Umiiyak ka ba, Chay?” tanong naman ni Kuya Russel. Napaigtad ako sa pagkakaupo. Saka ko lang na-realize na umiiyak nga ako. Mabilis akong nagpahid ng mga luha at muling tumingin kina Tito Monching. “H-hindi…” natatawang iling ko kay Kuya Russel. “M-may naalala lang po ako, Tito. Ayos lang po ako,…” Pagkakain ng almusal ay niyaya ni Tito Monching si Kuya Russel sa palaisdaan. Nagpahanda pa ito kay Ate Midred ng pagkain na dadalhin daw kay Kuya Ram. “Chayong, sumama ka rin,” sabi ni Tito Monching. “Bakit naman isasama mo pa si Chayong?” sabat naman ni Tita Jona. “Ang daming trabaho rito sa bahay na mas dapat unahin.” “Eh, bakit ba? Katulong ba rito ang pamangkin ko?” balik naman ni Tito Monching dahilan para matahimik kaming lahat lalo na si Tita Jona. Hindi na ako nagpalit ng damit. Sanay naman akong pupunta sa palaisdaan na nakapambahay lang. Napapatingin ako kay Tito Monching habang sakay kami ng kotse niya papuntang palaisdaan. Nasa unahan siya at si Kuya Russel naman ang nagmamaneho. Sa totoo lang, maraming beses na naman akong ipinagtanggol ni Tito Monching kay Tita Jona. Pero hindi ko inaasahan ‘yong kanina. Lalo ko tuloy minahal at nirerespeto si Tito Monching. Sa pagiging ama pa lang sa akin, wala na sa kalingkingan niya si Itay. Hindi niya binabalewala ang para sa kapakanan at kaligtasan ko. Ramdam ko lagi ang malasakit niya kahit anak lang naman ako ng kapatid niyang bunso. At iyon nga rin siguro ang isa sa mga dahilan kaya hindi ko siya masuway. Na kahit gusto kong sumubok ng kapalaran sa ibang lugar, hangga’t ayaw ni Tito Monching na umalis ako sa poder niya ay hindi ako aalis. Abala sa kubo si Kuya Ram nang dumating kami. Inaayos niya ang mga trap para sa alimango. Ang iba kasi roon ay tastas na ang net dahil sinisira ng sipit ng mga ito. “Hindi ka kasi nasagot sa tawag ko kaya pinuntahan ka namin. Nag-aalala si Papa," paliwanag ni Kuya Russel. Tumayo si Kuya Ram. Nagkahulihan kami ng mga mata, pero maagap ako. Agad kong inilipat ang tingin ko sa mga trap. “Pasensiya na, ‘Pa,” ani Kuya Ram kay Tito Monching. “Dead batt kasi ako kagabi. Ngayon ko lang naalalang mag-recharge.” “Ayos lang, Raphael. Heto, may dala kaming pang-almusal mo. Baka hindi ka pa kumakain, kumain ka na muna.” At ipinatong ni Tito Monching ang dalang cooler sa mesa. “Salamat. Kakainin ko na lang pagkatapos ko rito.” “Bakit mo naman nalimutan mag-recharge kahapon? May bisita ka siguro kagabi?” Nanunudyo at nananantiya ang tono ni Kuya Russel. Hinuhuli ang kapatid. Napatawa naman si Kuya Ram. “Bakit mo alam? May nagkwento?” Natigilan ako bigla. Sa klase ng sagot niya ay inaamin na niyang totoo. “Nakita ka raw ni Mama na may kaangkas na babae sa motor sa bayan kahapon. So totoo pala?” “Uhm… Oo.” Nanginig ang aking mga tuhod sa narinig. Tumingin pa ako kay Kuya Ram sa pag-asang babawiin niya ang sagot at sasabihing joke lang iyon. Pero hindi. Malapad pa ang ngiti niya habang nakikinig sa sunod na mga tanong ni Kuya Russel. “Dinala mo rito ‘yong girl?” “I invited her over. Sumama naman.” Ngumisi si Kuya Russel. “Dito mo pinatulog?” Humalakhak si Kuya Ram. “Sira! Inihatid ko rin kagabi sa bayan.” “Ah! Kaya pala nalimutan mong mag-recharge ng phone at hindi ka na rin nakadaan sa bahay.” Tawa na naman ang sagot ni Kuya Ram. Napalunok ako. Wari ko ay tinutusok ng maliliit na karayom ang puso ko. Literal palang sumasakit ang dibdib kapag ganito. Gusto kong maiyak. “Sinong babae 'yan, Raphael? Kilala ko ba?” “Cheena, 'Pa," sagot ni Kuya Ram na siyang ipinanlamig nang husto ng sikmura ko. "Pinsan ng maid of honor sa kasal ni Ricky. We met at the reception. Aksidenteng nagkita kami kahapon sa mall sa bayan at nabanggit niya na matagal na raw niyang gustong mabisita ‘tong fish pond. Niyaya ko sandali para makita niya.” “Si Cheena ba, Kuya Ram? Bata pa ’yon, ah! ‘Sing tanda lang yata ‘yon ni Chay." Sabay lingon sa'kin ni Kuya Russel. “Bakit? Alangan ba ang edad ko sa edad ni Chay? Bata pa rin naman ako, ah?” Natawa naman nang todo sina Tito Monching at Kuya Russel. Si Tito Monching ay parang proud pa sa panganay niya. “Raphael, hindi ba’t nasabi ni Lander na may nobya ka sa Maynila?” “Hiwalay na kami bago ako pumunta rito. Pero nag-uusap pa rin kaming dalawa. Nagkukumustahan.” “So ibig sabihin, Kuya, single ka ngayon? At may potential na si Cheena ang kasunod?” Nagkibit ng balikat si Kuya Ram at sumulyap sa direksiyon ko bago sinagot si Kuya Russel. “She’s fine. Why not?” Nagtawanan ulit silang mag-aama, pero hindi ako. Gusto ko na lang maglaho. Gusto kong umalis at h'wag nang makita pa si Kuya Ram.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD